Tag Archives: karahasan sa pilipinas

Bakit Kailangang Ibalik ang Death Penalty sa Pilipinas

Drugs, gun-for-hire killings, murder, rape, child prostitution, kidnapping, robbery, acts of terrorism at malversation of public funds – ito ang mga lumalalang krimen sa lipunan natin. Ito rin ang mga problemang ipapamana natin sa ating mga anak.

Subalit para sa lahat ng krimen na ito ay may isang kandidatong solusyon. Ito ay ang pagbabalik ng Death Penalty sa Pilipinas.

bitay sa pilipinas

Narito ang ilang mga dahilan kung bakit kailangang ibalik na sa ating bansa ang Death Penalty, now na!

  1. Dahil hindi natatakot sa batas ang mga kriminal
  2. Dahil dumadami ang mga kriminal at nagkukulang ang mga pasilidad para i-contain sila
  3. Dahil nababawasan ang resources ng bansa sa pag-aaruga ng mga kriminal sa kulungan
  4. Dahil nagiging headquarters lang ng mga kriminal ang kulungan
  5. Dahil hindi naman lahat ng kriminal ay nagdudusa kahit nahatulan na
  6. Dahil may mga kriminal na hindi hihinto sa kasamaan habang nabubuhay sila
  7. Dahil lumilikha ng mga bagong kriminal ang mga kriminal
  8. Dahil binabago ng tiyak na kamatayan ang perspektibo ng isang tao (nagsisisi, nagiging banal, tinatanggap ang nagawang pagkakamali, hinahanda ang sarili para sa pagpanaw)
  9. Dahil kahit walang malasakit sa tao ang mga kriminal, may malasakit siya sa sarili niyang buhay (pwede silang mapigilan sa paggawa ng krimen kung alam nilang  tiyak na kamatayan ang magiging parusa sa kanila)
  10. Dahil mapipigilan ng death penalty ang pagdami ng mga vigilante na inilalagay ang batas sa kamay nila

Dapat din syempreng repasuhin agad ang judiciary system natin upang magkaroon ng mabilis, pantay at malinis na paglilitis sa mga krimen.

Maraming ginagawang paraan ang pamahalaan natin para dumami ang mga turista at foreign investment sa Pilipinas. Pero kung ibubuhos lang sana nila ang kanilang puwersa at paggastos ng pera sa pagbabawas ng krimen sa bansa, siguradong dadami ang lokal na negosyo, ang pagdayo ng mga turista at investments sa ating bansa.

Gusto ko na sana tapusin ang post na ito sa pagsuporta sa Death Penalty subalit ang mapait na katotohanan ay hindi magiging epektibo ang Death Penalty sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa.

Sa kasamaang palad, narito ang mga dahilan kung bakit hindi magiging epektibo ang death penalty sa Pilipinas.

  1. Dahil sa corruption sa loob ng PNP
  2. Dahil sa corruption sa loob ng mga kulungan
  3. Dahil sa corruption sa judiciary system (mabagal na proseso at nababayarang mga judges)
  4. Dahil sa corruption ng government officials (lalo na sa LGU level)
  5. Dahil sa kahirapan sa bansa (iaalok ng mga mahihirap kapalit ng pera ang kanilang sarili para akuin ang kasalanan ng mga mayayaman)

Ang dapat gawin ng ating bansa kung ganon ay:

  1. Eradicate corruption sa lahat ng sangay ng Pamahalaan at pribadong sektor
  2. Improve education and basic services para sa mga mamamayan
  3. Impose Death Penalty Law

Pero parang loop, hindi ba? Paano mo mai-eradicate ang corruption kung hindi natatakot sa batas ang mga corrupt? At paano naman sila matatakot kung alam nilang hindi naman sila mapaparusahan?

Kailangang ma-eradicate muna kung ganon ang katiwalian sa lahat ng sektor ng ating lipunan. Pero kung wala nang korapsyon, kailanganin pa kaya natin ang death penalty?

Related articles:

Advertisements

Funeral Service Businesses, Patok sa Pilipinas

Mandaluyong, Philippines – Naghahanap ka ba ng magandang negosyo? Kasalukuyang umuunlad diumano ang mga funeral businesses sa bansa ayon sa Business Insider Asia.

pilipinas funeral service
patuk na patok na negosyo sa Pilipinas ang funeral services

Bukod sa mga punerarya, nakikita ring nagbu-boom ang business ng mga sementeryo at cremation services para sa mga bangkay.

Nagkakaroon na rin ng mataas na demand para sa mga sepulturero at embalsamador na dumoble ang monthly salary at benefits kumpara sa standard compensation nitong nakalipas na limang taon.

Sa isang panayam ng The Pinoy Site, sinabi ni Mang Kandoy, 51, embalsamador, “Opo, totoo pong malaki ang kita naming mga embalsamador at hindi kami nawawalan ng trabaho. Nagpapadami po sa trabaho namin yung mataas na antas ng krimen sa bansa natin ngayon.”

Kinumpirma naman ng isang cremation service owner na 60% ng mga bangkay na kanilang kini-cremate buwan-buwan ay namamatay sa kriminalidad kagaya ng mga biktima ng riding in tandem, rape slay, away kalye at iba pang mga gun related at drug related violence.

Tinuran ng mga funeral service owners na ang natitirang 40% sa kanilang mga “kliyente” ay yung mga namatay sa aksidente, sakuna o sakit.

Itinanggi naman ng PNP na tumataas ang kriminalidad sa bansa at iginiit na isolated cases lamang ang lahat ng krimeng nangyayari sa Pilipinas.

Inaasahan ng mga funeral service owners na lalong magbu-boom ang kanilang business ngayong papalapit na ang 2016 elections dahilan sa tradisyunal na tumataas ang rate ng violence sa lahat ng parte ng bansa tuwing eleksiyon.

********************************************

Note: Ang balitang ito ay walang katotohanan at kathang-isip lamang.

Hindi Safe Tumira sa mga Corrupt na Bansa

Ito ang lumilitaw na relasyon ng katiwalian sa pangkalahatang kaligtasan ng mga mamamayan ng isang bansa.

Ang Transparency International ay isang international organization na kumakalap ng impormasyon sa patungkol sa antas ng katiwalian sa iba’t-ibang bansa ng ating umiikot na daigdig. Narito ang pinaka-latest na resultang nakalap nila.

corruption ranking of the philippines

Samantala, isa pang international organization, ang Vision of Humanity ang kumakalap naman ng impormasyon sa antas ng kaligtasan (safety) ng iba’t ibang mga bansa. Ayon sa kanilang latest report, ang mga bansang Iceland, Denmark at Austria ang mga pinaka-safe na tirhang bansa sa buong daigdig.

Sa listahang ito, ang Pilipinas ay matatagpuan sa malayong bilang na 134.

mga ligtas tirhan na bansa

Pansinin natin na ang mga bansang may mababang antas ng katiwalian ang siya ring mga bansang pinaka-safe tirhan. Paano nakaka-apekto ang katiwalian sa overall peace and order ng isang bansa?

Ang sagot sa tanong na iyan ay hindi ko alam. Wala akong research firm at wala akong perang pampatayo nito.

So instead, ang gagawin natin ay huhulaan natin ang ilang mga posibleng dahilan kung bakit hindi safe tumira sa mga bansang mataas ang antas ng katiwalian.

Mga dahilan kung bakit hindi safe mabuhay sa mga bansang mataas ang antas ng katiwalian:

1. Hindi natatakot sa batas ang mga masasamang-loob

2. Hindi ipinapatupad nang maayos ang mga batas hinggil sa peace and order

3. Kakulangan sa mga pasilidad at kasangkapan upang maipatupad nang maayos ang mga batas

4. Hindi nagtatrabaho ng maayos ang mga nasa katungkulan

5. Ninanakaw ang pondong nakalaan para sa pagpapatupad ng peace and order

Kung magseseryoso ang Pamahalaan natin na solusyunan ang mataas na krimen sa ating bansa, kailangan din nitong pagbuhusan ng lakas at pwersa ang pagsugpo sa laganap na katiwalian sa ating lipunan.

Nagpapakahirap ang ating bansa na manghikayat ng mga dayuhan para bumisita at/o magtayo ng negosyo sa ating bansa pero kung hindi natin maipapakita sa kanila at sa ating mga mamamayan na ligtas mabuhay sa Pilipinas, ang lahat ng ito ay walang patutunguhan.

Yes to Peace and Order!
END CORRUPTION NOW!!!

Inuubos ang Negosyante sa Pilipinas

Exaggerated siguro pero totoo po ‘yan. Bukod sa mga journalists, parang inuubos na rin ang mga negosyante sa Pilipinas. Sa mga balitang sinusubaybayan ko, tila yata araw-araw eh may mga negosyanteng pinapatay.

negosyante sa pilipinas 1

Narinig mo na siguro yung sinasabi ng ilang mga financial advisors na hindi ka yayaman kung namamasukan ka lang. Ini-encourage nila ang mga tao na mag-negosyo at maging sarili nilang amo.

Magandang payo ito lalo na sa kalagayan ng Pilipinas ngayon na mataas ang unemployment rate.

Ang mga negosyante ay nakakabawas sa kumpetisyon ng mga naghahanap ng trabaho. At ang mga successful na negosyante naman eh nakakalikha pa ng mga bagong trabaho para i-hire ang mga taong naghahanap ng mapapasukan.

negosyante sa pilipinas 2

Bukod sa mga company employees na sapilitang nagbabayad ng buwis, isa din ang mga negosyante sa bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa kontribusyon nito sa pagdagdag ng trabaho, pagpapadaloy ng pera sa merkado, at sa mga binabayarang buwis ng mga entrepreneur.

Imagine, hindi ka nag-migrate sa ibang bansa. Nagsikap kang itaguyod at palaguin ang iyong negosyo para guminhawa ang iyong buhay at ng iyong mga mahal sa buhay. Nakakatulong ka sa ekonomiya at sa mga umaasa sa iyong negosyo. Pero sa kasamaang palad, papatayin ka lang ng mga:

  • karibal mong negosyante
  • salot na kriminal na magnanakaw
  • naiinggit sa tagumpay mo

Ang uri ng peace and order na meron sa ating bansa ay nangangailangan ng malaking improvement para sustentuhan ang anumang economic breakthroughs na sinasabing nakakamit natin.

negosyante sa pilipinas 3

Pag-isipan sanang mabuti at gastusan ng malaki ng ating Pamahalaan ang pagpapanatili ng kaligtasan hindi lang ng mga negosyante kundi pati ng mga pangkaraniwang mamamayan.

Ilan siguro sa mga pwedeng gawin ay ang mga sumusunod:

1. 24 hour police visibility
2. maraming malinaw na CCTV camera
3. paghihigpit ng pagbabantay ng mga guard sa mga subdivision at all times
4. pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga mamamatay-tao
5. entrapment operations sa mga gun-for-hire killers
6. pondo para sa malaking pabuya at proteksyon sa mga witness o informants
7. mahigpit na pagpapatupad sa mga gun ban at illegal firearms

Sa dami ng matalino sa gobyerno, siguradong makaka-isip sila ng paraan para ayusin ang napaka-mapanganib na buhay sa Pilipinas.

Hangga’t hindi hinahanapan ng pangmatagalang solusyon ang kriminalidad at karahasan sa ating bansa ay asahan nating patuloy lang mamamatay ang maraming mga negosyante sa Pilipinas.

negosyante sa pilipinas 4

Ang mga news clippings na nakapaskil dito ay ilan lamang sa mga balita ng mga pinatay na negosyante para sa buwan ng Setyembre 2013.

Sana lahat ng mga biktima ng ganitong karahasan eh binibigyan ng full media coverage. Sana lahat ng mga kasong ito ay binibigyan ng 2 milyong piso na reward sa kanino mang makakapagbigay ng impormasyon para mahuli ang mga salarin. Kaya lang hindi. Pili lang ang mga nabibigyan ng atensyon para sa mabilisang paglutas.

Nuong Setyembre 20, 2013 lang ay isang buong mag-anak at mga kasambahay ang pinagpapatay sa isang subdivision sa Angeles City. Pinaghihinalaan na inggit sa negosyo ang motibo sa ginawang pagpatay. Wala pang nalalaman tungkol sa mga may-sala sa mga oras na sinusulat ito.

negosyante sa pilipinas 10

Ipagdasal po nating mahuli ang mga salarin sa mga kasong ganito at ayusin sana ng Pamahalaan ang peace and order sa ating bansa.

Photo Source:  Ang lahat ng mga news clippings sa itaas ay kinuha mula sa Pilipino Star Ngayon

Ipatupad ng Maayos ang Batas

Nagrereklamo na ang misis ko sa mga pinagpopo-post ko kaya tatapusin ko na ang topic na ito para magbigay daan sa mas magaang mga tema 😀 Medyo nakaka-depress na nga ang topic na ito kaya ira-wrap up ko na.

**************************************************************************

May kilala akong Amerkano na naninirahan sa Japan (isang gunless society) at tinanong ko s’ya bakit maraming baril sa Amerika. Sabi n’ya ito raw ay karapatan nila at isinasaad ng kanilang konstitusyon.

Tinanong ko naman s’ya ano ang masasabi n’ya sa Japan. Safe daw dito at hindi daw dapat i-introduce ang mga baril sa lipunan ng mga Hapon.

Medyo naiintindihan ko kung bakit n’ya nasabi iyon. Iba’t ibang kultura, iba’t ibang approach. Hindi lahat ng uubra sa isang bansa ay uubra sa ibang bansa.

Guns and Abortion
armahan ba pati baby…
(blogs.post-gazette.com)

Malimit na katwiran ng mga Amerkano sa pag-aari ng baril ay…

1. hindi sagot ang gun control sa pagsugpo ng krimen
2. damihan pa lalo ang baril sa lipunan upang bumaba ang krimen
3. hindi baril ang pumapatay kundi yung taong may hawak nito
4. nakasaad sa konstitusyon ang karapatang armahan ang sarili

Pero hindi naman komo Amerkano sila eh gagayahin na lang natin lahat ng ginagawa nila kahit na sabihin pang best friend natin sila forever.

Si Robin ba eh nagsuot ng de-sungay na maskara kagaya ni Batman?
Si Ernie ba eh tumatawa kagaya ni Bert?
Si Ningning ba eh nagpagupit ng buhok kagaya nung kay Gingging?

Pwede naman yatang hindi na natin gayahin ang argumento ng mga Amerkano sa kanilang mga baril. Hindi naman sinasabi sa konstitusyon natin na may right to bear arms tayo at hindi rin naman lahat eh can afford bumili ng baril sa atin.

Merong mga gun laws ang Pilipinas, pero bakit hindi ito ipinapatupad ng maayos? “Maayos” na ang ibig sabihin eh walang pipiliing lugar, tao, sitwasyon, oras, araw o buwan kung kelan ito ipapatupad. Malaki ang maitutulong sa pagbaba ng karahasang dulot ng baril sa ating bansa kung magagawa ito ng mga awtoridad.

Mga kasalukuyang batas na umiiral patungkol sa mga baril:

Tapos may mga panukala pang dagdag na batas patungkol sa mga baril:

Tadtarin man natin ng batas ang bansa natin, wala ring mangyayari kung hindi ito maipapatupad ng maayos. Bakit hindi sila magpanukala ng batas na magpaparusa ng mabigat sa mga hindi nagpapatupad ng batas?

no to gun violence
lahat tayo ayaw sa gun violence…
(www.ctvnews.ca)

Meron ding mga gun control laws ang Singapore at Japan at mahigpit nila itong ipinapatupad kaya’t may resultang nakikita at napapakinabangan ang mga mamamayan sa mga batas na ito.

Hindi pa natatapos ang series ng posts kong ito eh may mga karahasan at kriminalidad na namang nangyari sa Pilipinas na involved ang mga baril (kahit merong umiiral na gun ban).

Magandang balita na maraming nahuli ang mga pulis sa mga lumabag ng umiiral na gun ban pero malungkot lang tanggapin na marami pa rin ang gustong sumuway at lumusot sa mga batas natin.

Para sa akin ay kelangan ng seryosong pagpapatupad at pagpapasunod sa batas ang dapat gawin para bumaba ang karahasang dulot ng mga baril sa ating bansa.

At bago ko tuluyang isara ang temang ito (sa ngayon) ay iiwanan ko lang ang mga last thoughts ko:

1. hindi man sagot ang gun control para tuluyang sugpuin ang kriminalidad, magagawa nitong paliitin ang pinsalang maaaring likhain ng mga masasamang loob

2. kelangan i-exhaust ang lahat ng paraan para huwag mapasakamay ng mga kriminal at may diperensya sa pag-iisip ang mga mapaminsalang baril o anumang sandata

3. dapat parusahan ng mabigat ang mga hindi nagpapatupad ng batas

Related Blog Posts/Articles:

Bayolente ba ang mga Pilipino?

Ipagpapatuloy ko lang ang pagsasabi-sabi tungkol sa karahasan sa Pilipinas na dulot ng mga baril, loose firearms to be eksak. (Pangangatawan ko na ang pagtalakay sa topic na ito ngayong Enero. May 2 posts pa akong natitira tungkol dito 😀 )

Ayon sa isang statistic, kasama ang Pilipinas sa ranking ng “Worst Countries for Firearms Related Deaths” sa buong mundo. Hindi kasama sa ranking na ito ang mga bansang may kasalukuyang digmaan o giyera na nagaganap.

Death by Firearms Around the World (Source: Forbes.com)
1. El Salvador
2. Jamaica
3. Honduras
4. Guatemala
5. Swaziland
6. Colombia
7. Brazil
8. Panama
9. Mexico
10. Philippines
11. South Africa
12. United States

Mapapansin sa listahang ito na tayo lang ang galing sa Asia at mas mataas pa ang rate natin sa US.

Sa isa pang survey naman na ginawa ng GunPolicy.org, lumilitaw din na mas mataas ang rate ng gun homicide sa Pilipinas kesa sa US.

gunpolicyorg chart

Bakit ba kahit mga small-time holdaper na nanghoholdap ng mga pobreng pasahero ng dyip ay may baril? Para na lang bang celphone ang baril ngayon? Kapresyo na lang ba ng load ang mga bala ng baril?

Sa Pilipinas, ano ang kasiguruhan natin na hindi tayo malalagay sa ganitong mga pangyayari?

1. pagbagsak ng bala ng baril sa ating bubungan habang tayo ay natutulog
2. matamaan ng bala mula sa nagbabarilang pulis at kawatan sa kalsada
3. mabaril ng isang naghuhuramentadong siraulo sa kalye
4. maging sacrificial hostage ng mga masasamang loob
5. mapagkamalan ng mga gun for hire killers

Halimbawa bang maraming marami na tayong hawak na baril eh bababa na ang tsansa natin na ma-involve sa mga insidenteng nakasaad sa taas? Paano yung mga bata? Dapat na rin ba silang pabaunan ng baril kapag umaalis ng bahay?

Sapat na ang dami ng kolesterol na kinakain natin sa araw-araw para malagay tayo sa bingit ng kamatayan. Hindi na natin kelangan ng mga baril para dumagdag pa dito. Sa mga kinauukulan, sana naman po, mabigyan na natin ito ng pangmatagalan na solusyon.

So, bayolente ba ang mga Pilipino? Mahirap pa rin masabi, dahil naniniwala pa rin akong marami ang peace loving people sa ating mga kababayan.

Pero kung gusto mong maka-meet ng mga bayolente, subukan mong mag-post ng anti-Filipino message sa iyong twitter, facebook, instagram o youtube account.

hindi galit

Recommended Articles:

Kelangan Natin ng Kontrol

Gun control…kelangan natin ng gun control. Total gun ban man o mas pinaigting na gun control.

Meron akong bayaw na naholdap sa jeep. Tinutukan s’ya ng baril kaya hindi s’ya nakapalag. Buti na lang nakuhanan lang s’ya ng celphone at walang nangyaring masama sa kanya pero ilang araw s’yang nasa state of shock pagkatapos ng insidenteng iyon.

Sa loob ng jeep. Mantakin mo ‘yon. Sa loob ng jeep?
Eh wala namang mayamang sumasakay ng jeep ah.
Kahit sa halagang 150 pesos yata eh pwede na ikamatay kung hindi ito ibibigay.

Kung sanang kutsilyo ang gamit ng mga kawatan eh madali pa silang matatakbuhan o pwede rin silang labanan kung mabilis ka sa kung fu.

Pero kapag baril ang hawak nila, sila ang hari.

Hindi ko pa rin alam kung paanong nangyari na mas madali magkaroon ng baril sa ating bansa na marami ang nagsasabing mahirap sila, nagugutom at walang pinagkakakitaan.

Ang alam ko ay nangangailangan pa rin ng pera para makakuha ng baril at hindi naman libre sa set ang mga bala. So, bakit marami ang may hawak na baril?

Walang may baril sa aming pamilya at last akong nakahawak ng baril ay nuong batang bata pa ako nang ipahawak ng aming kapitbahay ang kanyang 0.38 yata yun na baril sa akin.

Mabuti na lang at hindi ko ipinutok sa ulo n’ya ‘yung baril sa pag-aakalang laruan lang ito. Ngayon ko lang naisip kung gaano ka-reckless ang ginawa n’yang iyon.

Kaya kung magkakaroon man ng total gun ban ay hindi apektado ang aking pamilya. Dahil wala nga kaming pag-aaring baril in the first place.  Mula’t mula pa ay delikado na kami sa mga taong may legal o illegal na pag-aaring baril.

At sa tingin ko ay marami din ang mga katulad namin na pamilyang uunahin pang bumili ng pagkain kesa bumili ng mga baril at mga bala nito.

israel houses
dapat yata ang mga bahay sa pilipinas ay igaya sa mga bahay sa israel para walang tumagos na bala sa loob ng bahay (ginoogle na picture)

Marami ang tutol sa total gun ban lalo na yung nagkaroon na ng first hand encounter sa karahasan na laganap sa paligid natin.

Sinasabi ng ilan na hindi sagot ang total gun ban sa problema ng krimen. Na ang mga kriminal ay hahanap at hahanap pa rin ng ibang paraan para makapaghasik ng lagim, may baril man o wala.

Eh para saan pa yung total gun ban na ipinapatupad kapag election period?
Ano ba ang layunin ng patakarang ito? Hindi ba para pababain ang krimen?

Kung parati na lang walang silbi ang katwiran natin sa mga patakarang gustong ipatupad, mas mabuti kayang huwag na lang magpatupad ng kahit na anong batas ang ating pamahalaan?

Meron pang mga nagsasabi na kulang pa ang baril kaya nangyayari ang mga karahasang ito. Kung sakali bang bibigyan natin ang lahat ng mga tao ng access sa baril ay magiging ligtas na tayo at ang ating mga mahal sa buhay sa karahasan at pinsalang dulot ng mga baril?

Kaya kung matagumpay na maipapatupad ang gun ban sa election period, sana ipatupad na lang ito sa mas mahabang panahon. Mga 3 months before and after ng election. Bale 6 months na total gun ban sa buong Pilipinas every 3 years. O kaya, 1 entire year of total gun ban every election year.

Idagdag na rin yung total gun ban tuwing December at January.

Sa laganap na loose firearms, ang kaligtasan ng lahat ay hindi sigurado, law abiding citizen ka man, maimpluwensyang tao man, kahit na nga yung mga kawatan mismo.

Okay, everybody, repeat after me…

Walang saysay ang umasenso sa Pilipinas kung buhay natin ang kapalit nito
(Walang saysay ang umasenso sa Pilipinas kung buhay natin ang kapalit nito)

What’s fun sa Pilipinas kung lagi tayong may agam-agam sa ating kaligtasan
(What’s fun sa Pilipinas kung lagi tayong may agam-agam sa ating kaligtasan)

Walang kabuluhan ang humikayat ng mga dayuhang bumisita sa atin kung hindi na nga natin masiguro ang kaligtasan natin sa Pilipinas eh iisipin pa natin ang kanilang kaligtasan
(Ang haba naman…)

Recommended Blog Articles:

Isyu ng Karahasan

Ang isyu ng kriminalidad at karahasan ay kasing laki ng isyu ng katiwalian sa ating bansa. Wala akong statistical data sa bagay na iyan pero nang ipinanganak ako sa Pilipinas ay inabutan ko na ang mga ito at nananatili pa rin magpa-hanggang ngayon.

Nitong nakalipas na selebrasyon sa pagsapit ng bagong taon nangyari ang kalunus-lunos na pagkamatay ni Stephanie Nicole mula sa stray bullet.

Bagamat taun-taon na lang may namamatay sa stray bullet tuwing sinasalubong ang pagpasok ng bagong taon, napansin ko na mas maingay ang mga tao ngayon at ang media sa pagkondena ng pangyayaring ito.

Magandang indikasyon ito na hindi pa tuluyang namamanhid ang mga mamamayan sa karahasan na nangyayari sa ating paligid. Nakadagdag pa sa panawagan ng mahigpit na gun control ang mga insidente ng pamamaril sa Cavite kamakailan.

baril at mga bala
kapag may magka-away ba, barilan na kaagad? hindi ba pwedeng sapakan muna? (http://wallsdl.com/wallpaper/gun-guns-ammo/)

Hindi ko lang mawari kung bakit tila baga tahimik ang blogosperyo at ang maraming Pinoy Bloggers tungkol sa isyung ito.

Maraming nagpost ng kani-kaniyang opinyon tungkol sa Anti-Cybercrime Law at maging tungkol sa RH Bill (na isa ng batas ngayon) subalit hindi ko kinakikitaan ng parehong uri ng passion ang mga kapit-bloggers patungkol sa isyu ng karahasan o gun control sa ating bansa.

Naging kabi-kabila din ang mga post na pare-pareho ang topic nung pumasok sa finals si Jessica Sanchez sa American Idol, pati nung kumalat ang video ni Amalayer, at nung ma-knock out si Manny Pacquiao.

Pero nung maging maalingasngas ang usapin ng gun control recently eh halos wala akong namataang nagbo-blog ng reaksyon patungkol dito. Naiisip ko tuloy kung “taboo” ba ito sa blogosphere?

Bago lang ako sa pag-blog (9 months, baguhan pa bang matatawag iyon?) kaya hindi ko alam kung meron bang unwritten rule para huwag mag-express ng opinyon tungkol sa karahasan sa ating bansa partikular na sa mga karahasang involved ang loose firearms.

Medyo alangan tuloy akong gawing topic ito sa aking blog post. Pero bahala na. Hindi na popular na topic, kung hindi popular.

Ang post ko sa mga susunod na araw ngayong Enero ay tungkol sa usapin ng karahasan sa ating bansa, kaya patatawarin po sa mga maaaring ma-offend ng paksang ito. Express n’yo na lang po ang inyong reaksyon sa comment section or ignore n’yo na lang po ako for 1 month 🙂

Iba-iba ang opinyon natin patungkol sa karahasang dulot ng mga baril, pero naniniwala ako na napakaraming Pilipino pa rin ang pro-peace at anti-violence. Naniniwala akong lahat ng taong nasa tamang pag-iisip ay naghahangad na mabuhay ng ligtas at payapa sa Pilipinas.

Magandang pag-usapan ang isyung ito habang mainit pa dahil ilang weeks from now eh matatabunan lang ang isyung ito ng iba pang usapin. Mauungkat lang ulit kapag meron na namang kalagimang naganap.

Sana ay mas marami pang Pinoy Bloggers ang magpahayag ng kani-kanilang opinyon patungkol sa isyung ito ng karahasan sa ating bansa dulot man ng baril o karahasan in general.

Maiparinig sana natin ang ating boses sa kani-kaniya nating blog. Lahat tayo sampu ng ating mga mahal sa buhay ay potensyal na biktima ng karahasan sa ating bansa.

Nararapat lang na ipaalam natin sa madla, sa media at lalo na sa mga kinauukulan (na maaaring makabasa nito) ang katayuan, pananaw o panawagan natin para sa ligtas at
hindi bayolenteng Pilipinas.

warlord politicians
http://www.philstar.com/opinion/2012/11/06/863720/editorial-dismantle-them

Wala tayong private armies, wala tayong personal bodyguards, public transport lang ang marami sa atin. Hindi tayo nagpipirmi sa isang bullet proof na hawla. At tuwing lumalabas tayo, ang mga musmos nating anak, ang sweetheart natin, ang mga magulang natin, nae-expose tayo sa panganib ng karahasan sa Pilipinas.

Kahit nga nasa bahay lang, delikado na rin tayo sa mga panahong ito.

Ang isyu ng karahasan ay isyung umaapekto sa ating lahat at dapat nating i-pressure ang pamahalaan at lahat ng kinauukulan na gumawa ng mga hakbang para protektahan ang karapatan nating mabuhay ng ligtas at malayo sa krimen.

Sa mga hindi interesado sa topic na ito, isang taos puso pong paumanhin.