All posts by J. Kulisap

Ako si J. Kulisap. Kayumanggi ang damdamin ni J.Kulisap. KAINAMAN

KABA ABA BATA BATAAN, KABATAAN

Himayin natin ang KABATAAN

KABA- Kinakabahan ka ba sa iyong pagtanda’y wala kang nagawa?

ABA- Aba ba ang turing mo sa sarili dahil hindi ka nangarap ng mas matayog?

BATA- Nananariwa pa ba ang pangarap na nananalaytay sa iyong mga ugat para sa bayan, sa sarili, sa kapuwa, sa kapaligiran, pati na rin ang tiwala sa Maykapal?

BATAAN- Ano ang iiwan mong kasaysayan na tila BATAAN sa tapang, tikas at paninindigan?

Ilang dekada mo na bang naririnig o nababasa ang tanyag na katagang Ang Kabataan ang pag-asa ng ating bayan”? Patay na po ang nagsabi niyan, subalit ilang milyong beses na marahil itong naisulat o sinambit ng mga Pilipino- may pangalan o pangkaraniwang mamamayan man. Tumatalab ba? Hanggang saan ang hasi ng katagang ito na pinauso ni Gat. Jose Rizal? ‘Yong tindi ng paniniwala kaya ni Rizal noong araw ay kasing tindi ng paniniwala ng mga naniniwala sa kasabihang ito sa kasalukuyan?

Hindi ba’t ang dating kabataan noon ay siya namang matanda ngayon, ang iba nga’y nagkamatay na. Napatunayan nga ba ni Gat. Jose Rizal ang kaniyang paniniwala kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang kalagayan natin bilang mga tao?

Naniniwala ka ba sa sarili mo na ang kabataan ang pag-asa ng bayan gaya ng paniniwala ni Gat. Jose Rizal?

kabataan pag-asa ng bayan

Kung nasaang estado man ngayon ang bansang Pilipinas, ito ay ang pinagsama-samang lakas ng mga dating kabataan noon at kabataan ngayon. Kung ano mang kamalayan ang namamayani sa atin ngayon ay bunga ng pagkabigo at tagumpay na pangarap ng mga pag-asa ng bayan. Tayong mga KABATAAN. Tila nga buo ang paniniwala ni Rizal kung magkagayon.

Dumaan tayo sa pagkabata, paglalaro, pakikipagkaibigan at pangangarap. Sumibol ba sa murang isip mo ang pagmamahal sa bayan noon pa man? Itinuro ba ng mga magulang na dating kabataan din ang pagpapahalaga sa ating sarili, sa kapuwa at sa bayan? Malamang, opo ang sagot natin. Subalit habang tayo’y gumagaod papalaot sa hamon ng buhay, sumusuong tayo sa bumabahang suliranin, sa nagpuputukan at mainit na pakikipagbuno sa buhay- nag-iiba ang direksiyon pagkaminsan, nababahiran ng dumi ang puti nating pangarap. Ang mga suliraning ito ay dulot ng mga sakuna, ng mga agresibong desisyon ng ilan na hindi natin kayang pigilan at tayo din mismo ang pumipili ng sariling agos, mabuti man o masama. Kung sa pakiramdam natin ay papagawi sa hindi magandang gawi, papaano pa tayo manghihimok sa kabataan na magpasibol ng pag-asa?

Kailan ba dapat magsimulang pasibulin ang pag-asa?

Simple lamang naman ang pangarap ng isang magulang sa kaniyang anak, kaibigan. Ito, hindi ba’t tadtad tayo sa pangaral “ Anak, huwag mo na kaming tularan ng tatay mo, magsikap ka, ayaw naming maranasan mo ang naranasan namin noon”, may kasamang pagtulo ng luha at uhog pa yan, para mas madrama. Totoo? Tama po.

Ibig sabihin, ayaw na nilang tayo’y walang marating sa buhay. Tayo ang bubuo sa kanilang naunsyaming pangarap. Kaligayahan nila ‘yon, maniwala ka.

Subalit paano naman po kapag ang magulang ang pasaway? Paano ako bubuo ng aking pag-asa?

Alam mo, totoo ‘yan, pero mabibilang lamang ang mga magulang na ganiyan sa Pilipinas, ating unawain na sila’y naging kabataan din na may magulang na nagkulang din na ngayon nga ay nagkaroon na ng anak na magpapasaway din. Mapuputol ba ang ganitong kalakaran? Oo naman po…kung ayaw mong maging pasaway, mag-iisip ka ng ikabubuti mo…malay mo ikaw ang pag-asa ng iyong mga magulang para sila’y makabawi. Sa pamilyang Pilipino umuusbong ang masarap na pag-asa ng Pilipinas. Hindi nagmimintis ‘yan. Kahit saan mo ilagay ang isang Pilipinong nakinig sa pangaral at wasto ang gabay ng pamilya, ay tiyak na siya’y pasulong.

Hanggang kailan ba dapat maging kabataan?

Hangga’t hindi mo natutupad ang inaasahang pag-asa sa ‘yo.

Maaaring katawang pisikal lamang ang nanghihina pero ang maiiwan mong kasaysayan mabuti man o masama ay mananatiling bata. Mag-iiba ng anyo, ng lugar, ng pangyayari o porma, pero ‘yan ay bakas ng iyong bakas. Maaaring ang iyong itinanim na mabuting punla ay aanihin ng iba, ipapamahagi naman sa iba din. ‘Yon ang bunga ng iyong nakaraan at pag-asa. Hindi ba’t naiwang bata ang iyong bakas?

mga musmos na bata

Huwag kang maniniwala sa sinasabi ng isip mo na wala kang magagawa, hindi mo lamang alam pero meron… meron… meron. Akala mo lamang wala… wala… wala. (Ulit-ulitin hanggang sa maiyak ka)

Seryoso, hindi natin kailangang sukatin ang kakayahan mo bilang kabataan. Bawing bawi ka na, may tubo pa kapag may naakay ka ding kapuwa mo na humakbang sa mabuting gawi. O maipakita mong kaya mo pang bumangon sa pagkakalugmok. Sumige ka lamang, sa paraang alam mo, huwag mong isara ang pinto sa pagkakatuto at pagtuklas, buksan mo din ang bintana upang pumasok ang hangin ng pagmamahal sa iyong kapuwa, sa sarili at sa bayan.

Huwag ka ring maniwala na kapag matatanda na, sila na ang nakakaalam ng lahat, mayroon ding sila pa ang tinuturuan ng mga bata. Bigayan lamang. Huwag mo ding pamalagiin sa tuktok mo na ang mga matatanda’y walang karapatang magkamali. Totoo, mas marami silang karanasan, mas marami silang pwedeng ibahagi, nasa sa iyo na iyan kung iyong susundin.

Kagaya ko halimbawa, kabataan ako. Kabataan sa mga pangarap, kabataan sa mga karanasan, batang-bata pa kumpara sa iba, ang dami ko pang dapat matutunan. Madaming beses pa akong nagkakamali sa isip, sa salita at sa gawa pero umaasa ako sa sarili ko na ako’y may patutunguhan, ayaw kong maging “poker face” ang aking kinabukasan. Kailanma’y hindi ako magiging kasing dalisay ng ilan, huwag na nating pangarapin pa ito, pangarapin nating ‘wag na tayong makadagdag pa sa suliranin ng iba. Sumisibol na nga ba ang pag-asa?

pangarap ng kabataan

Ngayon buuin ulit natin ang KABA- ABA- BATA- BATAAN

KABATAAN, matibay na haligi ng pag-asa.

Advertisements