Ano ang problema sa mga Yellowtards, Dutertards at Marcostards? Maraming idinudulot na hindi magandang bagay ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino sa isyu ng pulitika sa Pilipinas. Ipinapakita sa atin nito ang kultura ng mga Pilipino ng pagpapahalaga sa social image o personalities at hindi sa mga adhikain, layunin o reputasyon ng taong iyon.
Ito ang dahilan kung bakit iilang mga pulitiko lamang ang laging nasa kapangyarihan. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa rin tayo umaasenso mula pa noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Note: Marami pang ibang mga loyalista ang nasa Pilipinas kagaya ng mga loyalista ni dating Pangulong Gloria Arroyo at Joseph Estrada. Gayundin, marami rin ang mga loyalista ng mga Local Government mayors, governors o congressman subalit magpo-focus lamang ang artikulong ito sa tatlong pinakamalaking mga paksyon ng taga-suporta sa ating bansa.
Table of Contents
Yellowtards vs Dutertards vs Marcostards
Patawad po sa paggamit ng mga katagang ito sa titulo at laman ng akdang ito. Nais po ng may-akda na magbigay ng punto at atensyon sa paggamit ng mga katagang ito.
Isang malimit na mga salitang makikita sa pulitikal na bangayan ng mga Pinoy lalo na sa social media ay ang mga katagang “yellowtards”, “dutertards”, at “marcostards”. Ang mga katagang ito ay pawang mga derogatory (mapanlait).
Ginagamit ang mga salitang nabanggit upang ilarawan ang mga masugid na tagahanga at taga-suporta ng mga dating pangulong Corazon Aquino, Rodrigo Duterte, at Ferdinand Marcos, Sr. Ang mga tagahangang ito ay umaabot na sa punto ng pagiging bulag sa kanilang paniniwalang pulitikal at nakahandang makipag-away sa mga sasalungat sa kanila.
Ang mga terminong “yellowtards”, “dutertards”, at “marcostards” ay kadalasang ginagamit upang balewalain, maliitin, alipustain o lait-laitin ang mga opinyon ng mga taga-suporta ng mga nabanggit na dating pangulo.
Sa madaling sabi, gustong ipakita ng magkabilang mga taga-suporta na ang hindi nila kapartido ay hindi edukado, hindi matalino, panatiko, tanga, bobo at walang malasakit sa bansa.

Pilipino laban sa Pilipino
Walang katibayan na magpapakita na ang mga taga-suporta ng alinman sa mga partidong ito ay mababa ang IQ o may malaking pagkakaiba sa pinag-aralan. Wala ring pag-aaral o survey na nagpapakita ng kaibahan sa financial status ng mga magkakaiba sa katayuang pulitikal. (Kung meron man, paki-share po sa comment section ang eksaktong source link na nagpapakita ng resulta nito.)
Ang mga terminong “yellowtards”, “dutertards”, at “marcostards” ay lumilikha ng pagkakahati-hati at nagdudulot ng stress na maaaring makaapekto sa kalusugan. Nag-aambag din ito ng polarisasyon sa pulitika sa Pilipinas. Dahil dito, nagiging mahirap ang magkaroon ng matinong diskurso patungkol sa mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng bansa.
Pilipino laban sa Pilipino ang nangyayari at hindi Pilipino laban sa mga problema ng Pilipinas.
Mga problemang likha ng Yellowtards, Dutertards at Marcostards
Ang nabanggit na mga taga-suporta ay nag-aambag ng mga problema sa lipunan sa maraming paraan:
- Pampulitikang polarisasyon. Kapag ibinubuhos ng tao ang kanyang bulag, lubos at buong pusong loyalty sa isang partikular na tao, grupo, organisasyon o partido ay nagiging mahirap makabuo ng produktibong pag-uusap patungkol sa mahahalagang isyu ng bansa. Ito ay maaaring humantong sa gridlock at kawalan ng pagkilos, na maaaring magpahirap sa paglutas ng mga problema.
- Pagpapakalat ng maling impormasyon. Kapag ang mga tao ay na-expose lamang sa impormasyong sumusuporta sa kanilang kasalukuyang paniniwala, mas madali silang maniwala sa mga mali o mapanlinlang na impormasyon. Ito ay humahantong sa maling desisyon at nagbibigay awtoridad sa mga maling tao.
- Nagiging ugat ng karahasan. Kapag matindi ang silakbo ng damdamin ng mga tao tungkol sa kanilang mga paniniwalang pulitikal, maaari itong humantong sa karahasan. Maaari itong maging pisikal na away sa pagitan ng mga magkakaibigan, magkakapamilya o magkakalbang partido. Ito ay nagdudulot ng instability sa peace and order. Nagiging hadlang ito sa pagbuo ng isang mapayapa at maunlad na lipunan.
- Pagguho ng produktibong diskursong panlipunan. Walang matinong pag-uusap ang nangyayari dahil puro panlalait at batuhan lang ng mga negatibong salita ang pinapakawalan sa isa’t-isa ng mga Pilipinong magkakaiba ang partidong sinusuportahan. Hindi nagkakaroon ng maayos na diskusyon. Hindi rin napag-uusapan nang maayos ang mga tunay na isyung dapat tugunan. Ipagtatanggol ng mga taga-suporta ang kanilang partido sa kabila ng mga kahinaan o pagkakamaling nagawa nito.
- Political stress. Maging ang mental health ay nalalagay sa peligro dahilan sa mga alitang bunsod ng pagkakaiba ng mga paniniwalang pulitikal. Kahit na masarap ang kinakain mo, may trabaho ka, malusog ka, o kumpleto man ang pamilya mo, maaari ka pa ring maapektuhan ng political stress kung hindi mo babantayan ang iyong sarili.
- Pagkakaroon ng lamat sa mga personal na relasyon. Ang pagkakaiba sa political affiliation ay nangyayari maging sa loob ng mga pamilya o malalapit na magkaibigan. At dahil sa mga hindi pagkakasundo sa mga pananaw at pagbibigay ng mas malaking importansya sa mga sinusuportahang kandidato o partido ay humahantong ito sa pagkasira ng mga personal na relasyon.
- Hindi nagma-mature na mga botante. Ang patuloy na pagbibigay pabor sa mga celebrity, political dynasty, political party at sa kung sino ang pinakamalakas mamigay ng pera ay nagpapatunay lang na hindi pa rin mature ang mga Pilipino bilang botante. Tinukoy na rin itong problema ng yumaong dating Sen. Miriam Santiago sa isa sa kanyang mga speech.
- Pagpapatuloy ng corruption at impunity. Dahil sa pagbibigay halaga ng mga Pilipino sa tao kesa sa mga adhikain, layunin o reputasyon ng mga kandidato ay nagpapatuloy lang sa pagdami ang mga corrupt na opisyal. Dahil dito, patuloy lang na nagiging corrupt ang ating bansa. Alam nila na hindi nila kailangang maging mabuti o tamang choice. Ang kailangan lang nilang gawin ay makuha ang loob ng mga botante. At kahit gumawa sila ng mali ay makakaasa sila na ipagtatanggol sila ng kanilanga mga loyalista.
- Hindi natutugunan ang mga problema ng bansa. Dahil sa pagiging loyalista ng mga Pilipino ay nagiging abusado ang mga pulitiko. Alam ng mga pulitiko na makaka-iwas sila sa mga trabahong dapat nilang gawin. At kahit na magnakaw man sila sa kaban ng bayan ay nariyan ang mga taga-suporta nilang nakahandang ipaglaban sila sa lahat ng kritisismo o pag-uusig.
Ito ay ilan lamang sa mga problema sa lipunan na nililikha ng mga pangkat na nabanggit. Subalit hindi lahat ng miyembro ng mga grupong ito ay lumilikha ng mga problemang nakalista sa itaas. Marami pa ring tao na bahagi ng mga nasabing pangkat ang mapayapa at nakakausap nang maayos.
Pagkakatulad ng Yellowtards, Dutertards at Marcostards
Sa kabila ng mga maaanghang na salita at naglalagablab na mga damdamin ng galit at poot ng mga taga-suporta ng magkabilang mga partido sa isa’t-isa, marami din silang mga pagkakapareho. Ilan dito ang mga sumusunod:
- Masidhi ang kanilang damdamin patungkol sa kanilang paniniwalang pampulitika
- Handa nilang ipagtanggol ang kanilang mga paniniwala, kahit na sa harap ng oposisyon hanggang sa punto ng pagputol ng ugnayan sa sariling pamilya o kaibigan
- Kumbinsido sila na ang kanilang napiling political dynasty ay ang pinaka-mabuting bagay para sa Pilipinas at mga Pilipino
- Handa nilang palampasin ang mga kapintasan at pagkakamali ng kanilang napiling pulitiko
- Nag-aambag sila sa problema ng korapsyon at pagkakawatak-watak sa lipunan
- May pagnanais sila na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino
Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang mga ito ay mga generalizations lamang. Maging sa loob ng kani-kaniyang pangkat ay may pagkakaiba-iba ang mga miyembro nito. Hindi rin lahat ng miyembro ng mga grupong ito ay magkakapareho ng pananaw kahit na pareho ang sinusuportahang pulitiko.

Paano makitungo sa mga Yellowtards, Dutertards at Marcostards?
Kung hindi ka yellowtard o dutertard o marcostard, mabuti. Hindi mo kailangang maging miyembro ng alinman sa mga paksyong ito. Kung ang batayan mo ay hindi tao, apelyido, political family, o social status, hindi mo kailangang ibilang ang iyong sarili sa mga grupong ito.
Kung ikaw ay mature na botante, hindi mo titingnan kung sikat o trending ba yung pulitiko. Bagkus ay titingnan mo ang platporma nito at ang kanyang reputasyon. At kung may sinseridad ba ito sa malasakit sa bansa.
Pero ano ang gagawin mo kung mayroon kang mga kilala, kaibigan o kapamilya na miyembro at super-loyal mega-fan ng mga nabanggit na paksyon?
Narito ang ilang mga tip kung paano makitungo sa mga taong kabilang sa alinman sa mga pangkat na nabanggit:
- Huwag silang kausapin. Kung maiiwasan, hindi mo kailangang makipag-usap sa mga taong bulag sa kanilang mga paniniwalang pulitikal. Walang anumang argumento o katibayan ang maaaring makapagpalit ng kanilang pananaw.
- Umiwas sa mga usaping pulitikal. Hindi mo kailangang sumali sa anumang usaping pulitikal kung ayaw mo. Wala kang mapapala rito at masasayang lang ang oras mo. Pag-usapan ang ibang bagay lalo na kung miyembro ng pamilya o malapit na kaibigan ang iyong kausap.
- Maging magalang. Kahit na hindi ka sumasang-ayon sa paniniwala ng isang tao, mahalagang igalang ang kanilang karapatan sa paniniwalang iyon. Iwasan ang pagtawag ng pangalan, pag-insulto, at iba pang uri ng personal na pag-atake.
- Makinig sa kanilang pananaw. Subukang unawain kung bakit sila naniniwala sa mga bagay na pinaniniwalaan nila. Ano ang kanilang mga dahilan sa pagsuporta sa kanilang napiling political family? Ano ang kanilang pinanghahawakang pangako at pag-asa para sa kinabukasan ng Pilipinas?
- Bumuo ng konstruktibong diyalogo. Kung magagawa mo, subukang magkaroon ng magalang at produktibong pag-uusap tungkol sa mga isyu na mahalaga sa iyo. Hindi ito nangangahulugan na kailangan mong sumang-ayon sa isa’t isa. Ngunit nangangahulugan ito ng pagiging handa mo na makinig sa isa’t isa at subukang maunawaan ang mga pananaw ng kabila.
- Iwasang maging emosyonal. Madaling maging emosyonal kapag pinag-uusapan ang pulitika. Ngunit mahalagang manatiling kalmado at walang kapantay. Kung nakita mo ang iyong sarili na nagagalit, magpahinga at bumalik sa pag-uusap mamaya.
- Tumutok sa mga isyu, hindi sa mga tao. Mahalagang mag-pokus sa mga isyung tinatalakay, at hindi sa mga taong tumatalakay sa kanila. Nangangahulugan ito ng pag-iwas sa mga personal na pag-atake at pagtutok sa mga fact-based information at mga lohikal na argumento.
- Maging handang makipagkompromiso. Malamang na hindi ka sasang-ayon ka sa lahat ng pinaniniwalaan ng taong kabilang sa mga grupong ito. Subalit maging handang makipagkompromiso at humanap ng common ground.
Walang one-size-fits-all na sagot sa tanong na ito. Ang pinakamahusay na paraan upang makitungo sa mga taong kabilang sa alinman sa mga paksyong nabanggit ay mag-iiba depende sa partikular na sitwasyon. Gayunpaman, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tip na ito, maaari kang makalikha ng mas magalang at produktibong pag-uusap tungkol sa kalagayang pulitikal ng Pilipinas.
Paano kung isa ka sa mga tinatawag na Yellowtards, Dutertards o Marcostards?
Kung ikaw ay kabilang sa mga nabanggit na mga paksyon, maraming salamat sa pagbabasa hanggang sa puntong ito.
Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin kung ikaw ay kabilang sa alinman sa mga pangkat na nabanggit sa itaas. Ito ay upang maging mas bukas ka sa pananaw ng ibang kapwa mo na masugid na taga-suporta ng isang partido o pulitiko:
- Isaalang-alang ang ibang mga pananaw. Mahalagang maging handang makinig at ikunsidera ang mga pananaw ng ibang tao. Lalo pa kung iba ang pananaw nila sa iyo. Nangangahulugan ito ng pagiging bukas sa ideya na maaaring hindi ka tama sa lahat ng bagay.
- Maging self-aware sa iyong mga personal bias. Lahat tayo ay may mga pagkiling (bias). Ngunit mahalagang magkaroon ng self-awareness (kamalayan) sa mga bagay na ito upang maiwasan natin ang dagliang panghuhusga sa ibang tao. Kapag binigyan ka ng impormasyon, isipin kung paanong makaka-apekto ang iyong mga bias sa iyong pagtanggap ng impormasyong iyon.
- Magsaliksik. Huwag lamang umasa sa impormasyong sumusuporta sa iyong bias o paniniwala. Maghanap ng impormasyon mula sa iba’t-ibang mga resources. Kabilang na rito ang mga impormasyong hindi mo sinasang-ayunan.
- Maging handa na baguhin ang iyong isip. Paano kung binigyan ka ng hindi mapapasubalian (hindi kayang kontrahin) at reliable na impormasyong sumasalungat sa iyong mga paniniwala? Maging handa na tanggapin ang iyong pagkakamali at baguhin ang iyong pananaw. Hindi ito nangangahulugan na kailangan mong ganap na iwanan ang iyong mga paniniwala. Ngunit dapat na ikunsidera mo ang posibilidad na may katwiran ang ibang mga pananaw.
- Maging mapanuri sa mga impormasyong iyong kinukunsumo. Hindi lahat ng impormasyon ay nilikha nang pantay at patas. Maging mapanuri sa impormasyong tinatanggap at tanungin ang accuracy at kredibilidad nito.
- Maging bukas sa talakayan at debate. Kung may pagkakataong makilahok sa isang sibilisadong debate, huwag matakot na talakayin ang iyong mga paniniwala sa mga taong may iba’t-ibang paniniwala. Maaari itong maging isang magandang paraan upang matuto nang higit pa tungkol sa iba’t-ibang mga pananaw. Ito ay para na rin hamunin ang iyong sariling pag-iisip.
Ang pagiging bukas sa pananaw ng iba ay isang proseso. Nangangailangan ng oras at pagsisikap upang malagpasan ang ating mga personal na bias at matutong mag-isip nang mas objective. Ito ay isang aktibidad na makabuluhang gawin. Makakatulong ito sa ating gumawa ng mas mahusay na mga desisyon at bumuo ng isang mas sibilisado at progresibong lipunan.
Conclusion
Bilang konklusyon, tandaan na ang mga katagang “yellowtards”, “dutertards”, at “marcostards” ay mga mapanlait na terminong hindi dapat gamitin sa isang sibilisadong pakikipagtalasan. Ginamit ang mga katagang iyon sa akdang ito upang bigyang emphasis ang matinding emosyon nang hindi pagkakasundo ng magkakaibang paksyon ng pulitika sa Pilipinas.
Tayong lahat ay mga Pilipino na dapat nagkakaisa laban sa ating tunay na kaaway. Ang kaaway na iyon ay ang mga corrupt government officials. Sila ang dahilan kung bakit hindi umaasenso ang ating bansa. At sila rin ang dahilan nang napakaraming pagdurusang dulot ng kahirapan at kakulangan ng mga oportunidad na guminhawa ang buhay sa ating bansa. Hindi tayong mga Pilipino ang dapat na mag-away-away para sa mga pulitikong ito.
Mahalagang maging magalang sa pampulitikang pananaw ng ibang tao, kahit na hindi tayo sumasang-ayon sa kanila. Subalit ang dapat nating bigyan ng lubos at buong pusong pagpapahalaga ay ang kapakanan ng ating bansa.
Mga politiko at ang kanilang mga dependents lamang ang nakikinabang sa loyalty at political bias ng kanilang mga taga-suporta. Sa huli, tayong mga pangkaraniwang mga mamamayan lamang ang magdudusa sa ating pagkakawatak-watak.
Piliin ang ating bansa kaysa sa mga political parties, political family o political dynasties.
Piliin ang ating bansa kaysa sa mga sikat na apelyido at kilalang celebrity.
Piliin ang ating bansa kaysa entertainment skills ng mga pulitiko.
Piliin ang ating bansa kaysa sa maling impormasyon at pekeng mga balita.
Piliin ang ating bansa kaysa maging troll at maging online political army ng mga pulitiko.
Bilang mga Pilipinong may malasakit sa Pilipinas, bumuo tayo ng mga tulay at buwagin ang mga dibisyong naghihiwalay sa iba’t-ibang grupong pulitikal. Itaguyod natin ang pagkakaunawaan at pagtutulungan. Ipaglaban natin ang ikabubuti ng ating bansa at nating mga mamamayan. Huwag ang kapakanan ng mga pulitikong umaasa lang sa atin.