Ang TAPAT na LINGKOD-BAYAN

Mga kababayan, maraming salamat sa inyong pagdalo sa pagtitipon na ito.

Ako ay muling nananawagan sa inyong suporta para sa darating na halalan. Ako po ay kilala na ninyo at matagal na ang ating pinagsamahan. Ako ang inyong tapat na Lingkod-bayan.

Hindi ako kagaya ng aking mga katunggali na pawang mga sinungaling! Mga ipokrito! Mga mapag-balatkayo!

(palakpakan ang mga taong nakikinig)

Ako ay tapat at hindi ko kayo niloko kailanman. Kahit kailan ay hindi ako nagsinungaling sa inyo! Hindi ako nagpanggap! At lalong-lalo na hindi ko kayo binigyan ng mga pangakong napako lamang! Alam ninyo ‘yan! AT KAYO MISMO ANG SIYANG MAKAPAG-PAPATUNAY NA ANG MGA SINASABI KONG ITO AY TOTOO!!!

(palakpakan at cheering)

Kung kaya’t hayaan ninyong ipahayag ko sa inyo ngayon ang aking mga gagawin sa pagkakataon na ako ay palarin na muli ninyong ihalal bilang inyong piniling pinuno. Pinuno ng bayang ito na inyong minamahal!

(palakpakan at malakas na hiyawan ng pagbibigay suporta)

Sa unang mga linggo ng aking opisyal na panunungkulan ay wala akong gagawin! Ako, sampu ng aking una, ikalawa at ikatlong pamilya ay mangingibang-bansa, kasama ang aming mga malapit na kamag-anak at kaibigan sa pulitika.

Mamamasyal at ipagdidiwang namin ang aking pagkapanalo gamit ang mga salaping naipon ko mula sa mga nakalipas na panahong ako at ang aking angkan ay nanungkulan sa bayang ito.

(palakpakan)

Sa mga susunod na mga buwan at taon ay sisikapin kong mabawi ang lahat ng aking mga nagastos sa halalan sa pamamagitan ng pagkuha ng parte o buong bahagi ng mga budget para sa mga proyektong pambayan.

Ngunit ipinapangako ko sa inyo na bagama’t malaking bahagi ng kaban ng bayan ang aking aangkinin ay magtatabi pa rin ako ng maliit na bahagi para ipamigay sa mga taong lalapit at manghihingi ng tulong sa akin.

(palakpakan, sigawan sa kasiyahan)

Sa aking mga kapwa pulitiko, sa mga nasa gobyerno, mga negosyante at mga prominenteng tao ng lipunan, pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin! Kapag tinulungan ninyo akong muli na maupo bilang pinuno ng bayang ito, makaka-asa kayo na ako ay patuloy ninyong magiging kakampi sa lahat ng pagkakataon.

Bibigyan ko kayo ng proteksyon, ng immunity, maging ng tulong pinansiyal kung kinakailangan. Ako ay inyong magiging kasangga hangga’t ako ay nasa katungkulan! Pinatunayan ko na ito dati, at patutunayan ko itong muli kapag ako ay nanalo!

(hiyawan sa tuwa ang mga tao)

Sa lahat ng mga mamamayang nasasakupan ng bayang ito. Pakinggan din ninyong mabuti ang aking sasabihin!

Wala man ako dito sa ating bayan tuwing may sakuna, wala man akong magawang magagandang pagbabago sa ating bayan, at kahit na maubos ko man ang lahat ng salapi sa ating kabang-bayan, ito ang inyong pakatatandaan: HINDING-HINDI AKO PAPAYAG NA MAAGAW ANG BAYANG ITO MULA SA AKIN NG KAHIT SINUMAN!!!

(muling naghiyawan sa tuwa ang mga tao)

Kung kinakailangan kong maging isang kriminal para sa inyo ay gagawin ko! Para manatili kayong lahat sa aking pamumuno, nakahanda akong maging isang kriminal! At hindi ako nagsisinungaling! Alam ninyong kaya ko itong gawin para sa inyong lahat!

(nag-iiyakan at nagpupunas ng luha ang mga tao)

Ipaglalaban ko ang aking karapatan na mamuno sa inyo kahit magkamatayan! Ganyan kayo kahalaga sa akin! Hindi ako mabubuhay kung wala kayo!!! HINDI KO KAYANG MABUHAY KUNG WALA KAYO!

Kaya sa darating na halalan ay muli ninyo akong iboto! Hayaan ninyong magpatuloy ang pamumuno ng aking angkan sa bayang ito sa pamamagitan ng pagboto ninyo sa akin at sa aking mga susunod na salinlahi!

Ipagpatuloy natin ang pinagsamahan ng bayang ito at ng aming angkan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon! Ako po ang inyong TAPAT na Lingkod-bayan!!! At hindi ako magsisinungaling sa inyo kahit kailan!!!

(di magkamayaw sa ligaya ang mga taong naantig ang mga puso sa talumpati ng kandidato)

newsghana.com.gh


Categories: Halu-halo

Tags: , , , , ,

Leave a Reply

%d bloggers like this: