Tag Archives: buhay estudyante

United Nations Day Celebration sa Pilipinas

Ngayong buwan ay nagkakagulo na naman ang mga mommies at daddies sa pagbili ng costume para sa United Nations Celebration na kadalasan ay ginaganap sa ikatlong linggo ng Oktubre.

united nations week philippines
mga kabataang pinoy na naka-costume para sa UN celebration (image source: mb.com.ph)

Pabonggahan na naman ito ng mga costume.

Tumambay ako sa palengke at nagmasid.  Mabenta yung mga costumes ng mga European Countries, Latin American Countries at mga Asian Countries tulad ng Thailand, China, Korea at Japan.

Eto kasi yung mga cute na cute tingnan kapag isinuot sa mga bata. Pag African costume na may bala-balahibo sa damit at head dress ay madalas inaayawan nila at nakikiusap sa teacher na palitan ang bansang naka-assign sa kanilang mga anak. Paano naman daw mananalo sa pagandahan ng costume yung mga anak nila kung may balahibo ng manok ang costume?

Medyo may kamahalan din pala ang mga costume na ito. Nakakapanghinayang at minsanan lang isusuot. Pinakamababa na ang Php 350 at minsan ay umaabot pa sa Php 900++ para sa isang set.

Minsan, bukod pa ang sumbrero, head dress, sapatos at iba pang accessories. Pero hindi naman talaga magpapatalo ang mga magulang ng henerasyong ito. Kailangan mas bongga ang costume ng mga anak nila, kailangan manalo sila sa pagandahan ng costume, kailangan may mai-post sila sa social media. Kaya kahit masakit sa bulsa, ayus lang.

Noong 90’s, mayroon na ding ganitong mga selebrasyon tuwing Oktubre, at tandang-tanda ko na naiinis ako dahil iisa lang ang costume ko mula Grade 1 hanggang Grade 6. Sinadya yata ng mga magulang ko na one size fits all yung costume ko.

Nagamit ko ang isang costume sa pagganap bilang Ms. Morocco, Ms. Turkey, Ms. Pakistan, Ms. Saudi Arabia at Ms. Bangladesh. Naiinis ako noon. Kasi kako bakit ang pangit ng mga bansang ina-assign sa akin ng mga teachers ko.

Isang beses lang ako nakapagsuot ng bonggang nirentahang gown nung gumanap ako na Ms. Canada, at yun na yun. Pero inggit na inggit talaga ako sa mga gumaganap na Ms. USA, Ms. Korea, Ms. Japan, Ms. Germany, Ms. Spain… kasi ang gaganda ng mga costume nila. Sabi nila Ermats, baka daw kasi mukha akong Arabo or Bumbay (saan banda?!) kaya ganung mga bansa ang palaging naassign sa akin.

Pero yung totoo, naiintindihan kaya ng mga bata kung bakit may United Nations Celebration? At ano kaya ang natututunan ng mga bata tungkol sa mga bansang inirerepresenta nila?

Aminado at guilty din naman ako na noon, ang akala ko lang ay pinagdidiwang lang tuwing Oktubre ang pagkakaisa ng mga bansa. Yun lang. Hindi ko alam noon na ang United Nations pala ay nakikialam din sa mga issue ng kahirapan, gender equality, environment, edukasyon, ekonomiya, human rights at siyempre ang kapayapaan at iba pang napakaraming issue. Kailan ko nga lang din nalaman na taun-taon pala ay may tema ang UN Celebration at ang tema ngayong 2015 ay International Year of Soils at International Year of Light and Light-based Technologies. 

Bukod pa dito, sana ay ginagamit din ang selebrasyon ng United Nations para mapaunlad ang kaalaman ng mga bata sa Heograpiya.

Sa pagtambay ko sa palengke ay may nakadaupang palad akong mga magulang at mga anak na nalilito. Ano daw ba ang costume ng Haiti? Ipinakita ng tindera ang kanilang brochure ng mga costumes at parang ayaw maniwala nung magulang nung bata.

haiti costume
haiti traditional dress

“Ganyan ba talaga yun? Hindi ba maiitim yung mga tao sa Haiti? Hindi ba sa Africa iyon? Hindi ba dapat tribal yung costume nun?”

Sumabad ako. “Naging Spanish and French Colony ho sila kaya medyo ganyan ang traditional costume nila. Saka nasa Carribean po sila at hindi sa Africa.”

Ayaw pa din maniwala nung mga magulang at umalis na lang nang walang nabili dahil ipinipilit nilang nasa Africa ang Haiti.

Mayroon namang dumating na naghahanap ng traditional costume ng Australia, pero kailangan daw ay Tasmanian.

Nung pinakitaan naman sila ng costume ng Tasmanian Aborigines ay umayaw naman sila. Bakit daw ganun ang costume ng Australia? Hindi ba dapat gown at parang dress ng mga European Countries?

aboriginal costume
tasmanian aboriginal dance festival sa australia (image source:www.gocampingaustralia.com.au)

Sana lang ang United Nations Celebration tuwing Oktubre ay hindi lang maging costume party at beauty pageant.

Sana ay maging daan ito para mas lumawak ang kaalaman ng ating mga kabataan tungkol sa mundo at sa mga nangyayari dito.

Advertisements

Mga Maaaring Gawin ng Guro Para Pigilan ang Pangongopya sa Klase

Second year highschool na ako nuon nang mapansin ko ang epidemyang ito na mabilis kumalat sa klase namin – ang pangongopya sa klase. Sa panahong ito ko na rin kinamuhian at isinumpa ang pangongopya.

Mag-aaral ako ng maayos tapos makikita ko lang ang mga kaklase ko na nagkokopyahan, makakakuha ng matataas na score at mabibigyan pa ng recognition pagkatapos ng taon.

paraan para huwag mandaya ang mga estudyante
narito ang isang mabisang paraan para pigilan ang pangongopya…

Mula Elementary hanggang College ay hindi ako nangopya. Hindi ako genius na estudyante, average lang ako pero nagawa kong makapasa sa lahat ng subject na pinagdaanan ko. Kaya masasabi ko kagaya ni Pinay Unlimited, na hindi talaga imposibleng makapasa sa pag-aaral kahit hindi nangongopya.

Ang pangongopya ay parang sakit, wala itong pinipili. Babae, lalaki, Katoliko, CYA, INC, Born Again, etc. Nakita ko silang lahat na nangopya. Hindi ako nagmamalinis sa pagsabing hindi ako nangopya habang nag-aaral. Ilang beses ko na ring tinangka mangopya pero mas nananaig lang talaga yung muhi at poot ko sa gawaing ito kaya hindi ko ginawa 😀

Nakaka-adik din siguro ang pangongopya. Parang sugal, o kaya kahit na anong masamang bisyo; kapag nalulong ka na, mahirap nang magbago.

pangontra sa pandaraya
mabisang paraan din ito…

Kaya kung ikaw ay isang estudyante na hindi pa nakaranas mangopya o nagsisimula pa lamang mangopya, huminto ka na ngayon pa lang. Iligtas mo ang iyong dangal, dignidad at moralidad. At kung nakalubog ka na sa pangongopya, humanap ka ng tulong.

Narito ang ilang mga pamamaraang ginawa ng mga titser ko noon para mahinto ang kopyahan sa amin. Hindi perpektong na-eradicate ang pangongopya pero nagkaroon ng kontrol sa klase.

  1. by batch na test
  2. surprise quiz
  3. oral test
  4. secret spies
  5. malayong pagitan ng mga upuan
  6. mahigpit na pagbabantay
  7. pagpapahinto ng test sa estudyanteng nahuling nangongopya sa klase
  8. pamamahiya sa nangopyang estudyante sa harap ng klase
  9. pag-cancel ng test sa buong klase
paraan para pigilan ang kopyahan...
okay na idea din ito…

Pero of course, kung tamad ang titser at walang malasakit sa kinabukasan ng kanyang mga estudyante eh wala siyang gagawing kahit na anong effort para masawata ang pandaraya sa klase.

**************************************

Disclaimer: Ang mga larawan sa itaas ay hindi kuha sa Pilipinas at hindi ko rin pag-aari.

Paano Makapasa sa Engineering Kahit Hindi Ka Genius

Sabi nila genius lang daw ang kumukuha ng engineering.
Sabi nila magagaling lang sa math ang nakakapasa sa engineering.
Sabi nila dapat analytical ka mag-isip para mag-survive sa engineering.

Isang malaking KALOKOHAN!

engineering math
first 2 years mo pa lang sa engineering, makakakita ka na ng ganito…

May kilala akong highschool student ilang dekada na ang nakakalipas. Average student lang s’ya. Okay ang mga grades n’ya sa maraming subjects maliban sa math. Tuwing lumalabas ang report cards, pinakamababang subject n’ya lagi ay math.

Weakness n’ya ang math. Bwisit na bwisit s’ya sa math.

Nung magtapos s’ya ng highshool, hulaan mo kung ano ang kinuha n’yang course sa college? Tama, engineering! Civil Engineering pa nga eh to be exact.

Naisip kasi n’ya nuon na ang Engineering ay hindi nalalaos na propesyon. At tama s’ya. Ang mga engineers, ano mang field sila nag-especialize ay hindi nawawala sa uso. Kahit saang bansa ay kinakailangan ang mga engineers.

Dahil nanggaling sa mahirap na pamilya, naisip ng estudyanteng ito na magandang investment para sa kanyang kinabukasan kung makakapagtapos s’ya ng engineering. Kaya kahit alam n’yang hindi s’ya nage-excel sa math, kumuha pa rin s’ya ng engineering at hinarap ang isa sa mga kinatatakutan n’ya sa buhay – ang subject na math!

Hindi kailangang maging genius, analytical mag-isip o maging magaling sa math para mag-survive sa engineering.

Narito ang ilang tips kung paano makapasa sa kursong Engineering.

  1. Don’t sweat the minor subjects. Huwag ipag-walang-bahala ang mga minor subject. Kahit na maliliit lang ang mga units nito, panghatak din ito ng overall grades. At kung sakaling maisipan mong lumipat ng course, at least make-credit pa ang mga ito at hindi mo na kelangang kunin ulit.
  2. Mag-advance study. Kung may kilala kang estudyante na ahead sa iyo ng one o two years, hiramin / hingin / bilhin mo yung mga luma n’yang notes at test papers. Pag-aralan mo yung mga major subjects (Trigonometry, Algebra, Calculus, Differential Equations, etc., etc.) ahead of time para may panahon ang utak mo na i-absorb ang mga mahihirap na bagay na bubunuin nito sa malapit na hinaharap.
  3. Mag-aral mag-isa. Importanteng mag-aral muna mag-isa para malaman mo kung ano ang mga bagay na hindi mo alam at dapat mong pagtuunan ng pansin. Subukan mong mag-set aside ng sapat na oras para tingnan ang iyong mga notes, sumagot ng mga practice problems at ilista ang mga hindi mo naiintindihan.
  4. Mag-group study. Importante ang group study dahil nakakapag-share kayo ng mga alam ninyo at hindi ninyo alam. Pwede kayong mag-set ng iyong mga kaibigan ng oras, araw at lugar kung saan maggu-group study.
  5. Practice solving as many problems as possible. Para sa mga mahihina sa math, hindi sapat ang isa o dalawang practice problems para masabing kabisado mo na ang formula o ang isang computation method. Kailangan mong sumagot ng sangkatutak na problema na may iba’t ibang kundisyon at sitwasyon bago ka maging confident na alam mo na nga gamitin ang nasabing mathematical formula.
  6. Kabisaduhing mabuti ang sariling calculator. Ang pagpili ng calculator ay parang pagpili ng mapapangasawa. Pakaisipin mo munang mabuti kung ano ang pipiliin mo dahil matagal kayong magsasama. At kapag nakapili ka na ng right calculator for you, see to it na makikilala mo ang lahat-lahat tungkol sa kanya. Alamin mong mabuti ang mga special functions n’ya, ang mga shortcuts, weaknesses and strengths. Pati yung mga secondary/tertiary button functions n’ya, alamin mo lahat as time passes. Commit to your calculator. Take good care of it. And it will not let you down.
  7. Durings tests, sagutin agad ang mga madaling problema. May mga nagpapayo na unahin muna daw ang mahihirap na questions sa mga test pero I never believed in that. Paramihan ng points ang test. Kaya para sa akin, answer as many problems as you can. Unahin muna ang mga madadali at tapusin ang mga ito as early as possible. Then, move on sa mga mahihirap at mabibigat na problema. Dun mo na ubusin ang oras mo. Hindi mo man matapos sagutin yung heavy problems, at least may points ka pa rin galing dun sa madadali.
  8. Kaibiganin ang mga henyo sa math. Tanggapin na natin na life is unfair. May mga gifted talaga sa math. Sila ang mga rockstar sa engineering. Pero don’t be bitter. Hindi naman komo lapitin sila ng mga magagandang kadalagahan o poging kalalakihan dahil magaling sila sa math eh wala na silang panahon sa ‘yo. Befriend them, be nice to them. Then, magtanong ka sa kanila paminsan-minsan tungkol sa mga hindi mo naiintindihan sa math.
  9. Unahin ang pag-aaral kesa sa anumang bagay. No need to explain. Gusto mong pumasa sa engineering nang walang bagsak? Bigyan mo ng mataas na priority ang pag-aaral at paghahanda para sa mga exams.
  10. Magdasal. Humingi ng talino, sipag, disiplina at pasensya sa ating Lumikha. Kahit mahina ka sa math, miracles can help you. Pero yung hindi ka mag-aaral at magdadasal ka na maipasa mo ang test, kahibangan yun on your part. Walang himalang mangyayari.

At sa habag at kabutihan ng ating Poong Lumikha, nag-graduate nga ang pobreng estudyante sa ating kuwento nang walang bagsak at minsan pa nga eh with flying colors. Yes, hindi rin n’ya kinailangang mangopya kapag merong test.

Hindi ko sasabihin na ako ang estudyanteng tinutukoy ko sa post na ito dahil ayokong amining mahina ako sa math.

Pero ang gusto ko lang sabihin ay hindi lang mathematical skills ang kailangan para magtagumpay sa math. Lalo na sa kursong kagaya ng engineering.

Hindi sapat na dahilan ang mahina ka sa math kaya igi-give-up mo na ang engineering course. Magagamit mo ang iba mong mga kakayahan at strong points para suportahan ang pag-aaral mo ng engineering. Medyo kailangan mo lang ng mas maraming oras para mag-aral kumpara sa mga gifted sa math.

Sa lahat ng nais maging engineer balang araw, hindi imposibleng mag-graduate sa engineering kahit na mahina ka sa math.

Marami ang kumukuha ng engineering, nagga-graduate, nakakapasa sa board exam at nakakahanap ng trabaho taun-taon kahit hindi magaling sa math.

Narito ang listahan ng grades na nagpapatunay sa aking mga sinasabi.

sample enginering grades
grades ng isang engineering student na mahina sa math…

Bakit Hindi Dapat Mangopya sa Klase

pandaraya sa eskwela

Yehey, pasukan na naman. May baon na naman, may crush na naman and may gimikan with friends na naman.

Kaya lang, may exams na naman. At pag may exam, panahon na naman ng dayaan para sa mga mandaraya at mapangopya. Para lang yung mga corrupt politicians kapag panahon ng eleksiyon.

Kapag lulong na ang isang tao sa isang masamang bagay eh nalilimutan na n’ya kung bakit kelangang ihinto ang kanyang masamang bisyo. Ganyan din ang nangyayari sa mga nandadaya o nangongopya kapag may exams.

Ang mga nalululong sa pandaraya at/o pangongopya eh hindi na alam kung bakit ito masama.

So, bakit nga ba masama ang mangopya? Narito ang ilang mga dahilan.

  1. Ang pangongopya ay isang paraan ng pagnanakaw.
  2. Ang pangongopya ay nagtuturo ng katamaran.
  3. Ang pangongopya ay pinagmumulan ng kawalang-disiplina.
  4. Ang pangongopya ay nagbibigay ng kalyo sa konsensya.
  5. Ang pangongopya ay nagtatanggal ng tiwala sa sarili.

Marami sa mga kilala kong mapangopya ang hindi nakapasa sa board exam at nahirapang makahanap agad ng trabaho.

Hindi lang simpleng dishonesty ang pangongopya, maraming bagay ang naapektuhan nito hindi lang sa personal nating buhay kundi pati na rin sa lipunang ginagalawan natin.

Para sa aking kapwa guardians (of the kabataan)

Bilang mga magulang, guro o tagapag-alaga, tungkulin nating masigasig na ituro sa ating mga kabataan ang pagiging tapat at pagsisikap para sa isang bagay, gaya ng pag-aaral ay mas gaganda siguro ang sitwasyon ng bansa natin.

Para sa mga kabataaang mag-aaral

Ang pagtuturo sa inyong mga kabataan na huwag mangopya ay pagtuturo din sa inyo na magpursige, magsikap, maging disiplinado, magbigay dangal sa sarili, maging tapat, sumunod sa batas, maniwala sa sarili at maging independent.

In essence, tinuturuan kayong magtagumpay sa buhay sa tamang paraan. Sa paraang hindi tumatapak sa karapatan ng iba at sa paraang hindi sumisira sa kaayusan ng lipunan.

Narito ang ilang bible verses na tumatalakay sa isyu ng pandaraya.

“Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya’y may maibigay sa nangangailangan.” Mga Taga-Efeso 4:28

“Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.” Lucas 16:10

“Huwag kayong magnanakaw; ni magdadaya, ni magsisinungaling ang sinoman sa iba.” Levitico 19:11

Related Article:

Mga Maaaring Pagkakitaan Kahit Habang Nag-aaral

Kung isa kang estudyante na gustong kumita ng sarili mong pera sa iyong mga libreng oras, narito ang ilang mga paraan para kumita ka kahit na habang nag-aaral.

kumita habang nag-aaral

1. Mag-trabaho para sa mga kakilala, kamag-anak o pamilya

Nung elementary student ako ay sumasama ako sa kapitbahay namin na nagbabalot ng uling. Medyo marumi yung trabaho pero madali lang naman at kalaunan ay naging negosyo rin ng pamilya namin ito.

Kung meron kang kilala o kamag-anak na merong business, subukan mong mag-apply at makipag-negotiate kung magkano yung kikitain mo sa isang araw. Wag ka na lang masyadong demanding kung baguhan ka pa lang.

2. Magbenta ng sariling produkto

Nung hayskul at college years ko eh nag-drawing ako para sa iba’t-ibang tao. Merong mga kaklase, kapitbahay at kamag-anak. Meron ding mga nagpa-drawing na mga hindi ko kilala at kaanu-ano. Nabighani siguro sa gawa ko hehe.

Meron naman akong college classmate dati na kumikita sa pagtu-tutor sa math. Kung meron kang skills or products na kayang i-produce na sa tingin mo eh marketable, pwede mo yang pagkakitaan.

3. Summer jobs ng gobyerno

Hindi ko alam kung meron pang ganito ngayon pero nung highschool ako eh naranasan kong maglinis ng public schools at public market dahil dito. Fixed ang bayad at hindi makaka-apekto sa iyong sweldo ang performance mo sa iyong trabaho.

Ang problema lang dito ay yung palakasan system. Kung wala kang kamag-anak sa lokal na baranggay o kaya city office, hindi ka makakapasok dito.

Kontroladong kontrolado ang mga nakakapasok dito. Pero subukan mo pa rin, agahan mo na lang ang pag-inquire at pag-apply at baka sakaling maawa sa iyo yung nagpo-process ng mga application.

4. Part-time crew sa mga food chains

Nag-trabaho ako para sa Greenwich nung college ako. Magandang experience ito kasi sa bangko na ako kumukuha ng sweldo tapos meron pang login at logout. Feeling totoong trabahador na.

Nakita ko pa sa personal si Ricky Davao 😀

Maraming mga food chains ang pini-prefer na mga estudyante ang kuning crew at part-time workers kasi hindi obligadong gawing regular ng mga food chain ang mga estudyante lalo na yung mga tig-2 months lang nagta-trabaho. Madali lang matutunan ang trabaho sa mga fast food. Isang linggo lang, professional ka na. At sa dami ng mga food chains ngayon, hindi maaaring hindi ka makapasok sa mga ito.

Meron ding karagdagang benefits lalo na kung makapasok ka sa medyo sikat na foodchain gaya halimbawa ng libreng meal mula sa kanilang menu. Subukan mong mag-apply sa Kenny Rogers, masarap yung muffin nila.

5. Online (freelancer) part-time jobs

Di ko pa ito nasubukan pero may mga alam akong kumikita sa pamamagitan nito. Kung meron kang sariling computer at mabilis na internet, nire-recommend kong subukan mo ang rarejob philippinesodesk.com at freelancer.com for starters. Gumawa ka ng account at tingnan mo yung mga available jobs na yakang-yaka mong gawin. Marami pang ibang mga website ang kagaya niyan at pwede kang mag-register sa lahat ng ito hangga’t kaya ng kapasidad mo.

Pwede kang magturo ng English, magsulat para sa blog, gumawa ng thesis, mag-translate ng document, mag-research, mag-input ng data at kung anu-ano pa na pwedeng gawin sa loob ng bahay.

Marami pang ibang pwedeng mapagkakitaan kahit bata pa at nag-aaral. Basta ilagay mo lang lagi ang pag-aaral sa iyong prayoridad. Umiwas sa mga trabahong labag sa batas, makakasama sa iyong kalusugan at personal na kaligtasan. At siyempre dapat may permiso mula sa iyong mga guardians.

Photo by: Sebastian ter Burg (photo use permission via Attribution 4.0)

Bakit Dapat Matutong Magtrabaho ang Kabataan Habang Nag-aaral Pa

Mula elementary, highschool hanggang mag-college ay naranasan ko ang mag-trabaho habang nag-aaral. Well actually, habang bakasyon sa pag-aaral. Atsaka hindi naman heavy labor at hindi rin full-time.

Masarap ang feeling ng kumikita ng sariling pera. Hindi ako pressured manghingi ng pera sa mga magulang ko kapag may kailangan akong bilhin at nasusustentuhan ko pa ang mga personal kong bisyo.

magtrabaho habang bata
okay lang magtrabaho habang nag-aaral pa (fb.com/JollibeePhilippines)

Ang mga bisyong pinagkakagastusan ko nung estudyante pa lang ako eh komiks, meryenda, komiks, mga gamit pang-drawing, komiks, album ng gusto kong music artist atsaka komiks.

Nasabi ko na bang mahilig ako sa komiks?

Anyway, marami akong natutunan sa aking pagtatrabaho ng part-time sa murang edad. At nais kong i-share ito sa lahat ng mga kabataang dumadaan dito at ginagawang reference para sa kanilang assignment ang blog na ito.

Ang mga magagandang bagay na naidudulot ng pagtatrabaho habang bata pa:

1. Tulong sa pamilya

Kay laki ng pasalamat ng mga magulang kung mapapagaan mo ang kanilang mga gastusin. Kapag may sarili kang pera, pwedeng sagutin mo na ang sarili mong pamasahe, pambili ng ilang gamit sa eskwela o kaya eh pang-photocopy ng mga assignment ng iyong kaklase, este lecture pala.

Matututo ka rin maging independent kung hindi mo iaasa sa iyong mga magulang ang lahat ng iyong mga financial needs. Kahit na anak ka pa ng isang politician.

2. Dagdag pocket money

Kung hindi mayaman ang iyong mga magulang at sapat lang pang-banana cue ang kaya mong bilhin sa baon mo, magpasalamat ka pa rin.

Natutustusan pa rin ang iyong pag-aaral at nakakapag-meryenda ka pa samantalang marami sa ating mga kababayan ang hindi man lang makatuntong sa paaralan dahil sa kahirapang dulot ng katiwalian ng mga walanghiya nating corrupt government officials na paboritong iboto ng publikong nagpapabulag sa panloloko ng mga pulitikong ito.

Nasaan na ‘ko?
Ah okay, naalala ko na.

As I was saying, kung may sarili kang pera, kahit paminsan-minsan eh magagawa mong makapag-meryenda sa McDo o kaya sa Congo Grille. Wag mo lang dadalasan.

3. Preparation para sa totoong pagtatrabaho

Hindi ko alam ang feeling ng first time na magtatrabaho pagka-graduate kasi marami na akong experience magtrabaho nung nag-aaral pa lang ako.

Pero base sa mga nakita ko sa mga kaklase kong first time pa lang sa buong buhay nila maghanap at pumasok sa trabaho, parang napakalaking chapter ng buhay ang kanilang papasukin. Parang tatalon sila ng bangin para makapunta sa kabilang ibayo.

Kaya mas maganda na habang bata ka pa, tingnan mo na kung paano ang buhay ng nagtatrabaho. At least habang nag-aaral eh medyo alam mo na kung ano ang naghihintay sa iyo pagka-graduate.

4. Training sa pakikipag-kapwa-tao

Ang maganda sa buhay estudyante, mapipili mo kung sino ang mga pakikisamahan mo. Kung sino ang sasabayan mo sa pagkain, kung sino ang sasabayan mong umuwi o kaya sino ang pagkakatiwalaan mo ng mga laman ng bag mo.

Pero pag nagta-trabaho ka na, iba-iba na ang edad. Iba-iba na ang ugali. Iba-iba na ang mga preferences. At madalas, hindi mo mapipili kung sino ang makakatrabaho mo.

Habang bata pa, magandang ma-expose ka na sa ganitong environment para hindi ka masyadong ma-shock kapag totoo na. Sa isip mo, alam mo na ang aasahan mo at may paghahanda ka nang magagawa.

5. Training sa paghawak sa pera

Kapag tumatanggap lang tayo ng pera, nate-take for granted natin ang ating mga biyaya at yung pinanggagalingan ng biyaya. Pero kung mararanasan mo ang kumita ng pera mula sa sarili mong pagpapagod, magkakaroon ka ng ibayong perspective sa pera. Mas papahalagahan mo na ang value ng pera.

Higit sa lahat, maa-appreciate mo rin ang ginagawa ng iyong mga magulang para maitaguyod ang inyong pamilya sa pamamagitan ng pagsisikap nilang kumita ng pera.

6. Training sa responsibilidad

Kapag nagtatrabaho ka, meron kang amo. Siya ang magbibigay ng sweldo sa ‘yo kaya kung meron mang mali sa iyong mga ginagawa, sa kanya ka mananagot.

Sa pagtatrabaho, matututunan mo ang magkaroon ng sense of responsibility. Pero hindi lahat ng nagtatrabaho ay nagiging responsableng tao. Magka-iba yun.

7. Credentials pag naghahanap ng trabaho

Bukod sa aking pagiging ubod ng gandang lalake ay naisip ko na kaya siguro agad ako natatanggap sa mga inaaplyan kong trabaho ay dahil sa aking wide variety of work experiences.

Kahit gaano kababaw o kaikli yung previous work experience mo, mas pagkakatiwalaan kang i-hire ng mga kumpanya kung alam nilang naranasan mo na ang magtrabaho dati.

Imagine kung ikaw ang naghahanap ng trabahador para sa iyong kumpanya. Pipiliin mo ba yung baguhan kesa sa meron nang konting nalalaman?

Kung pareho lang ang perang ibibigay mo sa trabahador, mas pipiliin mo syempre yung napatunayan na ang pagiging marunong magtrabaho.

8. Pampatay ng oras pag bakasyon

Mas maganda na yung hindi ka nakatambay lang sa bahay at nauutusan lagi ng nanay mo. Kapag bakasyon, maghanap ka ng trabaho. Hindi na nasasayang ang oras mo, may pera ka pa, may natututunan ka pang mga bagong bagay.

9. Pantustos sa mga bilihing hindi importante sa buhay

Gaya ng nabanggit na sa una, kung sapat lang ang kinikita ng iyong mga magulang para sa inyong pangangailangan, wala ng puwang pa para gumastos para sa mga luho. Pero kung magtatrabaho ka at kikita ng sarili mong pera, magagastusan mo ang iba mong mga interes, gaya ng komiks halimbawa.

10. Paglawak ng kaalaman sa labas ng eskwela

Kapag isa kang professional na estudyante, yung buong 12 years ng buhay mo eh ang alam mo lang sa buhay mo ay maging estudyante, nakakatakot nang mag-graduate.

Paaralan na ang iyong comfort zone at alien planet ang labas ng eskwela. Pero marami pang adventures at kapana-panabik na karanasan ang naghihintay sa labas ng paaralan.

Kung magtatrabaho ka habang nag-aaral, malalaman mong hindi pala nakakatakot ang buhay sa labas ng eskwela. Malalaman mong hindi pa pala katapusan ng buhay kapag graduate ka na.

Kung gusto mong kumita kahit bata pa, hindi ito imposible. Wag ka lang papasok sa mga illegal na gawain at yung malalagay sa peligro ang iyong personal na kaligtasan at kalusugan.

At yung hindi rin masasakripisyo ang iyong pag-aaral, siyempre.

Ang Misteryo ng Nawawalang Klase

Mahigit dalawampung taon na ang nakakalipas nung unang araw na tumuntong ako sa hayskul pero tandang-tanda ko pa rin hanggang ngayon ang misteryong bumalot sa araw na iyon.

misteryo ng nawawalang klase

Bago lang akong mag-aaral sa paaralang iyon kung saan ako magha-hayskul. Inilipat kasi ako ng nanay ko ng paaralan nung maka-away n’ya yung principal ng elementary kung saan ako nag-aral ng anim na taon.

Wala akong kaalam-alam sa bago kong paaralan.

Entrance test at enrollment lang kasi ang mga pagkakataon na nakapasok ako du’n bago nagsimula ang pasukan. Hindi rin ako nag-sightseeing sa loob dahil sa takot na maligaw (maliit pa kasi ako nuon, kaya feeling ko eh ang laki-laki nung eskwelahan).

Dahil wala akong masyadong alam sa pasikut-sikot sa loob ng bago kong paaralan, dumating ako ng maaga para sa unang klase namin sa araw na iyon.

Kung tama ang pagkakatanda ko, 45 minuto pa bago magsimula ang klase namin, nasa loob na ako ng paaralan. Sa tingin ko naman noon eh tama lang yung oras ng dating ko para matunton kung nasaan ang aking kuwarto.

Hindi naman talaga kalakihan ang paaralang iyon pero pakiramdam ko eh pumunta ako sa isang syudad kung magtanong ng direksyon sa mga taong nasasalubong ko. Kung naging mayaman lang kami at meron nang internet at iPad at Google Earth nuon eh hindi sana ako nahirapan tukuyin yung kwarto ko.

Ilang beses akong nagpabalik-balik sa direksyong itinuturo sa akin ng mga tao subalit wala talaga akong makitang mga estudyante sa kwarto ng una naming klase.

Masyado ba akong maaga?

Pero sa pinanggalingan kong eskwela, kalahating oras pa bago magsimula ang klase, meron nang mga estudyanteng naghihintay sa loob ng kwarto.

Kung hindi ako nagkakamali, SB-106 ang kwarto ng unang klase ko sa araw na iyon. Subalit sinuyod ko na ang SB-101 hanggang SB-110 nang ilang beses pero wala talaga akong nakitang estudyante duon.

Nagtanung-tanong pa ako at nagpa-ikut-ikot kung may iba pang SB-106 sa paaralang iyon pero isa lang ang direksyong itinuturo sa akin. Yung kanina ko pa binabalik-balikan na walang tao.

Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang oras ng klase subalit wala pa rin akong nakikitang ibang kamag-aral sa kwartong itinuturo sa akin.

Napaisip ako ng ilang bagay:

1. Mali ang tinanggap kong oras na umpisa ng klase
2. Nagkaroon ng announcement na postponed ang unang klase namin pero hindi ko alam
3. Mali ang kwartong ibinigay sa akin

Sumapit na ang oras ng klase at nasa labas pa rin ako, naghahanap ng kwarto.

Naisipan kong balikan ulit yung kwartong kanina ko pa binabalikan at sa laking gulat ko, meron nang mga tao sa loob niyon.

Isang guro na nagsasalita sa harap ng mga estudyante ang nakita ko mula sa labas.
Nagpasintabi muna ako sa guro bago ko inabala ang kanyang pagsasalita.

“Excuse me po…”, sabi ko.
“Yes?”, sabi nung guro.

“Ito po ba yung Science 101?”, tanong ko habang pinagpapawisan na sa init, pagod at pressure.
“Oo, ito nga.”, sagot n’ya.

Nakaramdam ako ng ginhawa ng marinig ko ang sagot na ‘yun at pumasok na ako sa kwarto sabay sabing, “Haaay, salamat!”

Nagtawanan ang buong klase. Unang araw ko sa paaralang iyon eh katatawanan na ako. Promding promdi kasi ang dating ko.

Hindi ko alam kung namaligno, naengkanto o napadaan ako sa isang time warp zone nung araw na iyon pero wala talagang tao dun nung pinuntahan ko na ilang beses at biglang napuno ilang minuto lang pagbalik ko.

Hindi ko na nalaman kung ano talaga ang nangyari nung araw na iyon.
Kaya memorable sa akin ang first day of highschool ko.

Hirap talaga kapag bagong salta.

Happy back to school days sa mga mag-aaral.

Mga Maaaring Gawin Habang Bakasyon

Hello mga kids, bored na ba kayo sa bakasyon ninyo? Don’t worry, heto na naman si Tito RP para magbigay ng mga unsolicited advice at tips para sa inyo kung paano pasisiglahin ang inyong bakasyon.

dalampasigan
masarap maglakad sa dalampasigan…lalo na kung bakasyon
http://boundlessframe.blogspot.com

Ang mga kabataang Pilipino ay masyadong pampered pagdating sa haba ng bakasyon.

Sa pagkaka-alam ko ay meron kayong tatlong uri ng bakasyon sa loob ng isang taon:

1. Summer vacation (2.5 months)
2. Semestral break (2 weeks)
3. Christmas break (2 weeks)

Wala pa d’yan yung mga bakasyon na gawa ng bagyo, baha o biglaang pag-absent ng titser. Bale humigit kumulang na tatlo hanggang apat na buwang bakasyon sa isang taon! What the…!!!

Ang mga kabataan sa ibang bansa (gaya ng Japan) ay meron lang total na kulang sa dalawang buwang bakasyon sa isang buong taon.

Sayang na sayang ang mga panahong ito kung uubusin n’yo lang sa kalalaro ng games. O kaya eh kakatext, kakanood ng tv at paglalakwatsa ng walang katuturan.

Heto ang mga maipapayo kong magandang paglaanan ng inyong oras habang bakasyon.

1. Mag-aral

Bakasyon na nga eh, aral pa rin?

Oo, bakit? Masama?

Pag-aralan ninyo ang mga bagay na talagang interesado ninyo pag-aralan: mag-drawing, magsulat, mag-painting, mag-swimming, magluto, maglaba, mamalantsa, etc.

Pwede n’yo rin pag-aralan yung mga alam ninyong kasunod na subjects na kukunin ninyo sa susunod na school year. Tataas na ang grades ninyo, marami pa magkaka-crush sa inyo.

2. Magtrabaho

Huwag laging umasa sa ibibigay na pera ng mga magulang. Bigyan n’yo sila ng break pag bakasyon.

Mag-apply sa mga summer jobs na available sa gobyerno, sa mga fast foods, o kaya naman eh kahit mag-tinda ng sa-malamig.

May sariling pera na kayo, lalawak pa experience n’yo, may dagdag job credentials pa para sa inyo at marami pa kayong makikilang bagong mga cute na guys o gals.

3. Tumulong sa bahay

Bumawi naman kayo sa inyong mga magulang ngayong bakasyon.

Maghugas ng plato, magwalis ng sahig, magpunas ng alikabok, alagaan ang mga batang kapatid, magligpit ng tinulugan, maghain ng pagkain, at iba pa.

Matutuwa ang mga magulang ninyo at baka maisipan pang dagdagan ang allowance n’yo. Praktis na rin ‘yan ng inyong skills para sa future ninyong buhay na may sariling pamilya.

4. Mamasyal

Nakakabagot din yung laging nasa bahay ah.

Masarap sana pumunta sa mga malalayong lugar lalo na kung may pera. Pero kung walang budget, andyan naman lagi ang mga mall. ‘Wag na lang magdala ng pera para makatipid.

Kung may bisikleta kayo, mamasyal sa inyong neighborhood habang nakabisikleta. Magandang ehersisyo ito, umiwas lang sa lugar na maraming asong mahilig manghabol ng mga bagay na gumagalaw.

5. Sumali sa community activity

Magpa-register sa mga community o church activity sa inyong lugar. Marami kayong makikilala at magkakaroon pa kayo ng silbi sa ibang tao. Masarap ang sense of fulfillment at sense of value kapag nagpa-participate sa mga ganitong okasyon.

Minsan makakalibre ka rin ng masasarap na pagkain sa mga ganitong activity.

Okay, ’til next post ulit.

‘Wag Lang ‘Di Makapag-Rebelde

Naaalala mo pa ba ang kabataan mo?
Parang ang sarap mag-rebelde noon, ‘di ba?
‘Yun bang ipapakita mong iba ka sa lahat, hindi ka sumusunod sa kalakaran.
Proud ka pa minsan ‘pag alam mong hindi normal ang ginagawa mo.
Kakaiba ka.

Pangkaraniwan lang siguro sa paglaki ang damdaming mag-rebelde.
(‘Wag lang aabot sa puntong gusto mo na maging NPA o makipaghabulan sa mga pulis)

Kagaya ng munting ibon na tumatalon mula sa mataas na pugad para matutong lumipad.
O gaya ng batang tigre na humaharap sa dambuhalang elepante para matutong lumaban.
Tayo mang tao ay sinusukat ang sarili nating kapasidad.

Sinusuong natin ang mga sitwasyong hindi natin alam ang kalalabasan.
Tinatahak natin ang mga kalsadang hindi alam kung ano ang patutunguhan.
At minsan pa nga ginagawa natin ito kontra sa abiso ng mga nakatatanda.
Nung mga mas marami na ang nalalaman sa buhay.

accreditation
isang editorial cartoon na ginawa ko noon tungkol sa pagtatakip ng flaws ng aming eskwelahan para lang tumaas ang rating nito sa school accreditation…

Ang pagre-rebelde ay may dala-dalang hindi mabuting kahulugan.
Subalit ang pagre-rebelde ay isang paraan para kilalanin ang sarili.
Para malaman kung ano ang iyong personal preferences sa buhay.
Para malaman mo kung ano ang kaya mo at hindi.
Dapat yata talaga nating daanan ito para matuklasan ang ating personal identity.

Iba-iba din ang paraan natin sa pagiging rebelde.
Para sa akin, isang paraan ay ang pagtaliwas sa pangkaraniwan.

Pero ano na nga ba ang pangkaraniwan?
Sa dami ng kabaliwang ginagawa ng mga tao sa panahong ito,
ang hirap na yata maintindihan kung ano ang “pangkaraniwan”.

Pero kung kokontra ako sa gawi o kaugalian ng mga tao sa aking paligid,
iyon ay isang paraan ng pagre-rebelde para sa akin.

Kaya kung maraming kalalakihan ang umiihi sa pader,
rebelde ako kung iihi lang ako sa banyo.

ghostfighter
isang strip na ginawa ko noon gamit ang mga karakter ng ghostfighter…pinapatamaan nito ang scripted na isasagot ng mga isu-survey na estudyante para sa school accreditation

Iba’t iba ang pagpapahayag natin ng pagiging rebelde.

Merong cute
– mga kakaibang kolorete sa daliri
– paglalagay ng kakaibang mga keychain sa bag o celphone
– kakaibang kasuotan

Merong agaw-pansin
– kulay orange na buhok
– mga tingga sa mukha
– tattoo

Meron ding mga patago, mga pasaway, mga delikado at yung iba ay nasa
level na ng pagiging salot at peste ng lipunan.

teachers meeting
isang strip na bina-blind item ang isang teacher na naningil ng mahal sa mga handout photocopies

Pero madalas ay magastos maging kakaiba.
Kailangan ng pera para mai-express ang personal na rebelyon.

Nung college ako, dahil mahirap lang kami, dinaan ko lang sa mga drawing ang pagiging rebelde ko.

Kasama sa post na ito ang ilang mga drawing ko para sa school publication namin noon.
Tinutuligsa ko sa mga drawing na ito ang mga napansin kong mali sa aming paaralan.

Walang pinatawad, mula school administration, teachers, guards hanggang kapwa estudyante ay tinuligsa.

Yung iba na-publish, yung iba hindi.
Mabuti na lang at hindi ako napahamak sa mga drawing na ito.
Natakot siguro ang editor in chief ng aming school magazine na ilabas ang iba sa mga ito.

Hindi hamak na perwisyo sa akin at sa aking mga magulang kung sakaling na-kick out at na-blacklist ako sa ibang eskwelahan dahil sa mga drawing na ito.

Hindi ko agad naisip ang mga bagay na iyon nung panahong ginawa ko ang mga ito.

school guards
pamumuna sa walang habas na tuition fee increase at sobrang higpit na mga guard na pati paglakad sa loob ng campus, sinisita…bawal ang jaywalking sa loob ng campus noon

Sa pagre-rebeldeng ginawa ko, meron bang nabago?
Hindi ko alam…

Meron ba akong naimpluwensyahan?
Hindi ko rin alam…

Pero sa pamamagitan nito, nalaman ko ang mga hangganan na dapat kong itakda para sa aking sarili. Para sa sarili kong kapakanan at kapakanan ng mga umaasa sa akin.

student council
pagpuna sa maagang pagkatuto ng mga estudyante sa dirty politics…

Sa mga feeling cool sa pagre-rebelde at nagsisimula pa lamang tuklasin ang tunay na sarili,
hayaan n’yong ibahagi ko ang mga tips na ito:

1. Huwag ilagay ang sariling buhay at/o kinabukasan sa peligro
2. Gayundin, huwag ilagay ang buhay at/o kinabukasan ng ibang tao sa peligro
3. Irespeto ang karapatan ng iba (lahat tayo may feelings)
4. Sumunod sa batas (huwag maging salot ng lipunan!)
5. Panindigan ang mga resulta ng sariling desisyon

Ang pagtaliwas sa karaniwan ay hindi nangangahulugan na sisirain mo na ang buhay mo.
Puwede kang mag-rebelde na nananatili pa rin sa tama, konting creativity lang ang kailangan.

puppet student
feeling ko noon, kumakain ng pera ang school admin namin at meron silang mga alagang estudyante na sunud-sunuran sa kanila…

Maligayang pagre-rebelde (pagtuklas ng sarili) sa inyong lahat.