Category Archives: Halu-halo

Flight Attendant

Northwest Airlines, Delta Airlines at Japan Airlines pa lang ang mga nasasakyan kong
eroplano pag umuuwi sa Pilipinas (dahil ito ang mga mura kapag peak season).

Ang mga flight attendant sa mga airline na iyon ay iba’t iba ang lahi. May Amerkano, Thai, Japanese o Pilipino. Sa mga napapansin ko, pinaka-mabilis magpakita ng pagkayamot ang mga Pilipinong flight attendant.

Hindi ko alam kung bakit. Kasi sigurado namang pareho lang ang sweldo ng mga Pilipinong flight attendant sa mga kasama nito na iba ang nationality. Pareho lang din naman ang trabahong ginagawa nila. Hindi naman masasabing pinakapagod ang Pilipinong flight attendant.

Malalaman mo namang Pilipino ang flight attendant sa hitsura, accent at pangalan nila. Lalo na pag nagsalita sila ng Tagalog.

Habang nakikita ang ibang flight attendant na nakangiti pa rin kahit pagod na eh makikitaan na ng pagsimangot ang Pilipinong flight attendant.

Naniniwala ako na ang mga Pilipino ay palangiti. Kaya sa mga flight attendant na Pinoy, smile naman d’yan!

Advertisements

Airplane C.R.

Umuwi ako sa Pilipinas ngayong April pagkatapos ng mahigit 1 taon (at 3 buwan) mula nung last time akong umuwi.

Sa loob ng eroplanong sinakyan namin ng pamilya ko, popular ang mga comfort room. Hindi ito nababakante ng matagal.

Napapa-ihi na ako kaya kesa maghintay ako sa aking upuan, tumayo na ako sa mismong labas ng pintuan ng CR para hindi na maunahan ng iba.

Ang napansin ko, kapag babae ang gumagamit ng comfort room, pagkaaaaatagal-tagal. Hindi naman sila umeebak. Hindi naman sila naliligo. Minsan parang hindi rin naman sila umiihi. Pero ang tagal-tagal nila sa CR.

Sabi ko sa misis ko, “Sa tagal ninyong mga babae mag-CR, kaya ko ng i-ebak lahat ng laman ng tyan ko.” (pasintabi sa mga kumakain habang nagbabasa). Sa tagal din ng mga babae mag-CR, kaya ko ng maligo at magbihis.

Ganun daw talaga sabi ng misis ko. Marami pa kasing chine-check ang mga babae pag nasa loob ng banyo: make-up, buhok, damit etc.

Dapat yang mga CR sa eroplano ay isa para sa mga lalaki, at pito para sa mga babae (economy class pa lang ‘yun).

Sino Ang May Gusto ng Away?

Ngayon ko lang napagtanto na ang dami-dami palang kaaway ng Pilipinas.

Heto sila:

1. Corrupt government officials
2. Corrupt private individuals (law breaking common people)
3. Mga rebeldeng komunista
4. Mga terorista
5. MILF factions na hindi interesado sa peace negotiations
6. Criminal elements (riding in tandem, carnappers, kidnappers, etc.)

at ang pinaka-latest sa listahan…

7. bullying China

Wag na dapat bibilhin ang mga produktong made in China magmula ngayon.
Yung mga nabili na, di na kailangang itapon (kagaya nitong PC na gamit ko).

Pulitika sa Pilipinas (Part 2 of 2)

Naalala ko ang mga katagang binitiwan ng kalaban ni Astroboy* dun sa pinakabago n’yang Computer Animated film na pinamagatang “Atom” (Japanese title pero ‘di ko alam kung ‘yun din ang pamagat ng US version ng pelikula).

Mayor ng syudad yung kalaban ni Astroboy at na-infect ng isang parang techno-virus na galing sa kulay pulang energy kung kaya’t ito’y naging halimaw na robot. Habang winawasak ang syudad, sabi nung kalaban ni Astroboy, “The city elected me, therefore I own it!”.

Nakakatawa ang mga salitang ito na binitiwan ng kalaban para sa ating mga Pilipino, kasi nakikita natin na parang may ganitong mentalidad ang ilang mga pinuno ng ating bansa.

Karaniwan pa nga, kung saang probinsya na matagal na ang mga namumuno o political dynasty ang pamamahala, yun pa ang hindi mabilis ang pag-asenso, polluted at mataas ang krimen.

Bawat lalawigan merong Congressman, Governor, Mayor, Councilors, Baranggay Captain, Tanods at Sangguniang Kabataan at bawat isa sa mga ito ay may mga pondo. Pero bakit kaya hindi pa rin umuunlad ang maraming probinsya sa ating bansa kahit mula’t mula pa ay pareho lang ang nakaupo?

Mga naiisip kong tanong tungkol sa bagay na ito:

1. Ano ang maaari nating gawin tungkol sa bagay na ito?

2. Kung hindi iboboto ang myembro ng political dynasty o matagal ng pinuno, may mangyayari kayang pagbabago?

3. In the first place, meron bang ibang pagpipilian?

4. Humanap kaya ng alternative na matinong kandidato?

5. Magtatagal ba ang buhay ng matinong kandidato na ito kapag naging popular s’ya?

6. Kung manalo ang matinong kandidato, ano ang kaseguruhan na hindi ito magiging kagaya ng mga pinalitan?

7. Tanggapin na lang kaya natin ito at magtayo ng business ng pagawaan ng mga campaign materials (in fairness, mukha s’yang very profitable business ha)

*Astroboy is owned by Tezuka Productions

Pulitika sa Pilipinas (Part 1 of 2)

2012 pa lang ngayon, halos 2 years pagkatapos ng huling election. Hindi pa nakaka-recover ang mga natalo nung huling eleksyon eh heto na naman at medyo maalingasngas na ang tunog ng eleksyon para sa 2016!

Ano ba naman ‘yan, ang dami-dami pang problema ng bansa natin eh puro eleksyon na ang inaatupag ng ilang mga pulitiko.

Subalit ang pulitika ay isang uri na yata ng hanapbuhay para sa ilang mga pulitiko. Kaya nakakabalita tayo ng mga patayan sa pagitan ng mga magkakaribal sa pwesto. Yung iba naman, kapag nanalo na sa eleksyon, sisiguraduhing hindi na sila matatanggal kahit kelan kaya’t nagkakaroon ng mga political dynasty.

Kahit mga hindi expert sa political analysis, nagiging expert sa klase ng politika sa bansa natin. Ganito din kaya sa ibang bansa?

Ilang beses ng nagpalit ng Prime Minister ang Japan. Halos taun-taon ito kung magpalit. Si Koizumi lang ang alam kong nagtagal. Matagal na yung isang taon para sa isang Prime Minister. Nagre-resign sila pag hindi na nila kaya! Hindi ko alam kung mahihina ang loob nila o matindi lang talaga ang sense of responsibility nila kaya konting mali lang eh, pakiramdam nila hindi na sila karapat-dapat mamuno. Wala sila sa ilang mga pulitiko natin sa Pilipinas (hindi ko na kelangan i-elaborate).

(Itutuloy…)

Climate Change Band

Merong bagong banda akong nadiskubre.
Last year lang yata nila ni-release yung unang album nila.

Okay sa akin yung isang kanta nila na pinamagatang “Iwagayway Mo”.
Crush ko yung kantang ‘to.

Makabayan ang tema ng kanta.
Gusto ko sanang i-post yung buong lyrics ng kanta nila dito pero parang bawal yata eh.
Heto na lang ang link sa lyrics nila.
At maririnig naman ang sample ng kanta nila sa link na ito.
Meron din silang video sa you tube na kinakanta ng live itong kanta.

Wala lang nai-share ko lang.

Okay, next time ulit.

Mas Masaya sa Pilipinas (Part 4 of 4)

Hindi ako nagrereklamo sa bagong slogan ng Department of Tourism kahit na recycle ito ng slogan ng ibang bansa nung 1950’s. Ang ipinagpuputok ng aking butse ay ang sense of priority natin.

Bilang isang Pilipino na alam ang sitwasyon sa bansa, ang reaksyon ko nung makita ko yung bagong slogan ay, “It’s more fun ang alin?”. Kapuri-puri ang efforts ng pamahalaan para i-promote ang ating bansa na bisitahin ng mga banyaga. In turn, nagiging revenue ito na pwedeng nakawin ng mga corrupt government officials o, kung sinusuwerte tayo eh magamit sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya.

Hinihikayat ng DoT ang mga Pilipino na anyayahan ang mga banyaga na bisitahin ang Pilipinas at i-promote ang magagandang bagay sa ating bansa. Okay yun. Kayang kaya. Pero pag nagtanong ang foreigner ng, “Is it safe in your country?”. Ano ang isasagot natin?

Sa mga planong proyekto ng DoT na padamihin ang bibisita sa Pilipinas, kasama sana sa plano nila ang makipag-coordinate sa iba pang mga sangay ng pamahalaan natin para malunasan ang problema natin sa corruption at karahasan (maaaring ginagawa na nila ito, kelangan lang ng mas marami pang visible positive results).

Nakakatuwa na naka-engganyo tayo ng napakaraming turista sa ating bansa (ayon sa tala ng DoT). At tunay naman talagang napakaganda ng mga tourist spots sa ating bansa. Pero ilan kaya sa mga banyagang ito ang babalik ulit para bisitahin ang Pilipinas? Ilan kaya sa kanila ang babalik na may magagandang kuwento sa kanilang bansa? Ilan kaya sa kanila ang hindi na nakauwing buhay sa bansa nila?

Kung tayo mang mga Pilipino na mismo eh hindi pa sigurado sa ating kaligtasan sa sarili nating bansa, paano pa kaya yung mga banyagang bumibisita lang?

Gaya nitong mga riding in tandem robbers/killers, ilan na ba ang mga nahuli sa mga ito?

Sa klase ng peace and order sa ating bansa, kahit na gaano kaganda ang idea ng DoT at kahit na gaano pa sila maging ka-effective sa pag-advertise ng bansa natin, aani at aani pa rin ito ng puna (unfair para sa DoT kung tutuusin).

Hindi naman talaga DoT ang pinupuna ng mga tao kundi ang priority natin bilang bansa. Alam ng mga tao na may mas mabibigat na problema ang ating bansa at nagtataka ang marami kung bakit hindi ang pag-address dito ang inuuna nating solusyunan.

Kung uunahin siguro nating ayusin ang mga ilang malaking isyu ng bansa natin, baka kahit hindi na hikayatin ang mga dayuhan eh pupunta sila dito ng kusa.

Kahit parang exaggerated pakinggan, kapag nasa Pilipinas ako, pakiramdam ko eh parang kahit kelan, kahit saan eh pwede akong mamatay. Parang exaggerated talaga, pero heto ang mga naiisip kong sitwasyon na maaaring mangyari:

1. Mapatay dahil napagkamalan ng isang myembro ng gang na myembro ako ng kaaway nilang gang

2. Sumakay sa dyip, maholdap at mapatay

3. Maglakad sa kalsada at mapag-tripan ng adik, masaksak at mapatay

4. Madamay sa isang shoot-out habang nagwi-window shopping sa mall

5. Tamaan ng stray bullet na lumusot sa bubong habang ako’y natutulog

6. Atakihin sa puso sa panonood ng mga nakaka-kunsumeng balita sa tv

7. Mapagkamalan na si Tom Cruise at dumugin ng mga tao, at dahil di ako makahinga sa mga yakap at halik sa akin ng mga kababaihan, patay

Mas Masaya sa Pilipinas (Part 3 of 4)

Tapos meron pang mga kapwa mo Pilipino na unang-unang nanlalait sa Pilipinas. Merong sinabi sa akin yung boss kong Hapon ilang taon na ang nakakalipas, kino-confirm kung totoo bang kumakain ng tao sa Pilipinas.

Ang galing na tanong! “Kumakain ba ng tao sa Pilipinas?” Isang Pilipino daw ang nagsabi sa kanya nito. Ikinuwento yata sa boss ko yung napabalitang pinatay na lalaki at inihalo sa pulutan yung laman nito para maitago sa mga pulis. Matagal ng balita iyon. Ipinaliwanag ko na lang na hindi iyon pangkaraniwang bagay.

Hindi ko pinapaasa ang mga kausap kong banyaga na napakanda ng Pilipinas at walang kasing bait ang mga Pilipino sa buong mundo pero hindi ko na ipinapaalam sa kanila ang mga hindi ko kayang ipagmalaki tungkol sa bansa ko.

Kung magtatanong sila sa akin tungkol sa narinig nilang hindi magandang bagay tungkol sa Pilipinas, binibigyan ko sila ng objective na sagot gaya ng, “Kahit saan namang bansa eh merong holdaper eh.” O kaya, “Ive-verify ko muna yung report, baka naman siyam lang ang nakidnap at hindi sampu, alam nyo naman ang balita, laging exaggerated.”

Hindi ko naging ugali yung pintasan ang bansa natin sa harap ng mga banyaga. Sa kapwa ko lang mga Pilipino ginagawa ang bagay na ‘yun.

(Itutuloy…)

Mas Masaya sa Pilipinas (Part 2 of 4)

Ang pangangailangan na i-rehab ang ating bansa ay hindi problema na lumitaw dahil sa bagong administrasyon.

Matagal na itong dapat ginawa ng mga nakalipas na pinunong hinalal natin. Matagal na nating dapat ginawa ito sa bansa natin (aminin man o hindi, involved tayong mga mamamayan sa prosesong ito).

Ako po ay isang OFW na mahigit 10 taon na ring nagta-trabaho sa Lupain ng Umaangat na Araw (Japan) at umuuwi sa ating bansa tuwing may pagkakataon (na makaipon ng perang napakabilis maubos sa Pilipinas) .

Nakarinig na rin ako ng iba’t ibang mga impression ng mga hapon sa ating bansa.

Merong gustung-gusto ang Pilipinas, merong delikado ang nabuong impression batay sa pagbisita nito sa Pilipinas, merong ni ayaw magtangkang pumunta sa Pilipinas.

Merong mga documentary minsan sa tv na ipinapalabas sa Japan kung saan ipinapakita kung gaano kahirap ang buhay ng ilang tao sa Pilipinas.

Ang Payatas na yata ang naging National Symbol for Poverty ng Pilipinas. Pwede na itong ituro sa paaralan na Pambansang Simbolo ng Kahirapan. Ito kasi lagi ang ipinapakita sa tv kapag kalagayan ng Pilipinas ang topic ng documentary. Yung mga tambak ng basura, mga nagbabasurang bata, pagkain nilang asin lang at kanin.

Kaya nga merong nagtanong na Hapon sa akin dati, “Mahirap bang bansa ang Pilipinas?”. Meron pang nagtanong sa akin, “Ano’ng ginagawa ng pamahalaan para sa mga taong ito?”. Gandang mga tanong, ‘no? Mas mahirap pa sa mga tanong sa Miss Universe contest. Ginugulo ko na lang ang usapan para malimutan nila yung tanong.

Mahirap itatwa ang obvious at nakikita sa national tv ng Japan. Baka pati sa ibang bansa ay ganito din ipino-portray ang Pilipinas kaya hindi natin maitatago ang mga eksena ng kahirapan sa bansa natin.

Meron din namang mga travel shows na ipinapakita ang magagandang beach sa ating bansa at nakaka-engganyo talaga sa mga Hapon na magpunta sa Pilipinas.

Gaya nung katrabaho kong Hapon na gustung gusto ang Boracay, tinanong n’ya rin ako dati, “Bakit ang daming mahirap sa Pilipinas?”

Ano ang nais kong ipaabot sa blog post kong ito? Hindi ko alam, nalimutan ko na. Ayoko na lang i-delete dahil nag-aksaya na ako ng oras sa pag-type nito.

(Itutuloy…)

Mas Masaya sa Pilipinas (Part 1 of 4)

Hindi ako expert, hindi rin ako nag-aral sa mga sikat na paaralan ng Maynila (pero nag-aral naman ako sa sikat na paaralan sa probinsya namin, o ha?)

Siguro para sa mga expert at mga matatalinong tao sa likod ng ating pamahalaan eh importanteng importante na mapalago ang turismo sa Pilipinas. Pero para sa isang pangkaraniwang tao na mahilig mag-internet kagaya ko, parang may mas maganda pang dapat i-prioritize at asikasuhin ang ating bansa.

Sariling tanong ko lang naman kung bakit hindi rin gumugugol ng malaking halaga ang ating pamahalaan sa pagpapabuti ng peace at order? Dahil kaya mas mahirap gawin yun?

Sana kung gaano ka-agresibo ang Department of Tourism sa pag-anyaya ng mga dayuhan sa bansa eh ganun din ka-agresibo ang mga awtoridad sa pagpapababa ng karahasan sa bansa natin.

Isa pang bagay na nai-imagine ko sa bansa natin eh para itong babaeng maraming personal na problema. Dinadaan na lang n’ya sa make-up at magandang (o seksing) pananamit ang sarili para makaakit ng mga tao. Pero pag nakilala na s’ya lalo ng taong inakit n’ya eh iiwan din s’ya dahil matutuklasan ang tungkol sa mga personal issues n’ya.

Bakit hindi muna magpa-rehab ang babaeng ito? Pag ayos na s’ya eh totoong magugustuhan na s’ya ng mga tao sa kung sino s’ya. Hindi n’ya siguro ito gagawin dahil mas mahirap gawin yun, mas magastos o nakakatamad gawin.

Hindi pa ako nakapunta sa New Zealand at wala pa akong nakitang advertisement na humihikayat sa mga banyaga na magpunta dun. Pero kung papalarin akong magkamal ng limpak limpak na salapi (sa legal na paraan) eh isa ang New Zealand sa mga bansang una kong pupuntahan para pasyalan.

Ang ganda kasi ng image n’ya. Parang tahimik at maraming magagandang tanawin at masasarap na pagkain. Gaya ng cheese, ice cream, yogurt, lamb chops (punas laway)

Bakit kaya hindi muna i-rehab o i-make over ang bansa natin para gumanda rin ang image natin? Mahirap kaya yun? Imposible kaya? Masyadong matagal? Magastos? Matrabaho? Nakakatamad gawin?

Hmm, gusto ko tuloy makatikim ng Cadbury chocolates…

(Itutuloy…)

Turismo

Bilib ako sa optimism ng Department of Tourism (DoT). Malupet ang misyon nilang ibenta ang Pilipinas (figuratively speaking) sa buong mundo pero hindi sila umaatras. Palaban sila.

Sa kabi-kabilang batikos at pagpuna sa mga idea ng DoT, sumuko na dapat ang mga miyembro nito at inamin sa kanilang mga sarili na nag-aksaya lang sila ng panahon at pera.

Pero andyan pa rin sila at ipinagpipilitang maganda sa Pilipinas at mas masaya dito kesa kahit na anong bansa sa mundo.

Paano kaya nila nagagawa ‘yun?

Wala akong idea sa kung paano nila napapanatili ang mataas na level ng positiveness at determinasyon nila, pero kung naging staff siguro ako ng DoT (at pinangakuan ng pagkalaki-laking sweldo) para i-promote ang bansa, ganito ang mga gagawin ko para ma-motivate:

1. Tuwing gigising sa umaga, uulit-ulitin kong sambitin ang mga katagang:
“Maganda sa Pilipinas”, “The Best ang Pilipinas”, “Ang SAYA SAYA sa Pilipinas”

2. Hindi ako magbabasa, manonood o makikinig ng balita (kahit 10sec flash report, bawal!)

3. Manonood ako araw-araw ng mga video footage ng magagandang beach sa Pilipinas

4. Titira ako malapit sa office para hindi marami ang makita kong mga tanawin sa kalsada araw-araw

5. Mga kapwa ko lang staff sa DoT ang kakaibiganin ko para makaiwas sa discouragement

6. Bago matulog sa gabi, uulit-ulitin kong sambitin ang mga katagang:
“Maganda sa Pilipinas”, “The Best ang Pilipinas”, “Ang SAYA SAYA sa Pilipinas”

7. Magbabakasyon once a month sa isang mayamang bansa at mag-imagine na Pilipinas ‘yun

Yun siguro ang mga gagawin ko.

Kasi para maging successful ako sa pag-promote ng anumang produkto, dapat kumbinsido rin ang sarili ko na totoo ang mga sinasabi ko. Kung alam kong hindi totoo ang mga sasabihin ko, kelangan ko munang i-brain wash ang utak ko.

Humahanga ako sa determinasyon ng Department of Tourism at sa lahat ng efforts nito. Panahon lang ang magsasabi kung ano’ng magiging resulta ng kanilang mga pagsisikap.

Pero para sa akin at sa iba na rin sigurong mga Pilipino, ang pag-aatas ng Pamahalaan sa DoT na humikayat ng maraming turista sa ating bansa ay kagaya nung drawing sa itaas: isang problemadong owner ng kainan na nag-uutos sa inupahang seksing promoter na maghakot ng customer.