Isang teoryang nabuo ko sa matagal kong pananatili sa Japan ay ito: kulang ang mga Pilipino sa inspirasyon.
Gaya ng isinulat ko sa dati kong post, nagsisimula at nagtatapos ang araw ng maraming Pilipinong tahanan sa panonood, pakikinig o pagbabasa ng balita. At dahil naniniwala ang maraming news companies na mabenta ang bad news, bombarded ang Pilipino ng negative na balita araw-araw.
Ganyan ang sitwasyon sa aming bahay nung highschool ako. Dahil laging nakikinig ng balita ang mga magulang ko, at madalas na hindi maganda ang balita, naging negative ang pananaw ko sa Pilipinas. Minana ng henerasyon ko ang pananaw na ito sa henerasyon ng mga magulang ko. At ipinamana rin ng henerasyon ko ang pananaw na ito sa mga bagong henerasyon ngayon.
Hindi uso sa kultura natin ang mag-encourage ng mga positibong bagay. Gaya ng mensahe ng pagsisikap at pagpupursige para sa mga pangarap. May mga positive messages na lumilitaw sa media paminsan-minsan pero hindi pa rin ito ang natural na gawi sa atin. Pag nakakarinig tayo ng ganito, parang nako-kornihan pa tayo or napa-plastican sa kung sino ang nagsabi.
Kung mas marami pa sanang honest at sincere na tagapag-hatid ng mga positive na mensahe sa atin, mas marami sigurong makikinig. At hindi maglalaon, magiging dagdag na character natin ito. Malaki ang magagawa ng inspiration at encouragement sa ating lahat.
Hindi man natin maabot yung kayaman o kasikatan ni Manny Pacquiao, may pagsisikap tayong magagawa na makakapagpabuti sa kalagayan ng buhay natin at ng iba.
(Itutuloy…)
Categories: Halu-halo
Leave a Reply