All posts by aysabaw

Aysa is a stubborn island girl, drinking more than 3 cups of coffee a day, swimming with the reef sharks, turtles and parrot fishes almost everyday. If she is not reading her books, writing something comical, leaving rubbish comments on your posts or strumming her guitar, then she's up to some mischief.

Usaping Bahaghari

Napakainit ng usaping LGBT ngayon at kanya-kanyang opinyon ang naglipana, dito at doon. Napakaselan ng topic na ito dahil bukod sa aspetong social ay kalakip na din ang pulitika at relihiyon dito. Oo, isa itong topic na nagdala ng alon sa ating lipunan. Kanya-kanyang opinyon, kanya-kanyang pinaglalaban.

bahaghari
ang kulay ng bahaghari…

Sa aspetong relihiyon ay may magandang opinyong inihayag si Doctor Eamer tungkol sa usaping ito na mababasa niyo rito. At si Michaela naman ay naghayag ng maikling opinyon na tumatalakay sa social at psychological aspects na mababasa naman dito.

Follower ako ni Shakira Sison, isang award winning na manunulat  at columnist sa rappler. Nagsubscribe ako sa kaniya dahil gandang-ganda ako  sa kaniyang piyesang pinamagatang Insert Her Silence Here. At dahil subscriber ako, madalas akong makatanggap ng mga emails niya at binabasa ko naman ito. Minsan tungkol sa mga heartbreaks, madalas tungkol sa isyung LGBT.

Tinanong ko ang sarili ko kung mag-a-unsubscribe ba ako dahil hindi ako masyadong interesado sa buhay ng mga LGBTs.

  • Una, dahil hindi ko naiintindihan ang kanilang mga pinagdadaanan sa buhay; at
  • Pangalawa, hindi ko gustong intindihin dahil kako, straight naman ako, at wala akong masyadong kaibigang bakla o tomboy

Pero hindi ko pinindot ang unsubscribe button at paminsan-minsan ay nagbabasa pa din. Nagbabasa ng mga pinagdaanan niya at mga payo niya sa mga nagdadaan pa lang sa kalsadang kaniyang tinahak.

Ano bang meron? Ano ba ang mga pinagdadaanan nila?

Kung yung mga pangit o lampa, at minsan yung mga may kapansanan ay binu-bully, sila (LGBT) ay nakakaranas din ng ganoon.

Kung yung mga kababaihan na ilang daang taon nang pinaglalaban ang pagkakaroon ng pantay na karapatan ay napagkakaitan pa rin, mas lalo na sila na unti-unti pa lang natatanggap ng lipunan.

Kung ang straight ay naloloko sa relasyon at paulit-ulit na nasasaktan at nate-take for granted, ganun din sila.

Kung yung mga Pinoy at Asians ay nakakatanggap pa din ng pambu-bully ng mga racists sa modernong daigdig na ito, ganun din sila.

So ano ang bottom line nito?

Tao rin sila. Kagaya natin, nasasaktan, may nararamdaman, may pinaglalaban.

Tao rin sila na kailangan nating irespeto tulad din ng nais natin na irespeto tayo bilang tao.

Ilang daang taon nang ipinaglalaban ng mga kababaihan ang pagkakaron ng pantay na karapatan pero hanggang ngayon ay nakakatanggap pa din sila ng pang-aabuso at hindi pantay na pagtingin mula sa mga kalalakihan.

Kahit sabihin nating tanggap na ng modernong mundo na pwede nang mamuno ang mga kababaihan sa gobyerno at sa mga kumpanya at mga organisasyon, hindi pa rin natin maiaalis ang kakaibang pagtingin ng mga kalalakihan sa mga kababaihan. Madalas, na mas mababa pa din ang pagtingin nila sa mga babae. Sobrang tagal na ng usaping ito pero hanggang ngayon ay patuloy pa ding pinaglalaban.

Sa Amerika, kung saan legal na ang pagpapakasal ng magkaparehas na kasarian, ay may mga estadong pumapayag nga sa batas na ito pero marami namang consequences. Tulad ng mawawalan ng trabaho ang mga gays na nagpakasal o mawawalan sila ng mga benepisyo, etc. Nangangahulugan ito na malayu-layo pa ang dapat takbuhin ng usaping LGBT.

Sa bansang demokratiko tulad ng Pilipinas, bawat isa ay maaaring maghayag ng sariling opinyon, pero isa rin itong bansang Kristiyano kung kaya’t maraming restriksyon at 50-50 ang usaping ito.

Masasabing halos tanggap na  ito ng modernong lipunan kahit hindi ito talaga dapat kung batas pantao at batas ng Diyos ang pagbabasehan.

Katulad na lang ng usaping live-in partners, tanggap at in practice ito pero hindi tanggap ng parehas na batas.

Parang diborsyo rin na di tanggap sa Pilipinas pero ginagawa pa rin ng karamihang may kakayanang magpunta sa Amerika para isagawa ito.

Lahat tayo’y may kani-kaniyang pinaglalaban sa buhay, may kanya-kanyang opinyon, may kanya-kanyang sinasabi. Pero anuman ang pinaglalaban ng kahit sino, kailangang matuto tayong rumespeto.

Advertisements

Ugaling Pinoy: Padala naman ako!

Tatak na ng mga Pinoy ang katangiang marunong makisama sa kapwa, lalu pa’t nasa ibang bansa tayo. Tayo-tayo na nga lang ang nandito diba, bakit hindi pa tayo magkakasundo at magtutulungan?

Problema lang dito, madalas naaabuso ang salitang pakikisama.

Isa sa mga paraan ng pang-aabuso ay yung pakiki-usap na magpadala ng mga pasalubong sa mga uuwing OFW.

pagpapadala sa mga kilala
dahil sa pakikisama, pumapayag ang maraming ofw na tumanggap ng mga pakiusap na padala…

Hindi ko maintindihan kung bakit marami sa ating mga kababayang OFW ang nagpapanting ang tainga kapag nakakarinig na isa sa kanilang mga kakilala ay uuwi ng Pilipinas para magbakasyon.

Excited sila. Mas excited sila kaysa dun sa uuwi. Excited silang magpadala ng pasalubong. Mas excited pa silang mamili ng pasalubong kaysa dun mismo sa uuwi. Hindi nila naiisip na kaya uuwi yung tao ay upang magbakasyon at hindi para maging LBC.

Dahil nakikisama yung tao, tatanggapin naman niya ang pakiusap na ito. Ang masaklap lang, maraming tao ang manhid. Pinagbigyan mo na nga, aabuso pa. Nakikipadala na nga lang, ilang kilo pa ang gusto nilang ipadala. Minsan naman, kahit napakalayo ng bahay nila sa Pinas kaysa dun sa uuwi ay ipipilit pa ding magpadala.

Ilan sa mga senaryo sa baba ay naging karanasan ng inyong lingkod:

Karanasan 1. (Feeling Close)

Nalaman ng aking (dating) katrabaho na itago na lang natin sa pangalang “Tita Mel”, na ako ay uuwi.

Tita Mel: Huy magbabakasyon ka pala? Kelan? Ano kayang pwede kong ipadala sa mga anak ko? Diba taga-Montalban ka? Malapit ka lang sa amin taga-Marikina lang kami eh.

Kaya lang, hindi ko masabing ayoko dahil sa mga sumusunod na dahilan:

Una. Malapit talaga ang Marikina sa amin kung titingnan mo ito sa mapa. Pero halos isang oras din minsan ang byahe kasama ang trapik.

Pangalawa. Hindi ko ma-gets kung bakit, originally wala naman pala siyang balak talagang ipadala. Nung nalaman niyang may uuwi, biglang mag-iisip siya ng ipapadala niya.

Pangatlo. Hindi kami close!

Pinagtaguan ko si Tita Mel at hindi na ako nagparamdam pa hanggang sa ako ay makaalis noon.

Karanasan 2. (BFF)

Dalawang taon bago makakauwi ang kaibigan ko kaya pumayag akong dalhin ang mga ipapadala niya sa akin.

Naintindihan ko naman ang sitwasyon niya, kaya kahit halos dalawang kilo ang bigat ng pinadala niya. Ayus lng kasi wala akong masyadong bagahe nung panahong iyon. At dahil taga-QC sila at taga-Montalban ako, nakipagkita ako sa nanay at kapatid niya sa SM Marikina. Masaya naman ako dahil binigyan nila ako ng isang kahong donut.

Ang mga dahilan kung bakit okay lang sa ‘kin ang magpaunlak sa ipinadala niya ay:

Una. College pa lang kami ay magkatropa na kami kaya magaan sa loob ko na dalhin ang mga gamit niya at kilala ko ang nanay niya.

Pangalawa. Napakabait niyang tao kaya talagang hindi ko magagawang siya ay tanggihan.

Pangatlo. Nung maiabot ko ang bagahe sa kapatid niya, nahiya siya bigla nung malaman niyang mabigat pala at nagsabi pa na bakit nang-abala pa ang ate niya (BFF ko) na magpadala ng sobrang bigat. At least, sensitibo sila di tulad nung ibang hindi marunong talagang mahiya.

Karanasan 3. (Ate Porcelana)

Ilang araw na lang noon ay babalik na ako ng Dubai at nung magbukas ako ng facebook ay biglang may nag-chat. Dali-dali ko naman itong binuksan. Akala ko kung ano. Si “Ate P” pala ang nag-PM sa akin.

Tinanong niya kung marami daw ba akong dala pabalik ng Dubai. Sabi ko wala naman dahil wala naman talaga. (Napaka-honest ko kasing tao ha ha) Hindi ko naisip agad na senyales na ito.

Nagpadala nga siya ng nasa dalawa o tatlong kilo ng mga sabon at lotion na pampaputi. Umorder daw kasi siya kaso mahal daw pa LBC no’n pa Dubai kaya kung pwede daw ay makisuyo na lang siya. So, hindi pa man ako pumapayag ay nag-assume na siya na dadalhin ko dahil nakabili na rin naman siya. Pina-LBC niya sa akin yung mga sabon niya at express pa ito para umabot sa amin dahil alam niyang malapit na ang flight ko. Mahigit sa dalawang libong piso ang ginastos nya para sa pampaputi.

Pinagalitan ako nila erpats kasi usong-uso daw yung mga makikipadala, lalo na ng sabon pero may drugs pala sa loob. Kinabahan ako. Kumakabog ang dibdib ko habang idinadaan sa scanner ang maleta ko. Baka dahil pa sa kagustuhan ng iba na pumuti ay makulong pa ako at masentensyahan.

Karanasan 4. (Ultra-kapalmuks)

Nauna ng isang linggo ang flight ko kaysa sa asawa ko nung bakasyon namin nung nakaraang taon. May kapitbahay kami dito sa Dubai na sa Pampanga nakatira ang pamilya. At dahil taga-Pampanga ang asawa ko ay nakisuyo siya.

Punong puno na yung maleta ng asawa ko pero halos dalawang bag pa ng mga tsinelas at damit ang gusto niyang isiksik. Binalik ng asawa ko kay “Kuya Kups” yung iba dahil baka ma-over baggage siya. Nakakahiya naman ng husto sa kanila kung kami ang magbabayad ng sobrang bagahe dahil sa dami ng ipinadala nila.

Nung araw ng flight ng asawa ko ay sumama si Kuya Kups sa airport dala ang isa pang bag ng mga gusto niyang ipadala. Baka daw kasi hindi pa over baggage eh magpapasiksik pa siya ng gamit.

Kalalapag pa lang ng asawa ko sa airport ay nag-PM na agad si Kuya Kups. Hiningi pa ang celfone number namin at walang patid sa pagtetext. Gusto niya pa na kinabukasan din ay ihatid na ang mga padala niya. Take note, taga-Angeles ang asawa ko at kailangan niya pang dumayo sa SM San Fernando para mag-deliver. Totoo namang malapit lang ang Angeles sa San Fernando eh, sa mapa.

Nung araw na makikipagkita ang asawa ko sa wifey ni Kuya Kups ay kinailangan niyang magpalit ng upahang sasakyan dahil luluwas siya ng Maynila kung kayat natagalan siya. Panay ang text ni “Ate Kups” dahil antagal niya na daw naghihintay at may ibang lakad pa siya.

Nung magkita na sila ni Ate Kups sa may parking sa SM San Fernando ay bumaba lang sa kaniyang sasakyan at kailangan pang ang asawa ko ang lumapit para lang iabot sa kanya ang mga tsinelas. Nagpasalamat naman siya kahit papaano sabay umalis. Ang imbyernables lang dito ay ilang linggo lang pagkatapos ng kakapalan na ito ay nagpadala naman ng balikbayan box si Kuya Kups sa Pilipinas.

Di ko talaga na-gets yung logic. Nakakaloka talaga yung mga ultra-kapalmuks at sigurado akong hindi lang ako ang nakaranas ng ganito.

Tatak Pinoy na yata ito. Sa dinami-dami naman ng pwedeng itatak sa atin, bakit ito pa?

Happy Father’s Day sa Lahat ng mga Tatay

Sa lahat ng mga tatay na…

Sundalo. Kutsero. Kusinero. CEO. Manager. Drayber. Doktor. Konduktor. Gobernador. Mayor. Janitor. Kargador. Plantsador. Nabigador. Guro. Tindero. Payaso.  Kahero. Accountant. Nars. Office boy. Water boy. Gasoline boy. Bagger. Mekaniko. Inhinyero. Musikero. Gitarista. Kwentista. Aktibista. Artista. Manunulat. Manunubog. Mangingisda. Magtataho. Magfifishbol. Magbabananacue. OFW. Barbero. Boksingero. Karpintero. Latero. Arkitekto. Tubero. Announcer sa radyo. Sastre. Komedyante. Factory worker. Mangangalakal. Bumbero. Barker.  Magsasaka. At iba pa.

Ano mang antas ng pamumuhay mayroon kayo, gaano man karaming zero ang bumubuo sa buwanang sweldo ninyo, bawat isa sa inyo ay nagsisikap na makapaghain ng marangal na hapunang pumupuno sa kumakalam na tiyan ng inyong pamilya. At bawat isa sa inyo’y nagnanais na magkaroon ng magandang kinabukasan para sa mga mahal sa buhay.

Isang pagpupugay sa bawat haligi ng tahanan.

araw ng mga tatay

Blogger ka ba? Mga Tips sa Pagsusulat Online

Blogger ka ba? Hindi po ito pick-up line.

Ang inyong lingkod ay hindi po batikan sa larangan ng pagsusulat. Hindi po ako writer by profession at lalong hindi rin po ako writer by nature.

Ako po ay laging nakakatanggap ng gradong 80 sa essay writing at formal theme noong elementarya at high school. Wala rin kaming subject na writing o anumang may kinalaman dito noong kolehiyo.

Kapag (at madalas) may essay writing  sa huling pahina ng examination paper ay pinagpapawisan na ho ang noo ng inyong lingkod. Kadalasan kahit na essay writing ito ay isang pangungusap lang ang isusulat ko. Maswerte na ang makabuo ako ng isang talata.

Nakakapagtaka man pero oo, magbibigay ako ng tips tungkol sa pagsusulat. (Anu daw?)

Dahil hindi po ako batikan sa larangang ito, hindi po tungkol sa mga teknikal na aspeto ang babanggitin ko.

Ang mga (kakaibang) tips na ibibigay ko dito ay base sa mga karanasan ko sa loob ng magta-tatlong taon ko nang pag-bo-blog.

Mga Tips sa Pagsusulat Online

para sa mga blogger

1. Tapusin ang sinimulan.

Obvious naman siguro kung ano ang ibig kong sabihin. Tapusin ang bawat obrang inyong sisimulan para hindi kayo matambakan ng sangkaterbang drafts. Masarap din sa pakiramdam ang makatapos ka ng obra. Achievement ito. Kung hindi ka masyadong nagagandahan sa gawa mo maaari mo itong balikan kapag ganado ka na para i-edit.

2. Don’t love your own.

Ikaw ang number one fan mo. Pero kailangan mo ng mga mambabasa na makapagsasabi sa iyo kung maganda o hindi ang sinulat mo. Mahalagang malaman mo ang mga mali mo para na rin sa ikahuhusay mo. Maganda na makarinig ng mga honest comments at constructive criticisms dahil para ito sa ikau-unlad mo.

Ang inyong lingkod ay may routine na balikan ang mga drafts ilang araw, linggo o buwan matapos itong maisulat at suriin ang sinulat na para bang obra ito ng ibang tao na nanghihingi ng komento. Sa ganitong paraan ay napapansin ko ang mga mali at ang mga hindi masyadong magandang linya. Mahalin natin ang sarili nating gawa at kasama sa pagmamahal na ito ay ang iyong pagsisikap na mapaganda ito.

3. You are what you read.

Magbasa ng magbasa. Mas diverse ang genre ng binabasa mo, mas maganda. Malaki ang impluwensya ng mga binabasa mo sa iyong estilo ng pagsusulat. Hindi mo man napapansin, ang iyong estilo ay repleksyon ng mga uri ng libro na iyong binabasa.

4. You are what you feel.

Malaki ang impluwensya ng inyong mga karanasan sa buhay at ng inyong nararamdaman sa kung ano ang inyong isinusulat.

Ang inyong lingkod ay hindi masyadong magaling umimbento ng kwento. Nakakapagsulat lamang ako ng mga bagay na naramdaman o naranasan ko. Humahanga ako sa mga manunulat na kayang umimbento ng sarili niyang mundo at isulat ito. Ang inyong lingkod ay madalas nagsusulat ng tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa industriyang aking pinaglilingkuran, mga bagay tungkol sa Pilipinas (syempre) at tungkol sa mga OFW.

Mahilig din akong magsulat ng mga marurubdob na bagay dahil siguro sa daming pinagdaanan at minsan naman ay kalokohan lang dahil masayahin akong nilalang (at magaling talaga sa kalokohan).

Maganda ang kinalalabasan ng obra kung ito ay galing sa inyong mga puso.

5. Find joy in the ordinary.

Nabasa ko lang iyang katagang iyan kung saan. Madaming manunulat lalo na yung mga baguhan pa lang ay nangangapa at nauubusan ng topic na isusulat. Naranasan ko na iyan kaya’t ginawan ko ng paraan para madalang na akong maubusan.

Paano nga ba ako nakakahanap ng inspirasyon sa pagsusulat? Paano ako nakakaisip ng topic?

Binibigyang buhay ko ang mga maliliit na bagay na nasa paligid ko, ang mga nakikita ko at mga nababasa ko. Inuugnay ko ang mga ito sa mga nararamdaman at naiisip ko. Hindi mo kailangang magkaroon ng sobrang bibigat na topic. Kahit mga simpleng bagay sa paligid ay maaari nating bigyan ng buhay.

6. Time is gold.

Maraming nawawalan ng oras para makapagsulat pa. Tambak ang trabaho, madaming pinagkakaabalahan – stress. Ang inyong lingkod din ay halos trese oras nagtatrabaho sa inaraw-araw pero pilit na sinisingit ang pagsusulat kahit medyo napupuyat ng kaunti. Nakakatuwa kasi kapag may obrang natatapos.

Sinisingit ko ring magsulat sa mga oras na blangko tulad ng – habang nag-aantay ng tren pauwi, habang nasa tren o sa bus o taxi basta’t hindi ako nahihilo, kapag nag-aantay ng mga kakatagpuin. Marami kang maisusulat kahit sa loob lamang ng labing limang minuto. Basta’t may dalang ballpen at notebook ka o kaya  cellphone o tablet palagi, makakapagsulat ka.

7. Huwag mangopya.

Kamakailan lang ay nagpost si RP ng mga dahilan kung bakit hindi ka dapat mangopya sa klase.  Kahit sa blogging, walang patutunguhan ang pangongopya. Pwede ka naman humango ng mga linya ng ibang manunulat, pwede mo silang maging inspirasyon, pero bawal ang pangongopya.

8. Great things start from small beginnings.

Para sa mga baguhang manunulat, ‘wag niyo munang isipin ang haba ng isusulat, ang dami ng likes at ang dami ng followers. Lahat yan darating sa tamang panahon (pero yung dami ng followers ay hindi ata dumating para sa akin ha ha) . Basta’t walang humpay ang iyong pagsasanay sa pagsusulat, huhusay ka.

Gaya nga ng sabi  ni Malcolm Gladwell sa kaniyang librong “Outliers”, kailangan mong mag-ensayo, halimbawa sa pagsusulat, sa pagtugtog o sa pag-awit ng higit pa sa 10,000 hours (The 10,000 Hour Rule)  bago ka pa maging mahusay sa larangan mo (nakakailang daang oras na pa lang kaya ako sa pagsusulat?). So, magsimula sa maliit na bagay at patuloy na mag-ensayo.

Salamat po at sana’y makatulong ang mga kakaiba kong tips para sa mga nais ding magsulat at magblog.

-aysabaw

Paalala Ngayong Ramadan

Para sa ating mga kababayan na nasa Muslim Countries lalung-lalo na sa Middle East, o sa mga gustong magpunta dito para magtrabaho, importanteng malaman natin ang mga dapat at hindi dapat gawin sa darating na panahon ng Ramadan. Sa taong ito (ng 2015), magsisimula ang Ramadan sa ika-18 ng Hunyo.

Ano nga ba ang Ramadan?

Ang Ramadan ay ang buwan ng pangingilin ng mga Muslim. Ito ang ika-siyam na buwan sa kalendaryong Islam kung saan inihayag ni Allah ang Qur’an sa Propetang si Mohammed. Ang Ramadan ay galing sa salitang Arabo na nangangahulugang “nakakapasong init”.

Mahalaga ang buwang ito para sa mga Muslim sa aspetong ispiritwal. Panahon ito ng “paglilinis” kaya nga’t sila’y nag-aayuno at nagbubulay-bulay. Ang kanilang pag-aayuno ay mula bukang-liwayway hanggang sa takipsilim.

Madalas kong ikinukumpura ang Ramadan sa Mahal na Araw kapag pinapaliwanag ko ito para mas maging simple. Opinyon ko lang naman ito pero ang Ramadan ay parang Mahal na Araw kung saan ang mga Kristiyano din ay nag-aayuno o nagfa-fasting (hindi kumakain ng karne). Mas maiksi nga lang ang panahon ng pangingilin, at ang Eid Al-Fitr naman ay hinahalintulad ko sa Linggo ng Pagkabuhay.

Kung ikaw ay naninirahan sa mga Muslim Countries, nararapat mo lamang igalang ang tradisyon kaya naman narito ang mga paalala kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa panahong ito at iba pang impormasyon:

  1. Batiin ang mga katrabahong Muslim ng “Ramadan Kareem!”. Ang ibig sabihin nito ay “Wishing you a Blessed Ramadan”.
  2. Hindi maaring kumain, uminom, ngumuya ng chewing gum o manigarilyo sa pampublikong lugar sa oras ng ayuno.
  3. Huwag magmumura dahil napaka-offensive nito sa panahon ng Ramadan
  4. Huwag manuya, mang-asar o maghamon ng away sa mga nag-aayuno. Maging sensitibo tayo sa mga kasamahan sa trabaho na nag-aayuno. Irespeto ang mga nangingilin.
  5. Hindi dapat magpatugtog ng malakas.
  6. Sarado ang ang lahat ng mga nightclubs at iilang bars lang ang bukas sa panahong ito. Para dun sa mga nagnanais uminom ng alak, bukas ang mga bar mula alas otso ng gabi. Walang live entertainment, banda, karaoke, sayawan at malakas na musika sa panahong ito.
  7. Sarado ang mga kainan mula pagsikat hanggang paglubog ng araw. Bukas naman ang mga grocery at ilang mga kainan pero take-out lang ang pwede mong gawin. Kung ikaw ay hindi Muslim, maaari kang kumain sa tagong lugar lamang. (Ang pagkakaroon ng mga bars na bukas kapag Ramadan ay maaaring sa Dubai lamang kaya’t dapat alamin ang batas sa lugar na iyong kinaroroonan.)
  8. Magsuot ng naayon. Hindi dapat magsuot ng mga mahahalay na damit. Maging ang mga lalake ay hindi maaaring magsuot ng pantaas na walang manggas at maiiksing short pants (maiksi na nga short pa).
  9. Subukang makisama sa Iftar ng mga kaibigan o katrabahong Muslim.
  10. Huwag kang bumiyahe o magmaneho kapag magtatakip-silim na. Marami kang makakasabay na mga nagmamadali para makauwi o makarating sa kainan para sa Iftar. Madalas mainit na ang ulo ng mga iyan dahil sobrang gutom na sila dahil sa maghapong pag-aayuno.
  11. Ang oras ng trabaho ay maiksi kapag Ramadan dahil nga nag-aayuno ang karamihan. Anim na oras lang kada araw ang pasok ng mga Muslim at pitong oras naman para sa mga hindi Muslim.
  12. Ang panahon ng Ramadan ay panahon ng pagbibigayan kaya’t kahit sa maliit na paraan ay tumulong sa mga nangangailangan.

Note: Ang mga nakasaad sa itaas ay general rules lang naman po. Dapat ninyong malaman ang batas o kaugalian sa bansang inyong kinaroroonan dahil maaaring iba ang batas lalo na sa mga mahihigpit na bansa.

Ramadan Kareem po sa ating mga kababayang Muslim.

islam ramadan

Mga OPM Artists na Kailangan mong Makilala

Tama na muna ang 1D at ang KPOP, Taylor Swift at Katy Perry. Pansinin naman natin ang mga haligi ng musikang Pilipino.

Sa mga pinanganak noong late 90s at early 2000s, malaki ang tsansang hindi niyo na kilala yung ibang Pinoy Folk Singers na babanggitin ko dito.

Pero bago ang lahat, ano nga ba ang Folk Song o Folk Music? Ito ba yung mga baduy at makalumang awitin tungkol sa paglalaba sa ilog at pagsasaka sa bukid?

Ang Folk Music ay yung mga traditional na musika o awitin, mas madalas makaluma ang tema at melody. Totoong ang mga orihinal na Folk Songs ay patungkol sa araw-araw na buhay gaya ng paglalaba, pagsasaka at kung anu-ano pa. Dahil noong unang panahon, wala pang mga kantang maririnig sa radyo at kumakanta na lang sila para mawala ang inip sa paulit-ulit na ginagawa sa araw-araw. Gumagamit din ng mga etniko o tradisyonal na musical instruments sa paglikha ng Folk Music.

Mga OPM Artists na Kailangan mong Makilala

1. Si Florante de Leon ang kumanta ng mga awiting “Handog“, “Ako’y Isang Pinoy” at “Abakada”.

Ang awiting Handog ay madalas awitin noong 90s tuwing Teacher’s Day o tuwing Graduation Day. Si Florante daw ay naka-impluwensya sa mga OPM artists tulad ni Joey Ayala, Freddie Aguilar at Herber Bartolome.

2. Ang magkapatid na Joey Ayala at Cynthia Alexander ay kapwa mga Folk Rock Singers at mga batikang alagad ng musika at sining.

Ang musika ni Joey Ayala ay may distinct na tunog at kilala siya sa pagsasama ng mga etniko at modernong instrumento.

3. Si Bayang Barrios ay tubong Agusan del Sur at nagmula sa mga katutubong Lumad.

Isa sa mga kanta ni Bayang ay ginamit sa pelikulang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” na pinamagatang Isipin Mo na Lang. Isa ring tanyag na kanta ni Bayang ang “Malayo Man Malapit Din“, isang awiting para sa mga OFW.

4. Mayroon bang hindi nakakakilala kay Ka Freddie?

Si Freddie Aguilar ay tanyag sa buong mundo dahil sa kaniyang awiting “Anak” ay naisalin sa mahigit dalawampu’t anim na lenggwahe. Naging tanyag din ang rendisyon niya ng awiting “Bayan Ko” na tinaguriang ikalawang pambansang awit at ginamit na himno ng oposisyon laban sa rehimeng Marcos noong panahon ng People Power.

5. Ang bandang Asin na pinangungunahan ng bokalistang si Lolita Carbon ay kilalang Folk Rock Band noong 70s.

Sila ang nagpasikat ng mga awiting “Masdan Mo ang Kapaligiran”, “Himig ng Pag-ibig”, “Itanong mo Sa Mga Bata”, “Ang Bayan Kong Sinilangan” at “Balita” na ginamit ng Black Eyed Peas sa chorus ng kanilang kantang “The Apl Song“.

6. Si Heber Bartolome ay isang musikerong nasa likod ng mga awiting “Nena” at  “Tayo’y Mga Pinoy” na binigyan ni Francis M. ng sarili niyang rendisyon sa album na inilabas niya noong 1992.

7. Si Noel Cabangon ay madalas nakikita sa mga meme sa social media (Noel Cabangon at Noel Cahiga) pero siya ay isang premyadong folk singer na umawit ng mga tanyag na kantang “Kahit Maputi na Ang Buhok Ko” at “Kanlungan”.

8. Una kong narinig si Gary Granada nung kantahin niya ang “Mabuti Pa Sila” sa Metro Manila Popular Music Festival noong 1998 na kung saan, siya din ang nakakuha ng Grand Prize.

Ito ata ang pinakaunang kantang narinig ko na may temang  #ForeverAlone dahil sa lyrics na:

Mabuti pa ang mga lapis, sinusulatan ang papel
At mas mapalad ang kamatis, maya’t maya napipisil
Napakaswerte ng bayong, hawak ng aleng maganda
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa

9. Si Grace Nono ay may kakaibang tradisyonal na musika.

May album siyang pinamagatang “Tao Music”. Iisang kanta lang ni Grace ang alam ko at ito ay ang “Salidumay”, isang napakaganda at Pinoy na Pinoy na awitin. Ang Salidumay daw ay awitin ng mga kababaihan na tugon sa awitin ng mga kalalakihan sa panahon ng paghahabi. Ito rin daw ay maaaring maging awitin ng pasasalamat at maging nang pagsuyo.

10. Si Yoyoy Villame ay isang komedyante, singer at komposer na tubong-Bohol.

Noong kabataan ko, sikat na sikat siya lalo na sa mga Visaya (dahil po Visaya ang tatay ko) at palagi kong naririnig na kinakanta nila ang Magellan. Noon ay pinagtatawanan ko ang kantang ito dahil nababaduyan ako pero kung tutuusin, taglay ng kantang ito ang isang parte ng ating kasaysayan, medyo comedy nga lang ang paraan ni Yoyoy ng paglalahad ng ating kasaysayan. Ilan pa sa mga kanta niya ang Philippine Geography, Mag-Exercise Tayo, Butse Kik, Tarzan at Barok.

11. Si Bullet Dumas na yata ang pinakabatang folk singer na kilala ko.

Isinama ko siya sa listahan na ito dahil sa panahon ngayon ng mga Justin Bieber at 1D, bihirang-bihira ang mga katulad ni Bullet na hindi nakikisabay sa alon ng mainstream at itinataguyod ang Pinoy Folk Genre. Bukod pa diyan ay napakagaling na gitarista ni Bullet. Ang mga awitin niya ay Pssst!, Ninuno at Put To Waste.

Suportahan po natin ang orihinal na musikang Pilipino.

Paano Makapunta sa Dubai: Via Agency vs. Visit Visa

Napakaraming Pinoy ang nagnanais makapag-abroad para guminhawa ang buhay. At marami sa kanila ay nagnanais na pumunta ng Dubai.

May dalawang paraan para makarating at makapagtrabaho sa Dubai. Una ay mag-apply sa mga Agency sa Pinas at pangalawa naman ay mag-visit visa na lang papuntang Dubai at doon na maghanap ng trabaho.

Maraming naniniwala na mas madali daw kung magvi-visit visa na lang kaysa kung dadaan ka pa ng agency dahil sobrang tagal daw ng hihintayin mo bago ka pa makaalis ng bansa at madami daw mga papeles na aasikasuhin at babayaran. Bukod diyan ay kailangan mo pang magbayad ng placement fee.

Pero mas madali nga  ba talaga kung magvi-visit visa ka na lang? Pagkumparahin natin.

Paano Makapunta sa Dubai: Via Agency vs. Visit Visa
larawan ng dubai
ang maunlad na syudad ng dubai
Via Agency

Step 1. Application.

Magpapasa kayo ng application sa mga agencies. Minsan mayroon pa silang initial screening at kapag napili ka ay tatawagan ka nila for interview pag dumating na sa Pilipinas yung employer.

Step 2. Selection.

Darating ang employer galing sa Dubai para mag-interview at mamili ng mga i-hihire nila.

  • Kapag hindi ka pumasa, bumalik ka sa Step 1
  • Kapag pumasa ka, usad ka na sa step 3.

Step 3. Formalities.

Contract, Medical, PDOS, POEA, Immigration. Lahat iyan aasikasuhin na ng agency para sa iyo.

Step 4. Fees.

Madalas na gagastusin mo ay yung paglakad lakad ng papeles, pamasahe mga kung ano-anong fees at ang pinakamalaking babayaran mo ay yung placement fee na katumbas ng isang buong buwang sweldo mo.

Sabihin na nating ang sweldo mo sa pinirmahan mong kontrata ay halimbawa Php20,000. Isama na rin natin yung mga maliliit na gastos mo sa paglalakad ng mga papel at mga kung ano-anong fees. Ipagpalagay na nating umabot ang gastos mo sa Php 40,000. O kaya kung talagang napagastos ka, sabihin na nating Php 50,000.

Step 5. Tagal ng paghihintay.

Madalas ang paghihintay ay tatlong buwan lamang dahil sapat na panahon na iyon upang matapos ang mga papeles mo sa Pilipinas at sa Dubai. Minsan tumatagal ang paghihintay sa hanggang anim na buwan depende sa kumpanyang papasukan mo. Madalas kasi tulad ng mga restaurant o hotel na magbubukas pa lang (at isa ka sa napili para maging pioneer staff), naaantala ang pagbubukas dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari  sa konstruksyon o kaya mga permit nung establishment.

Pag natapos mo na ang lahat ng steps sa itaas, liipad ka na pa-Dubai na siguradong may trabahong dadatnan at bahay na matutuluyan.

isa pang larawan ng dubai
downtown dubai
Via Visit Visa

Step1. Humanap ng makakapag-issue sa iyo ng visit visa at air ticket.

  1. Agency sa Pilipinas. Pero paano kung peke ito at pine-perahan ka lang?
  2. Kamag-anak sa Dubai. Makakahingi ka ng tulong sa mga kamag-anak mo sa Dubai para kuhanan ka ng mga papeles sa Consulate at matutulungan ka makakuha ng visa at ticket na babayaran mo na lang sa kanila kapag nagkatrabaho ka na.
  3. Kung wala kang kamag-anak pero may kakilala ka, pwede ka pa din makakuha ng visa kaso mas malaki ang tsansa mong makwestyon sa immigration. Kapag nakwestyon ka sa immigration sa araw ng paglipad mo dahil hindi kayo magkamag-anak ng sponsor mo, malaki ang tsansa na ma-offload ka.
    1. Kapag na off-load ka, ipapa-rebook niyo ang iyong ticket at susubok ka ulit.
    2. Kapag nakalusot ka sa immigration, uusad ka na sa Step 2.

Magkano nga ba ang one way ticket mula Pilipinas hanggang Dubai? Sabihin na nating Php20k – 30k++

Step 2. Pagdating mo ng Dubai, bago ka pa maghanap ng trabaho, kailangan mo munang makahanap ng tutuluyan.

  1. Kung may kamag-anak ka o kaibigan o kakilala at close kayo, pwede ka nilang patirahin ng libre hanggang makahanap ka ng trabaho at kaya mo nang magbayad ng upa. Kung hindi kayo close, utang muna ang bayad mo sa upa.
  2. Kung marami kang pera ay pwede kang mag-hotel.
  3. Kung kaunti lang ang baon mo, hindi ka pwedeng maging choosey. Magbe-bedspace ka. Kapag nag-bedspace ka, malamang anim hanggang walo kayong bedspacers sa loob ng isang kwarto. Ang halaga ng upa ay nasa 600 – 800 Dirhams kada buwan na pumapatak na Php 7k – 9k. At maari pang mas tumaas ang upa dahil sa napakabilis na pagtaas ng renta ng mga bahay sa Dubai.

Step 3. Gastusan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Pagkain. Pamasahe. Panglakwatsa pag nalulungkot at depressed dahil wala ka pang trabaho.

Step 4. I-renew ang visit visa. Ang validity ng visit visa ay isang buwan para sa short term at tatlong buwan para sa long term.

  1. Kapag kumuha ka ng short term visa na (AED 450 = Php 5,500++)
    1. Masyado maiksi ang isang buwan para makahanap ng maganda-gandang trabaho. Kapag nakahanap ka ay swerte ka.
    2. Kapag sa loob ng isang buwan ay hindi ka nakahanap ng trabaho at kailangan mong umexit, go to Step 5.
    3. Kapag malapit na mapaso ang visa mo at nalaman ito ng kumpanya habang iniinterview ka nila, babaratin ka nila dahil alam nilang kakagat ka.
  2. Kapag kumuha ka ng long term visa (AED 1600 = Php 19,600++), masyadong mabigat sa bulsa. Pero sa loob ng tatlong buwan, maari ka na ding makahanap ng trabaho.
    1. Kapag nakahanap ka ng trabaho sa loob ng tatlong buwan ay ok ka na.
    2. Kapag hindi ka pa din nakahanap ng trabaho sa loob ng tatlong buwan at kailangan mo na umexit, go to Step 5.
    3. Kapag may long term visa ka at sa unang buwan pa lang ay natanggap ka na sa trabaho ay suriin mo ang kumpanya dahil baka ginagamit ka lang. Sasabihin sa iyo na sayang naman ang binayad mo sa long term visa mo kaya gamitin niyo na muna at kapag mapapaso na ito ay saka na lang nila ikaw a-applyan ng working visa. MALING-MALI iyan. Kapag nakapagtrabaho ka na sa kanila na gamit ang iyong visa, maswerte ka kapag sinuwelduhan ka nila. Maaaring sabihin nila na training ka pa lang kaya walang sweldo o kaya hindi ka pa pwedeng swelduhan dahil hindi ka pa official staff dahil wala ka pang valid residence visa. Sasabihan ka nila na umexit para maapply nila ang work permit mo sa Dubai pero ang totoo ay hahayaan ka na nilang mabulok sa lugar na inexitan mo.

Step 5. Exit. Ano ba yung pag-exit na ito?

  1. Kapag napaso ang visa mo at kailangan ka ulit issue-han ng bagong visa, kailangan mo munang lumabas ng bansa saglit.
  2. Kapag nakahanap ka ng trabaho at papalitan na nila ng residence visa o work permit ang visit visa mo, may mga kumpanyang kakailanganin ang iyong pag-exit  at may mga kumpanya namang hindi na nangangailangan pang ikaw ay pa-exitin.
  3. Saan ka pwede umexit?
    1. Kish, Iran. Ang flight papuntang Kish ay nagkakahalagang 600-700 Dirhams = Php 7k – 8k. Tapos magtatagal ka pa doon ng mga ilang araw sa Kish kaya kailangan mo umupa ng kwarto sa mga hotel na nagkakahalaga ng 40 dirhams kada araw.
    2. Oman. Sasakay ka ng bus papuntang Oman nanagkakahalaga ng 250 Dirhams = Php 3k++ at mag-aantay ka ng 2 – 3 araw para ma-issue ang visa mo bago ka makabalik ulit ng Dubai.
    3. Kapag umabot ka sa pag-exit, ang susunod na ay Step 6.

Step 6. Habang nasa labas ka ng U.A.E. kailangan ulit mag-apply ng panibagong visa para makapasok ka ng Dubai. Kung tatlong buwang visa ang kukunin mo, panibagong 1600 dirhams na naman iyan.

Step  7.  Kapag nakabalik ka na sa Dubai matapos ang pag exit mo at pagbili ng bagong visa, wag mong kalimutan na tumatakbo din ang upa mo sa bahay kung nag-bedspace ka.

Dahil maraming Pinoy ang palaban, hindi sila umuuwi ng luhaan. Kapag nakabalik na ulit sila ng Dubai galing sa Kish o Oman, fighting! Apply na ulit. Ang masaklap lang minsan kapag baon na sila sa utang, ubos na ang baon at wala ng pera ang pamilya sa Pinas, napipilitan silang patusin na lang ang kahit anong trabahong dumating para lang may pumasok nang pera at hindi na madagdagan pa ang utang.

Maraming hindi nakukuha ang trabahong naaayon sa propesyon nila (hal. IT expert sa Pinas, pagdating sa Dubai ay Office Boy, o Teacher sa Pinas pagdating sa Dubai ay Waitress o Cashier, o Nurse sa Pinas tapos receptionist pagdating sa Dubai).

Marami sa ating mga kababayan ang ganito ang nagiging kalagayan kapag nagvi-visit visa (o minsan mas malala pa) kaya minsan, baon pa din sila sa utang kahit mag-iisang taon na silang nagtatrabaho.

Akala kasi ng lahat, ganun lang kadali ang pagvi-visit visa. Maraming sinuswerte na nakakakuha agad ng trabaho at marami rin ang hindi.

Kung hanggang ngayon ay nagbabasa ka pa din at nagnanais ka na makarating sa Dubai para magtrabaho, pag-isipan mo kung ano ang paraang  pipiliin mo. Agency o Visit Visa.

Note: Madalas at mabilis magbago ng batas ang Dubai pagdating sa mga visit visa (short/long term) kaya po kapag nabasa niyo ito, tingnan ang petsa ng pagkakalathala at ikumpara sa pangkasalukuyang batas ng Dubai.

Ano’ng Pakialam Natin kay Mikey Bustos?

Sino si Mikey Bustos? At ano ang papel na kanyang ginagampanan sa muling pagbibigay kulay sa kulturang Pinoy?

mikey bustos
mikey bustos: advertiser ng kulturang pilipino (facebook.com)

Una kong nakita si Mikey Bustos ilang taon na ang nakakaraan nang mapanood ko ang isa sa kanyang mga video tutorials ng kung anik anik gamit ang Pinoy Accent n’ya. Kako “isa na namang rich kid na walang magawa sa buhay at naghahanap ng atensyon.” Halos kasabayan lang kasi no’n ang pagkakapanood ko sa mga videos ni Petra Mahalimuyak na may Pinoy Accent din kuno pero ang totoo ay British Accent naman pala, si Mikey naman ay may Canadian accent. Hindi nagtagal ay parehas ko na nga silang nakita sa Bubble Gang, kako “hayun, nakakuha na ng atensyon.”

Naging ka-tropa ni Mikey sila Moymoy Palaboy at David Di Muzio at andaming mga video ng covers nila ang lumilitaw sa newsfeed ko na hindi ko pinanood dahil kako “nakakaumay na sa dami.”

Nung sikat na sikat din ang Gangnam Style ni Psy ay may ginawang parody si Mikey na “Opo Pinoy Style” at nasabi ko na “ang mga Pinoy talaga, gaya-gaya pa….nakiki-sakay sa kasikatan nung kanta para lang mag-trend. Ba’t di na lang gumawa ng sariling kanta?”

Kelan lang ay nakita ko ang parody n’ya ng Stay With Me ni Sam Smith na “Circumcising Me,” pinanood ko naman dahil, wala lang. “HD pa ang video ng mga walang magawang ‘to”.

Nung bumanat na si Mikey ng mataas na nota at mga falsetto, sabi ko “ay putek! Seryoso ba ‘to?” Hindi madaling kanta ang Stay With Me para mabigyan n’ya ito ng katarungan kaya kahit na tungkol sa pagtutuli ang lyrics ay hindi ko ito mapalalampas. Kako, “sino ba to? Ba’t ang galing kumanta?”

Kelan ko lang nalaman na nakapasok pala s’ya sa Top 8 ng Canadian Idol Season One at nabigyang linaw ang aking mga katanungan kung bakit mahusay s’yang umawit. Sinunod-sunod kong pinanood ang mga videos n’ya na madalas ay parody ng mga sikat na sikat na kanta tulad ng:

Adobo (Let It Go)

I Go To Palengke (All About the Bass)

I Love to Eat Balut (Anaconda)

Balikbayan Box (Wrecking Ball)

Napansin ko na puros patungkol sa kulturang Pinoy ang laman ng lyrics ng mga parody na ‘to. Pinanood ko pa ang kanta nila ni Bogart the Explorer na Halo-Halo na kung papakinggan mo ito ay masasabi mong world class ang dating. May kaibigan nga akong nag-comment na kala n’ya daw musika ni Pitbull.

So, ano naman ang kinalaman ng mga ito sa muling pagsigla ng kulturang Pinoy?

Yung mga parody ni Mikey, pati na ang mga tutorials n’ya ay pumapalo ng 400k likes dalawang araw lang matapos itong ma-upload na may followers na local Pinoys, Pinoys Abroad at Non-Pinoys, ay malaking bagay para sa atin.

Maraming mga Pinoy na laking abroad na hindi na halos alam kung ano ang ating kultura at ni hindi na nga nakakaintindi ng Tagalog kaya’t ang panonood ng mga videos ni Mikey ay malamang nagsisilbing daan para malaman man lang nila kung ano talaga ang kanilang pinanggalingan.

Marami ding porenjers na nagnanais bumisita sa ating bansa ang nakakapanood ng mga ito, na naa-amaze sa paraan ng pagkain ng balut, pagsawsaw ng pandesal sa kape  at kung anu-ano pa.

Nakakatuwa ding masalamin ang iyong sarili sa mga videos n’ya tulad na lang nung tutorial n’yang “the secret to looking gwapo” kung saan binanggit n’yang gumamit ng glutathione at ng concealer na 5 shades lighter than your skin tone tutal gustong-gusto naman nating pumuti.

Nakaaaliw para sa mga Pinoy na nasa ibang bansa na makita sa mga videos n’ya ang Divisoria, Rizal Park, palengke, jeep at tricycle, batis, barong-barong, manok pansabong at kung anu-ano pa lalo na kung matagal na nila itong hindi nakikita o napupuntahan.

Moderno, musical at nakakatawa ang approach ng mga tutorials n’ya pero informative s’ya kung atin talagang iintindihin. Maganda ang adhikain n’ya na ipaalam sa mundo ang Kulturang Pinoy at sa ginagawa n’yang effort sa mga videos n’ya na halos may full production number pa. Maituturing si Mikey na Ambassador of Filipino Culture dahil sa kanyang pagsisikap na ipaalam sa mundo kung ano ang meron sa ating kultura, na there’s more to the Philippines than just the fun.

***************************************************

Si aysabaw ay ang author ng blogsite na pinamagatang Aysabaw (Sabaw Man ay Nagkakalaman Din). Siya ay mataray, nakakatawa, smart at higit sa lahat, tunay na Pilipino sa puso at diwa.

Siya ang bago nating kabarkada dito sa The Pinoy Site kung saan ay babahaginan niya tayo ng kanyang “piece of mind” paminsan-minsan. Ayan, you have been warned na ha 😀

RP