
Source: p12, The Filipino Times, Sept 11-17, 2015 edition
Ayon sa Filipino Times (dyaryo sa UAE), umangat ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas nitong nakaraang tatlong buwan. Ayon sa survey, mula 9M jobless Filipinos, naging 10.5M ito.
10.5M na Pinoy ang walang trabaho sa kasalukuyan. Taon-taon ay nadadagdagan pa ang populasyon ng mga unemployed dahil sa dami ng mga guma-graduate. Pero ano ba ang mas mahirap? Ang makahanap ng trabaho o ang manatili sa trabaho?
Ang corporate world ay parang Hunger Games Arena. Mahirap na makapasok, mahirap pa mag-survive.
Ang larawang ito ay ang pagsisimula ng Hunger Games (kung hindi mo alam kung ano ang Hunger Games, ito ay isang trilogy, may libro at may palabas — meron bang hindi nakakaalam kung ano ang Hunger Games?) kung saan ang lahat ng mga kalahok ay nakatayo sa kani-kanilang pwesto, nag-aantay ng go signal para simulan na ang takbuhan papunta sa Cornucopia kung saan makakakuha sila ng survival supplies.
Ang senaryong ito ay maihahalintulad sa araw ng inyong interview kung saan magkakasubukan ng inyong kaalaman at abilidad. Sa sobrang dami ng aplikante para sa iilang bakanteng posisyon lamang, matinding matindi ang labanan. Isang maling hakbang, parang bombang sasabog ang iyong pagkakataong makuha ang trabaho.
Marami kayong makakalabang mga batikan na. Yun bang may work experience na at kadalasan kahit fresh grad ka, hahanapan ka ng related experience.
Bukod sa experience, madalas na titingnan din sa mga aplikante ang taas ng pinag-aralan, ang unibersidad na pinanggalingan, kung sino ang may kakilala sa loob at kung sino ang may pinakamatinding pleasing personality.
Kapag nakalusot ka na sa screening at nakapasok ka na sa kumpanya, ang challenge naman ay kung paano ka mananatili dito.
Sa loob ng kumpanya, marami kang makakasalamuha. Yung iba, makakatulong sa iyo, at yung iba naman ay magtutulungan para sa pagbagsak mo o pagkatanggal mo sa kumpanya.
May iba’t iba kang makakasama sa trabaho.
May mga akala mo ay mukhang ewan lang pero sila pala yung mga mababangis at mauutak.
Meron naman na tahimik at playsafe lang.
May mga taong mukhang warfreak pero bandang huli pala ay makakakampi mo.
Meron namang sadyang badtrip sa ‘yo at siyang magiging kontrabida sa buhay mo.
Meron namang mukhang mahina pero kakampi mo hanggang sa huli.
Minsan naman, di mo alam kung sino sa mga bossing ang tunay na kaaway at tunay na kakampi.
Ang corporate world ay hinalintulad ko sa Hunger Games Arena dahil parehas sila ng konsepto: survival of the fittest. Matindi ang screening, pero mas matindi ang labanan sa loob ng arena. May mga nagwawagi at nananatili, meron din namang na-e-eliminate.

Sandamukal na pagsubok ang pagdaraanan mo bago ka magwagi.
Agawan sa trabaho. Agawan sa promotion. Agawan sa posisyon.
Ano ang mga dapat gawin para makalampas sa Cornucopia (makalusot sa screening)?
- Dapat maganda ang iyong resume
- Dapat maging handa sa interview
- Dapat alam mo ang isasagot sa interview
Ano naman ang mga dapat mong gawin para maging survivor sa loob ng arena?
- Mag-obserba, matuto, makipagsabayan.
- Matutong rumespeto sa mga batikang empleyado.
- Matutong makisama.
- Magtrabaho ng malinis at tapat.
- Dumiskarte ng tama.
- Maging invisible kung kinakailangan pero maging extra visible kung kelan dapat.
- Piliin ang mga pagkakatiwalaan.
- Always expect the unexpected.
Ikaw, handa ka na bang sumabak sa labanan?
*****
Disclaimer: Hindi pag-aari ng blogsite na ito ang mga larawan sa itaas.
Categories: Buhay Student, Buhay Work
Foryour own comfort and ease of conscience, the Philippines is not the only one suffering from unemployment.
wala pa akong napanood sa hunger game movies pero ayus yung pagkumpara nito sa totoong buhay pagkatapos ng pag-aaral sa eskwela…