Marami ang mga nag-aalok at nangangako ng “Yumaman Agad” o “Get Rich Quick”. Maraming pakulo at FOMO (fear of missing out) techniques ang ginagamit para makahikayat ng maraming tao. Budol is key!
Pero ibahin mo ang ituturo ko sa ‘yo dito. Dahil ito ay madali, simpleng gawin at walang gastos. Sure fire na yayaman ka kaagad pagkatapos mong mabasa ang post na ito.

Narito ang simpleng paraan kung paano ka yayaman nang mabilis. Are you ready?
Bilangin ang iyong mga pagpapala. That’s it! Count your blessings! Yun lang ang sikretong dapat mong malaman para yumaman agad. Ano? Wala ka kamong blessings? Oops! Check mo ulit.
Kahit sino ay makakakita ng mga pagpapala sa buhay kung titingin lang nang mabuti. Narito ang ilan:
- Pagmamahal
Ang pagmamahal ng iyong pamilya, kamag-anak, mga kaibigan at ng Poong Lumikha ay pagpapala. Maaaring nanggagaling din ito sa ‘yo. Para sa iyo marahil ay tinatawag mo itong isang malalim na damdamin ng pagnanais ng pinakamabuti para sa mga pinakamalapit sa iyo; at isang nagpapatuloy na positibong hangarin para sa lahat ng pinakamagandang buhay para sa kanila. Ang damdaming ito, na tinatawag ng marami na pagmamahal o pag-ibig ay ang bukal (spring) kung saan dumadaloy ang lahat ng iba pang mga pagpapala.
- Trabaho, bokasyon o propesyon
Maaaring may mga araw na kinamumuhian mo ang tunog ng iyong alarm clock sa umaga (o gabi, depende kung anong oras ka gumigising para pumasok sa trabaho), at kinakaladkad mo ang iyong sarili mula sa iyong higaan para harapin ang isa na naman araw ng mga problemang dapat lutasin at ang mga taong sumusubok sa iyong pasensya. Pero sa bandang huli, ito man ay isang pagpapala.
Maraming tao sa mundo ang walang trabaho o pinagkakakitaan na kahit ano. Tingnan ang iyong mga pagsubok (tao man yan, bagay o pangyayari) bilang pagkakataon para ma-improve ang iyong sarili at o makagawa ng positibong pagbabago sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Hindi mo mababago ang ugali ng balasubas mong mga katrabaho pero maaari mong baguhin ang iyong reaksyon sa kanila. Ito ang iyong pagkakataon na mag-practice magpasensya o mag-practice ng iyong mahinahon na communication skills.
- Kalusugan
Ito ay isang kayamanan ng buhay na labis na ipinagwawalang-bahal ng napakaraming mga tao. Napagtatanto lang nila kung gaano kahalaga ang pagpapalang ito kapag sila ay may malubhang sakit, o minsan sa kasamaang-palad ay kapag sila ay nag-aagaw-buhay na!
“Health is wealth” sabi nga natin. Pero naiintindihan lang talaga natin ang mga katagang ito kapag nakita na natin ang hospital bills! Kaya’t magpasalamat kapag ikaw ay malusog at pilitin mong mapanatili ito sa aboy ng iyong makakaya.
“Araw-araw sa lahat ng paraan ako ay pabuti nang pabuti.” Ang quote na ito ay ginawang tanyag ng French hypnotist na si Émile Coué. Ito ay isang magandang quote na dapat tandaan kapag nakikita mo ang iyong sarili na nahuhulog sa negatibong pag-iisip o naaawa sa sarili.
Ang ating mga isip ay lubos na makapangyarihan sa paghubog ng ating pananaw sa buhay. Tunay na kamangha-mangha na ang ating subconscious na pag-iisip ay kayang kumuha ng isang negatibong pananaw at hinding-hindi ito bibitawan. Subalit kakailanganin ng ilang beses (o ilang daang) positibong pag-iisip para muling mai-programa nang tama ang kaisipang iyon.
Kaya, sa susunod na makaramdam ka na walang-wala kang kayamanan sa buhay at hindi ka pinagpala, tandaan lamang: Gusto mong yumaman agad? Count your blessings!
Categories: Motivational
Leave a Reply