Magaling Ka Ba Sa Filipino?

Dahil Buwan ng Wika ngayon, magbibigay ako ng maikling pagsusulit. Patunayan ang iyong galing sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin ng 20 salitang Inggles sa ating sariling wika.

  • Mga panuntunan:

1. Maghanda ng panulat (lapis, bolpen, uling, bato, chalk, krayola, makinilya, ice pick, kompyuter o pluma na isinawsaw sa sariling dugo).

2. Maghanda ng susulatan (papel, kahoy, bato, lupa, kompyuter o sariling balat).

3. Huwag dayain ang sarili sa pamamagitan ng pagtingin sa mga tamang sagot sa ibaba bago pa matapos sagutan ang lahat ng tanong.

4. Sagutan ang mga tanong ayon sa sariling kaalaman (huwag magtanong kahit kanino o maghanap ng sagot kahit saan).

5. Bigyan ang sarili ng hindi lalagpas sa 20 minuto para sagutan ang lahat ng tanong (bale 1 minuto lang sa bawat salita ang pwedeng gugulin).

6. Bawal magreklamo sa may-akda pagkatapos makita ang mga tamang sagot 😀

7. Maaaring ipaskil ang iyong puntos sa ibaba upang maipagmalaki sa lahat subalit siguraduhing totoo ito. Sinumang magpaskil ng hindi totoong puntos ay bibisitahin ni Sadako gabi-gabi ayon sa dami ng maling puntos na ipinaskil.

Ano, handa ka na ba?

********************************************************************
********************************************************************

  • Isalin ang mga salitang ito sa Filipino

1. dog
2. throat
3. book
4. city
5. building
6. window
7. green
8. generation
9. refreshment
10. standard
11. copy
12. suggestion
13. feature
14. chalk
15. wise men
16. attach
17. disguise
18. park
19. petals
20. suffix

********************************************************************
********************************************************************

Kung may oras pa, tingnan muli ang iyong mga sagot.

Tingnan ang mga tamang sagot sa ibaba at bilangin kung ilan ang wastong sagot na iyong nakuha. Ang antas ng iyong kakayahan sa wikang Filipino ay makikita sa kahulugan ng mga puntos.

  • Kahulugan ng mga puntos:

0 – 2       Are you a foreigner? Thank you for trying.
3 – 6       Hindi mo inayos ang pagsagot, ano?
7 – 9       Hindi ka pa magaling sa Filipino.
10 – 12   Pasado ka, Kabayan!
13 – 16   Iyan ang Pilipino, alam ang sariling wika!
17 – 19    Wala ako masabi, magaling ka nga talaga.
20           D-Dr. Jose Rizal?! Ikaw ba ‘yan???!!!

  • Mga tamang sagot

1. dog – aso
2. throat – lalamunan
3. book – aklat
4. city – lungsod
5. building – gusali
6. window – durungawan
7. green – luntian
8. generation – salinlahi
9. refreshment – pamatid uhaw
10. standard – pamantayan
11. copy – sipi
12. suggestion – panukala o mungkahi
13. feature – tampok
14. chalk – tisa, yeso o tsok (pawang mga banyagang salita)
15. wise men – mga pantas (sige na nga, pwede na rin kahit wala yung “mga”)
16. attach – lakipan
17. disguise – balatkayo
18. park – liwasan
19. petals – mga talulot (madali lang ito kaya dapat kasama yung “mga”)
20. suffix – hulapi

Karagdagan: Pagkatapos ng malawakang pananaliksik (sa internet at tindahan ng aklat) napagtanto ng may-akda na ang salitang “chalk” ay walang katumbas sa Wikang Filipino. Libreng 1 puntos sa lahat ng sumagot sa pagsusulit.

Para sa iba pang dagdag kaalaman, puntahan ang link sa ibaba:
Bakit Tagalog ang basehan ng wikang Filipino?

ResidentPatriot
Author: ResidentPatriot

Male, Engineer, Artist, Writer, tumatanggap din ng labada tuwing Sabado...



Categories: Halu-halo

Tags: , , , , , , ,

39 replies

  1. Haha masaya 😁👍👍👍

    • maraming salamat marami po akong nalaman bilang isang baguhang guro gusto ko pa po sana ng iba marami pang salita sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking simpleng hiling

  2. hello, RP… pwede rin bang paham ang wise men? ahehe. di ko nakuha ang window – bintana ang sagot ng lola mo, hihi. ang ganda ng word – durungawan. salamat sa pagpapaalala, kapatid. yon lang, wala na masyadong gumagamit ng durungawan, as in… :c btw, may post kang in English? ahaha, naisip ko lang… musta?

    btw, may ginawa ako dating post re: your request… i doubt kung maiibigan mo, medyo dull ang topic – about Japan’s no declaration of war policy, ahaha. ayon… 🙂

    • uy, hello mam 35andup, nice of you to drop by my humble site, hehe di ko na itutuloy mag-english at baka bumulwak ang maraming dugo sa aking pc 🙂 di yata pwede yung paham, ‘di ba scientist yung paham? at wala akong sariling katha na english sa blog site na ito…merong english sa forwarded emails category pero puro kalokohan lang hehe

      hanapin ko yung no war declaration policy ng japan na post mo, tunog interesting hehe

      • ma’am ka ryan, sipa gusto mo? mahaba legs ko, luya feet ko, whehe. hala, paham means learned man. o, sige, am gonna go check, hehe. sige, sisilipin ko minsan ang forwarded mails category. ay nakow, mabagsik ang mga kalokohan mo kaya? uu… 😉

        hindi sya post na published. i just wrote it last january, kapatid. yon naisip ng lola kasi nasa land of the rising sun si ka-blog na kapampangan, hehe. hope i can send it to you by email one of these days… good night. 🙂

  3. 7 laNg aNg nakuHa cU , aNu ba yaN mag-aaral pa talaga ako ng mbuti sa Filipino..
    LOL

    http://www.tagalog-translator.com

  4. Ser! Ano nang meron sa chalk? Bakit, ano po ba yung mga ibinigay ninyong sagot? Banyagang salita din po ba yun?

    • hello kim, lahat ng nakita kong meaning ng chalk (tisa, yeso at tsok) eh mga salitang banyaga lahat.

      wala tayong katumbas na native tagalog sa chalk kaya bonus ‘to 🙂 kung maka-ser ka naman, parang kagalang-galang tuloy ako hehe

  5. Bakit sa paaralan/eskwelahan ang itinuturong parte/bahagi ng bahay, bintana? Ang airplane eroplano di ba dapat salipawpaw, ang upuan, salungpuwit, at ang kasuotang pangbabae salung.? Hahaha kala mo seryoso ano? Pero di naman maiaalis ang iba ibang pagsalin mula ingles sa wikang pilipino. Kung ang ibon nga ng mapunta sa Pampanga nag-iba ang kahulugan… Wala lang natuwa ako sa mga bagong tuklas na mga talasalitaan..dapat pala simulan na ang pagbabasa ng ibong adarna o ang florante at laura… Makapag-aral nga ulit.. 🙂

  6. I only got 3… aso, libro, bintana. ^_^ I left the Philippines when I was 7. Reading so much blogs by Filipinos made me realize I ‘m not fluent. I thought I was.

    Cheers.

    • hi renxkyoko, i’m sorry to say, libro and bintana are spanish words so, you only got “aso” correct 🙁 but that’s understandable since you’ve lived most of your life in the States (i presume?)

      thank you for trying, but many Filipino youth don’t know how to say many words in native Filipino either 😀 so that’s okay, not much difference hehe

  7. 10 puntos ang nakuha ko! isang mali, lagpak na sana. ah, basta. ang mahalaga, pasado pa din ako! kelangan magbasa-basa at nang mahasa pa!
    😉

  8. hehe! 3 lang tamang sagot ko. aso, libro at gusali lang. ‘yong iba kung anong una kong maisip. tulad ng green, berde sagot ko. bwahaha! At yong iba hindi ko talaga alam.

    Nakakalungkot isipin na sa highschool ang subject lang na gumagamit ng medium na Filipino ay ang subject na Filipino at ganun din sa kolehiyo.

    kahit naman sa dialect na ginagamit ko mas lamang na ang root word ay spanish.

    • Hello Aninipot, maraming salamat sa iyong pagdalaw. Ikinagagalak ko ang pagsubok mo sa pagsusulit. Sigurado akong mas mataas pa dyan ang iyong tunay na kapasidad. Ngayon ko lang din pala nalaman ang tungkol sa iyong blog, pa-follow 😀

  9. May nagwika na may higit limang libong salita daw ang palasak na ginagamit natin sa ngayon ay hiram natin mula sa wikang Espanyol. Kainaman. Mabisa nga ang wika.

    • Oo nga, kung ang salita ay hindi Espanyol, Inggles ang karamihan. Napakarami nating salita na walang katumbas sa sarili nating wika at nananatiling hiram pa rin. Buti na lang hindi copyrighted ang mga salitang ito, kung hindi, mababaon tayo sigurado sa utang. Ay, baon na nga pala tayo sa utang 😀

  10. 5 lang nakuha ko. Pwede rin naman pong bintana diba? Haha. Ai bawal palang magreklamo. Hahaha =))

    • Naaalala ko nung hayskul pa ‘ko, lagi may nagrereklamo pag nagche-check kami ng mga quiz namin. Halos 20 years ago na ‘yon, pero ganun pa rin pala hanggang ngayon 😀

      Sori, Rhence. Spanish version ng “ventana” yung bintana. Pangatlong estudyante ka nang hindi pumapasa. Pa’no na ba magsalita mga kabataan ngayon? 🙂 Pero maraming salamat sa pagbisita.

  11. Nyahaha! 8 lang yung akin! \m/ Galing! HAHAHA nakakahiya pero ang galing! 😀

  12. 3 lang nakuha ko. Nakakahiya! Pero nakakaaliw. Ang saya!

  13. hahaha! 11 lang ang nakuha ko, nagmamadali kasi at di na masyadong nakapag-isip-isip.
    alam ko bawal magreklamo pero di ba nung bata tayo itinuturo ding ang chalk ay yeso, parang sa bilyaran kasi iyung tisa e hehehe
    anyway, naaliw ako. Naperpek ko sana kung walang time constraints, hehe yabang!

  14. ,mali ako sa 14, 18 at 20!!!!

    nag try 15 secs na manghula… mali, di nakatiis, sumilip sa tamang sagot…ayun nga mali ahahahahha

  15. hehehe…oh no! 7 lang ako hahaha…aliw much! Pero yung sa chalk anong lenggwahe yung “yeso”? ang alam ko kasi yun yung Filipino term nun hahaha…

Trackbacks

  1. Banyaga Ka Ba Sa Sarili Mong Wika? | Pinay Unlimited

Leave a Reply

Reset password

Enter your email address and we will send you a link to change your password.

Get started with your account

to save your favourite homes and more

Sign up with email

Get started with your account

to save your favourite homes and more

By clicking the «SIGN UP» button you agree to the Terms of Use and Privacy Policy
Powered by Estatik
%d bloggers like this: