Ang International Women’s Day ay ipinagdiriwang tuwing ika-8 ng Marso kada taon. Ito ay ginaganap upang kilalanin ang mga matagumpay na kontribusyon ng mga kababaihan sa larangan ng ekonomiya, politika, kultura, at iba pa.
Ang International Women’s Day o Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay nagmula sa labor movements o kilusang paggawa sa Hilagang Amerika at Europa noong 20th century matapos maudyukan ng kilusan ng unibersal na pagboto ng mga kababaihan noong 18th century.
Sa taong ito (2024), ang tema ng International Women’s Day ay Inspire Inclusion. Tinatalakay sa temang ito ang paghimok sa lahat na magkaroon ng inklusibong kapaligiran na naaayon sa lahat ng kasarian. At kapag ang mga kababaihan mismo ang nakakaramdam ng pantay na pagtrato ay nagkakaroon ng sense of belonging at empowerment.
Sa darating na International Women’s Day, maaari niyong gawin ang mga sumusunod para ipagdiwang ang mga kababaihan:
1. Makilahok sa mga samahan o kampanya laban sa Violence Against Women
Laganap pa rin sa kasalukuyan ang pang-aabuso sa mga kababaihan. Ayon sa datos ng 2022 National Demographic and Health Survey (NDHS) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, 17.5% ng mga Pilipinang edad 15-49 ay nakaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso, pisikal, sexual at emosyonal mula sa kanilang mga asawa o kapareha.
Mangyari lamang na isuplong sa mga awtoridad ang kahit anong masasaksihang pang-aabuso sa mga kababaihan maging ito man ay pisikal, sexual, verbal o ano pa mang uri.
Maaari ding lumahok sa mga programang naglalayong matulungan at mabigyan ng edukasyon ang komunidad tungkol sa isyung Violence Against Women o VAW.
2. Magbasa ng literaturang gawa ng mga babaeng awtor tulad nila Jane Austen, Lualhati Bautista at napakarami pang iba.
Sa darating na International Women’s Day, tangkilikin ang mga akda ng magigiting na babaeng manunulat, hindi lang ng mga internasyonal na awtor, kundi maging ang sariling atin.
Hindi mabibilang ang mga de kalidad na babaeng manunulat, ngunit itatangi muna natin ang dalawang ito (Jane Austen at Lualhati Bautista) para sa okasyong ito.
Si Jane Austen ay naglathala ng mga libro na hindi ginagamit ang kaniyang tunay na pangalan bilang awtor. Una ay naglathala siya bilang ‘anonymous’ at sumunod naman ay gumamit sya ng ‘gender neutral’ na pangalan. Ginawa niya ito dahil noong 17th century, hindi pa kinikilala ang mga babae bilang mga manunulat, kundi ito ay tinuturing na iskandaloso.
Si Binibining Lualhati Bautista ay isa sa pinaka premyadong manunulat sa Pilipinas na may akda ng mga dekalidad na nobelang tumatalakay sa sosyal at politikal na kalagayan ng bansa tulad ng Dekada 70, Gapo, at Bata, Bata, Paano ka Ginawa.
Malayo na ang narating ng mga kababaihan sa larangan ng pagsusulat. At ang dalawang itinanging babaeng manunulat sa artikulong ito ay larawan ng katapangan – si Jane Austen dahil sa pagsusulat niya noong panahon na ‘taboo’ pa para sa mga babae ang magsulat ng libro, at si Lualhati Bautista na walang pangingiming nagsusulat tungkol sa mga maseselang issue sa ating lipunan.
Kaya’t ngayong International Women’s Day, nararapat lamang na pahalagahan natin at parangalan ang mga magigiting na babaeng manunulat.
3. Batiin ang mga babaeng kapamilya, kaibigan at kasama sa trabaho.
Malayo ang nararating ng pinakasimpleng pagbati. Sa International Women’s Day, iparamdam sa mga kababaihang malapit sa ating puso ang pagrespeto at pagpupugay na nararapat para sa mga ito.
4. Magbigay ng regalo o maliit na token ng appreciation.
Ano mang uri ng regalo, malaki o maliit ay mahalaga para sa mga tatanggap nito. Mapa bulaklak, o simpleng card ay tunay na makapagpapasaya.
Maganda rin na mag organisa ng pagtitipon lalo na ang mga kumpanya upang ipagdiwang ang araw na ito at para maparangalan ang mga empleyadong babae.
5. Igalang ang mga kababaihan araw-araw at hindi lang tuwing International Women’s Day.
Ang diwa ng International Women’s Day ay hindi lamang upang makapagbigay pugay sa mga kababaihan tuwing ika-8 ng Marso, kundi para maisabuhay din ang paggalang at pagpupunyagi sa mga kababaihan.
Sa haba ng panahong nakikipagbaka ang mga kababaihan upang magkaroon ng pantay na karapatan at pagtingin mula sa lipunan ay nakakasaksi pa rin tayo ng diskriminasyon sa makabagong panahon na ito. Kaya’t ang pagbabago ay tunay lamang na maisusulong kung ito ay gagawin ng bawat isa.
Itaguyod natin ang pagkakaroon ng inklusibo, ligtas at pantay na kapaligiran para sa ating kababaihan.
Discover more from The Pinoy Site
Subscribe to get the latest posts sent to your email.

