Tag Archives: mga problema ng pilipinas

Si Heneral Luna at ang mga Pasaway na Pilipino

Kung nabuhay si Heneral Luna sa panahon natin ngayon ay malamang sapitin niya rin kung ano ang nangyari sa kanya sa kasaysayan.

si heneral luna

Kahit na kasi matalino, talented, world class at may klarong direksiyon si Heneral Luna para sa minamahal niyang bansang Pilipinas eh hindi siya marunong makitungo sa mga pangkaraniwang Pilipino at sa mga  makapangyarihang Pilipino.

Puro siya prinsipyo.

Palibhasa ay anak mayaman, nag-aral sa mga tanyag na paaralan at nagtapos ng doctorate sa Europa, hindi masyadong nakahalubilo ni Heneral Luna ang mga uri ng Pilipinong araw-araw niyang makakasalamuha sa kanyang mga misyon.

Nagkaroon siguro siya ng culture shock sa mga totoong nangyayari sa Pilipinas at kung paano mag-isip ang mga Pilipino. Hindi niya yata na-anticipate na mahihirapan siyang ipatupad ang mga plano niya sa klase ng pag-uugali ng mga Pilipino.

Hindi natin masisisi si Luna sa paghahangad na magkaroon ng disiplina at pagbabago sa sandatahan ng Pilipinas. Yun ang trabaho niya. At dahil isa siyang Grade A student, ginusto niyang ma-accomplish ito at all cost. Kahit na buhay pa niya ang maging kabayaran nito.

So, ganun nga ang nangyari, pinatay ng pasaway na mga Pilipino ang nag-iisang mahusay na heneral ng Pilipinas dahil hindi nila gusto ang pamamaraan ni Luna. At bumagsak tayo ng tuluyan sa kamay ng mga Amerikano dahil dito.

Ngayon, kung nabuhay man si Luna sa panahon natin at ginustong magpatupad ng disiplina at pagbabago, papatayin lang din siya ng mga pasaway na Pilipino.

Ang Heneral Luna ay palabas pa rin sa mga sinehan, ganda ‘to, nood na! (Warning: May mga pagmumura, graphic violence at mabilisang nudity.)

pelikula tungkol kaheneral luna

Advertisements

Funeral Service Businesses, Patok sa Pilipinas

Mandaluyong, Philippines – Naghahanap ka ba ng magandang negosyo? Kasalukuyang umuunlad diumano ang mga funeral businesses sa bansa ayon sa Business Insider Asia.

pilipinas funeral service
patuk na patok na negosyo sa Pilipinas ang funeral services

Bukod sa mga punerarya, nakikita ring nagbu-boom ang business ng mga sementeryo at cremation services para sa mga bangkay.

Nagkakaroon na rin ng mataas na demand para sa mga sepulturero at embalsamador na dumoble ang monthly salary at benefits kumpara sa standard compensation nitong nakalipas na limang taon.

Sa isang panayam ng The Pinoy Site, sinabi ni Mang Kandoy, 51, embalsamador, “Opo, totoo pong malaki ang kita naming mga embalsamador at hindi kami nawawalan ng trabaho. Nagpapadami po sa trabaho namin yung mataas na antas ng krimen sa bansa natin ngayon.”

Kinumpirma naman ng isang cremation service owner na 60% ng mga bangkay na kanilang kini-cremate buwan-buwan ay namamatay sa kriminalidad kagaya ng mga biktima ng riding in tandem, rape slay, away kalye at iba pang mga gun related at drug related violence.

Tinuran ng mga funeral service owners na ang natitirang 40% sa kanilang mga “kliyente” ay yung mga namatay sa aksidente, sakuna o sakit.

Itinanggi naman ng PNP na tumataas ang kriminalidad sa bansa at iginiit na isolated cases lamang ang lahat ng krimeng nangyayari sa Pilipinas.

Inaasahan ng mga funeral service owners na lalong magbu-boom ang kanilang business ngayong papalapit na ang 2016 elections dahilan sa tradisyunal na tumataas ang rate ng violence sa lahat ng parte ng bansa tuwing eleksiyon.

********************************************

Note: Ang balitang ito ay walang katotohanan at kathang-isip lamang.

Mga Hinaing ng Isang Magulang na may Grade 1 na Anak

Dear Teachers, Principals, School Administration, CHED at DEPED:

Ako po ay isang pangkaraniwang obrero na nagpapa-aral ng anak sa elementarya sa isang pribadong paaralan. Ang aking anak ay Grade 1 pa lamang subalit nagulat po ako dahil marami sa mga kwestyonableng bagay na aking nakamulatan nung ako ay elementarya pa ang hindi pa rin pala nagbabago hanggang ngayon.

mga mag-aaral ng pilipinas
epektibo bang natuturuan ng mga paaralan ang ating mga kabataan? (nytimes.com)

Buong pagpapakumbaba ko pong ipinapanukala sa inyo ang ilang mga pagbabagong maaaring makatulong sa mabilis na pagkatuto ng ating mga kabataan sa murang edad pa lamang.

1. Bawasan ang favoritism

Huwag niyo ho sanang bigyan ng pabor ang isang estudyante dahil lang nagbigay siya ng electric fan o kaya kung anong regalo sa inyo.

Nahahalata ho ito ng mga magulang at ng mga estudyante mismo. Huwag ho kayong maging example ng katiwalian sa mga kabataan.

2. Huwag puro lecture at assignment

Oo nga ho at kailangang matuto magsulat ng mga bata at mag-aral maging sa bahay. Pero kung araw-araw na lang ay wala kayo sa loob ng classroom at pinapagsulat lang ang mga bata buong araw, mahiya naman ho sana kayo.

Hindi naman nagbabayad ng matrikula ang mga magulang para maging stenographer ang mga anak namin. Magturo ho kayo at nang may natututunan ang mga anak namin.

3. Ipagamit ang mga libro

Nagbabayad ho kami ng limpak-limpak na salapi para bilhin lahat ng mga libro ng mga bata dahil sabi ninyo required ang lahat ng mga ito. At lahat ho ay binibili namin nang brand new.

Ayaw naman ninyong bumili kami ng 2nd hand at gusto ninyo susulatan pa ang loob ng mga libro.

Subalit kahit na Disyembre na eh wala pa ring kalahati ang nagagamit sa bawat libro ng mga bata. Yung ibang libro naman, ni HINDI PA NAGAMIT o nabuksan kahit isang beses man lang.

Kung ipapabili ninyo ang lahat ng libro sa amin, sana siguraduhin ninyong magagamit ang lahat ng mga ito.

4. Tapusin ang mga libro

Gaya nga po ng nabanggit ko na, kung ipapabili ninyo ang mga libro, sana gamitin ninyo ang mga ito mula umpisa hanggang katapusan.

Malaking aksaya sa pera at parusa sa bata at magulang yung dalhin yung mga libro niya araw-araw tapos eh hindi naman ginagamit.

5. Bawasan ang mga libro

Kung hindi naman po gagamitin ang mga libro, huwag na lang sana ninyo ipabili. Isulat na lang ninyo sa blackboard yung importanteng page at ipa-lecture sa mga bata.

Ang nangyayari ho kasi, bibili kami ng libro, tapos ipapa-lecture din sa bata yung laman ng libro. Iyon lang po ba ang silbi ng mga librong binibili namin? Kopyahin at isulat ang laman sa notebook?

Aksaya sa pera, aksaya sa oras, akasaya sa pagod, aksaya sa papel at aksaya sa puno.

6. Magdagdag ng assistant teachers

Sa dami ho ng mga bata sa isang classroom, hindi namo-monitor ng mga teacher ang progreso ng mga bata lalo na kung elementary pa lang.

Kung may assistant teachers, kahit paano natutulungan nila yung home room teacher na malaman kung nakakasunod ang mga bata sa nangyayari sa classroom.

Yung ibang mga bata, pumapasok at lumalabas sa classroom na walang alam kung ano ang nangyari sa klase nila.

7. Huwag gawing requirement ang camping or field trip

Kung tutuusin, hindi pa ho dapat pinapag-camping at field trip ang mga batang 5 to 9 years old dahil mahirap pa silang mapasunod sa instructions. Lalo na kung mga batang lalaki.

Mahirap ho maintindihan kung bakit excited kayong lumabas kasama ang ganito karaming mga bata na hindi naman ninyo magarantiya ang kaligtasan nila sa mga disgrasya. Tapos gagawin pa ninyong graded at required sa klase.

Ang dami na ho naming pinagkakagastusan na mga magulang, idadagdag pa ninyo itong mga camping at field trip na ito na hindi pa naman ganun kaimportante.

8. Magbigay ng practical tests tungkol sa kagandahang-asal

Magtuturo na lang din po tayo ng kabutihang asal sa mga bata, lubus-lubusin na natin. Magbigay kayo ng project na kung saan dapat silang gumawa ng kabutihan sa kapwa at i-report nila iyon sa klase.

Sayang ho yung mga subject na GMRC, Edukasyon sa Pagpapakatao, Values Education at Religion kung wala itong mga praktikal na application sa buhay ng mga bata.

Mas magandang ma-reinforce ang mga pinag-aaralan nila kung gagamitin sa totoong buhay.

9. Ipalaro sa mga bata ang Pilipinong laro

Okay nga po na itinuturo natin sa mga bata ang mga Laro ng Lahi pero mas maganda ho siguro kung ipapalaro natin ito ng aktwal sa kanila.

Sa panahon ngayon, hindi na pangkaraniwang nilalaro ng mga bata ang tumbang preso, patintero, piko, sipa, etc.

Huwag lang ho panay basketball ang ipalaro ninyo sa mga bata kapag PE. Papaglaruin nyo rin ho ng mga laro ng lahi.

10. Huwag pabayaang mangopya

Sa maagang edad pa lang nila, turuan na ho ninyong huwag mangopya ang mga bata. Ngayon pa lang ho, maging mahigpit na kayo at ituro sa kanila kung bakit hindi mabuti ang mangopya.

Tuturuan din po namin sila sa bahay pero mas tatanim sa isip nila kung nandun sila sa mismong sitwasyon kung saan maaaring maganap ang pangongopya.

11. Huwag isakripisyo ang academics para sa mga extra curricular

Napansin ko rin po na ang daming activities ng mga Grade 1 na may kinalaman sa pagpe-perform sa stage atsaka mga programs gaya ng UN, Linggo ng Wika at mga school festivals.

Okay ho sana kung hindi napapabayaan yung mga klase ng bata pero minsan nauubos yung araw nila sa kaka-practice ng sayaw or tula or kung anong dapat nila i-perform.

Maganda nga po yung natututo sila ng mga ibang bagay bukod sa academics pero huwag niyo namang ihinto yung pag-aaral ng mga bata para lang sa mga program na ito. Priority pa rin po dapat ang academic education nila.

Ang dami-dami na ngang bakasyon ng mga bata (sembreak, typhoon break, Christmas vacation, illness break) nababawasan pa nitong mga extra-curricular na para bang ito na ang nagiging priority. Minsan ho isang buong linggong puro practice at paghahanda lang sa event ang ginagawa ng mga bata. Ano na ho nangyari sa pag-aaral nila? Ga-graduate sila ng Grade 1, hindi marunong magbasa at magbilang pero marunong sumayaw?

Maraming salamat po sa anumang mga aksiyon ang maaari ninyong gawin tungkol sa mga bagay na ito.

Gumagalang,

RP

Polusyon sa Hangin at ang mga Pwede Nating Gawin

Bukod sa katiwalian, kahirapan, karahasan at nakakainis na takbo ng istorya sa mga drama sa tv, isa pa sa mga araw-araw na problemang kinakaharap ng mga Pilipino ay ang problemang hatid ng maruming hangin (air pollution) sa kalusugan natin.

polusyon sa hangin

Lahat ay dapat mag-ingat sa mga epekto ng maruming hangin sa katawan subalit ang mga taong may mas malaking peligro sa kalusugan ay ang mga sumusunod:

  • mga may respiratory illness gaya ng asthma, bronchitis, tuberculosis at iba pa
  • mga may sakit sa puso
  • mga sanggol at bata
  • mga matagal na nasa labas (traffic police, street sweepers, sidewalk vendors, etc.)
  • mga senior citizens
  • mga buntis
  • mga mahina ang immune system

Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), pinakamalaking naaapektuhan ng air pollution ang mga umuunlad na bansa kagaya ng Pilipinas. At mas mataas daw ang antas ng polusyon sa mga umuunlad na syudad (gaya ng Maynila) kumpara sa mga mauunlad na syudad na kasing-laki nito.

Ang nilalaman ng post na ito ay:

  1. Impormasyon ng WHO Tungkol sa Polusyon ng Hangin (salin sa Tagalog mula sa orihinal)
  2. Paano Mag-ingat sa Epekto ng Air Pollution
  3. Paano Makakatulong Upang Mabawasan ang Air Pollution

Hindi nakakatawa ang epekto ng maruming hangin sa katawan ng tao. Ingatan natin ang ating kalusugan at ang kalusugan ng mga kabataan laban sa air pollution.

Ang sumusunod ay ilang bahagi na isinalin sa Filipino mula sa orihinal na impormasyong nakasaad sa website ng WHO. (Original English Article: WHO Ambient Air Quality and Health)

1. Impormasyon ng WHO Tungkol sa Polusyon ng Hangin

Ang polusyon sa hangin ay isang pangunahing problema sa kalusugan at kapaligiran na nakakaapekto sa lahat ng tao sa mayayaman at mga umuunlad na bansa.

Tinataya ng WHO na sa 80% na kaso ng mga maagang pagkamatay na nauugnay sa polusyon ng hangin ay gawa ng sakit sa puso at stroke, habang ang 14% na mga namamatay ay dahil sa paulit-ulit na sakit sa baga o malalang impeksyon sa paghinga; at 6% naman ng mga pagkamatay ay dahil sa kanser sa baga.

Isang pag-aaral nuong 2013 na isinagawa ng International Agency for Research on Cancer (IARC, isang ahensya ng WHO) ay nagpahayag na ang polusyon sa hangin ay nakaka-cancer sa tao at ang mga particulate na bumubuo sa polusyon ng hangin ay nagpapataas sa insidente ng kanser lalo na ng kanser sa baga. Isang pagkaka-ugnay din ang na-obserbahan sa pagitan ng polusyon sa hangin at pagtaas ng insidente ng kanser sa daluyan ng ihi o pantog.

Ang maruming hangin sa mga lungsod at rural na lugar ay tinatantyang sanhi ng 3.7 milyong maagang mga pagkamatay sa buong mundo kada taon nuong 2012; ang dami ng mga namamatay na ito ay dahil sa pagkakalantad ng tao sa mga maliliit na particulate matter na 10 microns o mas mababa ang sukat, na nagiging sanhi ng cardiovascular at respiratory disease, at kanser.

epekto ng maruming hangin
mga posibleng epekto ng masamang hangin sa tao (stateoftheair.org)

Ang mga mamamayang naninirahan sa mga bansang may maliit hanggang katamtaman na kita ang tumatanggap ng mas malaking epekto ng maruming hangin kung saan 88% (ng 3.7 milyong maagang namamatay) ay nangyayari sa mga umuunlad na bansa, at ang pinakamabigat na epekto ay nararanasan ng mga bansang nasa Kanlurang Pasipiko at Timog Silangang Asya na nasasakupan ng WHO. Ang mga pinakabagong pagtatantya ay nagpapakita sa malaking epekto ng maruming hangin sa cardiovascular disease at maagang pagkamatay – higit pa sa dati nang alam ng mga siyentipiko.

Karamihan sa mga pinagmumulan ng maruming hangin ay wala sa kontrol ng pangkaraniwang tao at nangangailangan ng pagkilos ng mga lungsod, pati na rin ng national at international policymakers sa mga sektor tulad ng transportasyon, energy waste management, imprastruktura at agrikultura.

Maraming halimbawa ng mga matagumpay na patakaran sa transportasyon, urban planning, power generation at industriya ang nagpapababa sa maruming hangin gaya ng mga sumusunod:

Para sa industriya: mga malinis na teknolohiyang nagagawang bawasan ang ibinubugang industriyal na usok; pinagbuting pamamahala sa mga pang-lunsod at pang-agrikulturang basura, gaya ng pagkuha ng methane gas na nagmumula sa mga tambakan ng basura bilang pampalit sa pagsusunog (para magamit bilang biogas);

Para sa transportasyon: paglipat sa mga malinis na paraan ng power generation; pagpa-prioritize sa mabibilis na paraan ng pagbiyahe sa mga lungsod, mga ruta sa loob ng siyudad para lang sa mga naglalakad at nagbibisikleta, mga riles na nag-uugnay sa mga lungsod para sa pagbyahe ng mga kargamento at pasahero; paglipat sa mga mas malinis na heavy duty na sasakyang diesel at mga sasakyan at fuel na mas konti ang ibinubuga, gaya ng mga gasolinang mas konti ang inilalabas na sulfur.

Para sa pagpaplanong pang-lungsod: pagpapabuti sa paggamit ng mga gusali ng enerhiya at gawing mas compact ang mga lungsod upang mas maging masinop sa paggamit ng enerhiya.

Para sa power generation: damihan ang paggamit ng mga may mababang emission na fuel at mga renewable energy na hindi nagbubuga ng kahit ano (tulad ng solar, hangin o hydropower); distributed energy generation (gaya ng mga solar panel sa bubungan).

Para sa pamamahala ng munisipal at agrikultural na basura: mga istratehiya para sa pagbawas ng basura, paghihiwalay, pag-recycle, at muling paggamit o waste processing; pati na rin ang pinahusay na mga pamamaraan ng biological waste management gaya ng pagtunaw sa basura na hindi kinakailangan ang oxygen (anaerobic process) upang makabuo ng biogas. Ito ay maaaring gawin, at isang murang alternatibo sa pagsunog ng basura. Kung ang pagsunog ay hindi maiwasan, ang mga teknolohiyang may mahigpit na pagkontrol sa mga ibinubuga nang pagsusunog ay mahalaga.

Ang 2005 “Mga Alituntunin ng WHO sa Kalidad ng Hangin” ay nagbibigay ng pandaigdigang gabay sa limitasyon ng mga pangunahing pollutants na nagbibigay panganib sa kalusugan. Isinasaad ng Mga Alituntunin na sa pamamagitan ng pagbabawas ng particulate matter (PM10) mula 70 pababa ng 20 micrograms per kubiko metro (μg / m³) ay maaari nating mabawasan ang mga pagkamatay na nauugnay sa polusyon nang humigit kumulang sa 15%.

Ang mga Alituntunin ay magagamit sa buong mundo at ang mga ito ay batay sa mga kasalukuyang eksperto at siyentipikong pagsusuri para sa:

  • particulate matter (PM)
  • Ozone (O 3)
  • nitrogen dioxide (NO 2) at
  • sulfur dioxide (SO 2 ), sa lahat ng rehiyong sakop ng WHO
smoke belching bus
Ang pauli-ulit na exposure sa mga particles ay nag-aambag sa panganib ng pagkabuo ng cardiovascular at respiratory diseases, kasama na ang kanser sa baga. (topgear.ph)

Particulate matter (PM)

Kahulugan at mga pangunahing pinagmumulan

Ang Particulate Matter (PM) ay nakakaapekto sa mas maraming tao kaysa anupamang ibang pollutant. Ang mga pangunahing bumubuo ng PM ay sulfate, nitrates, ammonia, sodium chloride, black carbon, mineral dust at tubig.

Binubuo ito ng isang kumplikadong halo ng solid at likidong particles na organic at inorganic na nananatili sa hangin. Ang pinaka-mapaminsalang mga particle ay yung mga may diameter na 10 microns o mas kaunti (PM 10), na maaaring pumasok at manatili sa loob ng baga. Ang pauli-ulit na exposure sa mga particles ay nag-aambag sa panganib ng pagkabuo ng cardiovascular at respiratory diseases, kasama na ang kanser sa baga.

Mga epekto sa kalusugan

May malapit na kaugnayan ang pagkaka-expose sa matataas na konsentrasyon ng maliit na particulates (PM10 at PM2.5) at pagdami ng bilang ng mga namamatay o nagkakasakit araw-araw o sa loob ng mahabang panahon. Sa kabaligtaran, kapag ang konsentrasyon ng mga maliit at pinong particulates ay nababawasan, ang mga kaugnay na dami ng namamatay ay bumababa din; kung ipapalagay na ang lahat nang iba pang mga kundisyon ay mananatiling pareho. Ginagawa nitong posible para sa mga policymaker na tantyahin ang mga maaasahang improvement sa kalusugan ng populasyon kung mababawasan ang polusyong gawa ng particulates.

Maging ang kaunting dami ng polusyon na gawa ng mga particulate ay may epekto pa rin sa kalusugan kahit na sa napakababang konsentrasyon nito at wala pang mababang limitasyon na natagpuan kung saan hindi ito magdudulot ng pinsala sa kalusugan. Kung kaya, ang 2005 guideline limits ng WHO ay naglalayong makamit ang pinakamababang konsentrasyon na maaari para sa mga PM.

Panukalang mga Limits (Guideline Values)

Para sa PM2.5
10 μg / m³ taunang average
25 μg / m³ 24 average ng 24 oras

Para sa PM10
20 μg/m³ taunang average
50 μg/m³ average ng 24 oras

Bilang karagdagan sa guideline values, ang mga Alituntunin sa Kalidad ng Hangin ay nagbibigay ng mga pansamantalang target para sa konsentrasyon ng PM10 at PM2.5 na naglalayong isulong ang unti-unting pagpapababa ng mga konsentrasyon.

Ang mga epekto ng PM sa kalusugan ay nangyayari sa mga antas na kasalukuyang nararanasan ng mga taong nakatira sa lungsod at rural na lugar at sa mga maunlad at umuunlad na bansa; subalit madalas na mas mataas ang exposure ng mga mabilis umunlad na lungsod kumpara sa mga maunlad nang syudad na may kaparehong laki o sukat.

Sa mga umuunlad na bansa, ang exposure sa pollutants mula sa pambahay na pagsusunog ng panggatong sa bukas na apoy o mga tradisyonal na kalan ay nagpapataas sa panganib ng malubhang impeksiyon sa paghinga at mga kaugnay na dami ng namamatay na mga bata. Ang panloob na polusyon mula sa mga panggatong ay isa ring pangunahing panganib para sa sakit sa puso, paulit-ulit na sakit sa baga,  at kanser sa baga sa mga matatanda.

Ang mga seryosong panganib sa kalusugan ay hindi lang nagmumula sa pagkaka-expose sa mga PM, nagmumula din ito sa paglanghap ng Ozone (O3), nitrogen dioxide (NO2) at sulfur dioxide (SO2).  Tulad ng PM, ang mga konsentrasyon ay madalas na pinakamataas sa mga lugar na urban ng mga bansang maliit hanggang katamtaman ang kinikita. Ang ozone ay isang pangunahing sanhi ng pagkakasakit at pagkamatay sa hika. Samantala, ang nitrogen dioxide at sulfur dioxide ay maaari ring magdulot ng hika, mga sintomas ng sakit sa baga, pamamaga ng baga at pagkabawas ng mga kayang gawin ng baga.

kanser sa hangin
maaari tayong magka-cancer sa paglanghap ng maruming hangin (inquirer.net)

Ozone (O 3)

Panukalang mga Limits (Guideline Values)
O3 – 100 μg / m³ na average para sa 38 oras

Ang inirerekumendang limitasyon sa 2005 “Mga Alituntunin ng WHO sa Kalidad ng Hangin” ay binawasan mula sa nakaraang antas na 120 μg / m³ sa nakaraang edisyon ng “Mga Alituntunin ng WHO sa Kalidad ng Hangin”. Ito ay batay sa mga bagong kaugnayang napatunayan sa pagitan ng araw-araw na dami ng mga namamatay at mas mababang konsentrasyon ng Ozone.

Kahulugan at mga pangunahing pinagmumulan

Ozone sa ground level – huwag itong ipagkamali sa ating ozone layer na nasa mataas na bahagi ng ating atmosphere; ito ay isa sa mga pangunahing bumubuo sa photochemical smog. Ito ay nabubuo sa pamamagitan ng mga reaksyon sa sikat ng araw (photochemical reaction) ng pollutants tulad ng nitrogen oxides (NOx) mula sa sasakyan at mga pabrika at volatile organic compounds (VOC) na ibinubuga rin ng mga sasakyan, solvents at pabrika. Bilang resulta, ang pinakamataas na antas ng polusyong ozone ay nangyayari sa mga panahong maaraw ang panahon.

Mga epekto sa kalusugan

Ang labis na ozone sa hangin ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan ng tao. Maaari itong magdulot ng mga problema sa paghinga, pasumpong-sumpong na hika, pagkabawas ng mga kayang gawin ng baga at maging sanhi ng mga karamdaman sa baga. Sa Europa, ito ang kasalukuyang isa sa mga pinag-aalalahanang pollutant. Ilang mga pag-aaral sa Europa ang nag-ulat na ang araw-araw na dami ng namamatay ay tumataas ng 0.3% at 0.4% naman para sa sakit sa puso, sa bawat 10μg / m³ na pagtaas ng exposure sa ozone.

trapik at polusyon
malaking problema ng umuunlad na bayan ang polusyon (flickr.com)

Nitrogen dioxide (NO2)

Panukalang mga Limits (Guideline Values)

NO2
40μg/m³ taunang average
200μg/m³ average sa isang oras

Ang kasalukuyang rekomendasyon ng WHO na 40μg / m3 (taunang average) ay itinakda upang protektahan ang publiko mula sa mga epekto sa kalusugan ng mga ibinubuga ng gas.

Kahulugan at mga pangunahing pinagmumulan

Sa mga panandaliang konsentrasyon na lumalagpas sa 200μg / m³, ang NO2 ay isang nakakalasong gas na nagiging sanhi ng malubhang pamamaga ng mga daluyan ng hangin.

Ang NO2 ay ang pangunahing pinagmumulan ng nitrate aerosols na importanteng bumubuo sa maliit na bahagi ng PM2.5 at ng ozone (kapag humalo ito sa liwanag ng araw).

Ang mga pangunahing pinagmumulan ng mga ibinubuga ng NO2 ay ang mga proseso ng pagsusunog (pagpapainit, power generation at mga makina ng sasakyan at bapor).

Mga epekto sa kalusugan

Ipinapakita sa mga pag-aaral ng pampublikong kalusugan na ang mga sintomas ng bronchitis sa mga hikaing bata ay tumataas sa matagalang pagkaka-expose sa NO2. Ang pagkabawas ng mga kayang gawin ng baga ay nauugnay din sa konsentrasyon ng NO2 na kasalukuyang nasusukat (o nao-obserbahan) sa mga lungsod ng Europa at Hilagang Amerika.

polusyon gawa ng mga sasakyan
kailangang mahigpit na ipatupad ng mga ahensya ng pamahalaan ang pag-kontrol sa polusyon ng hangin (flickr.com)

Sulfur dioxide (SO2 )
Panukalang mga Limits (Guideline Values)

SO2
20μg/m³ average para sa 24 oras
500μg/m³ average para sa 10 minuto

Ang konsentrasyon ng SO2 ay hindi dapat lumagpas nang average na 500μg / m³ sa loob ng 10 minuto. Ayon sa mga pag-aaral, ilang mga taong may hika ang nakakaranas ng mga pagbabago sa kanilang paghinga pagka-expose sa SO2 kahit sa loob lamang ng 10 minuto.

Kahulugan at mga pangunahing pinagmumulan

Ang SO2 ay isang gas na walang kulay at may malakas na amoy. Ito ay nalilikha mula sa pagkasunog ng fossil (gaya ng namiminang uling at langis) at ang pagtunaw ng mga mineral na naglalaman ng sulfur. Ang pangunahing pinagmulan ng SO2 ay ang pagsusunog ng mga fossil fuel na nagtataglay ng sulfur para painitin ang bahay, power generation at mga sasakyang de-motor.

Mga epekto sa kalusugan

Ang SO2 ay maaaring makaapekto sa respiratory system at pagkilos ng baga, at nagiging sanhi rin ito ng pangangati ng mata. Ang pamamaga ng daluyan ng hangin ay nagiging sanhi ng pag-ubo, paglabas ng sipon, paglala ng hika at hindi gumagaling na bronchitis at nagiging sanhi upang maging madali magka-impeksiyon sa paghinga ang tao. Ang pagka-ospital sanhi ng sakit sa puso at dami ng namamatay ay tumataas sa mga araw na mataas ang mga antas ng SO2. Kapag humalo ang SO2 sa tubig, bumubuo ito ng sulfuric acid. Ito ang pangunahing sangkap ng acid rain na nagiging sanhi ng pagkaubos ng kagubatan.

mask laban sa polusyon
mangangailangan tayong mag-mask tuwing lalabas ng bahay kung hindi mababawasan ang polusyon sa hangin (toplst.com)

2. Paano Mag-ingat sa Epekto ng Air Pollution

  1. Magsuot ng mask tuwing lumalabas ng bahay lalo na kung nakatira sa syudad na maraming sasakyan at meron kang record ng respiratory illness
  2. Isara lagi ang mga bintana kung may sariling sasakyan
  3. Iwasang sumakay sa mga sasakyang walang bintana
  4. Ugaliing kumain ng masustansiyang mga pagkain (damihan ang sariwang gulay at prutas na mataas sa anti-oxidants)
  5. Huwag i-expose nang matagal sa labas ang mga buntis, sanggol, bata, senior citizens at mga may sakit
  6. Iwasang langhapin ang hangin tuwing selebrasyon ng bagong taon
  7. Linisin nang regular ang mga filters ng aircon sa bahay at sasakyan
  8. Umiwas sa mga lugar na marami ang usok mula sa sigarilyo
  9. Huwag maligo sa ulan o inumin ang tubig nito kung nakatira ka sa syudad, puno ito ng polusyon galing sa hangin
  10. Mamasyal sa mga mapunong park para makalangahap ng sariwa at malinis na oxygen
kumain ng anti-oxidant na pagkain
kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa anti-oxidants para mabawasan ang epekto ng polusyon sa katawan…

3. Paano Makakatulong Upang Mabawasan ang Air Pollution

  1. Siguraduhing laging nasa maayos na kundisyon ang makina ng iyong sasakyang ginagamit
  2. Ipanukala sa lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa polusyon ng hangin, ang Philippine Clean Air Act of 1999
  3. Ipanukala ang pagbawal sa mga sasakyang luma ang makina (15 years o matagal pa)
  4. I-report ang mga LTO offices na hindi sumusunod sa smoke belching test
  5. Ipanukala ang pagtatalaga ng mga aparatong sumusukat sa dumi ng hangin sa iyong lugar
  6. Sama-samang ipaabot ang hinaing patungkol sa air pollution sa mga national at local government officials o sa social media (kung paisa-isa lang, baka di nila papansinin, pero kung marami na ang complain, kikilos din sila kahit paano)
  7. Suportahan ang mga adbokasiya para sa malinis na hangin
  8. Iulat ang mga sasakyang nagbubuga ng maruming hangin
  9. Huwag magsunog ng anumang bagay (basura, gulong, effigy ng pulitiko, bandila ng US, etc.)
  10. Tangkilikin ang renewable energy kung abot ng iyong pinansiyal na kakayanan
  11. Maging masinop sa paggamit ng kuryente (krudo pa rin ang main source ng ating kuryente)
  12. Maglakad, magbisikleta, o makiangkas sa merong sasakyan upang makabawas sa paggamit ng sasakyan
  13. Magtanim ng mga puno o halaman sa iyong bakuran
  14. Huwag gumamit ng mga pampublikong sasakyan na nagbubuga ng maruming hangin (dyip, tricycle, bus, etc.)
  15. Ihinto na ang paninigarilyo
  16. Huwag nang gumamit ng firecrackers
paputok
huwag nang gumamit ng paputok kapag bagong taon (inquirer.net)

Bakit Walang Nagre-Resign na Government Official sa Pilipinas?

Hinihiling natin na mag-resign ang isang government official hindi lang dahil sa mga akusasyon ng katiwalian. Minsan, gusto nating mag-resign ang isang government official kasi sa tingin natin ay ineffective s’ya. Minsan, gusto nating mag-resign ang isang opisyal out of delicadeza.

Okay, so hindi naman talagang 100% na walang nagre-resign na government official ang Pilipinas.

Pero maraming mga government official na parang hindi tinatalaban ng hiya o kaya pressure mula sa mga publikong nagpapasweldo sa kanila. Salamat sa mga nagkusa nang mag-resign dati. Patunay lang ito na hindi pa lahat ng opisyal ng gobyerno ay makapal ang mukha.

Pero bakit hindi nagre-resign ang ibang mga government official? Heto ang isa sa mga popular nilang excuse.

hindi epektibong government officialPhoto Sources: Inquirer.net, Rappler.com, Manila Bulletin.ph, Troll.me

Pamaskong Panalangin 2013

nativity

Panginoon,

Marami pong salamat sa panibagong Pasko na aming sinasalubong ngayong taon. Marami pong salamat dahil sa kabila ng mga trahedyang naganap ay buhay pa rin ang marami sa amin at ligtas ang mga mahal sa buhay.

Marami pong salamat sa panibagong taon na darating at sa mga biyayang inilaan po Ninyo para sa amin. Sa kabila po ng aming mga pagkukulang, patuloy po Kayong tapat na nagbibigay ng biyaya sa amin. Hindi po kami karapat-dapat sa Inyong kabutihan.

Patawad po na sa kabila ng mga biyayang tinanggap namin ngayong taon ay hindi pa rin kami kuntento sa maraming bagay. Patawad din po na hindi namin maiwaksi ang lungkot, kaguluhan at galit sa aming mga puso dahil sa mga pangyayaring naganap ngayong taon.

Hindi po namin nauunawaan kung bakit nagaganap ang mga trahedya na kumikitil ng maraming buhay. Hindi rin po namin naiintindihan bakit patuloy po ang karahasan, kriminalidad at digmaan sa iba’t-ibang bahagi ng aming bansa.

Wala po kaming mahanap na paliwanag kung bakit kailangan na maraming buhay ang walang saysay na mawala, kung bakit maraming pamilya ang dapat na magdusa at bakit maraming musmos na bata ang nauulila.

Samantala, sa kabila po ng mga paghihinagpis na ito ay nakikita namin ang marangyang buhay ng aming mga pinuno. Mga lider na dapat sana ay nagpapatupad ng batas subalit sila pa ang unang-unang mga lumalabag dito. Sila ang mga naghahari-harian sa aming mga bayan. Sila ang mga umaastang diyus-diyosan.

Marami po sa aming mga namumuno ang hindi marunong mahiya, mga walang konsensya at mga gahaman.

Bakit po hindi sila ang Inyong pinaparusahan? Bakit po hindi Ninyo igawad ang Inyong paghuhusga sa mga taong ito na walang alam intindihin kundi ang mga sarili nila?

Bakit po kelangang ang mga mahihirap, ang mga walang-wala na sa buhay ang siyang lalong dapat na magdusa at dumanas ng lahat ng pait ng buhay? Ano po ang itinuturo Ninyo sa amin? Hindi po namin naiintindihan.

Patawad po sa aming mga kamalian. Marahil ay kami po ang gumawa nito sa aming mga sarili. Marahil nga po ay kami ang naghatid sa kasalukuyan naming kalagayan. Kaya nga po humihingi kami sa Inyo ng pang-unawa, ng dunong at talino.

Mabilis po kaming makalimot, madalas po kaming naliligaw, madali po kaming magkamali. Ibigay nawa po Ninyo ang Inyong gabay at patnubay na kailangan namin para ibangon ang buhay sa bansa namin. Para ituwid ang aming mga likong pamamaraan.

Ipinapangalandakan po namin na kami ay isang bansang Kristyano at ipinagmamalaki po namin sa mundo ang biyaya ng likas na yaman na ibinigay Ninyo sa amin. Subalit hungkag po ang lahat ng ito para sa marami sa amin. Sa mga katiwalian at karahasang namamayagpag sa aming bansa, dinudungisan lang po namin ang Inyong banal na Ngalan.

Marahil ay hindi pa po nakahandang maging malaya mula sa mga banyaga ang Pilipinas at marahil ay hindi po aaminin ng marami sa aming mga pinuno at mga kapwa Pilipino ang bagay na ito.

Subalit hindi po namin alam pamahalaan ang aming mga sarili, hindi po namin alam kung paano ipatupad ang aming mga batas, hindi po namin alam kung paano ayusin ang aming mga problema. Pinagpapasasaan lang po kami ng iba’t-ibang administrasyon.

Turuan nawa po Ninyo kami kung paano maging isang bansa. Turuan nawa po Ninyo kaming maging mga mamamayan. Turuan nawa po Ninyo kaming patakbuhin ang aming bayan. Turuan nawa po Ninyo kaming gawin ang aming mga responsibilidad.

Mahabag po Kayo sa amin. Kami po ay mga mangmang. Kami po ay mahihina. Kami po ay mga palalo at hangal. Ituro nawa po Ninyo sa amin ang dapat naming gawin.

Mahabag nawa po Kayo sa amin. Kami po ay nagsusumamo. Uulit-ulitin lang po namin ang aming mga pagkakamali hanggang sa mga susunod pang salinlahi. Maawa po kayo sa amin, Panginoon. Maawa po kayo sa amin.

Dinadakila po namin Kayo at linuluwalhati. Ibinabalik po namin sa Inyo ang lahat ng papuri.

Sa ngalan po ng Inyong bugtong na Anak, dinggin nawa Ninyo ang aming samo’t dalangin.

Siya nawa.

Magnanakaws, Magnanakaws Everywhere

Ang dami-daming nakawan na talaga ang nangyayari sa panahon natin ngayon. Dati (nung batang-bata pa ako) nababalitaan ko lang yung mga nakawan sa tv, radyo at dyaryo at karaniwan nangyayari lang ito sa lugar na malayo sa probinsya namin.

Pero ngayon within the neighborhood ko na nababalitaan ang mga nakawan. Kahit sa loob ng mga subdivision na merong guard, may mga nakakapasok na snatchers. Kahit sasakay lang ng dyip, mananakawan ka. Tapos, lumelevelup pa dahil may kasama ng patayan yung iba.

Gipit na gipit talaga ang mga tao sa pera.

Pero kahirapan nga lang kaya ang nagtutulak sa ilang mga tao na magnakaw?

Kung magmamasid tayong mabuti, nasa palibot lang natin ang mga magnanakaw.
Kahit saan tayo magpunta, andun sila. They are everywhere.

1. Nandyan ang mga magnanakaw ng kaban ng bayan.

2. Ang mga negosyante o professionals na hindi nagbabayad ng buwis.

3. Ang mga empleyadong ipinupuslit ang mga gamit o kita ng kumpanya.

4. Mga opisyal ng home owners association na nagbubulsa ng home owner’s fee.

5. Mga church administrators na ginagastos para sa sarili ang kontribusyon ng mga parokyano.

6. Mga kamag-anak na nanggogoyo ng kaanak na OFW para makahuthot ng labis-labis na pera.

7. Yung mga kriminal na pagnanakaw talaga ang hanapbuhay.

And so on and so forth.

Bakit ganyan tayo sa Pilipinas?
Lahi ba tayo ng mga kleptomaniac?

Ano ang nagbubulid sa maraming tao na magnakaw kahit hindi naman naghihirap sa buhay?

“Moderate their greed”, sabi daw ni former NEDA Director Romulo Neri kay Jun Lozada nung hinohokus pokus yung ZTE broadband deal.

Hintuan na kaya natin ang nakawan.
Patunayan nating marangal ang lahi natin at hindi tayo mga magnanakaw.

Iniiwan ko sa inyo ang awiting ito mula sa Asin na pinamagatang, “Magnanakaw”.

Magnanakaw
by Asin

Ayon sa kasulatan, ayon sa mga nakaraan
Ayon sa mga nangyayari noon at sa nangyayari ngayon
Tayong mga Pilipino raw ay may ugaling magnanakaw
Mula pa no’ng unang panahon hanggang sa kasalukuyan
Ito kaya’y totoo, ito kaya’y nangyayari
Ito kaya’y nangyayari noon, nangyayari din kaya ngayon
Ito kaya’y dahil na rin sa ating katamaran
Hindi tapat sa gawain at sa iba’y nakikinabang

Tingnan mo ang iyong sarili, suriin mo ang iyong ginagawa
Ikaw ba’y isang magnanakaw at taong mapagsamantala
Hindi nagpapapawis, hindi lumuluha
Ginagamit ang galing sa hindi tamang gawa

CHORUS
Ang magnanakaw ay mapagsamantala
Magaling magkunwari, madaling makilala
Balat-kayong ginagamit kahit hindi sa pirata
Magnanakaw pa rin ang nakikita sa kanya

May nagnanakaw ng oras, talino at pawis
Pati ang galing kung minsa’y ninanakaw rin
Ano kaya ang dapat gawin ngayong alam na natin
Dahil na rin ba sa katamaran, hahayaan na lang ba natin

Tingnan mo ang iyong sarili, suriin mo ang ‘yong ginagawa
Ikaw ba’y isang magnanakaw at taong mapagsamantala
Hindi nagpapapawis, hindi lumuluha
Magnanakaw ng oras, galing at pawis ng iba

Top 7 True Horror Stories of 2013

horror stories 2013

November 12, 2013 Update: Isinulat ang artikulong ito para sa Undas dahil usong-uso ang mga kuwento ng katatakutan sa mga panahong iyon kaya inipon sa artikulong ang mga pinaka-nakakatakot na balitang gumimbal at nagbigay ng hilakbot sa atin ngayong taon.

Subalit hindi pa man nakakalipas ang isang buwan mula nung isulat ang artikulong ito ay may isa pang kagimbal-gimbal na istorya ang nangyari sa Pilipinas.

Sa dahilang ito, may bago na tayong number 1 na nakakatakot na istorya para sa taong ito (at sana ay wala nang maging kasunod pa).

8. Patuloy na Paglaganap ng Karahasan sa Lipunan

police tamper with crime stats
photo source: philstar.com

Nang unang isulat ang artikulong ito ay ito ang nasa number 7 spot. Ito ang istorya tungkol sa masigasig na paghikayat ng ating Pamahalaan sa mga turista na bisitahin ang Pilipinas pero sa kabila nito ay laganap pa rin ang kriminalidad (nakawan at patayan) sa maraming lugar sa ating bansa. Sa sobrang dami, dinuktor na ng mga pulis ang crime rate para magmukhang nababawasan ito.

Nakakatakot na bagay ang kahit saan tayo magpunta ay hindi matitiyak ang ating kaligtasan.

Related article: 9 Metro police chiefs questioned on ‘doctored’ crime figures

Narito ang Top 7 true horror stories of 2013 na aking pinili.

7. Kaguluhan sa Panahon ng Eleksyon

election 2013
photo source: sg.news.yahoo.com

Ang istoryang ito ay mahigit 60 taon nang nagaganap. Mula nang i-exercise natin ang ating karapatang bumoto hanggang ngayon ay parang lalong nagiging masama ang ating electoral process.

Dumadami ang mga pasaway na kandidato na hindi sumusunod sa mga alituntunin ng Comelec (gun ban, campaign ads, alcoholic drinks ban, etc.). Ang pagboto din sa ilang mga lugar ay malaking sakripisyo pa rin: malayo, magulo, mainit, siksikan, nawawalang pangalan, kulang na gamit, walang kuryente, barilan, takutan, bentahan ng boto at kung anu-ano pa.

Nakakatakot isipin na sa marami pang susunod na mga taon ay wala pa rin tayong pagbabagong maaasahan pagsapit ng eleksyon sa bansa natin.

Related article: Violence and fraud are top worries in Philippine elections

6. Bagyo at Habagat

bagyo at habagat
photo source: abs-cbnnews.com

Ito ang istorya ng sunud-sunod na bagyo’t habagat na tumama sa ating bansa sa taong ito.

Nakakatakot ang kapasidad ng ating kalikasan na wasakin ang anumang imprastraktura na gawa ng tao pero mas nakakatakot ang kawalan ng pangmatagalang solusyon ng ating bansa laban sa mga problema ng basura, baha, disaster preparedness, teknolohiya at pamomolitika sa gitna ng pagdurusa ng mga tao.

Related article: New habagat rains worse than Ondoy

5. Lindol sa Visayas

bohol earthquake
photo source: todayonline.com

Ito ay istoryang naganap ngayong taon pero isang istoryang hindi na bago sa atin.

Kagayang-kagaya lang ng number 5, nakakatakot ang kapasidad ng ating kalikasan na maminsala ng buhay at ari-arian pero mas nakakatakot ang kawalan ng pangmatagalang solusyon ng ating bansa laban sa mga problema ng sub-standard na imprastraktura, disaster preparedness, early warning device at pamomolitika na lalong nagpapabigat sa pagdurusa ng mga tao.

Related article: 144 dead in Philippines quake

4. Zamboanga Siege

zamboanga siege by Misuari
photo source: manilatimes.com

Ito ay isang classic horror story tungkol sa isang lider na ipinahamak ang buhay ng napakaraming tao para lang matupad ang kanyang makasariling hangarin. Kasalukuyan na raw nagtatago sa Middle East ang lider na ito.

Related article: MNLF storms Zamboanga

3. Pork Barrel Scandal

pork barrel scam
photo source: straitstimes.com

Hindi ba naman horror ang pagkalaki-laking halaga ng perang pinapakinabangan ng iilang tao lang sa ating bansa? Wala bang konsensya ang mga taong ito? In the first place, tao ba sila? Ang dami-daming naghihirap sa Pilipinas pero ang sasarap ng buhay ng mga tiwaling government official dahil sa pagnanakaw.

Ang nakakatakot pa sa istoryang ito ay baka wala pa ring maparusahan sa mga magnanakaw ng pera ng Pilipinas at baka lalo pang dadami ang lahi ng mga kleptomaniac na ito sa ating bansa.

Related article: Priority Development Assistance Fund Scam

2. Gahaman Bonuses

sss board meetings
photo source: arkibongbayan.org

Ito ang kakila-kilabot at walang kahiya-hiyang pagbibigay ng pagkalaki-laking mga bonuses ng ilang ahensya ng pamahalaan sa kanilang mga sarili.

Kulang daw ang pondo ng mga ahensyang ito kaya tataasan nila ang kanilang singil pero ang lalakas pa rin ng loob na bigyan ang mga sarili ng malaking halaga ng bonus. Kulang na nga sa pondo, ang lakas pang magsipag-gastos.

Related article: Not only SSS but 19 other state firms gave bonuses

Nakakatakot ding isipin na sa kabila ng pagbatikos ng napakaraming Pilipino sa malversation of (certain) funds ng ating Pamahalaan ay baka umulan na naman ng limpak limpak na salapi, in the form of bonuses and parties, ang iba pang mga ahensya ng ating Pamahalaan ngayong Pasko.

1. Super Typhoon Yolanda

Wala na sigurong duda na ito ang pinaka-nakakatakot na bagay na nangyari sa atin sa 2013. May hinala na aabot nang mahigit sampung libong (10,000) tao ang nasawi sa nagdaang bagyo na ito. Itinuturing ng mga eksperto na ito ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo sa taong 2013 at pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Related article: Super Typhoon Haiyan, one of strongest storm ever

Nawa ay maging mas mapagpala ang mga susunod na taon para sa atin.

Karaniwang Hinaing ng mga OFW

Batay sa mga nababasa sa internet, naririnig sa radyo, napapanood sa tv at batay sa personal na karanasan, napansin ko na may pagkakapare-pareho ang karaniwang hinaing ng mga OFW saang bansa man sila naroroon.

Narito ang ilan sa mga napansin kong karaniwang hinaing ng mga OFW at ang walang kamatayan kong unsolicited advice tungkol dito.

ofw remittance
para sa maraming ofw, sa pera nagsisimula at nagtatapos ang maraming problema…

1. Parati na lang nagkukulang ang perang ipinapadala sa Pilipinas

Sa ilang mga mahiwagang kadahilanan, parang mas mabilis pa sa pag-update ng FB status ni Anne Curtis ang ilang pamilya kung makaubos ng remittance na padala ng kaanak na OFW.

Advice sa OFW:
I-set kung magkano lang ang kayang ipadala sa isang buwan, be consistent at firm. Maliban lang kung may emergency. Pero kung lagi na lang may emergency, magduda ka na.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Magtipid po tayo, hindi naman po katumbas ng nanalo sa lotto ang pagkakaroon ng kaanak na OFW. Kung kelangan talagang dagdagan ang remittance, bigyan po natin ng detalyadong buwanang gastusin ang OFW para alam n’ya kung bakit kulang ang ipinapadala. Sa gayon, makakapag-adjust at mapaplano n’ya ang pupuntahan ng kanyang suweldo.

Huwag po ninyong itakwil at paratangang walang utang na loob ang inyong kaanak kung hindi n’ya kayang ibigay ang hinihingi ninyo.

2. Hindi naaalala ang OFW kung walang kailangan sa kanya

Minsan nakakaramdam ang OFW na mabuti pang huwag magpadala ng remittance sa pamilya. Kasi kapag hindi sila nagpadala, magigipit ang mga pinapadalhan at sisitahin ang OFW kung nagpadala na o hindi pa. ‘Dun pa lang naaalalang kumustahin ng kaanak sa Pilipinas ang OFW.

Kapag regular at walang palya ang padala, nate-take for granted ang OFW. Para bang nagiging automatic remitting machine ang mga OFW sa ilang mga tahanan.

Advice sa OFW:
Libangin ang sarili, enjoyin ang buhay OFW. Matuwa sa thought na ini-enjoy ng mga mahal sa buhay ang padalang remittance.

Mag-initiate na ikaw ang makipag-communicate, huwag mag-balat sibuyas. Sapat na ang 3 weeks na pagtatampo, malamang wala rin nakakapansin na nagtatampo ka pala. Mahalin ang sarili. Wag lang sobra.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Maawa naman po kayo, ang hirap-hirap mag-isa sa ibang bansa, ano ba naman po yung bigyan n’yo man lang ng hi o hello ang inyong kaanak na OFW kahit walang kailangan o okasyon. Libre lang po ang gamit ng Skype, FB, Gmail at Yahoo.

Baka matuwa pa s’ya sa pag-aalala ninyo eh maisipan n’yang dagdagan at dalasan ang remittance. Pero ‘wag po ‘yun ang gamitin n’yong dahilan sa pangungumusta.

3. Bumababa ang palit sa piso

Sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ng daigdig, maraming bansa ang sinasadyang pababain ang value ng kanilang currency. Dagdag pa dito ay ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kaya nababawasan ang palit sa piso ng sweldo sa ibang bansa ng mga OFW.

Advice sa OFW:
Kung pwedeng hindi buwan-buwan magpadala, hintayin munang tumaas ang palit bago mag-remit ng pera.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Kung magagawan pa ng paraan na pagkasyahin ang perang meron, hintayin munang magtaas ng konti ang palitan sa piso bago manghingi ng padala mula sa kaanak na nasa ibang bansa.

4. Hindi makaipon

Nakarinig ka na ba ng mga OFW na mahigit na 10 years na sa ibang bansa at pag-uwi sa Pilipinas ay walang wala pa rin? Walang ipon, walang naipundar, walang pang-negosyo at marami pang utang? Totoong nangyayari ‘yun.

Advice sa OFW:
Magtipid, huwag waldas sa pera. May panahong sagana, may panahong taghirap.

Hindi masama i-enjoy ang sariling pinagpaguran pero huwag “ubus-ubos biyaya, bukas naka-nganga” system ang pairalin.

Magtabi muna ng pera bago gumastos, mag-open ng hiwalay na bank account kung saan ilalagak ang ipon. Kung pwedeng i-set na automatic kakaltasin sa sweldo ang savings at dadalhin sa isa pang bank account, mas maganda ‘yun.

Makakatulong din kung imo-monitor mo ang buwanang kita at gastos at ita-tabulate ito sa isang excel file o kahit anong format. Bantayan ang sarili.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Gaya po ng nabanggit na, hindi katumbas ng nanalo sa lotto o sweepstakes ang pagkakaroon ng kaanak na OFW. Huwag po kayong huminto magtrabaho kung nasa kakayahan pa ninyo.

Tulungan din po ninyong makatipid at makaipon ng pera ang inyong kaanak na nasa abroad. Huwag po natin silang i-pressure sa mga luho na hindi nila kayang ibigay.

Huwag lang po sana puro pagkakagastusan at mahihingi ang ating isipin. Isaalang-alang din po ninyo ang kinabukasan ng OFW. Hindi po habambuhay na siya ay malusog at kayang magtrabaho.

Gusto din po nilang mag-retire at umuwi sa Pilipinas balang-araw. Huwag po ninyo silang alipinin sa pagiging OFW.

Note: Ang mga advice na isinulat dito ay personal kong mga ginagawa at napatunayan kong epektibo para sa akin.