Tag Archives: katiwalian sa lipunan

Bakit Hindi Dapat Mangopya sa Klase

pandaraya sa eskwela

Yehey, pasukan na naman. May baon na naman, may crush na naman and may gimikan with friends na naman.

Kaya lang, may exams na naman. At pag may exam, panahon na naman ng dayaan para sa mga mandaraya at mapangopya. Para lang yung mga corrupt politicians kapag panahon ng eleksiyon.

Kapag lulong na ang isang tao sa isang masamang bagay eh nalilimutan na n’ya kung bakit kelangang ihinto ang kanyang masamang bisyo. Ganyan din ang nangyayari sa mga nandadaya o nangongopya kapag may exams.

Ang mga nalululong sa pandaraya at/o pangongopya eh hindi na alam kung bakit ito masama.

So, bakit nga ba masama ang mangopya? Narito ang ilang mga dahilan.

  1. Ang pangongopya ay isang paraan ng pagnanakaw.
  2. Ang pangongopya ay nagtuturo ng katamaran.
  3. Ang pangongopya ay pinagmumulan ng kawalang-disiplina.
  4. Ang pangongopya ay nagbibigay ng kalyo sa konsensya.
  5. Ang pangongopya ay nagtatanggal ng tiwala sa sarili.

Marami sa mga kilala kong mapangopya ang hindi nakapasa sa board exam at nahirapang makahanap agad ng trabaho.

Hindi lang simpleng dishonesty ang pangongopya, maraming bagay ang naapektuhan nito hindi lang sa personal nating buhay kundi pati na rin sa lipunang ginagalawan natin.

Para sa aking kapwa guardians (of the kabataan)

Bilang mga magulang, guro o tagapag-alaga, tungkulin nating masigasig na ituro sa ating mga kabataan ang pagiging tapat at pagsisikap para sa isang bagay, gaya ng pag-aaral ay mas gaganda siguro ang sitwasyon ng bansa natin.

Para sa mga kabataaang mag-aaral

Ang pagtuturo sa inyong mga kabataan na huwag mangopya ay pagtuturo din sa inyo na magpursige, magsikap, maging disiplinado, magbigay dangal sa sarili, maging tapat, sumunod sa batas, maniwala sa sarili at maging independent.

In essence, tinuturuan kayong magtagumpay sa buhay sa tamang paraan. Sa paraang hindi tumatapak sa karapatan ng iba at sa paraang hindi sumisira sa kaayusan ng lipunan.

Narito ang ilang bible verses na tumatalakay sa isyu ng pandaraya.

“Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa: bagkus magpagal, na igawa ang kaniyang mga kamay ng mabuting bagay, upang siya’y may maibigay sa nangangailangan.” Mga Taga-Efeso 4:28

“Ang mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami: at ang di matuwid sa kakaunti ay di rin naman matuwid sa marami.” Lucas 16:10

“Huwag kayong magnanakaw; ni magdadaya, ni magsisinungaling ang sinoman sa iba.” Levitico 19:11

Related Article:

Advertisements

Kaya Mo Bang Mag-Survive sa Pag-aaral Nang Hindi Nangongopya?

Ang post pong ito ay mula sa ating guest blogger, ang may-akda ng blogsite na Pinay Unlimited. Ayaw n’yang pa-define pero ang masasabi ko po ay may passion s’ya sa kanyang pagsusulat at mararamdaman mo ang kanyang energy sa kanyang mga posts. Makabayan at may prinsipyo pero hindi yung tipong magra-rally sa kalsada at magsusunog ng effigy.

Bukod sa kanyang blog, maaari din siyang i-follow sa Facebook at sa Twitter.

Kasalukuyang nasa kolehiyo ang ating guest blogger at isa ring working student. Ang tema ng post na ito ay inspirational, encouraging, napapanahon at dapat na mabasa ng marami sa ating mga kabataan.

Hindi imposible ang huwag mangopya. Nagtataka tayo bakit naging talamak ang katiwalian sa lipunan natin pero hindi nakapagtataka ito kung sa pagkabata pa lamang ay nagkakakalyo na ang kunsensya natin sa mga bagay na hindi tama.

RP

******************************************************************************
Kaya Mo Bang Mag-Survive sa Pag-aaral Nang Hindi Nangongopya?
by Pinay Unlimited

nangongopyang kabataan
nagsisimula ang kultura ng katiwalian sa ating kabataan…(ehow.com)

Ang sabi nila, may mga bagay sa buhay na mali na pero ginagawa pa rin natin. Tulad na lamang ng pangongopya. Ikaw, nakapangopya ka na ba?

Kung oo, apir tayo. Pero hindi dahil sa tama ito, kung hindi dahil ako rin, nagawa ko rin ito noon. Pero kung sasabihin ko sa iyo na ang huling pagkakataong nakapangopya ako ay noon pang high school, anong magiging reaksyon mo? Siguro iisipin mo hindi na siguro ako nakapagpatuloy ng pag-aaral kaya hanggang H.S. ko lang nagawa iyun. Ngunit mali,nakapagkolehiyo po ako.

Anong nangyari at nagkaroon ng pagbabago sa puso ko? Simple lang, kasi mali. Obvious naman na mali. Kaya nasabi ko sa sarili, “ayaw ko nang magpaanod pa sa maling sistema na ginagawa ng HALOS LAHAT NG TAO.”

Ayun nga, batid naman nating lahat na mali ito, pero bakit marami pa rin sa atin ang gumagawa? Para lang yang bawal na pag-ibig e, alam mo na ngang mali nagpapaanod ka pa 🙂

Kaya heto, bibigyan kita ng ilang benepisyo ng pagtalikod sa mali at masamang gawain ng pangongopya. Kung tapos ka na ng iyong pag-aaral, hindi pa naman huli ang lahat. Dahil kung tatanggapin mong mali ito at ituturo mo ang tama sa ibang tao lalo na sa iyong mga anak ay makakatulong ka pa ring mabago ang popular ngunit masamang sistema na ito.

TATLONG BENEPISYO NG HINDI PANGONGOPYA:

1. Totoong kredito sa iyong nakamit na karangalan.

Aanhin mo ang diploma o ang medalya o ang best in Math o ang pagiging valedictorian at cum laude kung ang katotohanan naman ay nagsusumigaw na hindi mo iyun nakuha dahil sa “sariling pagsusumikap?” Masakit hindi ba? Ngunit iyun ang katotohanan. Kaya ang may karapatan lang magbunyi at magmayabang ng kanilang karangalan ay iyung mga taong “totoong nagsumikap ng 100%.”

2. Integridad at respeto sa sarili.

Hindi ba ang pangongopya ay maihahalintulad na rin sa pagnanakaw at pagsisinungaling? At higit kanino man, ang niloloko mo rito ay ang iyong sarili. Ngunit isipin mo na lang kung hindi ka nangongopya. Ano ang epekto? Magkakaraoon ka ng integridad at respeto sa sarili. Mahirap makamit ang mga iyan. Dahil bago ka magkaroon ng integridad at respeto ay susubukin ka muna at patitibayin ng panahon. Oo, pinaghihirapan iyun. At hindi nakokopya.

3. Pagiging tunay na yaman ng bayan.

Paano kung nakatadhana palang maging susunod na presidente ng Pilipinas ang iyong anak? O huwag na tayong lumayo, paano kung nakatadhana ka palang maging lider ng bansa? Paano mo huhubugin ang iyong sarili? Sa pag-aaral, magiging grade conscious ka ba? Na sa kahit na anong paraan, kailangang perpekto at “mukhang” magaling sa klase?

Paano kung pinili mong patibayin ang iyong puso kaysa sa credentials mo? Sigurado ako, ikaw ang klase ng lider na kailangan ng bansa mo. At kung hindi man sa pulitika ang calling mo, sigurado isa kang yaman kung saan ka man naroroon. Ika nga ni Theodore Roosevelt:

Character is, in the long run, the decisive factor in the life of individuals and of nations alike.

Marahil sasabihin mo sa akin, “mahirap yan, imposible!” Oo, mahirap ito, dahil minsan magtatampo pa ang kaibigan mo at sasabihan ka pang madamot. At marahil, iniisip mo, “ikaw na, the best ka eh.” 🙂 Ngunit alam n’yo, aaminin ko marami rin akong mga maling desisyon sa pag-aaral noong nasa kolehiyo ako (tulad ng pagiging late at hindi pagbibigay ng dedikasyon sa groupworks). Pero pinagsisisihan ko ang mga iyun.

At tunay nga na hindi pa huli ang lahat. ‘Pagkat ngayong taon ay nagbalik akong muli sa pag-aaral (upang muling buuin ang aking pangarap at pagkatao). At kahit hindi birong pagsabayin ang pag-aaral at trabaho ay hindi iyun naging hadlang sa pagpapatuloy ko ng aking nasimulang commitment na HINDI PANGONGOPYA at PAGPAPAKOPYA.

At ngayon, ni-level up ko pa ang aking commitment. Dahil hindi lang basta hindi pangongopya. Bagkus gawin ang lahat ng aking makakaya. Reyalistiko akong tao at batid ko ang mga sakripisyo na dapat kong yakapin (tulad ng puyat at pagod) upang makamit ng mataman ang epektibong pagkatuto.

Kung nagawa ko, magagawa nyo rin. Isipin nyo na lang, sa huli hindi naman mataas na grado at mabangong pangalan ang tunay na magpapasaya sa puso mo. Dahil sa huli, ang pinaka-importante pa rin ay paglago ng pagkatao.

Kaya mo bang maka-survive sa pag-aaral ng hindi nangongopya? OO. KAYA MO.

Ang Hirap Lumakad sa Tuwid na Daan

tuwid na daanPinagsisisihan na kaya ng Pangulong Aquino na “Tuwid na Daan” ang ginamit n’yang tema para sa kanyang administrasyon?

Habang maraming Pilipino sa loob at labas ng bansa ang hindi na makapaghintay sa maraming magandang pagbabago sa Pilipinas, marami pa rin sa mga taong may kapangyarihan para gawin ito ang hindi interesadong magbago.

Sa paggamit ng tag na “Tuwid na Daan”, lalo lang pinabigat ng administrasyon ang pressure na ide-deliver nito ang mga pangako nitong malawakang paglilinis sa katiwalian sa bansa.

Isang bansang naghahangad ng pagbabago, isang Pangulo na nangako ng pagbabago, at mga kleptomaniac sa Gobyerno na gagawin ang lahat para walang magbago…ilang libong taon pa kaya aabutin ang labanang ito?

Gaano man kaliit, gawin natin ang ating magagawa bilang mga Pilipino para makalakad sa tuwid na daan.

Pambansang New Year’s Resolution

Malapit na malapit na ang Pasko at New Year.

Ilang araw na lang ay magpapaalam na ang 2012 at isang bagong taon muli ang ating sasalubungin. Bagong simula at ibayong pakikisabak sa mga dati at bagong challenges ng buhay.

Ang holiday season ay hindi lang panahon ng gastusan at pagkunsumo ng napakaraming calorie sa katawan. Panahon din ito ng pagpa-plano at pagre-recharge ng sarili. Kaya’t huwag kalimutan ang importanteng activity na ito. Huwag hayaang bumulaga ang bagong taon na hindi prepared.

Sa mga panahong ito ay maraming tao ang nagre-reflect sa lumipas na taon. Kung ano ang naging epekto ng kanilang mga desisyon sa kanilang kasalukuyang katayuan sa buhay.

Ako man ay nakiki-replek-replek na rin. Nais kong i-address yung mga partikular na isyung bumagabag sa aking personal na buhay nitong nakalipas na taon. Gusto kong gumawa ng mga tweaks sa ilang aspeto ng aking buhay ngayong bagong taon sa paghahangad na makaranas ng mga positibong pangyayari.

thinker
heto ako, nanigas na sa pag-iisip ng magandang new year’s resolution (ba’t wala akong salawal dito?)

Hindi gusto ng iba ang nagse-set ng New Year’s Resolution kasi nakaka-disappoint kapag hindi natupad. Pero para sa akin ay magandang bagay ang mag-set ng goal para sa sarili. At least may direksyon kang tinutungo. Hindi yung kahit ano na lang.

Malamang kasi na kapag kahit ano na lang ang pinuntirya eh kahit ano na lang din ang pwedeng mangyari.

Naisip ko lang (wow, nag-iisip ako 😀 ), kung ang isang indibidwal na nagnanais ng mabuting pagbabago para sa sarili ay nagse-set ng goal o new year’s resolution, ano kaya kung magkaroon din tayo ng isang Pambansang New Year’s Resolution taun-taon?

Kumbaga, bukod sa mga personal goals natin para sa sarili eh magse-set din tayo ng goals para maka-ambag sa new year’s resolution ng ating bansa.

Wild idea ba? Pero kapag nag-succeed iyon sa atin eh malamang gayahin din tayo ng ibang bansa. Trend setter ang dating natin. Mafi-feature na naman tayo sa CNN nito pag nagkataon 😀

new year's resolution
kapag nag-krus ba ng mga daliri ay nangangahulugan ito ng pagsisinungaling o kagustuhan na matupad ang hiling? ano ba talaga?

Ang isang magandang new-year’s resolution na magandang i-suggest ay ang puksain o bawasan ang kultura ng katiwalian sa buong Pilipinas.

Bale depende sa kung ano ang katayuan ng isang Pilipino sa kanyang buhay, may ise-set s’yang personal new year’s resolution na makaka-ambag sa taunang new year’s resolution ng bansa.

Heto ang halimbawa ng new year’s resolution na maaaring gawin ng iba’t ibang uri ng Pilipino. Mga bagay na malaki ang maitutulong sa pagsupil ng katiwalian.

  • Anak – pagkasyahin sa sarili ang allowance at hindi na susungkitin ang alkansya ni nanay
  • Nanay – maging tapat sa pag-audit ng gastusin sa bahay at huwag magtago ng pera na lingid sa kaalaman ni mister
  • Tatay – mag-declare ng tamang assets at liabilites kay misis
  • Estudyante – mag-ukol ng sapat na oras sa pag-aaral bago ang test at huwag mangopya sa eksamen
  • Teacher – humanap ng ibang sideline na hindi gumigipit sa mga estudyante at ihinto ang pangongomisyon sa mga school project
  • Empleyado – maghanap ng mabibiling murang toilet paper at huwag mag-uwi ng toilet paper galing sa opisina
  • Employer – sumunod sa sariling mga ipinapatupad na patakaran
  • Cashier – maging tapat sa trabaho at huwag magbulsa ng benta
  • Manager – maging tapat din sa trabaho at huwag din magbulsa ng benta
  • Business Owner – magpasweldo sa tamang oras at huwag utangan ng sweldo ang mga trabahador
  • Government Employee – magtrabaho’t umuwi sa tamang oras at huwag pakikipagkuwentuhan at pag-a-undertime ang inaatupag
  • Elected Government Official – sumunod sa mga batas ng Pamahalaang Pilipinas at huwag pumatay, huwag magnakaw, huwag tumira sa labas ng bayan kung saan naihalal at huwag magparami ng asawa’t anak

Kung pagpuksa din lang sa kultura ng corruption ang ating magiging Pambansang New Year’s Resolution eh maraming paraan tayong maiisip para makipag-cooperate dito.

Pagkatapos ng new year’s resolution na ito, maaaring mag-set ulit ang Pamahalaan ng iba namang bagong new year’s resolution sa susunod na taon. Iyon ding tumatalakay sa mga importanteng issue ng ating bansa (gaya ng kahirapan, kriminalidad, pag-abuso sa karapatang pantao, at iba pa). At least kahit paano, every year, one major issue at a time eh may naa-address tayo. Pwede rin naman na hanggang dalawang major issue ang sabay na magiging tema ng Pambansang New Year’s Resolution.

Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na gagawin ng Pamahalaan ang iba nitong obligasyon. Kumbaga, paglalagakan ng concentrated effort na may kooperasyon ng mga mamamayan ang ise-set na goal bawat taon.

Wild idea at may pagka-out of this world siguro at siguradong maraming kokontra dito kapag isinuggest ito kahit sa Baranggay Hall lang.

Pero sa tingin ko eh kung nahihikayat ng Pamahalaan ang mga mamamayan na sumuporta sa mga proyekto nito (gaya halimbawa ng pag-promote ng turismo sa Pilipinas) eh mae-encourage din nitong mag-participate ang mga Pilipino sa pagsasakatuparan ng isang Pambansang New Year’s Resolution.

Happy holidays sa inyong lahat! Hindi pa po ito ang huling post ko this year 😀