
kuha mula sa inquirer.net
Maligayang pagli-labor sa ating lahat ngayong Labor Day.
At dahil nga election season na naman, bida na naman ang mga manggagawa at lalo na ang mga mahihirap. Mahal na naman tayong lahat ng mga pulitiko. Ang kapakanan na naman natin ang focus (daw) ng mga platapormang inilalatag ng mga kandidato.
Marami na namang posters, tv ads, radio ads at newspaper ads na nagpapakita ng mga kandidatong may yakap na mahirap, may tinutulungang mahirap, may dinadalaw na mahihirap o nakikikain kasama ang mahihirap.
Bigla-bigla na lang, mahirap din daw sila. Nabuhay din daw sila sa hirap. Lumaki din daw sila sa hirap.
Makakarinig na naman tayo ng mga pangako ng pagbabago, ng mga pangakong gaganda na at giginhawa ang ating buhay basta iboto lang natin ang pulitikong nagmamaka-awa sa boto natin.
Mae-entertain na naman ang mga dukha sa pagsayaw-sayaw at pagkanta-kanta ng mga pulitiko at celebrity endorsers.
Busog na naman ang mga gutom sa mga libreng pagkain at give-aways na ipinamimigay ng mga pulitiko tuwing campaign period at miting-de-avance.
May dagdag panggastos na naman ang mga kapuspalad kapag nabigyan sila ng mga galanteng pulitiko sa kanilang pangangampanya.
Pero pagkatapos ng eleksiyon, pagkatapos ng resulta, pagkatapos ng panunungkulan, pagkatapos ng lahat-lahat, ano kaya ang mangyayari?
Sa kasawing-palad, sa bandang huli, ang mga mahihirap ay mahirap pa rin.
Hangga’t patuloy na magpapa-uto tayo at maniniwalang nasa pulitiko nakasalalay ang paggaan at pag-asenso ng ating buhay, sisiguraduhin lamang ng mga pulitikong ito na ang mga mahihirap ay manatiling mahirap. Forever.

kuha mula sa philstar.com
Categories: Halu-halo
Leave a Reply