Advisory: Mahaba ang post na ito, maghanda ng popcorn…
**************************************************************

Sa March 11, iko-commemorate ng bansang Hapon ang ikalawang taon ng Great East Japan Earthquake.
Ilalahad ko dito ang personal kong karanasan at natutunan patungkol sa kalunos-lunos na pangyayari nuong March 11, 2011.
Araw ng Lindol
Alas-2:40 ng hapon noon at ako ay nasa 5th floor ng opisina namin nang biglang makaramdam ang lahat ng pagyanig ng lupa. Sa umpisa ay ipinagwalang-bahala namin ito dahil pangkaraniwan lamang ang mga pagyanig na nangyayari sa Japan.
Subalit kaiba ang isang ito, pagkatapos ng mga 10 segundo ng patuloy na pagyanig at paglakas ng yugyog ng aming building, mabilis kaming nagsipagtago sa ilalim ng aming desk.
Lumipas na ang isang minuto pero patuloy pa rin ang pagyanig ng lupa. Para ng idinuduyan ang aming building sa lakas ng lindol. Habang nagsimula ng maglaglagan sa sahig ang maraming bagay, nagdadasal na ako. Humihingi ng proteksyon mula sa Poong Maykapal.
Hindi nakatulong sa pagpapaklama ng loob ang patuloy na pagtili ng aming katrabahong babae habang patuloy sa pagsayaw ang aming building. Iba-iba na ang aming naririnig sa paligid at inihahanda ko na ang loob ko sa pagguho ng aming gusali.
Mayroong 3 to 5 minutes din sigurong iginewang ng lindol ang building namin. Nagmadali kaming magsilabas ng building nang humupa sandali ang lindol. Kapansin-pansin ang mga kalat sa sahig at crack sa mga pader na nilikha ng pagyanig. Obvious na hindi ito isang pangkaraniwang lindol lang.
Nagkaroon pa ng maraming malalakas na aftershock kahit nung nakalabas na kami at kitang kita ko ang aming building na parang lasing na sumusuray sa pagduyan ng lupa.
Walang kuryente, walang koneksyon sa mga linya ng telepono. Hindi ko makontak ang aking asawa, hindi ko makontak ang daycare ng aming anak.
Mabuti na lang at nagdesisyon ang aming kumpanya na pauwiin kaming lahat.
Pag-uwi sa Bahay
Nagmamadali akong naglakad pauwi ng bahay. Kitang kita sa kalsada ang confusion ng mga tao. Hindi gumagana ang mga traffic lights at medyo delikado ang tumawid ng kalsada.
Naabutan ko ang aking asawa na nasa parking space sa labas ng bahay. Mukhang relieved na relieved s’ya ng makita ako.
Nagmadali kaming pumunta sa daycare para sunduin ang aming anak. Sa loob ng kotse ay pinapakinggan namin ang balita. Malakas daw na lindol. May nasusunog daw na planta. May malaki daw na tsunami.
Mahabaging langit! GINUGUNAW N’YO NA PO BA ANG MUNDO?!!!
Sa Kalsada
Sobrang sama ng trapik sa kalsada at usad pagong ang mga sasakyan dahil hindi gumagana ang mga traffic light. May mga sibilyan na nagmagandang loob na magtrapik sa mga intersection pero mapanganib pa rin ang magmaneho.
Natataranta ang lahat. Hindi pa sila nakaranas ng ganito sa buong buhay nila. Sa buong buhay namin!
Napakabagal ng pagkilos ng mga sasakyan at hindi makontak ang daycare ng aming anak. Hindi ko mai-describe ang pag-aalala ko sa mga oras na iyon. Gumuho ba ang daycare ng aming anak? Nag-evacuate ba sila? Umiiyak ba s’ya? Hinahanap n’ya ba kami? Iniwan ba sila nung mga daycare staff?
Bwiset na trapik! Bwiset na lindol!
Hindi na ako nakatiis at lumabas ako ng sasakyan. Misis ko ang pinagmaneho ko at sinabihan kong sunduin kami. “Saan ko kayo makikita?”, tanong n’ya sa ‘kin.
“Bahala na!”, sabi ko. “Basta pumunta ka sa parking lot nung daycare!” at kumaripas na ako ng takbo.
Hindi ko alam kung gaano kalayo yung tinakbo at nilakad ko. Ang nasa isip ko lang eh masundo ko kaagad ang anak namin.
Humihingal ako ng makarating sa daycare ng aming anak at laking pasalamat ko ng nakita kong nakatayo pa ang building nito. Nandun ang aming anak pati na yung iba pang mga bata at mga titser nila. Yumakap sa akin ang aking anak at hinintay namin ang aming sundo.

Kinagabihan sa Bahay
Sa tinagal-tagal ko sa bansang ito, nung araw lang na iyon ko naranasan ang brownout. Flashlight lang ang nagsilbing ilaw namin ng gabing iyon. Mabuti na lang at may pagkain kaming nainit at nakain.
Natulog kaming suot ang pang-alis naming damit dahil malamig at para rin handang mag-evacuate agad sakaling may dumating pa ulit na malakas na lindol.
Mga Sumunod na Araw
Nagpatuloy ang total blackout sa ilang mga lugar. Mabuti na lang at hindi iyon nangyari sa amin. Isang araw lang ang lumipas ay nagbalik na ang kuryente sa lugar namin.
Ang naging problema ay ang mga grocery. Nagsimula ang panic buying ng mga tao. Dahilan sa mga nasirang kalsada, hindi paggana ng mga traffic light, kawalan ng kuryente sa mga factory at damage sa ilang gusali ay naapektuhan ang dating ng mga supply sa mga tindahan.
Nagsimulang magka-ubusan ng mga pagkain at basic commodities na importante sa mga tao. Nauubos na rin ang stock naming mga delata at instant noodles.
Mabuti na lang at walang pasok sa mga paaralan (titser ang misis ko) at walang pasok sa mga opisina at pabrika ng ilang araw.
Walang ibang palabas sa tv nuon kundi balita. Nawala yung mga regular na palabas sa radyo at tv. Maging ang mga commercial ay nawala. Malungkot at madilim ang atmosphere sa mga sumunod na araw.

More Bad News
Pagkatapos ng dalawang araw ay unti-unti ng nakikita ang lawak ng pinsala ng malakas na lindol.
Winipe-out ng tsunami ang ilang mga baryo sa hilagang bahagi ng bansa. Libu-libong tao ang mga nawawala at tila mga laruang inanod sa dagat ang mga gusali, bahay at sasakyan.

Walang Humpay na Dagok
Sumabog ang mga gusaling nagko-contain ng reactor ng Fukushima Nuclear Power Plant at nagpakawala ng mapanganib na radioactive materials sa hangin.
Pinagbawalan ang mga bayang malapit sa Fukushima na:
1. manatili ng matagal sa labas ng bahay
2. magsampay ng damit sa labas ng bahay
3. magpabasa sa ulan
4. i-expose ang balat sa hangin
5. kumain ng mga leafy vegetables
6. magpainom ng tap water sa mga bata
7. kumain ng mga yamang dagat malapit sa fukushima
Note: Kami ay nasa Tochigi, may 100km ang layo mula sa Fukushima (parang Pampanga to Manila lang ang layo)

Sakripisyo
Ilang araw pa ay nagdesisyon na akong pauwiin sa Pilipinas ang aking mag-ina. Unti-unti na kasing nagiging mahirap makahanap ng mabibiling inumin, diaper at pagkain para sa aking anak.
Nanatili naman ako sa Japan (bagay na hindi sinang-ayunan ng ilang tao).
On the Way sa Airport
Tatlo’t kalahating oras lang ang Narita Airport mula sa aming lugar subalit inabot ng mahigit anim na oras ang inabot bago ko naihatid ang aking mag-ina.
Sa pagbagtas kasi namin ng kalsada ay naiipit kami lagi sa mahahabang pila ng sasakyan. Pila ng mga sasakyang gustong magpa-gas.
Maraming tao ang naghahanap ng gasolinahan. Pumipila ang lahat sa mga iilang nakabukas na gasolinahan na meron pang ibebentang gas.
Mabuti na lang at bago nangyari ang lindol ay nakapagpa-gas kami ng full-tank.

Sa Airport
Hindi ako makapaniwala sa dami ng tao sa Narita airport ng panahong iyon. Parang naging camping ground ang airport sa dami ng mga taong naglatag ng mga mat sa sahig at mukhang dun nagsipag-overnight, kumain at nagpalipas ng oras.
Kahit na pinagsasamantalahan ng mga ganid na Airline ang sitwasyon sa pagbebenta ng mga napakamahal na airplane ticket ay marami pa rin ang bumibili nito at umuwi sa kani-kaniyang bansa.
Malungkot ako ng araw na iyon pero mas importante sa akin ang kalagayan ng aking mag-ina kaya’t mas napanatag ako nang lisanin nila ang Japan.

Sa Aking Pag-iisa
Kinareer ko ang panonood ng balita, paghahanap ng bottled water, paghahanap ng gasolinahan, pag-monitor sa radiation levels ng tubig, hangin at pagkain sa loob ng 2 months.
Naging pamilyar ako sa mga technical terms gaya ng becquerels, micro-becquerels, nuclear fossils, radioactive particles at kung anu-ano pang term na hindi mapapakinabangan sa normal na pang-araw-araw na buhay.
Sinikap ko ring makahanap ng paraan para makapag-volunteer sa mga apektadong lugar. O makatulong sa mga nasalanta. Kahit magtimpla man lang sana ng kape para sa mga nasa evacuation center pero wala akong nakitang oportunidad. Mahigpit ang kumpetisyon sa mga nais tumulong.

Dalawang Taon Pagkatapos ng Delubyo
Halos normal na ulit ang buhay ng mga bayang malapit sa Fukushima subalit ramdam pa rin ang epekto ng sakuna sa mga tinamaan ng tsunami. Ramdam pa rin ang galit sa mga taong hindi na makakabalik kahit kailan sa kanilang tahanan na may 30km ang layo sa Fukushima Nuclear Power Plant.
Ramdam pa rin ang galit ng mga napunta sa evacuation center, ng mga magsasakang naapektuhan ang kabuhayan at ng mga mangingisdang hindi makapagbenta ng kanilang mga huli.
Mga Natutunan
1. Mabuti na lang Pilipino ako
Sanay sa panahon ng taghirap. Sanay sa brownout. Sanay magutom.
Hindi tayo nagpa-panic kahit walang toilet paper. Hindi tayo mapaparalisa kahit walang kuryente. Makakakain tayo kahit toyo at kanin lang ang pagkain.
Hindi mabuting masanay sa buhay na maluho ang tao. Kailangang maka-experience din s’ya ng hirap.
Nakatulong din pala yung experience ko sa pag-survive nung sumabog ang Mt. Pinatubo. ‘Di kaya ako lapitin ng natural disasters?
2. May corruption din pala sa Japan
Lumitaw sa mga imbestigasyon na naiwasan sana ang mga trahedyang ito kung nakinig ang mga city administrators sa mga pag-aaral tungkol sa tsunami sa mga lugar na sinalanta.
Naiwasan din sana ang trahedyang nilikha ng Fukushima Nuclear Power Plant kung ang mga nagpapalakad nito ay nakinig sa mga nag-warning sa kanila na kulang ang safety precautions ng plantang ito.
Hindi rin hinigpitan ng mga government heads ang management ng planta dahil sponsor ito ng mga partido ng mga government heads.
Para sa mga pamilyang na-displace ng nuclear meltdown at nawalan ng kabuhayan, lupain at ari-arian ay mas gusto pa nilang magbigti sa harapan nila ang buong management ng planta kesa tanggapin ang “taos-puso” nilang paghingi ng tawad.
Ang kapabayaang ito ng mga pinuno ay pinagbayaran ng libu-libong buhay ng mga inosenteng tao.
3. Hindi dapat payagan ang nuclear power sa Pilipinas
Anuman ang sabihin ng mga salesman ng nuclear power plant (pulitiko, korporasyon, scientist, etc.), HINDI TOTOONG SAFE ANG NUCLEAR POWER!!!
Sa nakalipas na 10 taon, 9 kaso ng nuclear power related accidents na ang nangyari sa iba’t ibang bansa. At nangyari ang mga aksidenteng ito sa mga mayayamang bansa na may mataas na kaledad ng teknolohiya at standards ng pagtatrabaho.
Maniniwala ba tayong may kakayahan ang Pilipinas na magpatakbo ng isang nuclear power plant na ligtas at zero ang aksidente?

Sa March 11 ay mag-aalay ng ilang sandali ng katahimikan ang Japan para alalahanin ang mga buhay na nawala sa trahedyang naganap dalawang taon na ang nakakalipas.
Matutunan sana ng Pilipinas ang mga aral na iniwan ng trahedyang ito sa Japan.
Maging handa tayo sa mga sakuna. Pahalagahan natin ang buhay ng mga taong malapit sa atin. Anumang meron tayo ngayon ay maaaring mawala sa loob lang ng ilang sandali at walang makapagsasabi kung kailan ‘yon.
Related Article:
Ito na yung pinakamahaba mong post? No kidding!?
Sa sobrang tutok ko sa pagbabasa di ko napansin tapos na pala.
Mabuti naman at safe kayo pero kelangan mo talagang i double check kung may balat ka sa pwet. Peace yo!
Salamat sa inputs ‘yaan mo di natin papayagan ang nuclear plant sa pinas.
salamat sa pagbabasa. ito na nga ang pinakamahaba kong composition sa blog na ito. may isa pa akong mahabang post, yung tagalog version ng anti-cybercrime law pero ‘di ko naman sinulat talaga ‘yun, tinranslate ko lang. (haha talagang nagpaliwanag)
salamat sa pagsang-ayon mong ‘di dapat payagan ang nuclear power plant sa pinas 🙂 apir!
tinutukan din po namin dito sa balita RP (may mga pinsan po ako jan ksama mga pamilya nila and we tried to get in touch maski anong paraan, glad safe nman lahat, thank God), ang galing nga at mabilis ang recovery ng Japan pero sana nga’y hindi makalimutan ng lahat ang lahat ng aral ng pangyayaring ire…
hello leandra, napaka-late na nitong reply ko, paumanhin…may mga kamag-anak ka pala sa japan. mabuti at ayos lang ang mga pinsan mo.
naka-recover lang yung mga kalapit na lugar nung sinalanta ng tsunami pero hanggang ngayon, marami pa ring problema yung mga na-displace na pamilya. pati yung nuclear power plant, di pa rin nila dinidesisyunan kung ano’ng gagawin dun hanggang ngayon.
no probs RP, ako nga di pa rin mkapagblog ng maayos sa pagod twing uwi galing sa trabaho.
sana nga’y maiayos na ng tuluyan lahat ng pamilyang apektado at masolusyunan na rin pati ung nuclear plant para sa kasalukuyan at sa hinaharap, 🙂
babalik po ako bukas para basahin ito. antok n ko. whehehe. Pati maghahanda na rin ako ng pop corn 🙂
ahaha, pwede ring butong pakwan para di masyado antukin, salamat na rin sa pagdaan 🙂
Salamat sa pgdokumento , ngayon alam ko na ang nangyari sa japan.
Grabe na feel ko yung pagworry niyo sa anak niyong nasa daycare pa nung after ng lindol.
Siguro ang pangyayaring ito ay wake up call din para sa nakararami. Isang karanasang mas lalong nagpatatag sa inyo bilang isang tao. Grabe yun.
ahaha, talagang binasa mo? salamat.
ganun na nga. ang karanasang ito ang nagpapa-alala sa akin na walang sigurado sa mundong ito. anytime, pwedeng mawala lahat. kaya dapat i-appreciate ang lahat ng meron tayo sa kasalukuyan.
Salamat po sa article nyo pong ito. Andami kong natutunan. Napaka-interesante. Ramdam ko po yung paranoia nyo lalo na yung lumabas po kayo ng kotse para pumunta sa day care. Kung ako siguro, baka mabaliw ako. Buti nalang safe si baby at si mother. God bless po sa inyo dyan sa Japan Ser! 🙂
ay nako, talaga lang gusto ko na mag-teleport sa mga oras na ‘yun para mapuntahan agad ang anak ko dahil di ko nga alam kung ano’ng nangyari. pero mabuti nga at ayus lang sila. salamat sa pagbabasa nitong mahabang sulatin na ito at hindi ka nabagot hehe
Hindi hindi hindi po! Na-enjoy ko po! Salamat din may pictures pa!
Yung eksena nga na yun sa kotse, may background song pa utak ko habang binabasa ko po, “…I don’t wanna close my eyes, I don’t wanna fall asleep ’cause I miss you baby…”
Salamat at naging ligtas kayo ng iyong pamilya, sa kabila ng malakas na lindol. Tinapos ko ang iyong sulatin kahit walang popcorn. 🙂
hello dok, salamat sa pagbabasa nitong mahabang post kahit walang nginunguya, di ka sana inantok hehe
matindi pala ang nangyari sa inyo sa tochigi.. dito kasi sa tokyo may kuryente, pero yun nga, walang sasakyan at tren.. mabuti at safe kayo.. katakot talaga ang lindol na yan..
mabuti pa sa inyo hindi masyado naapektuhan, taghirap nga dito nuon at pinapauwi na ako ng mga tao sa pilipinas, ako lang ang nagpakabayani at nanatili dito haha 😀
oo nga.. ikaw na ang nagpakabayani.. ehehehehe
hello, RP… this will make a good short movie. pampelikula talaga ‘yong iniwan ang sasakyan at tumakbo papuntang daycare. ayon, experience mo pala ang ginagaya sa disaster movies … ^^
naibigan ko ang part na Sa Aking Pag-iisa. pasimple lang, pero parang poignant? btw, tsinek mo na kung di ka sinundan ng Mt. Pinatubo faultline papuntang Land of the Rising Sun? ahehe.
hey, biro lang… this is an excellent and timely recount of the event, kapatid. medyo naranasan din namin ‘yan noong Ondoy – four hours sa pila para sa battery, walang mabilihan ng asin at sabon, tambak ang debris at putik sa bawat daraanan, nakabakas ang despair sa mukha ng maraming nasasalubong. ang napansin ko, pag may big disasters pala, parang nase-set back ang civilization? parang dumadaan sa gera? ahaha, yon lang… happy Sunday 🙂
hello ate san, salamat sa pagbabasa nitong pinakamahabang post ko so far 🙂 ang hirap pala hehe tagal magsulat ng draft, tagal din mag-proofread. pagkatapos kong i-publish may sablay pa rin pala haha
oo nga pala, ngayon ko lang napansin, laging merong mga nagmamanehong iniiwan ang sasakyan sa mga disaster movies hehe yun lang talaga ang pwede kong magawa nung panahon na yun. malay ko ba kung gumuho na yung building at nasa ilalim sila ng rubbles at bawat segundong lumilipas eh importante. dami na ‘ko napanood na disaster movies kaya ganun ang mentality.
magandang post din yan kung ise-share mo sa amin ang iyong karanasan sa Ondoy 🙂 tama, setback nga ang disaster sa anumang lipunan. pero tumitibay ang bayang may pinupulot na aral sa bawat setback na ito.
Oh, my gosh… this is an excellent post. I didn’t understand all, but I got at least 70%, nevertheless I felt the tension. Wow ! japan is so rich, but we sent $250 thru the Red cross. Even here in the Us, I swear 100 % of Americans were glued to the TV set. I’m glad to know you and family weren’t harmed at all, especially your kid. Wow ! I’m sure your heart almost burst until you saw your kid. Wow ! What a story !
hi, ren. i can’t believe you actually read through that, it was like 1,800 words 🙂 thank you for reading.
we were all very glad that we were safe then especially my son.
but it was really heart-breaking to learn about the villages wiped out by the tsunami and the towns that were affected by the nuclear fallout. none of them deserved to pay for the mistakes made by the electric corporation and the government.