Tag Archives: mga tips sa pagtatrabaho

Ano’ng Magandang Gawin Pagka-Graduate ng College?

Ano ba ang magandang gawin pagka-graduate ng College?

Mamasyal? Pwede.
Magpakasal na sa boyfriend/girlfriend? Pwede.
Magtambay muna ng ilang buwan sa bahay? Pwede rin.

Pero para sa iba, hindi na itinatanong kung ano ang gagawin pagka-graduate ng College. “Eh di maghanap na agad ng trabaho!”, ang naka-ready na sagot ng maraming graduates.

graduating student

Oo nga naman, dito sa Pilipinas, ano ba’ng dahilan kung bakit nag-aaral ang karamihan sa mga kabataan? Hindi naman para matuto, di ba? Mga abnormal lang na tao ang nag-aaral para matuto, di ba? ūüėÄ Nag-aaral ang maraming tao sa Pilipinas para makahanap ng magandang trabaho na may magandang pasweldo para makapamuhay ng disente para gumaan ang buhay.

Pero magtrabaho na nga ba agad ang pinakamagandang kasunod na dapat gawin pagka-graduate sa eskwela?

Kung walang-wala na talaga at ikaw na lang ang inaasahan ng mga magulang mo para ihango ang buong pamilya ninyo sa kahirapan eh mabuti nga sigurong magtrabaho ka na agad.

Pero kung kaya pa ng iyong utak, at kaya ka pa naman sustentuhan nina Mommy at Daddy, I suggest, mag-aral ka pa muna.

HUWAAATT????!!! Mag-aral ulet??? Baliw ka ba, RP? Mahigit 10 years na akong nag-aaral! Sukang-suka na ako sa mga libro! Banas na banas na ako sa mga titser! Kating-kati na ako makahawak ng perang pinagtrabahuhan ko! Tapos, mag-aaral pa ako ulit?! Tao ka ba, RP?! Tao ka ba???!!

Yes, tao ako and please kalma lang and read on.

Narito ang ilan sa mga maaari mong gawin pagkatapos mong mag-aral:

  1. Mag-aral ng vocational course sa Tesda¬†– magbibigay ito sa iyo ng mga karagdagang skills na pwede mong magamit pang-akit sa iba’t ibang kumpanya. Hindi masyadong pressure dito kagaya nang pag-aaral sa elementary, highschool o college. Mas mura din dito at minsan nga ay pwede ka pang makalibre ng pag-aaral.
  2. Mag-aral ka muna para sa Board o Licensure Exam – kung kailangan ito para sa tinapos mong kurso, magandang mag-test ka na agad ng board exam habang fresh pa sa iyo ang mga pinag-aralan mo sa Kolehiyo. Marami ka ring pwedeng makasabay na mga kaklase. Mas masaya mag-review at magtest na may kasama kesa sariling sikap lahat. Mas nakakatamad mag-aral at lumiliit ang chance mong makapasa kung magte-take ka ng board exam 2 or more years after mong mag-graduate sa College.
  3. Kumuha ka ng Masteral Degree – base sa iyong kurso, pwede kang kumuha ng Master’s Degree para maging espesyalista ka sa iyong larangan. Mas malaki ang bentahe ng mga may Masteral Degree kesa sa mga hindi na kumuha pa nito. Kung gusto mong magturo sa paaralan, as sideline or full-time, malaki ang tsansa mong matanggap kung may Master’s Degree ka. Mas mataas na pinag-aralan, mas maraming opportunity ang nagiging available para sa iyo.
  4. Mag-aral ng ibang kurso – bilang karagdagan sa iyong credentials, malaki ang maitutulong sa iyong career kung meron kang natapos na iba pang kurso. Halimbawang tapos ka na ng Civil Engineer eh tapos ka pa ng Electrical Engineer, aba eh saan pa pupunta yung mga nagpapakontrata kundi sa ‘yo? Hindi na sila maaabala maghanap ng iba’t ibang Engineer para sa proyekto nila. Ikaw lang, sapat nang punan ang mga pangangailangan nila.
  5. Mag-aral sa ibang bansa Рpwede namang mag-aral sa ibang bansa nang libre basta qualified ka. Halimbawa sa Japan, sa Australia o sa Germany. Eh di namamasyal ka na, makakatapos ka pa ng pag-aaral sa ibang bansa, may allowance ka pang pwedeng ipunin galing sa foreign country. Grabe, ang lupet mo nun!
  6. Mag-aral habang nagtatrabaho – kung excited ka na magtrabaho, okay fine. Pero how about mag-aral ka habang nagta-trabaho? Pwede mo nang kunin yung matagal mo nang pangarap na course kung may pang-sustento ka na sa sarili mong pag-aaral. Pwede ka na rin mag-aral sa pangarap mong school (kung kaya ng budget). Makakatulong ang karagdagang edukasyon para madali kang makalipat sa greener pastures.
  7. Magpalipas muna ng ilang panahon at mag-aral muli – pwede kang magtrabaho muna, mamasyal muna, mag-asawa muna, etc. pero bumalik ka sa pag-aaral. Sa buhay naman eh lagi tayong nag-aaral kaya why not dagdagan na din ang iyong Educational background para lalo kang maging “sharp”? (Huwag natin gamitin yung word na “matulis”, iba yung meaning nun eh :D)

Sa lahat ng mga suggestion na nabanggit, nandun lagi ang pag-aaral. Kasi sa panahon ngayon, hindi na sapat ang elementary graduate, highschool graduate o college graduate. Hinahanap na ngayon sa ilang mga kumpanya ang mga may masteral degree. Balang araw siguro, ire-require naman ng mga kumpanya eh yung may PhD ūüėÄ

Of course, ang lahat ng ito ay mga suggestion lang naman.

Maraming mga College dropouts ang nagtagumpay sa buhay at tumiba ng limpak na limpak na salapi sa kanilang buhay. So, kagaya ng ibang mga desisyon sa buhay, ang karagdagang pag-aaral man eh isa sa mga diskarteng pwede mong subukan.

References:
Advertisements

Mga Importanteng Paalala sa Paghahanap ng Trabaho sa UAE

united arab emirates

Sobrang dami ng mga Pinoy sa UAE ngayon na naka-Tourist Visa at naghahanap ng trabaho.

At sa sobrang hirap makahanap ng trabaho dahil sa tindi ng kompetisyon, marami sa ating mga kababayan ang kumakagat sa kahit anong offer. Marami ang naniniwala sa mga matatamis na pangako ng mga employer na bandang huli ay hindi naisa-sakatuparan.

May dalawang bagay na dapat niyong pag-ingatan kung kayo ay kasalukuyang nasa UAE at nakikipag-sapalaran. Hindi dapat kagat lang ng kagat sa kung ano ang io-offer dahil mapapaso na ang Tourist Visa niyo.

Sobrang babang pasweldo.

Dahil alam ng mga employers na sobrang hirap maghanap ng trabaho, sinasamantala nila ito. Alam nilang papayag sa kahit magkano na lang ang mga Pinoy wag lang hindi makahanap ng trabaho.

Maraming mga Pinoy ang pumipirma sa kontrata kahit AED 1,800 lang ang sweldo kasama na lahat-lahat dahil sa takot na hindi na makatanggap pa ng ibang offer. (Note: AED 1 is about 13 Php as of Jan. 2016)

Pinakamura na ang AED 650 na bedspace dito sa UAE. Mamamasahe ka pa at siyempre kakain at magpapadala. Ano’ng mapapala mo kung tatanggapin mo ang ganyan kababang offer lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng cost of living sa UAE at bali-balita’y magkakaroon na rin daw ng VAT sa hindi malayong hinaharap?

Mga kumpanyang manggagamit pero hindi ka iha-hire.

May tinatawag na short-term at long-term na Tourist Visa dito sa Dubai.

  • Short-term Visa = 1 Month Validity
  • Long-term Visa = 3 Months Validity

Maraming kumukuha ng long-term visa dahil alam nilang hindi sila agad makakakuha ng trabaho sa loob lamang ng isang buwan.

Pero may mag siniswerte rin na kahit isang buwan pa lang silang nakikipagsapalaran ay nakakakuha agad sila ng trabaho. Ang problema, hindi lahat ng offer ay totoo.

May mga kumpanyang sasabihin sa iyo na mag-training ka muna o magkaroon muna kayo ng trial para makita nila kung magaling ka nga talaga at kung magugustuhan ka nila. Pag sinabi nilang 3 days trial, fair enough. Pero pag sinabihan ka na two weeks ang trial mo, kesyo may sweldo iyan o wala, magduda ka na.

Maraming mga naniwala at pumasok ng dalawang linggo na trial at matapos ang lahat ng kaniyang paghihirap ay sinabihan ng employer na hindi siya kukunin dahil hindi daw siya pasado sa kanilang standards. Dalawang linggo ang nawala sa kaniya na sana ay nagamit niya sa paghahanap ng ibang trabaho.

May kumpanya naman na sasabihan kang saka na lang daw ipo-process ang visa mo. Kapag malapit na mapaso ang current Tourist Visa mo. Kesyo sayang naman daw. Papapasukin ka nila kahit wala ka pang work permit (at bawal ito) at maswerte kung makakatanggap ng sweldo. Yung iba, sinasabihang saka lang sila makakasweldo kapag may visa na sila. Pero wala kang habol dito. Dahil wala kang work permit o visa ay hindi ka maaaring lumapit sa Labor para magreklamo at kayang-kaya ka nilang itanggi.

Sa kasamaang palad, yung iba, hindi na nga nakatanggap ng sweldo, napaso pa ang visa at bandang huli ay hindi rin na-visahan ng employer.

Kaya po para sa mga kababayan nating nasa UAE na kasalukuyang naghahanap ng trabaho, pakatandaan na:

  1. Huwag papayag sa sweldong ibinibigay kung alam niyong hindi makatarungan
  2. Huwag papayag na gamitin ng kumpanya ang inyong Tourist visa. Siguraduhing may work permit o visa bago ka pumasok; o kahit man lang umpisahan na ang pag-process dito.
  3. Huwag papasok hangga’t wala pa kayong napipirmahang offer letter o kontrata. Kailangang may pirma ng HR Manager o kahit sinong Manager ang offer letter niyo at kailangan may kopya kayo.

Maging wise po tayo sa pagtanggap ng trabaho. Oo, mahirap maghanap ng trabaho pero mas mahirap ang pumasok sa trabahong habang panahon mong pagdudusahan.

Bakit Mabagal ang Career Growth ng Ibang Pinoy sa Ibang Bansa?

Maraming kababayan natin sa ibang bansa ang nagtataka kung bakit napakabagal ng promotion nila. Minsan nauunahan pa ng mga baguhan na makaangat.

Kilalang masipag ang mga Pinoy, mabilis matuto, sumusunod kahit mahirap ang mga pinapagawa ng nakatataas at mahuhusay umunawa at magsalita ng Ingles. Madalas ay natututo pa sila ng local language ng bansang kinaroroonan dahil nga sa bilis mag-adapt at matuto.

Pero kung maabilidad tayo, masipag at matyaga, bakit nga ba minsan ay napakabagal ng ating career growth? Bakit madalas ay nananatili tayo sa ibabang parte ng pyramid? Saan ba tayo nagkakamali?

career growth

Ilan lang ang mga ito sa maaaring mali sa ginagawa nating diskarte:

1. Kuntento na

Hindi masama ang makuntento. Di ba nga, dapat makuntento tayo kung anong meron tayo? Pero iba namang kaso kung nais mong umunlad. Dapat ay nagse-set tayo ng goals natin. Hindi ba’t madalas itanong sa interview yan? “Where do you see yourself 5 years from now?

Kung meron tayong goals, meron tayong i-lo-look forward. May motibasyon tayo para magtrabaho at higitan pa ang kaya nating gawin para ma-achieve ang ating inaasam.

2. Stick to Pinoy Community

Kapansin-pansin na ang mga Pinoy ay laging sabay-sabay kumakain ng tanghalian sa opisina, sabay-sabay umuuwi at magkakasamang gagala sa day-off nila. Wala namang masama. Kaso may mga hindi magandang bunga kapag palagi kang naka-stick sa kapwa Pinoy mo:

  • Wala kayong ibang pag-uusapan kundi ang inyong mga buhay-buhay, ang buhay-buhay ng inyong mga katrabaho, mga latest sa inyong mga newsfeed – sa madaling salita – TSISMIS
  • Wala kayong bagong natututunan dahil walang bago sa inyong pag-uusapan
  • Nakakahawa ang negativity. May mga Pinoy na kapag nainis sa mga katrabahong ibang lahi ay ipinangunguwento sa mga kapwa niya – naghahanap ba ng kakampi’t karamay? Siyempre bilang kapwa mo ay kakampihan mo naman. Nahahawa pati yung mga hindi naman talaga kasali. Dito nagkakaroon ng pagkakampi-kampi at hindi nagiging maganda ang atmosphere sa workplace.

3. Toma

Maraming Pinoy ang halos gabi-gabi o linggo-linggong umiinom. Ang kasamaan lang nito, minsan nagkakagulo sila sa staff accomodation. Kung hindi man ay nagsi-sick leave kinabukasan kapag matindi ang hangover. Minsan sabay-sabay pa nila itong ginagawa at nakakaapekto sa kanilang mga trabaho.

4. Lablayp

Hindi masamang magka-lablayp kung hindi hahaluan ng drama, lalo pa kung hindi madadamay ang iyong trabaho.

5. Mapagalitan lang akala pinag-iinitan na

Kapag napapagalitan ang mga Pinoy (lalo pa kung ibang lahi yung mga bossing), nagdadamdam. Hindi niya ito nakakalimutan. Oras na mapagalitan siya ulit, akala niya pinag-iinitan na siya. Iniisip nya na dahil Pinoy siya at ibang lahi yung amo ay iba na ang trato sa kaniya.

Normal lang naman ang mapagalitan paminsan-minsan lalo na kung may kapalpakan ka naman talagang ginawa. Di naman tayo perpekto diba? Kung ikaw ay mapapagalitan, tingnan mo din ito sa ibang anggulo. Baka naman ang nais lang ng amo mo ay mas pag-igihin mo pa. Although, hindi mo naman talaga maiaalis ang favoritism ng mga amo sa kalahi nila, unaawain mo muna ang sitwasyon at wag agad-agad mag-iisip ng masama.

6. Ayaw mag-Over Time 

Maraming Pinoy na gusto ma-promote pero ayaw mag-OT. Gusto lang mag-OT kung may bayad. Well, karapatan naman ng bawat manggagawa na mabayaran ang kanilang pagtatrabaho ng extra sa oras.  Pero minsan, kelangan mo ding mag-invest ng oras sa trabaho kung gusto mong may kahinatnan ka.

Kung sa negosyo nag-iinvest ka ng pera at panahon, sa promosyon naman Рoras at debosyon. Siguro naman, obvious sa inyo na plus points sa amo niyo pag nakikitang nago-over time kayo lalo na pag may mga deadline. Naa-appreciate din ng mga bossing yung mga nago-OT ng walang reklamo hehe.

7. Makinig at makisalamuha din sa ibang lahi 

Gaya nga ng sabi ko kanina sa number 2, mahilig ang mga Pinoy na sumama lang sa kapwa nila Pinoy. Pero hindi din masama na makisalamuha ka sa mga katrabaho mong ibang lahi.

Kapag may mga team outing kayo, subukan mo ding makipag-usap sa mga katrabaho mong hindi mo madalas nakakausap sa loob ng opisina, ganun din ay maaari mo nang i-approach ang boss mo kung kasama siya, sa mas casual na paraan. Kahit pa alam mong boring ang team outing niyo, sumama ka pa din. Bakit? Tulad na lang na karamihan sa mga malalaking business deals ay na-co-close habang ang mga businessmen ay naglalaro ng golf, marami ring maaaring¬†mga ‘deals’ ang ma-co-close or mapag-uusapan sa mga team outings.

Kung nais mong ipaalam sa boss mo na gusto mo ma-promote pero hindi ka makatyempo, malay mo ito na ang tamang panahon. Siguraduhin mo lang na konti pa lang ang naiinom niyo (kung may alak na involved sa outing) kapag nagpahiwatig ka sa boss mo hehe. Investment din ang pakikihalubilo sa mga katrabaho.

Ito rin ang panahon para makita mo yung other side ng mga katrabaho at bossing mo sa labas ng trabaho at ganon din sila sa ‘yo. Siguraduhin mo lang na “good” side mo ang makikita nila. Hindi porke’t libre ang pagkain at inumin ay susulitin mo na.

8. Money matters

Maraming Pinoy ang palipad na sana ang career pero bumabagsak dahil nasisilaw sa kaunting halaga. Isipin lagi na hindi nabibili ang tiwala.

9. Kulang sa leadership skills

Minsan, hindi sapat ang sipag at over time lang para ma-promote. Kelangan mo din magkaroon ng leadership skills.

Ito ang pinaka-kritikal na aspeto ng promotion. Ang mag-promote ng rank and file staff at gawin itong supervisor o manager kaya hindi ganoon kadali ang pagsala sa mga ipo-promote. Hindi lahat ng mahusay sa trabaho ay kayang mag-lead ng team. Hindi rin lahat ng masipag at matalino ay mayroong managearial skills. Iba ang pagtatrabaho lang sa pagpaplano, pagde-delegate ng tasks sa staff, at pagre-report sa senior managers/supervisors.

Itanong mo muna sa sarili mo kung kaya mo ito bago ka mangarap ng promotion. Pero lahat naman ito ay matututunan mo sa tamang panahon kaya wag mawalan ng pag-asa. Wag ka nga lang magmamadali na ma-promote dahil pinipitas lang ang bunga pag ito ay hinog na.

10. Tsismoso

Aminin mo man o hindi, likas sa atin ang pagiging tsismoso. At dahil trademark na natin ito, minsan mahirap kumuha ng tiwala ng mga bossing. Maraming mga confidential company info ang ayaw nila ipagkatiwala (minsan) sa mga Pinoy dahil nga pag nalaman ng isa, malalaman na din ng buong komunidad.

11. Pabigla-bigla magdesisyon

Gaya ng sinabi ko kanina sa number 5, ang Pinoy pag napapagalitan, nagtatampo. Minsan nagpapabigla-bigla ng desisyon, nagre-resign. Minsan din pag involved na ang usaping puso at di kinakaya ang personal na issue sa buhay ay nagre-resign. Nawawalan ng oportunidad dahil hindi na pinag-iisipan ang pagre-resign.

12. Ayaw umalis sa comfort zone

Maraming Pinoy ang takot umalis sa kanilang comfort zone. Minsan, sa tagal na nila sa isang kumpanya ay nagiging sobrang komportable na sila dito kaya kahit may ibang oportunidad ay ayaw nilang sunggaban. Takot na silang sumubok, takot na sila sa mga pagbabago.

13. Dahil Pilipino tayo

Aminin mo man o hindi, mas magaganda ang career opportunities para sa mga hindi Pinoy. Ang ibig kong sabihin ay yung mga nakakapagsalita ng French, may Western passport at yung mga nakapag aral sa mga Swiss o iba pang International Schools.

Wala na tayong magagawa pa tungkol sa number 13, unless gusto mo pang mag-aral ng French, may maliit na chance ka pa. Kaya ituon mo na lang ang pansin mo sa mga ibang bagay na magagawan pa ng paraan kaysa magmukmok ka dahil sa number 13.

***

Paalala po na ang lahat ng inilahad ko dito ay opinyon base sa aking naging obserbasyon. Maaring tumugma ito o hindi sa inyong sitwasyon – depende po. Maaring hindi applicable para sa iyo ang mga nakasulat pero sana ay may natutunan ka din kahit kaunti.

Salamat sa pagbabasa ūüôā