
Office of the Ombudsman

Ang Office of the Ombudsman ay isang malayang ahensya ng pamahalaan na itinatag sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987 na may tungkulin na pangalagaan ang interes ng mga Pilipino laban sa katiwalian, pang-aabuso at kawalan ng katarungan sa pampublikong sektor. Mayroon itong mga kapangyarihan, tungkulin at gawain na nakasaad sa Seksyon 12 at 13 ng Artikulo XI ng Saligang Batas.
ARTIKULO XI. KAPANAGUTAN NG MGA PINUNONG PAMBAYAN
SEK. 12. Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti, bilang mga tagapagsanggalang ng taong-bayan, ay dapat kumilos nang daglian sa mga sumbong na iniharap sa ano mang anyo o paraan, laban sa mga pinuno o kawaning pambayan ng pamahalaan, o ng ano mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at sa mga angkop na kaso ay dapat ipabatid sa mga maysumbong ang isinagawang aksyon at ang mga resulta niyon.
SEK. 13. Dapat magkaroon ang Tanggapan ng Ombudsman ng sumusunod na mga kapangyarihan, mga gawain at mga tungkulin:
(1) Magsiyasat sa kusa nito o sa sumbong ng sino mang tao, ng ano mang kagagawan o pagkukulang ng sino mang opisyal, kawani, tanggapan o ahensyang pambayan kapag ang gayong kagagawan o pagkukulang ay lumilitaw na ilegal, di makatarungan, di nararapat, o di episyente.
(2) Mag-atas, batay sa sumbong o sa sariling kusa nito, sa sino mang opisyal pambayan o kawani ng pamahalaan, o ng alin mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, at maging ng alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na tuparin at madaliin ang ano mang kilos o tungkulin na hinihingi sa kanya ng batas, pigilin, hadlangan, at iwasto ang ano mang pagmamalabis o di nararapat sa pagtupad ng mga tungkulin.
(3) Mag-atas sa kinauukulang pinuno na magsagawa ng nararapat na hakbang laban sa isang nagkasalang opisyal o kawaning pambayan, at magtagubilin ng kanyang pagtitiwalag, pagsuspindi, pagbaba ng katungkulan, pagmumulta, mahigpit na pangangaral, o pag-uusig, at tiyakin ang pagtalima sa ipinag-utos.
(4) Sa alin mang nararapat na kaso at sa ilalim ng mga katakdaan na maaaring itadhana ng batas, mag-atas sa kinauukulang pinuno na bigyan ito ng mga sipi ng mga dokumento tungkol sa mga kontrata o mga transaksyon na pinasok ng kanyang tanggapan na may kinalaman sa pagbabayad o paggamit ng mga pondo o mga ariariang pambayan, at mag-ulat sa Komisyon sa Awdit ng ano mang katiwalian upang magawan ng karampatang hakbang.
(5) Humiling sa alin mang sangay ng pamahalaan ng kinakailangang tulong at impormasyon sa pagtupad ng mga pananagutan nito, at magsuri, kung kinakailangan, ng nauukol na mga rekord at mga dokumento.
(6) Magpahayag ng mga bagay-bagay na saklaw ng pagsisiyasat nito kung hinihingi ng mga pangyayari at taglay ang nararapat na pag-iingat.
(7) Alamin ang mga dahilan ng di kahusayan, red tape, masamang pamamahala, pagdaraya, at katiwalian sa pamahalaan at magrekomenda ukol sa pag-aalis ng mga ito at pagsunod sa matataas na mga pamantayan ng kagandahang-asal at kahusayan.
(8) Maglagda ng mga tuntunin ng pamamaraan nito at gumanap ng iba pang mga kapangyarihan o tumupad ng mga gawain o mga tungkulin na maaaring itadhana ng batas.
Ang Office of the Ombudsman ay nagsimula noong Hulyo 24, 1987, nang maglabas si Pangulong Corazon Aquino ng Executive Order No. 243 at No. 244. Ito ay nagtatakda sa pormal na organisasyon ng tanggapan at nagpapalit sa dating Tanodbayan bilang Tanggapan ng Espesyal na Tagausig bilang bahagi nito. Ang unang Ombudsman ay si Conrado M. Vasquez, na nanungkulan mula 1988 hanggang 1995.
Mga pangunahing tungkulin ng Office of the Ombudsman ay ang mga sumusunod:
- Mag-imbestiga at mag-usig nang kusa o sa reklamo ng sinumang tao, anumang ginawa o hindi paggawa ng sinumang opisyal o empleyado, tanggapan o ahensya, kapag ang ginawa o hindi paggawa ay lumilitaw na labag sa batas, hindi makatarungan, hindi angkop o hindi naaayon sa tama.
- Mag-imbestiga at magrekomenda ng mga karampatang aksyon sa mga reklamo laban sa mga opisyal at empleyado na may kaugnayan sa mga batas na nagbabawal at nagpaparusa sa katiwalian.
- Magpatupad ng mga disiplina at magrekomenda ng mga parusa sa mga opisyal at empleyado na lumabag sa batas o nagkasala sa tungkulin.
- Magbantay at magsumbong sa Kongreso tungkol sa kalagayan at pagganap ng mga tungkulin at obligasyon ng tanggapan.
- Magbigay ng tulong publiko at humikayat sa paglahok ng mamamayan sa pagsugpo sa katiwalian.
- Magtayo at magpatakbo ng isang epektibo at maayos na sistema ng pangangasiwa, pananalapi, pagsasanay, pananaliksik at dokumentasyon.
Ang Office of the Ombudsman ay binubuo ng pitong special offices: ang Office of the Ombudsman, ang Office of the Overall Deputy Ombudsman, ang Office of the Special Prosecutor, ang Office for Military and Other Law Enforcement Offices (MOLEO), ang Office of the Ombudsman for Luzon, ang Office of the Ombudsman for Visayas, at ang Office of the Ombudsman for Mindanao.
Bawat opisina ay pinamumunuan ng isang Deputy Ombudsman na itinatalaga ng nakaupong Pangulo mula sa listahan ng mga nominadong ibinigay ng Judicial and Bar Council.
Ang Office of the Ombudsman ay gumaganap ng kanyang trabaho batay sa kanyang mga karapatang konstitusyonal. Ilan sa mga batayan na ito ay ang sumusunod:
- Ang Saligang Batas ng 1987, lalo na ang Artikulo XI na naglalaman ng mga probisyon tungkol sa pananagutan at pananatili sa katapatan sa pampublikong sektor.
- Ang Republic Act No. 6770 o ang Ombudsman Act of 1989, na nagbibigay-daan sa Tanggapan ng Ombudsman upang magkaroon ng sapat na kapangyarihan upang maisakatuparan ang kanyang mandato.
- Ang Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na nagtatakda ng mga alituntunin at mga parusa sa mga opisyal at empleyado na gumawa ng mga gawaing labag sa batas, moralidad, pampublikong kaayusan at pambansang interes.
- Ang Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na naglalayong itaas ang antas ng kagandahang-asal, integridad, katapatan at kahusayan sa pampublikong sektor.
- Ang iba pang mga batas at kautusan na may kaugnayan sa pagpapanatili ng kaayusan, katarungan at demokrasya sa bansa.
Ang Office of the Ombudsman ay isang institusyon na nagbabantay ng interes ng mga Pilipino laban sa anumang uri ng katiwalian, pang-aabuso at kawalan ng katarungan sa pampublikong sektor. Patuloy itong nagsusumikap na mapabuti ang kalidad ng kanyang mga serbisyo at makipagtulungan sa iba pang mga ahensya at sektor upang makamit ang isang malinis, matatag at maunlad na bansa.
Ang Office of the Ombudsman ang may eksklusibong kapangyarihan na magdala ng mga kaso sa Sandiganbayan.
Sandiganbayan

Ang Sandiganbayan ay isang espesyal na hukuman na may hurisdiksyon sa mga kaso ng kriminal at sibil na may kinalaman sa graft at korapsyon at iba pang mga paglabag na ginawa ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kabilang ang mga nasa mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno.
Ito ay itinatag noong 1978 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1486. Ito ay katumbas sa ranggo ng Court of Appeals, ang ikalawang pinakamataas na hukumang hudisyal sa Pilipinas.
MANDATO NG SANDIGANBAYAN Ayon sa 1973 at 1987 Konstitusyon ng Pilipinas
SEC. 5. Ang Batasang Pambansa ay lilikha ng isang espesyal na hukuman, na tatawaging Sandiganbayan, na dapat magkaroon ng hurisdiksyon sa mga kasong kriminal at sibil na kinasasangkutan ng graft at corrupt practices at iba pang mga pagkakasala na ginawa ng mga pampublikong opisyal at empleyado, kabilang ang mga pag-aari o kontrolado ng gobyerno. mga korporasyon, na may kaugnayan sa kanilang katungkulan na maaaring itakda ng batas. (Art. XIII), 1973 Konstitusyon.
SEC. 4. Ang kasalukuyang anti-graft court na kilala bilang Sandiganbayan ay dapat patuloy na gumana at gamitin ang kanyang hurisdiksyon gaya ng ngayon o sa hinaharap ay maaaring itadhana ng batas. (Art. XI), 1987 Konstitusyon.
Ang Sandiganbayan ay ang hukuman na humahatol sa mga kaso na isinampa ng Ombudsman laban sa mga akusado. Ang Sandiganbayan ay binubuo ng labing-isa (11) na Associate Justices at isang Presiding Justice. Nahahati ito sa limang (5) divisions, bawat isa ay may tatlong (3) justices. Bawat division ay may kapangyarihang magpasya sa mga kaso na nakatalaga sa kanila.
Ang Sandiganbayan at ang opisina ng Ombudsman ay dalawa sa mga mahahalagang institusyon sa paglaban sa korupsiyon sa Pilipinas. Ang mga opisyal ng mga ito ay kinakailangang maging matapat, competent, at may integridad.
Paano pinipili ang mga opisyal nito
Ayon sa Saligang Batas, ang mga bumubuo ng Sandiganbayan ay ia-appoint ng nakaupong Pangulo. Ito ay magmumula sa listahan ng tatlong nominado para sa bawat puwesto na isinusumite ng Judicial and Bar Council (JBC). Ang JBC ay isang konseho na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang larangan. Kinabibilangan ito ng Hudikatura, Kongreso, Executive, Integrated Bar of the Philippines, propesyonal na sektor, akademiko, at media. Ang JBC ang nagsasagawa ng screening at pagpili ng mga nominado para sa mga bakanteng puwesto sa Sandiganbayan at iba pang hukuman.
Samantala, ang Ombudsman ay ina-appoint din ng nakaupong Pangulo mula sa listahan ng anim na nominado na isinusumite ng JBC. Ang mga Deputy Ombudsman ay ina-appoint din ng Pangulo mula sa listahan (para sa bawat office) na isusumite ng JBC.
Sa pamamagitan ng proseso ng pagpili ay mag-a-appoint ng mga opisyal para sa Sandiganbayan at Office of the Ombudsman. Inaasahan na ang mga ito ay magiging malaya at walang kinikilingan sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Gayunpaman, hindi rin maikakaila na ang Pangulo ay may malaking impluwensiya sa pagbuo ng mga institusyong ito dahil siya ang nag-a-appoint sa kanila. Kaya naman mahalaga rin na ang Pangulo ay maging mapanuri at mapagmatyag sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa bayan.
References:
- Office of the Ombudsman website
- Sandiganbayan website (currently down)
- 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas
- Ombudsman Legal Basis