Tag Archives: buhay nagtatrabaho

Ano’ng Magandang Gawin Pagka-Graduate ng College?

Ano ba ang magandang gawin pagka-graduate ng College?

Mamasyal? Pwede.
Magpakasal na sa boyfriend/girlfriend? Pwede.
Magtambay muna ng ilang buwan sa bahay? Pwede rin.

Pero para sa iba, hindi na itinatanong kung ano ang gagawin pagka-graduate ng College. “Eh di maghanap na agad ng trabaho!”, ang naka-ready na sagot ng maraming graduates.

graduating student

Oo nga naman, dito sa Pilipinas, ano ba’ng dahilan kung bakit nag-aaral ang karamihan sa mga kabataan? Hindi naman para matuto, di ba? Mga abnormal lang na tao ang nag-aaral para matuto, di ba? 😀 Nag-aaral ang maraming tao sa Pilipinas para makahanap ng magandang trabaho na may magandang pasweldo para makapamuhay ng disente para gumaan ang buhay.

Pero magtrabaho na nga ba agad ang pinakamagandang kasunod na dapat gawin pagka-graduate sa eskwela?

Kung walang-wala na talaga at ikaw na lang ang inaasahan ng mga magulang mo para ihango ang buong pamilya ninyo sa kahirapan eh mabuti nga sigurong magtrabaho ka na agad.

Pero kung kaya pa ng iyong utak, at kaya ka pa naman sustentuhan nina Mommy at Daddy, I suggest, mag-aral ka pa muna.

HUWAAATT????!!! Mag-aral ulet??? Baliw ka ba, RP? Mahigit 10 years na akong nag-aaral! Sukang-suka na ako sa mga libro! Banas na banas na ako sa mga titser! Kating-kati na ako makahawak ng perang pinagtrabahuhan ko! Tapos, mag-aaral pa ako ulit?! Tao ka ba, RP?! Tao ka ba???!!

Yes, tao ako and please kalma lang and read on.

Narito ang ilan sa mga maaari mong gawin pagkatapos mong mag-aral:

  1. Mag-aral ng vocational course sa Tesda – magbibigay ito sa iyo ng mga karagdagang skills na pwede mong magamit pang-akit sa iba’t ibang kumpanya. Hindi masyadong pressure dito kagaya nang pag-aaral sa elementary, highschool o college. Mas mura din dito at minsan nga ay pwede ka pang makalibre ng pag-aaral.
  2. Mag-aral ka muna para sa Board o Licensure Exam – kung kailangan ito para sa tinapos mong kurso, magandang mag-test ka na agad ng board exam habang fresh pa sa iyo ang mga pinag-aralan mo sa Kolehiyo. Marami ka ring pwedeng makasabay na mga kaklase. Mas masaya mag-review at magtest na may kasama kesa sariling sikap lahat. Mas nakakatamad mag-aral at lumiliit ang chance mong makapasa kung magte-take ka ng board exam 2 or more years after mong mag-graduate sa College.
  3. Kumuha ka ng Masteral Degree – base sa iyong kurso, pwede kang kumuha ng Master’s Degree para maging espesyalista ka sa iyong larangan. Mas malaki ang bentahe ng mga may Masteral Degree kesa sa mga hindi na kumuha pa nito. Kung gusto mong magturo sa paaralan, as sideline or full-time, malaki ang tsansa mong matanggap kung may Master’s Degree ka. Mas mataas na pinag-aralan, mas maraming opportunity ang nagiging available para sa iyo.
  4. Mag-aral ng ibang kurso – bilang karagdagan sa iyong credentials, malaki ang maitutulong sa iyong career kung meron kang natapos na iba pang kurso. Halimbawang tapos ka na ng Civil Engineer eh tapos ka pa ng Electrical Engineer, aba eh saan pa pupunta yung mga nagpapakontrata kundi sa ‘yo? Hindi na sila maaabala maghanap ng iba’t ibang Engineer para sa proyekto nila. Ikaw lang, sapat nang punan ang mga pangangailangan nila.
  5. Mag-aral sa ibang bansa – pwede namang mag-aral sa ibang bansa nang libre basta qualified ka. Halimbawa sa Japan, sa Australia o sa Germany. Eh di namamasyal ka na, makakatapos ka pa ng pag-aaral sa ibang bansa, may allowance ka pang pwedeng ipunin galing sa foreign country. Grabe, ang lupet mo nun!
  6. Mag-aral habang nagtatrabaho – kung excited ka na magtrabaho, okay fine. Pero how about mag-aral ka habang nagta-trabaho? Pwede mo nang kunin yung matagal mo nang pangarap na course kung may pang-sustento ka na sa sarili mong pag-aaral. Pwede ka na rin mag-aral sa pangarap mong school (kung kaya ng budget). Makakatulong ang karagdagang edukasyon para madali kang makalipat sa greener pastures.
  7. Magpalipas muna ng ilang panahon at mag-aral muli – pwede kang magtrabaho muna, mamasyal muna, mag-asawa muna, etc. pero bumalik ka sa pag-aaral. Sa buhay naman eh lagi tayong nag-aaral kaya why not dagdagan na din ang iyong Educational background para lalo kang maging “sharp”? (Huwag natin gamitin yung word na “matulis”, iba yung meaning nun eh :D)

Sa lahat ng mga suggestion na nabanggit, nandun lagi ang pag-aaral. Kasi sa panahon ngayon, hindi na sapat ang elementary graduate, highschool graduate o college graduate. Hinahanap na ngayon sa ilang mga kumpanya ang mga may masteral degree. Balang araw siguro, ire-require naman ng mga kumpanya eh yung may PhD 😀

Of course, ang lahat ng ito ay mga suggestion lang naman.

Maraming mga College dropouts ang nagtagumpay sa buhay at tumiba ng limpak na limpak na salapi sa kanilang buhay. So, kagaya ng ibang mga desisyon sa buhay, ang karagdagang pag-aaral man eh isa sa mga diskarteng pwede mong subukan.

References:
Advertisements

Realizations Pagka-Graduate ng College

pagka-graduate ng college

Sa lahat ng mga gumradweyt na sa pag-aaral sa eskwela, kumusta na? Okay ba ang real world so far? Kung ikaw ay isang bagong graduate, ilan sa mga ito ang mga mare-realize mo as you go on with life.

  1. Mas madali pala talaga ang buhay nung nag-aaral pa lang
  2. Hindi naman pala totoo yung “preparation for the real world” ang marami sa mga ipinapagawa sa eskwela
  3. Maraming importanteng bagay sa totoong buhay ang hindi itinuturo sa mga paaralan
  4. Maraming itinuturo sa paaralan ang hindi nagagamit sa totoong buhay
  5. Mas mahirap makahanap ng syota sa real life
  6. Mas mahirap manghingi ng pera sa mga magulang kapag di na nag-aaral
  7. Mahirap pala makaipon ng pera kapag nagtatrabaho na
  8. Mauunawaan mo palang pala ang value ng pag-aaral kapag tapos ka na dito
  9. Kung mabibigyan ka pala ng pagkakataon, gugustuhin mong mag-aral ulit
  10. Yung mga bestest buddies mo sa skul, pwedeng hindi mo na pala ulit makita (o napakadalang na lang kayo magkasama)
  11. Kahit ilang beses pa mag-set ng reunion, hinding hindi na pala makukumpleto ulit ang buong klase
  12. Mas maiintindihan mo pala ang sakripisyo at hirap ng mga magulang mo pag nagtatrabaho ka na rin (at nagka-pamilya na)
  13. Kung maraming weirdo sa loob ng eskwela, mas marami pala sa labas
  14. Akala mo yung titser mo na ang pinakamasamang tao sa buong mundo, lalagpasan pala siya ng boss mo sa trabaho
  15. Akala mo reject na yung serbisyo ng mga staff sa school ninyo, mas grabe pa pala yung mga nasa gobyerno
  16. Mas mahirap pala ipaglaban yung mga prinsipyo mo ngayong nasa real world ka na
  17. Hindi na masyadong looking forward to ang birthday mo taun-taon
  18. Dalawang buwan pa lang ang dumaan nung mag-graduate ka pero feeling mo 10 years na ang nakalipas
  19. Maiintindihan mo kung bakit walang nagbabago sa lipunan natin
  20. May pera ka nga, sobrang busy naman or may oras ka nga, wala ka namang pera

Ikaw, ano ang mga nadiskubre mo pagkatapos ng college? I-share sa comments section sa baba.