Tag Archives: buhay middle east

Mga Importanteng Paalala sa Paghahanap ng Trabaho sa UAE

united arab emirates

Sobrang dami ng mga Pinoy sa UAE ngayon na naka-Tourist Visa at naghahanap ng trabaho.

At sa sobrang hirap makahanap ng trabaho dahil sa tindi ng kompetisyon, marami sa ating mga kababayan ang kumakagat sa kahit anong offer. Marami ang naniniwala sa mga matatamis na pangako ng mga employer na bandang huli ay hindi naisa-sakatuparan.

May dalawang bagay na dapat niyong pag-ingatan kung kayo ay kasalukuyang nasa UAE at nakikipag-sapalaran. Hindi dapat kagat lang ng kagat sa kung ano ang io-offer dahil mapapaso na ang Tourist Visa niyo.

Sobrang babang pasweldo.

Dahil alam ng mga employers na sobrang hirap maghanap ng trabaho, sinasamantala nila ito. Alam nilang papayag sa kahit magkano na lang ang mga Pinoy wag lang hindi makahanap ng trabaho.

Maraming mga Pinoy ang pumipirma sa kontrata kahit AED 1,800 lang ang sweldo kasama na lahat-lahat dahil sa takot na hindi na makatanggap pa ng ibang offer. (Note: AED 1 is about 13 Php as of Jan. 2016)

Pinakamura na ang AED 650 na bedspace dito sa UAE. Mamamasahe ka pa at siyempre kakain at magpapadala. Ano’ng mapapala mo kung tatanggapin mo ang ganyan kababang offer lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng cost of living sa UAE at bali-balita’y magkakaroon na rin daw ng VAT sa hindi malayong hinaharap?

Mga kumpanyang manggagamit pero hindi ka iha-hire.

May tinatawag na short-term at long-term na Tourist Visa dito sa Dubai.

  • Short-term Visa = 1 Month Validity
  • Long-term Visa = 3 Months Validity

Maraming kumukuha ng long-term visa dahil alam nilang hindi sila agad makakakuha ng trabaho sa loob lamang ng isang buwan.

Pero may mag siniswerte rin na kahit isang buwan pa lang silang nakikipagsapalaran ay nakakakuha agad sila ng trabaho. Ang problema, hindi lahat ng offer ay totoo.

May mga kumpanyang sasabihin sa iyo na mag-training ka muna o magkaroon muna kayo ng trial para makita nila kung magaling ka nga talaga at kung magugustuhan ka nila. Pag sinabi nilang 3 days trial, fair enough. Pero pag sinabihan ka na two weeks ang trial mo, kesyo may sweldo iyan o wala, magduda ka na.

Maraming mga naniwala at pumasok ng dalawang linggo na trial at matapos ang lahat ng kaniyang paghihirap ay sinabihan ng employer na hindi siya kukunin dahil hindi daw siya pasado sa kanilang standards. Dalawang linggo ang nawala sa kaniya na sana ay nagamit niya sa paghahanap ng ibang trabaho.

May kumpanya naman na sasabihan kang saka na lang daw ipo-process ang visa mo. Kapag malapit na mapaso ang current Tourist Visa mo. Kesyo sayang naman daw. Papapasukin ka nila kahit wala ka pang work permit (at bawal ito) at maswerte kung makakatanggap ng sweldo. Yung iba, sinasabihang saka lang sila makakasweldo kapag may visa na sila. Pero wala kang habol dito. Dahil wala kang work permit o visa ay hindi ka maaaring lumapit sa Labor para magreklamo at kayang-kaya ka nilang itanggi.

Sa kasamaang palad, yung iba, hindi na nga nakatanggap ng sweldo, napaso pa ang visa at bandang huli ay hindi rin na-visahan ng employer.

Kaya po para sa mga kababayan nating nasa UAE na kasalukuyang naghahanap ng trabaho, pakatandaan na:

  1. Huwag papayag sa sweldong ibinibigay kung alam niyong hindi makatarungan
  2. Huwag papayag na gamitin ng kumpanya ang inyong Tourist visa. Siguraduhing may work permit o visa bago ka pumasok; o kahit man lang umpisahan na ang pag-process dito.
  3. Huwag papasok hangga’t wala pa kayong napipirmahang offer letter o kontrata. Kailangang may pirma ng HR Manager o kahit sinong Manager ang offer letter niyo at kailangan may kopya kayo.

Maging wise po tayo sa pagtanggap ng trabaho. Oo, mahirap maghanap ng trabaho pero mas mahirap ang pumasok sa trabahong habang panahon mong pagdudusahan.

Advertisements

Interview with an OFW

Ang post na ito ay pagsilip sa buhay ng isang kababayan nating nagtatrabaho sa Dubai.

karanasan ng isang ofw

Nakakuwentuhan ko ang isang kababayang tawagin na lang nating Ate A at kinamusta ko ang kaniyang kalagayan.

Si Ate A ay nagtatrabaho sa isang cleaning company. Pinapadala sila Ate A sa mga bahay o kaya opisina upang maglinis.

Ilang taon na kayo sa Dubai?
3 years na. 2 years ako sa unang kumpanya kong napasukan tapos isang taon na rin dito sa pangalawa.

Ok naman ba ang kumpanyang napasukan niyo?
Hindi. Gusto na nga namin umalis. Ang dami sa ‘ming ilang beses na nag-resign pero ayaw payagan kaya inaantay na lang namin lahat na matapos ang kontrata.

Teka, bakit hindi ok?
Mababa na pasweldo wala pa silang pakialam sa mga empleyado. 1000 (Php 12k++) Dirhams lang sweldo namin eh.

Paanong wala silang pakialam?
Tulad niyan, yung isa naming kasamahan na naglinis ng bahay, nakagat ng aso nung kliyente. Warat nga tshirt no’n nung umuwi. Umaga pa lang tumawag na siya sa office namin na nakagat siya ng aso at gusto niya magpunta sa ospital. Sinabihan ba naman siya nung mga taga-opisina na tapusin muna yung trabaho niya. Umaga yun nung makagat ng aso ah, tapos gabi na naisugod sa ospital. Isang araw lang siyang pinagpahinga tapos pinapasok na naman sa trabaho.

Grabe naman yata iyan. Wala naman yata silang awa.
Oo. Yung isa naman naming kasama naoperahan kasi may bukol sa may bandang leeg. Matapos ang isang buwan nagkaroon na naman siya ng bukol sa may bandang balakang na naman. Gusto na niya umuwi kasi pag nagpa-opera na naman siya dito, may bayad na. Isang beses lang libre ang operasyon. Ayaw siyang pauwiin pero ayaw din naman nila sagutin yung operasyon.

Nako. Health issues na yan ayaw pa nilang pauwiin. Tapos ayaw din naman nilang sagutin yung operasyon.
Wala nga silang pakialam eh. Minsan naman nirereklamo namin yung ibang kliyenteng Arabo kasi binabastos kami. Pero sabi nila di pwede mabawasan yung mga kliyente. Wala pa naman daw nangyayaring masama kaya ok lang daw ‘yun. Wala pa ba yun eh mina-manyak na kami? Mag-aantay pa ba sila na may mangyari sa amin?

Maiba tayo, nagkakasya naman ba yung sweldo niyo? Nakakapagpadala pa kayo sa Pilipinas?
Nakakapagpadala naman. Saka nagpa-part time kami. Pag natatapos ang duty ko ng alas-singko ng hapon, nagpa-part time pa ako hanggang alas-nwebe o alas-diyes. Depende kung may mapagpa-partime-an. Pag day-off din namin pinipilit naming makakuha ng part time. Sayang eh.

Kahit araw ng pahinga niyo talagang naglalagari pa kayo. Magkano naman po ang kinikita niyo sa pagpapart time?
35-40 Dirhams (Php 450 – 500 ++) kada oras. Madalas kada bahay 2-3 hours. Buti nga yung iba naming pinagpa-partime-an mababait. Binibigyan kami ng mga pagkain saka mga gamit na naipapadala namin sa Pinas. Minsan mga lumang damit at laruan ng mga bata. Sakto kasi madami na akong pamangkin. May pang-puno sa kahon.

Edi patang-pata kayo niyan pag-uwi?
Oo. Gabi na ko nakakauwi tapos kinabukasan maaga na naman. Pasalamat nga lang ako kasi yung ibang part time ko, nagdidilig lang ako ng halaman. Dun lang ako nakakapagpahinga ng kaunti.

Pero ganun talaga. Kesa naman umuwi ako ng Pinas wala naman mangyayari sa akin.

********************************************************************

Note: Ang mga inilahad sa itaas ay hango sa isang impormal na panayam sa isang kababayang nakadaupang palad ng may-akda dito sa Dubai.