Ang Mother’s Day ay ipinagdiriwang taon-taon upang kilalanin at bigyang pugay ang lahat ng mga nanay, mama, mommies, (o kung ano pa man ang ginagamit na katawagan para sa ina) sa buong mundo. At sa tuwing mababanggit ito, ang unang tanong na pumapasok sa ating isip ay kung ano kaya ang ating maireregalo sa ating mga ina.
Pero bago tayo madako sa mga regalo, balikan muna natin kung saan ba talaga nanggaling ang pagdiriwang ng Mother’s Day at kung sino ba ang may pakana nito.

Ang Mother’s Day ay pinasimulan ni Ann Jarvis noong 1858 para magkaroon ng kapayapaan ang mga nanay ng magkabilang panig ng Civil War, at upang isulong na mapaganda ang kalagayan ng mga nanay at magkaroon ng maayos na sanitasyon.
Taong 1872 isinulong ni Julia Ward Howe ang pagkakaroon ng Mother’s Day sa Estados Unidos upang makadalo ang mga ina sa mga rally for peace.
Noong 1908 naman nagsimula ang taunang pagdiriwang ng Mother’s Day sa pamumuno ni Anna Jarvis, anak ni Ann Jarvis. Siya rin ang nagsimula ng tradisyon ng pagsuot ng bulaklak na Carnation tuwing Mother’s Day para alalahanin ang mga ina sa araw na ito, iba’t iba ang kulay ng Carnation pero ang puting Carnation ay para sa mga yumaong ina.
Mabilis na kinain ng komersiyalisasyon ang Mother’s Day kaya’t pinagsisihan ni Anna Jarvis sa bandang huli ang pagkakatatag nito.
Taong 1914 nilagdaan ng U.S. President na si Wilson Woodrow ang deklarasyon ng Mother’s Day bilang national holiday.
Iba’t iba man ang petsa ng pagdiriwang ng Mother’s Day sa iba’t ibang bansa, sinusunod ng Pilipinas ang araw ng pagdiriwang ng Mother’s Day ng Estados Unidos tuwing ikalawang linggo ng Mayo.
Sa kasalukuyan, madalas pinagdiriwang ang Mother’s Day sa pamamagitan ng pagkain sa mga restaurants. Ito ang isa sa mga araw sa buong taon na abala lahat ng mga kainan sa Pilipinas. Hindi rin mawawala ang pagbibigay ng regalo sa araw na ito.
Kaya’t kung hindi ka pa nakakapag-isip ng ibibigay sa iyong Ina sa darating na Mother’s Day, narito ang ilang rekomendasyon:
1. Mother’s Day Card
Bagaman uso na ngayon ang mga e-greetings sa social media, wala pa ring tatalo sa card na may sulat-kamay na pagbati at dedikasyon sa iyong ina. Mas naa-appreciate pa ito kung ikaw mismo ang gagawa ng card.
2. Magbigay ng Bulaklak
Isang paraan ng pagpaparamdam sa iyong ina ng pag-alala at pagmamahal ay ang pagbibigay ng bulaklak. Hindi na mahalaga kung carnation man ito, o ano pa mang uri ng bulaklak. Ang mahalaga ay yung thoughts behind the flowers ika nga.
3. Maglaan ng Oras o Panahon
Isa sa pinakamahalagang maaari mong maibigay sa iyong ina ay ang paglalaan ng oras o panahon.
Ilang taon o dekada ang nilaan ng ating mga ina para tayo ay alagaan at mapalaki. At kapag tayo ay tumanda na, nagkaroon ng trabaho at sariling pamilya, nagiging abala na tayo sa ating sari-sariling buhay.
Sa Mother’s Day, alalahanin natin ang ating mga ina at paglaanan ng oras. Hindi naman kailangan ng magarbong pagdiriwang. Kahit maliit na salo-salo lamang at makapagpapaligaya na sa mga ina kung kasama ang kaniyang pamilya.
4. Tumulong sa gawaing-bahay
Hayaan muna nating mag-relaks si mother mula sa kanyang mga araw-araw na gawaing-bahay. Magkusang magwalis, maglaba, maghugas ng pinggan, magluto, mamalantsa, magpakain ng aso, etc. Deserve ni Nanay magpahinga at huwag alalahanin ang mga gawaing-bahay kahit ngayon man lang Mother’s Day (at pati na rin pag birthday niya).
5. I-treat si Mother dear
Hindi naman natin kailangang makipag-agawan ng reservation sa mga paboritong restaurant. Pwedeng mag-outing ang buong pamilya sa beach. Pwede ring mag-picnic sa malapit na park. O kung gipit sa budget ay kahit mag-take out ng paboritong cake ni Mommy. Ano mang treat yan, siguradong magdudulot ng tuwa sa iyong Ina.
Sa darating na Mother’s Day, at sa araw-araw, patuloy nating ipaalam sa ating mga ina na sila ay ating naaalala at patuloy natin silang pasalamatan sa lahat ng pag-aaruga at pagsasakripisyo nila para sa atin.
Discover more from The Pinoy Site
Subscribe to get the latest posts sent to your email.