Tag Archives: telenovela

Mga Bagay na Hindi ko Naiintindihan sa Pilipinas

Nung pinaplano ko pa lang gawin itong blog na ito ay medyo nag-alala ako na baka puro negative lang ang maisulat ko dito pero nagpapasalamat ako’t hindi nangyari iyon.

Pero dahil hindi masyadong maganda ang linggong ito para sa akin, nakapag-umpisa na akong mag-post ng negative na content (pagtataas ng Philhealth at pagnanakaw ng mga Pilipino sa isang Dutch tourist).

Naumpisahan ko na rin lang, sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito para tapusin ang week na ito sa isa pang negative content na blog post.

————————————————————————————

Bagama’t isa akong Pilipinong lumaki at nabuhay sa Pilipinas ng maraming maraming taon, may mga bagay pa ring hindi ko talaga maintindihan tungkol sa Pilipinas.

Narito ang 10 mga bagay na hindi ko naiintindihan sa Pilipinas (in no particular order).

1. Bakit galit na galit ang mga militanteng aktibista?
Ano ang naitutulong sa mga Pilipino at sa Pilipinas ng pagsusunog nila ng effigy, ng nililikha nilang traffic at ikinakalat nilang basura sa kalsada? Binu-bully tayo ng Tsina pero bakit hindi sila nagsusunog ng bandera ng Tsina o kaya ng picture ni Mao Tse Tung?

2. Bakit yung mga sumusunod sa batas ang pinapahirapan?
Isang magandang idea parati ng mga ahensya ng gobyerno ang: dagdagan ang buwis ng mga empleyado, dagdagan ang binabayaran ng mga OFW, dagdagan ang bayaran ng mga kumukuha ng business permit, dagdagan ang bayad sa airport, etc.

Pero kung tama ba yung pagma-manage sa pera ng mga ahensyang ito eh hindi yata masyadong napag-aaralan. Gaya ng balitang ito: 250,000 OFWs deprived of Philhealth benefits

Lalo lang nitong ine-encourage ang mga tao na maghanap ng loophole at lumabag sa mga ipinapatupad na batas ng pamahalaan. Bakit ‘di muna nila ayusin yung umiiral na sistema bago magpataw ng bagong pagkakagastusan sa mga tao?

3. Bakit may mga nagbubuga pa rin ng maitim na usok na sasakyan?
Kahit merong mga smoke belching tests sa LTO, marami pa ring nagkalat na nagbubuga ng nakakalason na usok sa kalsada. Paano nakakapasa sa test ang mga sasakyang ito?

Tapos dadagdagan nila yung taon ng pag-aaral ng mga estudyante para daw maging competitive tayo. Eh linisin lang natin yung hangin natin eh baka mag-improve ang IQ nating lahat sa Pilipinas eh!

4. Bakit merong “For Registration” na plate number?
Kung yung mga plate number na ngang totoo eh napepeke, ‘yun pa kayang “For Registration”? Eh kahit sino kayang gumawa nun eh.

Hindi ba napakadaling makatakas ng kahit sinong nakagawa ng krimen kung “for registration” ang plate number ng gagamitin nilang sasakyan? Ipagbawal na dapat ang paggamit nito eh. Kung hindi pa registered ang sasakyan, hindi ito dapat gamitin sa kalsada.

5. Bakit gustung gusto nating ginagaya ang ibang bansa?
Yung palabas nila sa tv, yung pananamit nila, yung kanta nila etc., patok na patok sa atin at kinokopya pa natin. Mangongopya na rin lang tayo eh di kopyahin na rin natin yung mga ugali nilang nagiging dahilan ng pag-unlad ng bansa nila. Gaya ng pagsunod sa batas at mahigpit na pagpapatupad dito.

6. Bakit mayaman ang Intsik sa bansa natin?
Bakit si Henry Sy ang pinakamayamang tao sa Pilipinas at hindi si Manny Pangilinan? Bakit hindi Pilipino ang mayayaman sa Pilipinas? Filipino citizen na ba si Henry Sy? Pwede na rin ba tayong maging proud para sa kanya?

7. Bakit masyadong sensitive ang mga Pilipino?
Kahit alam nating may bahid ng katotohan, makikipag-away, makikipaglabasan ng baho, makikipag-debate tayo sa mga negative na sinasabi sa atin.

Pero kahit maipamukha natin sa ibang bansa na mas reject ang bansa nila, hindi nun nababago yung masamang kalagayan ng peace and order, ekonomiya, edukasyon, kalusugan, kalinisan, government service, at iba pa sa bansa natin. Nananatili pa rin yung katotohan na kailangan pa rin ng malawakang improvement sa bansa natin.

8. Bakit may mga problema ang bansa na hindi sinu-solusyunan?
20 years ago, binabaha na yung mga kalsada sa lugar namin. Hanggang ngayon, binabaha pa din! Kapag may buni ka ba sa balat, hahayaan mo lang ito mawala? Hindi ba gagamutin mo ito?

Pero bakit yung gun related violence, hoodlums in uniform, hazing, election violence, maruming inuming tubig, trahedya pag may bagyo, street children at child labor, tagas ng water pipes, sirang mga kalsada, illegal recruiters, mga napuputulan ng daliri ‘pag bagong taon, tinatamaan ng ligaw na bala, kidnapping, carnapping, inefficient garbage disposal system, etc., etc., etc., ay hindi pa rin nagagawan ng pangmatagalang solusyon?

Mga sakit ng lipunan ito na hindi ginagamot.

9. Bakit nagkalat ang mga baril sa isang bansang marami ang nagugutom?
Sa’n nakakakuha ng baril ang mga criminal elements ng lipunan natin? Mas madali na lang ba talaga makakuha ng baril at bala ngayon kesa makahanap ng marangal na trabaho?

10. Bakit may mga Pilipinong galit kunyari sa mga telenovela?
Mumurahin pa nila at lalait-laitin ang mga writer at artista ng telenovela. Isusumpa nila sa kaitaas-taasang langit ang telenovela pero maaasahan mong araw-araw pa rin nila itong susundan at hindi palalagpasin para malaman kung ano ang mga susunod na pangyayari.

Nakaka-high blood. Pwede ba akong sumigaw?

sigaw ng galit

Okay na ‘ko…meron pa pala.

11. Bakit may mga Pilipinong hindi nagre-reklamo sa awtoridad?
Magrereklamo sila sa mga kaanak nila, kaibigan nila, sa mga ka-text nila, mga ka-facebook nila o kaya sa…blog nila! Pero hindi sila magrereklamo dun sa mga merong pwedeng magawa. Hay naku!

Advertisements