Tag Archives: paano ma-overcome ang math

Paano Makapasa sa Engineering Kahit Hindi Ka Genius

Sabi nila genius lang daw ang kumukuha ng engineering.
Sabi nila magagaling lang sa math ang nakakapasa sa engineering.
Sabi nila dapat analytical ka mag-isip para mag-survive sa engineering.

Isang malaking KALOKOHAN!

engineering math
first 2 years mo pa lang sa engineering, makakakita ka na ng ganito…

May kilala akong highschool student ilang dekada na ang nakakalipas. Average student lang s’ya. Okay ang mga grades n’ya sa maraming subjects maliban sa math. Tuwing lumalabas ang report cards, pinakamababang subject n’ya lagi ay math.

Weakness n’ya ang math. Bwisit na bwisit s’ya sa math.

Nung magtapos s’ya ng highshool, hulaan mo kung ano ang kinuha n’yang course sa college? Tama, engineering! Civil Engineering pa nga eh to be exact.

Naisip kasi n’ya nuon na ang Engineering ay hindi nalalaos na propesyon. At tama s’ya. Ang mga engineers, ano mang field sila nag-especialize ay hindi nawawala sa uso. Kahit saang bansa ay kinakailangan ang mga engineers.

Dahil nanggaling sa mahirap na pamilya, naisip ng estudyanteng ito na magandang investment para sa kanyang kinabukasan kung makakapagtapos s’ya ng engineering. Kaya kahit alam n’yang hindi s’ya nage-excel sa math, kumuha pa rin s’ya ng engineering at hinarap ang isa sa mga kinatatakutan n’ya sa buhay – ang subject na math!

Hindi kailangang maging genius, analytical mag-isip o maging magaling sa math para mag-survive sa engineering.

Narito ang ilang tips kung paano makapasa sa kursong Engineering.

  1. Don’t sweat the minor subjects. Huwag ipag-walang-bahala ang mga minor subject. Kahit na maliliit lang ang mga units nito, panghatak din ito ng overall grades. At kung sakaling maisipan mong lumipat ng course, at least make-credit pa ang mga ito at hindi mo na kelangang kunin ulit.
  2. Mag-advance study. Kung may kilala kang estudyante na ahead sa iyo ng one o two years, hiramin / hingin / bilhin mo yung mga luma n’yang notes at test papers. Pag-aralan mo yung mga major subjects (Trigonometry, Algebra, Calculus, Differential Equations, etc., etc.) ahead of time para may panahon ang utak mo na i-absorb ang mga mahihirap na bagay na bubunuin nito sa malapit na hinaharap.
  3. Mag-aral mag-isa. Importanteng mag-aral muna mag-isa para malaman mo kung ano ang mga bagay na hindi mo alam at dapat mong pagtuunan ng pansin. Subukan mong mag-set aside ng sapat na oras para tingnan ang iyong mga notes, sumagot ng mga practice problems at ilista ang mga hindi mo naiintindihan.
  4. Mag-group study. Importante ang group study dahil nakakapag-share kayo ng mga alam ninyo at hindi ninyo alam. Pwede kayong mag-set ng iyong mga kaibigan ng oras, araw at lugar kung saan maggu-group study.
  5. Practice solving as many problems as possible. Para sa mga mahihina sa math, hindi sapat ang isa o dalawang practice problems para masabing kabisado mo na ang formula o ang isang computation method. Kailangan mong sumagot ng sangkatutak na problema na may iba’t ibang kundisyon at sitwasyon bago ka maging confident na alam mo na nga gamitin ang nasabing mathematical formula.
  6. Kabisaduhing mabuti ang sariling calculator. Ang pagpili ng calculator ay parang pagpili ng mapapangasawa. Pakaisipin mo munang mabuti kung ano ang pipiliin mo dahil matagal kayong magsasama. At kapag nakapili ka na ng right calculator for you, see to it na makikilala mo ang lahat-lahat tungkol sa kanya. Alamin mong mabuti ang mga special functions n’ya, ang mga shortcuts, weaknesses and strengths. Pati yung mga secondary/tertiary button functions n’ya, alamin mo lahat as time passes. Commit to your calculator. Take good care of it. And it will not let you down.
  7. Durings tests, sagutin agad ang mga madaling problema. May mga nagpapayo na unahin muna daw ang mahihirap na questions sa mga test pero I never believed in that. Paramihan ng points ang test. Kaya para sa akin, answer as many problems as you can. Unahin muna ang mga madadali at tapusin ang mga ito as early as possible. Then, move on sa mga mahihirap at mabibigat na problema. Dun mo na ubusin ang oras mo. Hindi mo man matapos sagutin yung heavy problems, at least may points ka pa rin galing dun sa madadali.
  8. Kaibiganin ang mga henyo sa math. Tanggapin na natin na life is unfair. May mga gifted talaga sa math. Sila ang mga rockstar sa engineering. Pero don’t be bitter. Hindi naman komo lapitin sila ng mga magagandang kadalagahan o poging kalalakihan dahil magaling sila sa math eh wala na silang panahon sa ‘yo. Befriend them, be nice to them. Then, magtanong ka sa kanila paminsan-minsan tungkol sa mga hindi mo naiintindihan sa math.
  9. Unahin ang pag-aaral kesa sa anumang bagay. No need to explain. Gusto mong pumasa sa engineering nang walang bagsak? Bigyan mo ng mataas na priority ang pag-aaral at paghahanda para sa mga exams.
  10. Magdasal. Humingi ng talino, sipag, disiplina at pasensya sa ating Lumikha. Kahit mahina ka sa math, miracles can help you. Pero yung hindi ka mag-aaral at magdadasal ka na maipasa mo ang test, kahibangan yun on your part. Walang himalang mangyayari.

At sa habag at kabutihan ng ating Poong Lumikha, nag-graduate nga ang pobreng estudyante sa ating kuwento nang walang bagsak at minsan pa nga eh with flying colors. Yes, hindi rin n’ya kinailangang mangopya kapag merong test.

Hindi ko sasabihin na ako ang estudyanteng tinutukoy ko sa post na ito dahil ayokong amining mahina ako sa math.

Pero ang gusto ko lang sabihin ay hindi lang mathematical skills ang kailangan para magtagumpay sa math. Lalo na sa kursong kagaya ng engineering.

Hindi sapat na dahilan ang mahina ka sa math kaya igi-give-up mo na ang engineering course. Magagamit mo ang iba mong mga kakayahan at strong points para suportahan ang pag-aaral mo ng engineering. Medyo kailangan mo lang ng mas maraming oras para mag-aral kumpara sa mga gifted sa math.

Sa lahat ng nais maging engineer balang araw, hindi imposibleng mag-graduate sa engineering kahit na mahina ka sa math.

Marami ang kumukuha ng engineering, nagga-graduate, nakakapasa sa board exam at nakakahanap ng trabaho taun-taon kahit hindi magaling sa math.

Narito ang listahan ng grades na nagpapatunay sa aking mga sinasabi.

sample enginering grades
grades ng isang engineering student na mahina sa math…

Advertisements