Tag Archives: kulturang pinoy

BALIKBAYAN BOX: The Extreme Version

Narito ang isang lumang joke na pinagpasa-pasahan namin sa email nung hindi pa uso ang Facebook. Dumaan na ito sa iba’t ibang version pero makikita pa rin dito ang paglalarawan sa Balikbayan Culture ng mga Pilipino.

*************************************************************

Balikbayan Box
Author: Unknown

balikbayan box

Registered nurse si Maria sa States. Kasama niya ang kanyang ina na nagpagamot doon. Subalit namatay ang ina nito. Dahil sa kamahalan ng pamasahe pabalik sa Pilipinas, nagtipid si Maria. Pinauwi na lang niya ang kabaong ng kanyang ina na mag-isa.

Pagdating ng kabaong sa kanila, napansin ng mga kapamilya niya na tila namamaga ang mukha ng bangkay at nakadikit na ang mukha ng ina sa salamin ng ataul. Nagkomento tuloy ang isang anak, “Ay, naku! Tingnan mo ‘yan… hindi sila marunong mag-ayos ng bangkay sa Amerika!”

Upang ayusin ang itsura ng bangkay, binuksan nila ang kabaong. Napansin nila na may sulat sa dibdid ng ina. Kinuha nila ito at binasa. Ito ang nilalaman ng liham na nagmula kay Maria:

Mahal kong itay at mga kapatid,

Pasensya na kayo at hindi ko nasamahan ang inay sa pag-uwi riyan sa Pilipinas dahil napakamahal ng pamasahe.

Ang gastos ko pa lang sa kanya ay mahigit $10,000 na. Ayoko nang isipin pa ang eksaktong halaga. Anyway, ipinadala ko kasama ni inay ang mga sumusunod…

Nasa likod ni inay ang dalawampu’t apat na karne norte. Ang Adidas na suot ni inay ay para kay itay. Ang limang pares ng de-goma ay nasa loob ng dalawang asul na Jansport na backpack na inuunan ni inay. Tig-iisa kayo.

Ang iba’t-ibang klase ng tsokolate at candy ay nasa puwitan ni inay. Para sa mga bata ito. Bahala na kayong magparte-parte. Sana’y hindi matunaw ang mga ito. Ang pokemon stuffed toy na yapos-yapos ni inay ay para sa bunso ni ate. Gift ko sa first birthday ng bata.

Ang itim na Esprit bag ay para kay Nene. Ate, nasa loob ng bag ang pictures ni inay, original Japanese version ng pokemon trading cards at stickers.

Suot ni nanay ang tatlong Ralph Lauren, apat na Gap at dalawang Old Navy t-shirts. Ang isa ay para kay Kuya at tig-iisa ang mga pamangkin ko. Maisusuot ninyo ang mga iyan sa fiesta.

Suot din ni inay ang anim na panty hose at tatlong warmer para sa mga dalaga kong pamangkin. Isuot nyo sa party. May isang dosenang NBA caps sa may paanan ni inay. Para sa inyo, itay, kuya, dikong, Tiyo Romy. Bigyan nyo na rin ng tig-isa ‘yung mga pamangkin ko at ‘yong isa ay kay Pareng Tulume.

Ang tigda-dalawang pares ng Nike wristband at knee caps na suot-suot din ni inay ay para sa mga anak mo, dikong, na nagba-basketball.

Tigda-dalawang ream ng Marlboro green at Winston lights ang nasa pagitan ng mga hita ni nanay.

Apat na jar ng Skippy Peanut Butter, dalawang dishwashing liquid, isang Kiwi glass cleaner at tig-aanim na Colgate at Aqua Fresh ang nakasiksik sa kili-kili ni inay. Hati-hati na kayo, huwag mag-aagawan.

Isang dosenang Wonder bra na gustong-gusto ni Tiya Iska, suot-suot din ni inay. Alam kong inaasam-asam nyo ‘yan, tiya. Anim na lipstick lang ang kasya sa bra. Ang Rolex na bilin-bilin mo itay, suot-suot ni inay. Nakatakip sa Nike na wristband. Kunin mo agad, itay.

May isiniksik akong zip-loc sa bunganga ni inay na naglalaman ng 1000 dollars. Hindi na ako nakatakbo sa ATM. Puede na siguro sa libing iyon.

Iyong tong na makokolekta, i-time deposit niyo, Kuya, para pag namatay si itay may pambili na ng ataul. Ang hikaw, singsing at kuwintas (na may nakakabit pang anim na nail cutters) na gustong-gusto mo, ditse, ay suot suot din ni inay. Kunin mo na rin agad, ditse. Ibigay mo ang isang nail cutter kay Jay, yung bakla sa kanto.

Tanggalin niyo ang bulak sa ilong ng inay, may isiniksik ako 3 diyamante bawat butas. Ibangon niyo lang si inay at tiyak na malalaglag na ang mga iyon. Konting alog lang siguro ng ulo.

Isang Ray-Ban ladies sunglass na pa-birthday ko kay Ninang Berta, hindi ko na pinasuot kay inay. Isiniksik ko na lang sa may bandang ulunan ni inay. Nasa pink na plastik na maliit. Mga Chanel at Champion na medyas, suot suot din ni inay. Tig-iisa kayo, mga pamangkin ko.

Mga pampers, panty liners, cotton buds, cotton balls, table napkins at mga Scotch Brite na may foam ay natatakpan ng mga puting bath towels… Yon bale ang pinangkutson ko sa kabaong ni nanay. Marami-rami rin iyon. Parte-parte rin kayo. Marami pa akong ipinagsisiksik kung saan-saang parte gaya ng cafe, coffee creamer, ilang vienna sausage na delata, barbie dolls, toothbrush, paper cups, plastic spoons and forks, paper at styrofoam plates, perfume, cologne, ballpens, stationeries, envelopes, bar soaps, matchbox toys, used t-shirts, hand towels, CD, padlock, tools gaya ng screw driver, plais, long nose, atbp. na hindi ko na na-itemize dahil nagmamadali ako at graveyard shift ako ngayon.

Marami pa sana akong ilalagay, kaya lang baka mag-excess na ang timbang at si inay pa ang maiwan. Basta parte-parte kayo, itay, kuya, ate, dikong, ditse. Para sa inyo lahat ito. Bahala na kayo kay inay. Pamimisahan ko na lang siya rito. Balitaan ninyo na lang ako pagkatapos ng libing.

Paki-double check ang lista kung walang nawala sa mga ipinadala ko.

Nagmamahal,
Maria

P.S. Pakibihisan ninyo agad si Inay!

Advertisements

Ugaling Pinoy: Padala naman ako!

Tatak na ng mga Pinoy ang katangiang marunong makisama sa kapwa, lalu pa’t nasa ibang bansa tayo. Tayo-tayo na nga lang ang nandito diba, bakit hindi pa tayo magkakasundo at magtutulungan?

Problema lang dito, madalas naaabuso ang salitang pakikisama.

Isa sa mga paraan ng pang-aabuso ay yung pakiki-usap na magpadala ng mga pasalubong sa mga uuwing OFW.

pagpapadala sa mga kilala
dahil sa pakikisama, pumapayag ang maraming ofw na tumanggap ng mga pakiusap na padala…

Hindi ko maintindihan kung bakit marami sa ating mga kababayang OFW ang nagpapanting ang tainga kapag nakakarinig na isa sa kanilang mga kakilala ay uuwi ng Pilipinas para magbakasyon.

Excited sila. Mas excited sila kaysa dun sa uuwi. Excited silang magpadala ng pasalubong. Mas excited pa silang mamili ng pasalubong kaysa dun mismo sa uuwi. Hindi nila naiisip na kaya uuwi yung tao ay upang magbakasyon at hindi para maging LBC.

Dahil nakikisama yung tao, tatanggapin naman niya ang pakiusap na ito. Ang masaklap lang, maraming tao ang manhid. Pinagbigyan mo na nga, aabuso pa. Nakikipadala na nga lang, ilang kilo pa ang gusto nilang ipadala. Minsan naman, kahit napakalayo ng bahay nila sa Pinas kaysa dun sa uuwi ay ipipilit pa ding magpadala.

Ilan sa mga senaryo sa baba ay naging karanasan ng inyong lingkod:

Karanasan 1. (Feeling Close)

Nalaman ng aking (dating) katrabaho na itago na lang natin sa pangalang “Tita Mel”, na ako ay uuwi.

Tita Mel: Huy magbabakasyon ka pala? Kelan? Ano kayang pwede kong ipadala sa mga anak ko? Diba taga-Montalban ka? Malapit ka lang sa amin taga-Marikina lang kami eh.

Kaya lang, hindi ko masabing ayoko dahil sa mga sumusunod na dahilan:

Una. Malapit talaga ang Marikina sa amin kung titingnan mo ito sa mapa. Pero halos isang oras din minsan ang byahe kasama ang trapik.

Pangalawa. Hindi ko ma-gets kung bakit, originally wala naman pala siyang balak talagang ipadala. Nung nalaman niyang may uuwi, biglang mag-iisip siya ng ipapadala niya.

Pangatlo. Hindi kami close!

Pinagtaguan ko si Tita Mel at hindi na ako nagparamdam pa hanggang sa ako ay makaalis noon.

Karanasan 2. (BFF)

Dalawang taon bago makakauwi ang kaibigan ko kaya pumayag akong dalhin ang mga ipapadala niya sa akin.

Naintindihan ko naman ang sitwasyon niya, kaya kahit halos dalawang kilo ang bigat ng pinadala niya. Ayus lng kasi wala akong masyadong bagahe nung panahong iyon. At dahil taga-QC sila at taga-Montalban ako, nakipagkita ako sa nanay at kapatid niya sa SM Marikina. Masaya naman ako dahil binigyan nila ako ng isang kahong donut.

Ang mga dahilan kung bakit okay lang sa ‘kin ang magpaunlak sa ipinadala niya ay:

Una. College pa lang kami ay magkatropa na kami kaya magaan sa loob ko na dalhin ang mga gamit niya at kilala ko ang nanay niya.

Pangalawa. Napakabait niyang tao kaya talagang hindi ko magagawang siya ay tanggihan.

Pangatlo. Nung maiabot ko ang bagahe sa kapatid niya, nahiya siya bigla nung malaman niyang mabigat pala at nagsabi pa na bakit nang-abala pa ang ate niya (BFF ko) na magpadala ng sobrang bigat. At least, sensitibo sila di tulad nung ibang hindi marunong talagang mahiya.

Karanasan 3. (Ate Porcelana)

Ilang araw na lang noon ay babalik na ako ng Dubai at nung magbukas ako ng facebook ay biglang may nag-chat. Dali-dali ko naman itong binuksan. Akala ko kung ano. Si “Ate P” pala ang nag-PM sa akin.

Tinanong niya kung marami daw ba akong dala pabalik ng Dubai. Sabi ko wala naman dahil wala naman talaga. (Napaka-honest ko kasing tao ha ha) Hindi ko naisip agad na senyales na ito.

Nagpadala nga siya ng nasa dalawa o tatlong kilo ng mga sabon at lotion na pampaputi. Umorder daw kasi siya kaso mahal daw pa LBC no’n pa Dubai kaya kung pwede daw ay makisuyo na lang siya. So, hindi pa man ako pumapayag ay nag-assume na siya na dadalhin ko dahil nakabili na rin naman siya. Pina-LBC niya sa akin yung mga sabon niya at express pa ito para umabot sa amin dahil alam niyang malapit na ang flight ko. Mahigit sa dalawang libong piso ang ginastos nya para sa pampaputi.

Pinagalitan ako nila erpats kasi usong-uso daw yung mga makikipadala, lalo na ng sabon pero may drugs pala sa loob. Kinabahan ako. Kumakabog ang dibdib ko habang idinadaan sa scanner ang maleta ko. Baka dahil pa sa kagustuhan ng iba na pumuti ay makulong pa ako at masentensyahan.

Karanasan 4. (Ultra-kapalmuks)

Nauna ng isang linggo ang flight ko kaysa sa asawa ko nung bakasyon namin nung nakaraang taon. May kapitbahay kami dito sa Dubai na sa Pampanga nakatira ang pamilya. At dahil taga-Pampanga ang asawa ko ay nakisuyo siya.

Punong puno na yung maleta ng asawa ko pero halos dalawang bag pa ng mga tsinelas at damit ang gusto niyang isiksik. Binalik ng asawa ko kay “Kuya Kups” yung iba dahil baka ma-over baggage siya. Nakakahiya naman ng husto sa kanila kung kami ang magbabayad ng sobrang bagahe dahil sa dami ng ipinadala nila.

Nung araw ng flight ng asawa ko ay sumama si Kuya Kups sa airport dala ang isa pang bag ng mga gusto niyang ipadala. Baka daw kasi hindi pa over baggage eh magpapasiksik pa siya ng gamit.

Kalalapag pa lang ng asawa ko sa airport ay nag-PM na agad si Kuya Kups. Hiningi pa ang celfone number namin at walang patid sa pagtetext. Gusto niya pa na kinabukasan din ay ihatid na ang mga padala niya. Take note, taga-Angeles ang asawa ko at kailangan niya pang dumayo sa SM San Fernando para mag-deliver. Totoo namang malapit lang ang Angeles sa San Fernando eh, sa mapa.

Nung araw na makikipagkita ang asawa ko sa wifey ni Kuya Kups ay kinailangan niyang magpalit ng upahang sasakyan dahil luluwas siya ng Maynila kung kayat natagalan siya. Panay ang text ni “Ate Kups” dahil antagal niya na daw naghihintay at may ibang lakad pa siya.

Nung magkita na sila ni Ate Kups sa may parking sa SM San Fernando ay bumaba lang sa kaniyang sasakyan at kailangan pang ang asawa ko ang lumapit para lang iabot sa kanya ang mga tsinelas. Nagpasalamat naman siya kahit papaano sabay umalis. Ang imbyernables lang dito ay ilang linggo lang pagkatapos ng kakapalan na ito ay nagpadala naman ng balikbayan box si Kuya Kups sa Pilipinas.

Di ko talaga na-gets yung logic. Nakakaloka talaga yung mga ultra-kapalmuks at sigurado akong hindi lang ako ang nakaranas ng ganito.

Tatak Pinoy na yata ito. Sa dinami-dami naman ng pwedeng itatak sa atin, bakit ito pa?

Ano’ng Pakialam Natin kay Mikey Bustos?

Sino si Mikey Bustos? At ano ang papel na kanyang ginagampanan sa muling pagbibigay kulay sa kulturang Pinoy?

mikey bustos
mikey bustos: advertiser ng kulturang pilipino (facebook.com)

Una kong nakita si Mikey Bustos ilang taon na ang nakakaraan nang mapanood ko ang isa sa kanyang mga video tutorials ng kung anik anik gamit ang Pinoy Accent n’ya. Kako “isa na namang rich kid na walang magawa sa buhay at naghahanap ng atensyon.” Halos kasabayan lang kasi no’n ang pagkakapanood ko sa mga videos ni Petra Mahalimuyak na may Pinoy Accent din kuno pero ang totoo ay British Accent naman pala, si Mikey naman ay may Canadian accent. Hindi nagtagal ay parehas ko na nga silang nakita sa Bubble Gang, kako “hayun, nakakuha na ng atensyon.”

Naging ka-tropa ni Mikey sila Moymoy Palaboy at David Di Muzio at andaming mga video ng covers nila ang lumilitaw sa newsfeed ko na hindi ko pinanood dahil kako “nakakaumay na sa dami.”

Nung sikat na sikat din ang Gangnam Style ni Psy ay may ginawang parody si Mikey na “Opo Pinoy Style” at nasabi ko na “ang mga Pinoy talaga, gaya-gaya pa….nakiki-sakay sa kasikatan nung kanta para lang mag-trend. Ba’t di na lang gumawa ng sariling kanta?”

Kelan lang ay nakita ko ang parody n’ya ng Stay With Me ni Sam Smith na “Circumcising Me,” pinanood ko naman dahil, wala lang. “HD pa ang video ng mga walang magawang ‘to”.

Nung bumanat na si Mikey ng mataas na nota at mga falsetto, sabi ko “ay putek! Seryoso ba ‘to?” Hindi madaling kanta ang Stay With Me para mabigyan n’ya ito ng katarungan kaya kahit na tungkol sa pagtutuli ang lyrics ay hindi ko ito mapalalampas. Kako, “sino ba to? Ba’t ang galing kumanta?”

Kelan ko lang nalaman na nakapasok pala s’ya sa Top 8 ng Canadian Idol Season One at nabigyang linaw ang aking mga katanungan kung bakit mahusay s’yang umawit. Sinunod-sunod kong pinanood ang mga videos n’ya na madalas ay parody ng mga sikat na sikat na kanta tulad ng:

Adobo (Let It Go)

I Go To Palengke (All About the Bass)

I Love to Eat Balut (Anaconda)

Balikbayan Box (Wrecking Ball)

Napansin ko na puros patungkol sa kulturang Pinoy ang laman ng lyrics ng mga parody na ‘to. Pinanood ko pa ang kanta nila ni Bogart the Explorer na Halo-Halo na kung papakinggan mo ito ay masasabi mong world class ang dating. May kaibigan nga akong nag-comment na kala n’ya daw musika ni Pitbull.

So, ano naman ang kinalaman ng mga ito sa muling pagsigla ng kulturang Pinoy?

Yung mga parody ni Mikey, pati na ang mga tutorials n’ya ay pumapalo ng 400k likes dalawang araw lang matapos itong ma-upload na may followers na local Pinoys, Pinoys Abroad at Non-Pinoys, ay malaking bagay para sa atin.

Maraming mga Pinoy na laking abroad na hindi na halos alam kung ano ang ating kultura at ni hindi na nga nakakaintindi ng Tagalog kaya’t ang panonood ng mga videos ni Mikey ay malamang nagsisilbing daan para malaman man lang nila kung ano talaga ang kanilang pinanggalingan.

Marami ding porenjers na nagnanais bumisita sa ating bansa ang nakakapanood ng mga ito, na naa-amaze sa paraan ng pagkain ng balut, pagsawsaw ng pandesal sa kape  at kung anu-ano pa.

Nakakatuwa ding masalamin ang iyong sarili sa mga videos n’ya tulad na lang nung tutorial n’yang “the secret to looking gwapo” kung saan binanggit n’yang gumamit ng glutathione at ng concealer na 5 shades lighter than your skin tone tutal gustong-gusto naman nating pumuti.

Nakaaaliw para sa mga Pinoy na nasa ibang bansa na makita sa mga videos n’ya ang Divisoria, Rizal Park, palengke, jeep at tricycle, batis, barong-barong, manok pansabong at kung anu-ano pa lalo na kung matagal na nila itong hindi nakikita o napupuntahan.

Moderno, musical at nakakatawa ang approach ng mga tutorials n’ya pero informative s’ya kung atin talagang iintindihin. Maganda ang adhikain n’ya na ipaalam sa mundo ang Kulturang Pinoy at sa ginagawa n’yang effort sa mga videos n’ya na halos may full production number pa. Maituturing si Mikey na Ambassador of Filipino Culture dahil sa kanyang pagsisikap na ipaalam sa mundo kung ano ang meron sa ating kultura, na there’s more to the Philippines than just the fun.

***************************************************

Si aysabaw ay ang author ng blogsite na pinamagatang Aysabaw (Sabaw Man ay Nagkakalaman Din). Siya ay mataray, nakakatawa, smart at higit sa lahat, tunay na Pilipino sa puso at diwa.

Siya ang bago nating kabarkada dito sa The Pinoy Site kung saan ay babahaginan niya tayo ng kanyang “piece of mind” paminsan-minsan. Ayan, you have been warned na ha 😀

RP