Tag Archives: Kapampangan

Ako ay Laking Lungsod ng Angeles, Pampanga

Lokasyon ng Angeles sa Pampanga (wikipedia)

Sinasabi ng iba na ang aming lalawigan ang pinakamalayong i-byahe sa buong Pilipinas dahil ang itlog na dala mo mula sa iyong bayan ay magiging “ebun” pagdating sa amin. Ang kapampangan kasi ng itlog ay “ebun” na katunog ng “ibon”. Ang korni ano? Hindi ko inimbento ‘yan ha?

Ang lungsod ng Angeles ay matatagpuan humigit kumulang 90 kilometro hilaga ng Maynila.

Naging kilala dati ang aking lungsod bilang bagsakan ng mga PX goods, kuta ng mga sundalong Amerkano at pugad ng mga panggabing bahay aliwan.

Malaki na ang ipinagbago ng aking lungsod mula ng pumutok ang bulkang Pinatubo at tuluyang lisanin ng mga sundalong Amerkano ang kanilang base militar sa aming bayan. Dahil sa pangyayaring ito, natagpuan ng aming bayan ang mga bagong oportunidad para sa ibang uri ng hanapbuhay na hindi umaasa sa mga banyagang sundalo.

Ang aking lungsod ngayon ay mas marami ng maihahandog sa mga nais bumisita rito. Dayuhan man o kababayan ay pawang matatagpuan ang mga bagong karanasan na maihahandog ng aming bayan.

Nayong Pilipino Clark

Ilang mga sikat na pasyalang maaaring puntahan sa aming bayan ay matatagpuan sa loob ng Clark (ang dating base militar ng Amerika sa Pampanga) gaya ng: Nayong Pilipino, sanktuwaryo ng mga ibon, paligsahan ng mga makukulay na lobo (hot air balloon) na ginaganap taun-taon, ang mga resort, palaruan ng golf, piknikan, at kung mahilig ka sa sugal, meron ding Casino na matatagpuan sa loob ng Clark. Siyempre, meron ding mga mapapasyalan na wala sa loob ng Clark.

Matatagpuan sa aming bayan ang ilang mga sinaunang gusali na itinayo nuong panahon pa ng mga Kastila. Isa sa mga ito ay ang Mansyon ng mga Pamintuan kung saan nagsilbi itong Palasyo ng Pangulong Aguinaldo nang gawing sentro ng Pamahalaan ang lungsod ng Angeles nuong Mayo hanggang Hulyo 1899.

Lumang Mansyon ng mga Pamintuan (wikipedia)

Ang iba pang mga matatandang gusali ay ang Bale Herencia (ginawa: 1860), Camalig (ginawa:  1840), Bale Matua (ginawa: 1824) at ang isa mga pinakamatandang simbahang Katoliko sa Pilipinas, ang Simbahan ng Santo Rosario na ginawa mula nuong 1877 hanggang 1896.

Meron din kaming museo, ang Museo ng Angeles kung saan makikita ang mga lumang larawan, mga dayorama na naglalahad ng sinaunang buhay sa Pampanga at iba pang mga pagpapamalas (exhibit) tungkol sa kasaysayan ng Angeles.

Sisig – ang pinakamasarap na naimbentong luto sa kasaysayan ng tao (manila.com.hk)

Hindi tinaguriang Kapital ng Pagluluto sa Pilipinas ang aming lalawigan ng walang dahilan. Kaya nga maraming matatagpuang masasarap na kainan sa aming lungsod.

Gusto mo ba ng inihaw, pagkaing dagat o katutubong lutong Pilipino at Kapampangan? O ‘di naman kaya ay mga pagkaing Intsik, Koreyano, Mongolyan, Hapon, Amerkano, Italyano at iba pang putaheng banyaga? Kahit ano pa ang trip mong pagkain (basta totoong “pagkain” ha?), malamang meron kami n’yan.

Ang lungsod ng Angeles ay may sukat na 60.27 kilometrong parisukat. Halos 1/10 lang ito ng sukat ng buong Kamaynilaan. Bagamat maliit ito, matatagpuan sa aking bayan ang napakaraming mall gaya ng: Jenra Mall, Saver’s Mall, Nepo Mall, Marquee Mall, Robinson’s Mall at SM Clark. Hindi pa kasama dito ang mga duty free shop na matatagpuan sa loob ng dating base militar.

Hinding hindi mauubusan ng mabibilhan ang sinumang mamimili na dadayo sa amin.

Mga nagpipinetensya tuwing Mahal na Araw
(virtualtourist.com)

Makikita din sa aming bayan at sa kalakhan ng Pampanga yaong mga nagpapahirap sa kanilang mga sarili tuwing sumasapit ang Mahal na Araw. Kung tawagin sila ay mga nagpipinetensya.

Matagal na silang inaabisuhang ihinto ang tradisyong ito dahil sa mga masasamang epekto na maaaring idulot nito sa kanilang kalusugan. Subalit nakakatulong sila ng malaki sa turismo ng aming bayan at lalawigan kung kaya’t hindi ipinagbabawal ng batas ang tradisyong ito (parang sigarilyo, hanggang paalala lang).

Madalas dayuin ‘di lang ng mga karatig-bayan kundi pati ng mga dayuhan mula sa ibang bansa ang taunang pagpapahirap sa sarili na ito, ngunit sana nga ay mahinto na ang tradisyong ito balang araw dahil nagiging idolo sila ng ilang mga kabataan.

Marami pa ring mga dayuhan ang naglipana sa aming lungsod. Makikita sila sa palengke, sa mga kalsada, sa mga mall at kahit sa loob ng dyip. Hindi lang mga Amerkano ang dumadayo sa aming bayan ngayon kundi iba pang mga retiradong dayuhan na nais makapamuhay ng marangya sa kakaunting pensyon na tinatanggap nila mula sa pamahalaan ng bansang kanilang pinanggalingan.

Halimbawa ng isang Koreyano (ygfamily.com)

Dumami na rin ang mga Koreyanong naninirahan sa aming bayan. May mga ilan na panandalian lamang ang pananatili at meron din namang mga pangmatagalan.

Sa dami ng mga Koreyano ay nakagawa na sila ng sarili nilang komunidad sa aming bayan. Nakapagtayo na sila ng mga pamilihan, kainan, paaralan at pook sambahan sa napakaliit naming bayan. Marami sa mga kabataang Koreyano sa amin ay mga estudyanteng nag-aaral ng Inggles.

Malaki lalo ang potensyal ng aming bayan na umunlad ngayong maraming magagandang plano ang niluluto ng pamahalaan para sa Paliparan ng Diosdado Macapagal na nasa loob ng Clark.

Daan papuntang Clark

Ang pagpapabuti sa Paliparan ng Diosdado Macapagal ay maghahatid ng ibayong interes sa komersyo sa aming bayan na maghahatid ng bagong mga oportunidad sa negosyo at lilikha ng mga bagong trabaho na mag-aangat naman sa kaledad ng buhay ng mga mamamayan sa aming bayan. Plano pa lang lahat ‘yan subalit marami ang naghahangad na ang mga ito ay matupad.

may epal ang dating…

Hindi ko maikakaila na mayroon pa ring mga hindi kanais-nais na bagay sa aming bayan. May nangyayari ding krimen sa aming lungsod. Mayroon din kaming mga matatamaan ng anti-Epal bill kung sakaling maaprubahan ito sa Kongreso at sa Senado.

Mayroon din kaming mga pulubi, walang matirhan (homeless), iskwater, magagalitin na mga motorista, masungit na mga tindera, mabagal na daloy ng trapiko at iba pang maaaring magbigay ng hindi magandang karanasan sa iyong pagbisita sa aming bayan.

Ipinapaunawa ko lang na gaya ng pag-iingat na ginagawa mo sa iyong sariling bayan, gayon din dapat ang gawin mo ‘pag bumisita ka sa aming lungsod.

Natatawag minsang mayayabang at maiingay ang ilang mga kapampangan dahil meron talagang ilan na mukhang mayabang at maingay. Subalit huwag mo sana silang husgahan agad (biglang naging “sila”, ano?). Dahilan lamang ito sa kanilang pagiging likas na masiyahin at pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kung maka-engkwentro ka ng mga ganito, mahinahon mo lamang silang lapitan at tanungin habang nakangiti, “Mga Kapampangan kayo, ano?” (‘yun eh kung naghahanap ka lang naman ng away).

Halimbawa ng sikat na Kapampangan (onepocket.org)

Hindi rin kami nagpapahuli sa mga sikat kagaya nina Lea Salonga, Apl d Ap, Efren Bata Reyes, Donita Rose at Baron Geisler (sikat pa ba si Baron?). Marami pang ibang mga sikat na Angelenyo subalit tinatamad na akong mag-saliksik ng iba pa.

Napag-uusapan na din lang ang mga sikat na Kapampangan, mayroon lang akong gustong linawin na isang bagay. Si dating Pangulong Arroyo ay kongreswoman ng ika-2 distrito ng Pampanga. Hindi s’ya taga-Angeles at hindi bumoto ang mga taga-Angeles sa pagka-Kongreswoman ni Arroyo dahil magkaiba ang kinabibilangang distrito ng mga Angelenyo at ni Ginang Arroyo. Walang kinalaman ang mga mamamayan ng lungsod Angeles sa pagkaka-upong muli ng dating Pangulo sa kapangyarihan, okay? Pahingi ng plangganang may tubig at gusto kong maghugas ng kamay.

Malapit lang ang Angeles sa mga lalawigang may dagat at iba pang pook pasyalan kagaya ng Bundok Arayat, mga dagat ng Zambales at Pangasinan, Baguio, Olongapo, Maynila at ang bulkang Pinatubo.

Nang sumabog ang bulkan (wikipedia)

Isang ‘di ‘ko makakalimutang karanasan sa aking buhay sa Angeles ay ang pagputok ng bulkang Pinatubo. Pininsala nito ang napakaraming buhay, bahay, ari-arian at lupain. Subalit tinuruan ako nito kung paano lumaban para mabuhay (survival). Kung paanong mabuhay sa isang kalagayan na walang mabibiling pagkain, walang agarang maiinom na tubig at walang kuryenteng magagamit.

Anumang kahirapang dinanas ko sa buhay ay hindi maihahanlintulad sa karanasan ng aking pamilya habang sumasabog ang bulkan at pagkatapos nitong sumabog.

Paligid ng Nepo Mall: isa sa mga mataong lugar ng Angeles

Napakarami pang pagpapabuti ang magagawa sa aming bayan at hinahangad ko na balang araw ay makilala ito sa buong Pilipinas at maging sa buong daigdig hindi dahil sa mga bahay aliwan at sugalan kundi sa mga nakaka-aliw na karanasang naghihintay sa lahat ng miyembro ng pamilya (bata at matanda) na nais bumisita o manirahan dito.

Ito ang aking lungsod, ito ang tahanan ng aking mga magulang at ng aking mag-ina. Dito ako ipinanganak, dito ako nagtapos ng pag-aaral, dito ako nakahanap ng trabaho at malamang ay dito na rin ako sasapitin ng katandaan.

Habang isinusulat ko ito ay unti-unti kong napaniwala ang aking sarili na ang lungsod ng Angeles na marahil ang pinakamagandang lungsod na maaaring tirhan ng sinumang nilalang sa buong kalawakan (ipinapa-alala ko lang, hindi kami mayabang, may kumpiyansa lang).

*******************************************************************************

Ang sanaysay na ito ay buong kapal ng pagmumukha ko sanang ilalahok sa ika-apat na patimpalak ng Saranggola Blog Awards ngayong 2012. Subalit napakaraming personal na tanong pala ang dapat sagutin para makasali sa patimpalak na ito kaya’t kumambyo ako paatras. SBA Application Form

Sayang naman ang napakaraming araw (7) kong ginugol para dito kaya ipinost ko na din kahit na hindi ko na isinali sa contest 🙂

Maraming salamat sa mga nagbasa.

Advertisements