Huwag Matakot na Gumawa ng mga Pagbabago sa Buhay

Bilang mga tao, natural lamang na maging komportable tayo sa ating mga nakagawian na. Ang pag-adjust sa mga biglaang pagbabago na ibinubulaga ng buhay sa atin ay maaaring maging mahirap tanggapin o nakakatakot pa nga kung minsan.

Pero paano kung ikaw mismo ang kailangang gumawa ng mga pagbabago?

Gaya ng paborito nating sapatos na kumportable at matagal na nating gamit, minsan ay parang ang hirap nitong palitan kahit na sira na sila. Ganyan din sa buhay, minsan mas gusto pa natin mamalagi sa isang lugar kahit na alam nating kailangan na mag-move on. Nag-aalangan tayo sa pagdating ng panahon na kailangan na nating magpatupad ng mga pagbabago.

Pero hindi tayo dapat matakot na gumawa ng mga pagbabago sa buhay. Ang pagbabago ay parang metamorphosis. Mula sa pagiging uod, nagiging makulay itong paru-paru. Mula sa pamiminsala ng mga halaman ay nagiging tagapaghatid ito ng bagong buhay para sa mga bulaklak.

Hindi lang sa mga paru-paro, makikita natin sa kalikasan ang iba pang mga halimbawa ng pagbabago. Gaya ng pagpapalit ng mainit na panahon sa malamig na panahon sa ating bansa. Sa ibang bansa naman ay meron silang winter at spring. Mula sa malamig, ay magpapalit ang panahon nila sa pagsibol ng mga halaman at bulaklak.

May mga parte ba ng iyong buhay ang nangangailangan mo nang baguhin? Marahil ay may mga relasyon, kinagawian, o kaisipan na dapat mo nang palitan sa iyong buhay. Ang buhay, parang gardening din. Kailangan mong i-maintain dahil baka tubuan ng mga damo o pamahayan ng mga kung anu-anong nilalang sa lupa.

Nauunawaan ng bawat hardinero na para maalis ang isang problema sa kanyang hardin, dapat na unahing tugunan ang mga ugat o sanhi nito. Kung mababaw o pansamantala lamang ang solusyon na gagawin, siguradong babalik din agad ang problema.

Ganun din sa ating mental (o emotional) na garden, kailangang makita ang ugat ng mga problema para lubusang maabot ang potensyal para magtagumpay. Dapat nating tiyakin na walang mga damo—mga negatibong bagay—ang pumipigil sa ating pag-unlad.

Dito pumapasok ang pagbabago. Sinabi ni William James (isang American psychologist) na sa pamamagitan ng pagbabago ng ating saloobin at isipan, maaari nating muling hubugin ang mga panlabas na aspeto ng ating buhay.

Sa pamamagitan ng pagbabago ay nahuhubog at napapabuti natin ang ating buhay gaya halimbawa ng pagtanggal ng negativity o mga nakapipinsalang pananaw sa buhay.

Hindi ito isang bagay na magagawa natin sa loob ng 24 oras; hindi rin natin mapipilit na baguhin agad ang ating mga nakagawian na. Dapat tayong maging gentle sa ating sarili, unti-untiin ang pagpapapasok ng mga positibong pananaw para mapalitan ang mga negatibo.

Oo, ito ay nangangailangan ng pagsisikap at disiplina. Pero ipinaaalala sa atin ng Bibliya ang sumusunod na mga kataga.

Sapagka’t kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya

Kawikaan 23:7 Ang Dating Biblia (1905)

Ibig sabihin, nagiging totoo sa atin kung ano ang iniisip natin. Kapag pinasok ng negatibo ang isip natin, maging alerto tayo na palitan agad ito ng positibo.

Kung paanong ang mga dahon sa taglagas ay nalalaglag sa lupa para mapalitan ng mga bagong dahon, kailangan din nating sumailalim sa mga pagbabago para pasiglahin ang paglago ng ating mga katawan, kaluluwa, at espiritu. Change to be better!

Tunay nga na ang pagbabago ay hindi maiiwasan, pero hindi maikakaila na ito rin ay nakakatakot kung hindi man nakaka-stress. Pero paano natin haharapin ang hamon ng pagbabago?

Narito ang ilang mungkahi kung paano maghandang gumawa ng mga pagbabago sa buhay.

  • Magsimula sa isang klarong larawan ng kung ano ang gusto mong makamit. Ano ang iyong mga layunin at pangarap? Paano mo gustong umunlad bilang tao? Isulat ang mga ito sa papel o gadget at regular na basahin. Mag-set ng alarm sa iyong gadget kung kinakailangan ng reminder.
  • Tukuyin ang mga aspeto ng buhay na nangangailangang pagbutihin. Ano ang mga blangkong espasyo sa pagitan ng iyong kasalukuyang sitwasyon at ang iyong gustong marating? Anu-ano ang mga kakayahan, kaalaman, o ugali na kailangan mong paunlarin, tanggalin o palitan? Maging honest at makatotohanan sa iyong sarili (huwag mong lokohin ang iyong sarili).
  • Maghanda ng kongkretong action plan. Hatiin ang iyong mga goals at tasks sa mas maliliit, bite-size na mga hakbang. Magtakda ng mga deadline at milestones sa bawat hakbang. Magtalaga ng mga partikular na gawain at aktibidad na makakatulong sa iyong makamit ang mga ito. I-monitor ang iyong pag-unlad at ipagdiwang ang iyong mga nagawa (uminom ng mamahaling kape kung gusto mo, maliban na lang kung ang gusto mo palang baguhin ay ang madalas mong pagpunta sa mga coffee shop).
  • Humanap ng feedback o moral support. Hindi mo kailangang gawin ito nang mag-isa. Maghanap ng mga taong makakapagbigay sa iyo ng feedback, payo, o pampatibay-loob. Sumali sa isang komunidad ng mga taong kagaya mo na may gustong baguhin sa buhay. Matuto mula sa ibang tao na dumaan na sa tinatahak mo pa lang ngayon.
  • Maging flexible at matutong mag-adjust. Ang pagbabago ay hindi na nga madaling gawin pero may pagkakataon pa na may pipigil sa iyo na gawin ito. Maging handa at asahan na magkakaroon ng mga hamon, balakid, pagkontra, paglisya ng direksyon o mawalan ng ganang magpatuloy habang isinasakatuparan ang mga pagababago. Huwag matakot na ayusin ang iyong plano o subukan ang mga bagong strategy kung kinakailangan. Panatilihin ang isang bukas na isip at isang positibong saloobin.

References:



Categories: Motivational

Tags: , , , , , , , , , , ,

Leave a Reply

%d bloggers like this: