Tag Archives: malls sa pilipinas

Ganito Dapat ang Mall

Hungkag.
Walang kabuluhan.
Tigib ng siphayo at pighati.

Ganyan ang buhay kapag nawala ang mga mall sa Pilipinas. Saan na lang pupulutin si Henry Sy kung hindi naimbento ang mall?

At dahil mall ang pambansang tambayan ng Pinoy, narito ang mga upgrades na siguradong magpapasaya sa maraming Pilipinong suki ng mga mall.

SM_North_Edsa
SM North Edsa: Isa sa mga pinakamalaking mall sa buong daigdig (walang biro)

1. Libreng shuttle bus.
Nung uso pa ang mga Duty Free Malls sa Clark, Pampanga, merong mga free bus na bumibyahe mula sa Main Entrance ng Clark hanggang sa mga Duty Free Malls.

Pwedeng magtalaga ng free shuttle bus terminals ang mga mall 5 to 10 kilometers ang layo mula sa mall. Siguradong hahakot ito ng mga customer para sa kanila. Syempre tipid naman sa pamasahe ang mga parokyano.

2. Metal detecting doors para sa entrance (kagaya sa entrance ng mga airport)
Napakadali magpasok o maglabas ng mga armas sa loob ng mall. Tuwing may katatapos lang na disgrasya sila naghihigpit sa inspection sa entrance pero after 2 to 3 weeks lang eh katatamaran na naman ang inspection.

Para hindi na katamaran at patuloy pa rin ang inspection eh lagyan na lang dapat ng metal detecting doors ang mga entrance ng mall.

3. Maraming mauupuan para pagpahingahan
Nakakapagod ang maglakad ng matagal sa mall lalo na kung babae ang kasama mo. Kaya dapat lang na merong mga upuan sa loob ng mall para makapagpahinga yung mga customer habang nag-iisip kung ano ang magandang bilhin.

4. Libreng playground sa loob
Hindi ba okay sana kung hindi pabili ng pabili ng kung anu-ano ang ating mga anak dahil busy silang naglalaro sa playground habang tayo eh nagpapahinga at minamasdan sila? Pwedeng excuse ito sa mga tatay para huwag samahan ang nanay sa pagwi-window shopping.

Kapag family friendly ang mall, mas maraming pamilya ang mamamasyal dito.

5. Libreng stroller o push cart pambata
Ang mahal ng arkila sa mga stroller sa mall, umaabot yata ng 60 pesos kada oras. Dapat I-abolish na ang sistemang ito. Kasi hindi naman lahat kayang magbayad ng ganitong halaga para sa mga stroller kaya umuuwi na lang agad ang mga magulang na may bitbit na bata at pagod nang maglakad.

Hindi rin naman kasi lahat ay nagma-may-ari ng stroller at may sasakyan para dalhin ito sa mall. Kung may libreng stroller, mas matagal makakapag-malling ang mga magulang.

6. Baby room para sa mga nursing mothers
Para naman sa mga may bitbit na baby, dapat sana may lugar para sa mga kananayan o katatayan para asikasuhin ang kanilang little darling angel. Duon eh pwedeng magtimpla ng milk, magpadede o palitan ng diaper si baby.

7. Libreng wheelchair para sa mga elderly
Sayang din ang kikitain ng mga mall kung ini-neglect nila ang mga senior citizens. Kung may stroller ang mga batang napapagod sa paglalakad, dapat lang na may wheelchair din para sa mga senior citizen customers na hindi naman kaya ang maghapong pagwi-window shopping, este, pamimili pala.

8. Government agency offices (LTO, SSS, DFA, NBI, NSO, POEA, PhilHealth etc.)
Itambak na lang sana nila yung mga government offices sa mga mall para mas marami pang maging customer ang mga malls. Eh di habang naghihintay ang mga naglalakad ng papeles eh nakakapag-relax sila sa isang fastfood habang nanginginain ng piniritong patatas.

9. Medical Clinic sa loob ng mall
Paano kapag inatake sa puso ang isang customer sa loob ng mall o kaya ay merong biglang nag-tumbling sa escalator at nabagok ang ulo? Kung hihintayin pa s’yang madala sa ospital eh baka huli na ang lahat.

Dapat lang na merong clinic sa loob ng mall para sa ganitong mga emergency cases na kelangan magbigay ng first aid habang hinihintay ang ambulansya, o dyip, o tricycle na maghahatid sa ospital.

10. Libreng maiinom na tubig
Ang gastos kaya ng bumili ng bumili ng mineral water. Kung may libreng inumin na maiinom sa mall, pihadong mas dadagsa ang mga tao sa food court at imbes na ibili ng mineral water ang pera eh makakabili na rin ng makakain.

Sa mga nagbabalak magpatayo ng mall d’yan, hayan may idea na kayo para maka-angat sa ibang mga mall.

Advertisements