Tag Archives: first time ofw tips

Mga Importanteng Paalala sa Paghahanap ng Trabaho sa UAE

united arab emirates

Sobrang dami ng mga Pinoy sa UAE ngayon na naka-Tourist Visa at naghahanap ng trabaho.

At sa sobrang hirap makahanap ng trabaho dahil sa tindi ng kompetisyon, marami sa ating mga kababayan ang kumakagat sa kahit anong offer. Marami ang naniniwala sa mga matatamis na pangako ng mga employer na bandang huli ay hindi naisa-sakatuparan.

May dalawang bagay na dapat niyong pag-ingatan kung kayo ay kasalukuyang nasa UAE at nakikipag-sapalaran. Hindi dapat kagat lang ng kagat sa kung ano ang io-offer dahil mapapaso na ang Tourist Visa niyo.

Sobrang babang pasweldo.

Dahil alam ng mga employers na sobrang hirap maghanap ng trabaho, sinasamantala nila ito. Alam nilang papayag sa kahit magkano na lang ang mga Pinoy wag lang hindi makahanap ng trabaho.

Maraming mga Pinoy ang pumipirma sa kontrata kahit AED 1,800 lang ang sweldo kasama na lahat-lahat dahil sa takot na hindi na makatanggap pa ng ibang offer. (Note: AED 1 is about 13 Php as of Jan. 2016)

Pinakamura na ang AED 650 na bedspace dito sa UAE. Mamamasahe ka pa at siyempre kakain at magpapadala. Ano’ng mapapala mo kung tatanggapin mo ang ganyan kababang offer lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng cost of living sa UAE at bali-balita’y magkakaroon na rin daw ng VAT sa hindi malayong hinaharap?

Mga kumpanyang manggagamit pero hindi ka iha-hire.

May tinatawag na short-term at long-term na Tourist Visa dito sa Dubai.

  • Short-term Visa = 1 Month Validity
  • Long-term Visa = 3 Months Validity

Maraming kumukuha ng long-term visa dahil alam nilang hindi sila agad makakakuha ng trabaho sa loob lamang ng isang buwan.

Pero may mag siniswerte rin na kahit isang buwan pa lang silang nakikipagsapalaran ay nakakakuha agad sila ng trabaho. Ang problema, hindi lahat ng offer ay totoo.

May mga kumpanyang sasabihin sa iyo na mag-training ka muna o magkaroon muna kayo ng trial para makita nila kung magaling ka nga talaga at kung magugustuhan ka nila. Pag sinabi nilang 3 days trial, fair enough. Pero pag sinabihan ka na two weeks ang trial mo, kesyo may sweldo iyan o wala, magduda ka na.

Maraming mga naniwala at pumasok ng dalawang linggo na trial at matapos ang lahat ng kaniyang paghihirap ay sinabihan ng employer na hindi siya kukunin dahil hindi daw siya pasado sa kanilang standards. Dalawang linggo ang nawala sa kaniya na sana ay nagamit niya sa paghahanap ng ibang trabaho.

May kumpanya naman na sasabihan kang saka na lang daw ipo-process ang visa mo. Kapag malapit na mapaso ang current Tourist Visa mo. Kesyo sayang naman daw. Papapasukin ka nila kahit wala ka pang work permit (at bawal ito) at maswerte kung makakatanggap ng sweldo. Yung iba, sinasabihang saka lang sila makakasweldo kapag may visa na sila. Pero wala kang habol dito. Dahil wala kang work permit o visa ay hindi ka maaaring lumapit sa Labor para magreklamo at kayang-kaya ka nilang itanggi.

Sa kasamaang palad, yung iba, hindi na nga nakatanggap ng sweldo, napaso pa ang visa at bandang huli ay hindi rin na-visahan ng employer.

Kaya po para sa mga kababayan nating nasa UAE na kasalukuyang naghahanap ng trabaho, pakatandaan na:

  1. Huwag papayag sa sweldong ibinibigay kung alam niyong hindi makatarungan
  2. Huwag papayag na gamitin ng kumpanya ang inyong Tourist visa. Siguraduhing may work permit o visa bago ka pumasok; o kahit man lang umpisahan na ang pag-process dito.
  3. Huwag papasok hangga’t wala pa kayong napipirmahang offer letter o kontrata. Kailangang may pirma ng HR Manager o kahit sinong Manager ang offer letter niyo at kailangan may kopya kayo.

Maging wise po tayo sa pagtanggap ng trabaho. Oo, mahirap maghanap ng trabaho pero mas mahirap ang pumasok sa trabahong habang panahon mong pagdudusahan.

Advertisements

Mga Bagay na Dapat Asahan sa Pagiging OFW (Part 1/3)

Gusto mo bang maging OFW?

Marami na sa mga kababayan natin ang nakipagsapalaran sa ibang bansa at ine-encourage pa nga ito ng ating pamahalaan. Bayani pa sila kung tagurian.

Hindi ako naniniwala sa mga nagsasabing wala kang pagmamahal sa bayan mo kapag nangibang bansa ka. Mas marami pang pakinabang ang Pilipinas sa mga OFW kumpara sa mga tiwaling government officials ng bansa natin.

Tinatayang mayroong 2.2 milyong dokumentadong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa ayon sa 2011 Statistics ng NSO. Bukod pa d’yan ang bilang ng mga manggagawang hindi dokumentado na naninilbihan din sa ibayong dagat. Hindi rin kasama sa bilang yung mga Pilipinong nagpapalit na ng citizenship.

OFW icon
nakakatulong ba talaga sa bansa ang pagdami ng mga OFW?
(logo na kalat-kalat sa facebook)

Ang remittances at compulsory fees na ipinapatupad sa mga OFW ay isang major driving force sa pagpapalago ng ekonomiya ng ating bansa. Pangalawa sa export industry, ang remittance ng mga OFW ang malaking pinagkukunan ng foreign reserves ng Pilipinas.

Related Article: OFW’s Become Economic Heroes

Pero bago ka magtungo sa pinakamalapit na recruiting agency, gusto ko muna ibahagi ang mga dapat mong asahan sa pagsuong sa buhay OFW.

Maraming mga tao ang nag-iisip na ang pagiging OFW ang susi sa pagtakas sa kahirapan at kapag naging OFW ka eh sigurado na ang pera at solve na lahat ang iyong problema.

Breaking news…Hindi lang tungkol sa pera ang pagiging OFW

Kung interesado kang maging OFW, or first time kang OFW, heto ang mga bagay na dapat mong malaman.

Mga Bagay na Dapat Asahan sa Pagiging OFW

1. Kalayaan

Isa sa mga perks ng pagiging OFW ay ang maging malayang gawin ang lahat ng bagay. Kapag nangibang-bansa ka para magtrabaho, wala nang magbabawal sa iyo kung anong oras ka dapat matulog, kumain, maligo, umuwi ng bahay, gawin ang ganito at ganyan, at kung anu-ano pa.

Ikaw na ang bahala kung kelan mo gagawin ang mga dapat mong gawin sa personal mong buhay basta hindi ito makaka-apekto sa iyong trabaho.

Ang masama lang sa bagay na ito ay magiging malapit ka sa tukso. May laya ka nang gumawa ng mga bagay na hinding-hindi mo gagawin sa Pilipinas. Kung first time kang OFW, walang nakakakilala sa iyo sa ibang bansa. Walang nakaka-alam dun na anak ka ng isang Pastor o dati kang youth leader sa iyong pamayanan. Walang babatikos sa iyo kung sasalungatin mo man ang lahat ng nakagisnan mong ugali sa Pilipinas.

Ang kalayaan ay parang kutsilyo, maaari mo itong gamitin para sa mga produktibong bagay. Pwede mo rin itong magamit para saktan ang iyong sarili.

2. Independence

Gaya ng pagiging malaya, ang pagiging independent ay may positive at negative side. Positive kasi mas marami ka nang pagkakataon magdesisyon para sa iyong sarili kapag nangibang-bansa ka.

Matututunan mo na rin gawin ang maraming bagay na ibang tao ang gumagawa para sa iyo. At dahilan sa bagay na iyon, mararamdaman mo ang negative effect ng pagiging independent. Ikaw na ang dapat gumawa ng lahat ng bagay para sa sarili mo.

Ikaw ang magma-manage sa lahat aspeto ng buhay mo: pamimili, paglilinis, pamamalengke, pagkain, pagsasa-ayos ng iyong oras, pagkumpuni ng mga sirang bagay. Lahat ‘yan ay dapat mong asikasuhin mag-isa. Dahil d’yan ay kakailanganin mo ng bagay na kinamumuhian ng lahat…disiplina.

Pero kung may experience ka na dating mahiwalay sa iyong pamilya at mabuhay mag-isa, malaking tulong iyon sa pagiging OFW.

Itutuloy…