Tag Archives: buhay sa middle-east

Pagpapadala sa Kapwa OFW

Narito po ang isang article mula sa isa nating reader na OFW. Isang paalala sa mga nakikisuyo ng padala.

*********************************************************

Author Name: Alex  from Saudi
Website: http://alex-insights.blogspot.com/

Bilang isang manggagawang nangingibang-bansa, naranasan ko rin ang maki-padala sa mga nagbabalik-bayang kaibigan. Iyun yung panahong hindi pa ako nakakaranas na magbakasyon at nung nasa ikalawa at ikatlong taon ko pa lang bilang isang Pilipinong Manggagawa na nasa Ibayong-Dagat (OFW). Dahil ang totoo nito ay iba ang hatid na saya ng pagpapadala ng kahit maliit na bagay lang dahil alam mong matutuwa sa iyong ibibigay ang iyong pamilya na nasa Pilipinas.

At bilang isang bakasyonistang OFW, naranasan ko rin ang magdala ng mga ipinapadala para sa pamilya ng nasa ibang bansa. Tanawan lang naman ng utang ng loob. Kung ikaw ay nakisuyo nuon na makidala ng kung anuman para sa iyong pamilya, bilang pagganti ay dapat lamang na ikaw ay makisama din na tanggapin kung may ipinapakisuap na padala ang iyong kasamahan.

Tama na sa akin ang maranasan ang makisuyo na makapagpadala ng dalawa o tatlong beses at itinigil ko na ito bago ko pa ito makaugalian. Dahil nakita ko ang mga bagay na nangyayari sa pagpapadala at naunawaan ko kung paano ang nagiging kalagayan ng mga tao na ating pinakiki-usapang maghatid ng ating mga ipinapadala.

May panahon na dahil kailangan kong tumanaw ng utang ng loob at makisama ay ang mga sarili kong bagahe mismo ang binabawasan ko upang hindi ako lumampas sa tamang timbang ng bagahe. Mula sa naka-ayos nang mga gamit ko ay kailangan kong alisin ang ilan upang magkasya sa lalagyan ang mga ipinapadala ng ibang tao.

Kailangan kong gawin iyon dahil nung mga panahon na ako ang nakikiusap ay pinagbibigyan nila ako, kaya ngayong ako naman ang napunta sa kaparehong lagay nila ay kailangang pagbigyan ko rin sila. Kaya isa sa aking natutunan ay ayoko ng makadagdag pa sa bagahe ng magbabakasyong OFW kung kaya iniwasan ko na ang magpadala.

Iniwasan ko na ang makisuyo ng padala dahil ayokong makaabala. Kadalasan at karaniwan, ang isang bakasyonistang OFW ay minsan lamang sa isang taon kung makapagbakasyon na tumatagal lamang ng tatlumpu’t isang araw. Kailangang maghabol na masulit ang mga araw sa pamilya dahil sa dami ng panahon, pagkakataon at mahahalagang pangyayari na hindi naranasan kasama ang kanyang pamilya ay kulang na kulang ang 31 araw upang mabawi ang mga nagdaan.

Kaya hangga’t maaari ay ipaubaya na lamang natin sa bakasyonistang OFW ang mga araw na ito sa kanyang pamilya, kamag-anak at kaibigan. Mahalaga ang bawat araw, ang bawat sandali ay ginto ngunit nababawasan ito sa pag-aasikaso ng balik-bayang OFW na maihatid ang mga ipinadalang gamit ng mga kasama sa kani-kanilang pamilya.

Ang paghahatid ng padala ay responsibilidad. Pananagutan ito na iniatang sa kanya na mapasakamay ng mga kinauukulan. Obligasyong maibigay ang kasiyahan ng nakikipadala papunta sa pupuntahan, kung minsan ay mayroon pa ngang araw na kailangang makarating. At alalahaning maibigay nang walang magiging aberya mula sa paglabas pa lamang ng bansang pinagtratrabahuhan hanggang sa makapasok sa sariling bansa. Ayokong bigyan ko pa ng obligasyon ang mga magbabakasyon.

Kung lagi mo rin lamang gusto na padalan ang iyong mga mahal sa buhay sa tuwing may mga kakilala kang magbabalik-bayan ay bakit hindi ka na lang magpa-cargo isang beses sa isang taon?

Alalahanin sana natin ang abala at alalahanin ang mga taong pinakisusuyuan natin mapa-pauwi at pabalik ay nakikipadala pa rin tayo.

Sa karanasan ko bilang isang OFW sa Gitnang Silangan ay mahirap at nakaka-kaba ang magdala ng mga ipinapadala ng ibang tao. Upang makaiwas sa anumang problema, may mga pagkakataon na kailangan ko pang magbayad sa mga “marunong” upang ipasuri ang isang bagay na dadalhin ko papasok sa napakahigpit na bansa.

Oo, naroon ang pagtitiwala sa kasama ngunit hindi mo maiiwasan ang matakot na paano kung, sadya man o nagkataon o nagbiruan lang, na mayroong kontrabando sa ipinadala na maaaring buhay mo ang maging katumbas?

Nakakatakot, sana ay maunawaan ito ng mga nakikipadala lalong-lalo na iyung mga pabalik sa bansang ating pinagtratrabahuhan.

immigration naia 1 arrival
maraming umuuwing OFW ang may bitbit na bagahe ng iba…
Advertisements

Ugaling Pinoy: Padala naman ako!

Tatak na ng mga Pinoy ang katangiang marunong makisama sa kapwa, lalu pa’t nasa ibang bansa tayo. Tayo-tayo na nga lang ang nandito diba, bakit hindi pa tayo magkakasundo at magtutulungan?

Problema lang dito, madalas naaabuso ang salitang pakikisama.

Isa sa mga paraan ng pang-aabuso ay yung pakiki-usap na magpadala ng mga pasalubong sa mga uuwing OFW.

pagpapadala sa mga kilala
dahil sa pakikisama, pumapayag ang maraming ofw na tumanggap ng mga pakiusap na padala…

Hindi ko maintindihan kung bakit marami sa ating mga kababayang OFW ang nagpapanting ang tainga kapag nakakarinig na isa sa kanilang mga kakilala ay uuwi ng Pilipinas para magbakasyon.

Excited sila. Mas excited sila kaysa dun sa uuwi. Excited silang magpadala ng pasalubong. Mas excited pa silang mamili ng pasalubong kaysa dun mismo sa uuwi. Hindi nila naiisip na kaya uuwi yung tao ay upang magbakasyon at hindi para maging LBC.

Dahil nakikisama yung tao, tatanggapin naman niya ang pakiusap na ito. Ang masaklap lang, maraming tao ang manhid. Pinagbigyan mo na nga, aabuso pa. Nakikipadala na nga lang, ilang kilo pa ang gusto nilang ipadala. Minsan naman, kahit napakalayo ng bahay nila sa Pinas kaysa dun sa uuwi ay ipipilit pa ding magpadala.

Ilan sa mga senaryo sa baba ay naging karanasan ng inyong lingkod:

Karanasan 1. (Feeling Close)

Nalaman ng aking (dating) katrabaho na itago na lang natin sa pangalang “Tita Mel”, na ako ay uuwi.

Tita Mel: Huy magbabakasyon ka pala? Kelan? Ano kayang pwede kong ipadala sa mga anak ko? Diba taga-Montalban ka? Malapit ka lang sa amin taga-Marikina lang kami eh.

Kaya lang, hindi ko masabing ayoko dahil sa mga sumusunod na dahilan:

Una. Malapit talaga ang Marikina sa amin kung titingnan mo ito sa mapa. Pero halos isang oras din minsan ang byahe kasama ang trapik.

Pangalawa. Hindi ko ma-gets kung bakit, originally wala naman pala siyang balak talagang ipadala. Nung nalaman niyang may uuwi, biglang mag-iisip siya ng ipapadala niya.

Pangatlo. Hindi kami close!

Pinagtaguan ko si Tita Mel at hindi na ako nagparamdam pa hanggang sa ako ay makaalis noon.

Karanasan 2. (BFF)

Dalawang taon bago makakauwi ang kaibigan ko kaya pumayag akong dalhin ang mga ipapadala niya sa akin.

Naintindihan ko naman ang sitwasyon niya, kaya kahit halos dalawang kilo ang bigat ng pinadala niya. Ayus lng kasi wala akong masyadong bagahe nung panahong iyon. At dahil taga-QC sila at taga-Montalban ako, nakipagkita ako sa nanay at kapatid niya sa SM Marikina. Masaya naman ako dahil binigyan nila ako ng isang kahong donut.

Ang mga dahilan kung bakit okay lang sa ‘kin ang magpaunlak sa ipinadala niya ay:

Una. College pa lang kami ay magkatropa na kami kaya magaan sa loob ko na dalhin ang mga gamit niya at kilala ko ang nanay niya.

Pangalawa. Napakabait niyang tao kaya talagang hindi ko magagawang siya ay tanggihan.

Pangatlo. Nung maiabot ko ang bagahe sa kapatid niya, nahiya siya bigla nung malaman niyang mabigat pala at nagsabi pa na bakit nang-abala pa ang ate niya (BFF ko) na magpadala ng sobrang bigat. At least, sensitibo sila di tulad nung ibang hindi marunong talagang mahiya.

Karanasan 3. (Ate Porcelana)

Ilang araw na lang noon ay babalik na ako ng Dubai at nung magbukas ako ng facebook ay biglang may nag-chat. Dali-dali ko naman itong binuksan. Akala ko kung ano. Si “Ate P” pala ang nag-PM sa akin.

Tinanong niya kung marami daw ba akong dala pabalik ng Dubai. Sabi ko wala naman dahil wala naman talaga. (Napaka-honest ko kasing tao ha ha) Hindi ko naisip agad na senyales na ito.

Nagpadala nga siya ng nasa dalawa o tatlong kilo ng mga sabon at lotion na pampaputi. Umorder daw kasi siya kaso mahal daw pa LBC no’n pa Dubai kaya kung pwede daw ay makisuyo na lang siya. So, hindi pa man ako pumapayag ay nag-assume na siya na dadalhin ko dahil nakabili na rin naman siya. Pina-LBC niya sa akin yung mga sabon niya at express pa ito para umabot sa amin dahil alam niyang malapit na ang flight ko. Mahigit sa dalawang libong piso ang ginastos nya para sa pampaputi.

Pinagalitan ako nila erpats kasi usong-uso daw yung mga makikipadala, lalo na ng sabon pero may drugs pala sa loob. Kinabahan ako. Kumakabog ang dibdib ko habang idinadaan sa scanner ang maleta ko. Baka dahil pa sa kagustuhan ng iba na pumuti ay makulong pa ako at masentensyahan.

Karanasan 4. (Ultra-kapalmuks)

Nauna ng isang linggo ang flight ko kaysa sa asawa ko nung bakasyon namin nung nakaraang taon. May kapitbahay kami dito sa Dubai na sa Pampanga nakatira ang pamilya. At dahil taga-Pampanga ang asawa ko ay nakisuyo siya.

Punong puno na yung maleta ng asawa ko pero halos dalawang bag pa ng mga tsinelas at damit ang gusto niyang isiksik. Binalik ng asawa ko kay “Kuya Kups” yung iba dahil baka ma-over baggage siya. Nakakahiya naman ng husto sa kanila kung kami ang magbabayad ng sobrang bagahe dahil sa dami ng ipinadala nila.

Nung araw ng flight ng asawa ko ay sumama si Kuya Kups sa airport dala ang isa pang bag ng mga gusto niyang ipadala. Baka daw kasi hindi pa over baggage eh magpapasiksik pa siya ng gamit.

Kalalapag pa lang ng asawa ko sa airport ay nag-PM na agad si Kuya Kups. Hiningi pa ang celfone number namin at walang patid sa pagtetext. Gusto niya pa na kinabukasan din ay ihatid na ang mga padala niya. Take note, taga-Angeles ang asawa ko at kailangan niya pang dumayo sa SM San Fernando para mag-deliver. Totoo namang malapit lang ang Angeles sa San Fernando eh, sa mapa.

Nung araw na makikipagkita ang asawa ko sa wifey ni Kuya Kups ay kinailangan niyang magpalit ng upahang sasakyan dahil luluwas siya ng Maynila kung kayat natagalan siya. Panay ang text ni “Ate Kups” dahil antagal niya na daw naghihintay at may ibang lakad pa siya.

Nung magkita na sila ni Ate Kups sa may parking sa SM San Fernando ay bumaba lang sa kaniyang sasakyan at kailangan pang ang asawa ko ang lumapit para lang iabot sa kanya ang mga tsinelas. Nagpasalamat naman siya kahit papaano sabay umalis. Ang imbyernables lang dito ay ilang linggo lang pagkatapos ng kakapalan na ito ay nagpadala naman ng balikbayan box si Kuya Kups sa Pilipinas.

Di ko talaga na-gets yung logic. Nakakaloka talaga yung mga ultra-kapalmuks at sigurado akong hindi lang ako ang nakaranas ng ganito.

Tatak Pinoy na yata ito. Sa dinami-dami naman ng pwedeng itatak sa atin, bakit ito pa?