Naaalala ko pa nung nag-aaral ako (lalo na nung grade-school), gustung-gusto ko ang Christmas parties. Lalo na kung makaka-partner ko sa games yung crush ko. Ang saya-saya. Ire-replay ko pa sa isip ko yung mga event nung Christmas party for the following days. Pero mula nung nag-College at ngayong nagta-trabaho na ako, wala na akong gana sa mga Christmas Parties. Para sa akin, no more Christmas parties, perahin na lang 😀

Sa tingin ko makaka-relate din naman yung iba, lalo na yung mga organizers ng Christmas party. Habang papalapit ang kapaskuhan, naii-stress ang mga kumpanya dito sa Pilipinas sa taunang pagpaplano ng Christmas party para sa kanilang mga empleyado.
At kahit mag-todo effort ka pa sa pag-organize, may magre-reklamo at may magre-reklamo pa rin sa inihanda mong party! Kulang sa prizes, merong mga hindi nanalo, hindi masarap yung pagkain, masyadong mahaba yung program, masyadong maikli yung program, magulo yung host, seryoso yung host. Daming reklamo!
Matutuwa lang naman yung mga uma-attend ng Christmas party kung may mapapala sila. At dapat mas bongga yung makuha nila kumpara sa iba para talagang matuwa sila. Naiinis naman yung ibang hindi makakakuha ng mas bongga sa iba. Stressed yung mga organizers, stressed pa rin yung mga attendees!
Solusyon? Tama na yang mga Christmas Party! PERAHIN na lang!
Maikli ang buhay. Huwag aksayahin ang oras sa mga bagay na nagdudulot lang ng stress sa maraming tao. Ipamudmod na lang ang budget sa lahat nang pantay-pantay!
Ito ang pinakamagandang paraan para magsaya ngayong Pasko. Hindi na kinakailangang magplano, mag-organize o mag-practice ng performance kapag lunch break. At para na rin maiwasan ang makihalubilo sa mga katrabaho mong hindi mo kilala o hindi mo gustong makasama, tanggalin na dapat ang Christmas parties sa mga kumpanya.
Narito ang mga benefits kung tatanggalin na ang Christmas parties at bibigyan na lang ang lahat ng cash:
- Iwas sa Stress ng Paghahanda ng Christmas Party:
Kalimutan na ang mga madugong mga linggo ng pagpaplano, pag-organize, at brain storming. Sa halip, gawin nating magaan ang buhay kung hahati-hatiin na lang ang budget para sa Christmas party, game prizes, pa-raffle, grocery basket, etc., sa lahat ng mga empleyado. Pantay-pantay, walang agrabyado, walang maninisi sa kamalasan o suwerte at makakapagtrabaho pa ang lahat nang maayos. Productive, simple at stress-free. - Matatakasan ang mga Nakakahiyang Experience dulot ng Office Party Programs:
Paalam na sa mga nakakahiyang dance contests, skits, karaoke renditions, at awkward parlor games na nagdudulot ng mga bangungot sa ating mga alaala. Dala ang cash sa bulsa (o sobre), maaari tayong mamuhay na buo ang dignidad at stable na mental health. - Maiiwasan ang mga Toxic na Ka-opisina:
Boss man yun o ka-level mong empleyado, mahirap talaga magpanggap na welcome sa ‘yo ang toxic na tao. Mas maganda pang mag-binge watch na lang ng streaming movies sa bahay nang mag-isa kesa makipag-plastikan sa party buong gabi. Kung cash ang ibibigay, pwedeng kayu-kayo na lang mga kaibigan mo ang mag-setup ng Christmas party. - Wala Nang Depression Dulot ng Raffles o Contests:
Paalam na sa mga competitive na party games, kung saan ang pagkapanalo ng oven toaster ay nagiging dahilan ng pagiging beast mode ng mga tao. Wala na rin yung isinusumpa mo yung araw na ipinanganak ka dahil hindi mo nabunot sa raffle yung washing machine dahil electric fan lang ang napanalunan mo. Sa parehong halaga ng cash para sa lahat, hindi na kailangang masaktan ang iyong ego pagkatapos matalo sa “Trip to Jerusalem” contest. Tutal, yung pinagpalang ka-opisina nyo lang din naman ulit ang mananalo ng major prize. Kagaya nung mga nakalipas na Christmas parties. - Additional Christmas Funds:
Siguradong marami ang matutuwa sa dagdag na cash lalo na sa panahon ngayong mataas ang inflation at marami ang gastusin. Plus, baka mabili na rin ng ilan sa mga empleyado yung appliances na matagal na nilang gustong makuha. More cash, more buying power, more dignity.
Kaya ayan, ang pinakamagandang solusyon sa taunang Christmas party dilemma. Dahil hindi natin kailangan ng additional stress sa araw ng kapaskuhan.
Ang kailangan natin ay dagdag na cash sa bulsa, walang awkward na usapan, masasayang oras kasama ang mga mahal sa buhay at ang kakayahan na maging bida ng iyong sariling holiday show.
Sino ang kailangan ng party kung maaari mo namang ipagdiwang ang Pasko sa iyong sariling paraan? Maligayang Pasko sa ating lahat!
Discover more from The Pinoy Site
Subscribe to get the latest posts sent to your email.