Tag Archives: kakulangan sa kaalaman tungkol sa pilipinas

Ang Kakulangan sa Kaalaman ng mga Dayuhan Tungkol sa Pilipinas

Never eat alone – pamagat yan nung librong tawag pansin sa bookstore. Wag daw kumain mag-isa kung gusto mo daw maging matagumpay. Wala naman akong magagawa kung mag-isa akong kakain ng hapunan ngayon, nagsusulat habang nag-aantay mahainan.

Nag-ikot ako sa bookstore kanina at napadaan sa may history section. Syempre di naman ako umaasang makakakita ako ng sandamakmak na Philippine History books dahil nasa Dubai ako, pero umasa ako na sana kahit man lang isa ay may masilayan ako. Kahit man lang isa.

Wala.

tindahan ng libro sa dubai
sa dami ng librong ito, wala ni isang tungkol sa kasaysayan ng pilipinas…

Nakakalungkot lang na wala man lang tayong parte sa history section ng bansang aking/ating pinagsisilbihan. Ng bansang umiinog sa pamamagitan ng mga expat workers na kung saan napakalaking porsyento ay binubuo ng mga Pinoy.

Pumunta ako sa Asian section. Iisang shelf lang ang nakalaan para sa buong Asia, sa buong kasaysayan nito. Habang ang buong history section ng bookstore na ito ay napaligiran ng, syempre, Arab history, history ng America, United Kingdom, Germany at Russia at mga may kinalaman sa WW2.

China. Japan. Korea. Cambodia. Thailand. Myanmar. Singapore. India.

Buti pa sila, buti pa ang mga bansang iyan. Nandito ang kanilang kasaysayan. Nandito ang kanilang kwento. Abot-kamay ng mga nais makaalam ng kasaysayan nila. Pero tayo, wala. Walang ibang istorya ang mga Pinoy dito kundi ang kwentong kaming lahat ay mga trabahador.

Malalaki ang mga librong tungkol kay Lee Kuan Yew ng Singapore, biography niya iyon malamang. Listahan ng kanyang mga achievements at kung paano nya nahulma ang Singapore kung ano ito ngayon.

Napakarami ring libro ang tungkol kay Mao Ze Dong ng China. Kwento ng kaniyang buhay, ng kanyang kabataan, ng kanyang katandaan, ng kanyang husay at maging ang kanyang kabrutalan. Marami ring librong tungkol sa pag-unlad ng ekonomiya ng China at kung bakit sila ang nangunguna ngayon.

Andyan din ang history ng Korea at kung papaano ito nahati. May mga libro din tungkol sa kasalukuyang pinuno ng North Korea, ng kaniyang ama at ang kanilang mga pinaggagagawa.

May mga librong tungkol sa kalupitan at kawirduhan ni Pol Pot ng Cambodia na ginustong i-reset ang taon ng Cambodia noong 1975 at gawin itong Year Zero, at librong tungkol sa peaceful revolutionary leader (since Mahatma Gandhi) ng Burma na si Aung San Suu Kyi – The Lady and the Peacock.

Pinaka hinangaan kong section ay yung sa Japan. Naroon ang mga libro tungkol sa gyera, tungkol sa kanilang kultura pero ang pinaka-nagustuhan ko ay yung mga librong tungkol sa 2011 Earthquake na halos sumira sa sangkalupaang Hapon. Yung librong 2.46: Aftershocks: Stories from Japan Earthquake na nilathala para makalikom ng pera para sa mga nasalanta. Mayroon pa silang isang libro doon na patungkol sa kung papaano muling nakabangon ang Japan matapos ang lindol noong 2011.

Bukod pa sa mga history books, marami ding mga literature books ng Japan, China, India at iba pa ang isinalin sa Ingles na ibinebenta dun sa bookstore. Bakit kaya walang Florante at Laura o kaya’y Noli Me Tangere dito? Wala bang nagnais magsalin?  Sayang. Napakagagandang kwento. Sayang kung hindi maikukwento. Sayang kung mababaon lamang sa baul.

Bakit kaya walang librong nailathala tungkol sa muling pagbangon ng Pilipinas matapos salantain ng Ondoy at Yolanda habang nakagawa ng librong tungkol sa lindol sa Japan? Dahil ba hindi talaga tayo nakabangon? O dahil wala lang bang magandang naisulat tungkol dito? O ayaw nating isulat kung saan napunta ang mga donasyon ng iba’t ibang bansa? O walang librong pwedeng i-export?

Kung sa kwento lang, napakaraming interesanteng kwento at kasaysayan ng Pilipinas. Kung sa manunulat lang, napakaraming manunulat na napakahuhusay. Kung sa exporting ba tayo nagkukulang, yan ang di ko alam. Pero kung exporting or publishing issues ang humahadlang na makapaglabas ng mga librong Pinoy, sayang naman.

Pero, hindi kaya marami tayong ayaw ikuwento? O maraming natatagong kwento sa likod ng mga kwento at kasaysayan na ating natutunan na ayaw maibunyag?

Sayang at hindi malalaman ng iba kung ano ang nangyari sa atin sa loob ng tatlong siglong pagkabilanggo sa pamumuno ng Espanya.

Sayang at hindi nila malalaman kung ano ang Death March o  kung bakit Tagalog at English ang ating official language.

Sayang at hindi nila malalaman kung sino ang ating mga bayani o kung sino ang ating mga tunay na kaaway.

Sayang di nila makikilala si Jose Rizal, si Magsaysay, si Bonifacio at ang KKK.

Sayang at di nila malalaman kung bakit napakaraming OFW at kung bakit ang Pilipinas ay para na ring Korea, may North at South.

Sayang. Sayang naman.

Advertisements