Ikaw! Oo, ikaw nga.
Ikaw na nagmamaneho na parang baliw sa kalsada. Bakit ka nagmamadali? Sa’n mo kelangang pumunta na kelangan mong ilagay sa peligro ang buhay mo at ng iba?
Alam mo ba kung ga’no kadelikado ang pagmamaneho mo? Labas pasok ka sa loob ng lane, kuma-counterflow, bumubuntot, nakikipag-gitgitan, bumubusina, nagmamadali, at nagbi-beating ng red lights. Hindi ka lang lumalabag sa batas, lumilikha ka pa ng stress at pagkabalisa sa ‘yong sarili at sa lahat ng taong nasa paligid mo.
Wala kang natitipid na oras sa ginagawa mo. Pinapalaki mo lang ang tsansang magkaroon ng aksidente.
Ano’ng gagawin mo kung madisgrasya ka o makadisgrasya ng ibang tao dahil sa kawalan mo ng pasensya? Magiging responsable ka ba at haharapin ang pagkakasala mo? Magbabayad ka ba ng danyos? Nakahanda ka bang makulong? O magkakamot ka lang ng ulo? Sulit ba yung pagmamadali mo kahit na makadisgrasya ka?
Kailangan mong huminahon at pag-isipang mabuti ang ugali mo kapag nagmamaneho sa kalsada. Ang pagmamaneho nang walang pasensya at walang pagsasaalang-alang sa iba pang mga sasakyan sa kalsada ay hindi cool, hindi smart, at hindi safe.
Hindi ka nagmumukhang pogi kung nagmamaneho ka nang walang habas sa kalsada. Ito ay makasarili, iresponsable, at nagpapakita lang na wala kang pinag-aralan (kahit sa Harvard University ka pa nag-graduate). Sa madaling-sabi, isa ka sa mga salot ng lipunan.
Kailangan mong igalang ang mga patakaran ng kalsada at ang mga karapatan ng ibang mga taong gumagamit ng kalsada. Kailangan mong bigyang-pansin ang iyong kapaligiran at ang posibleng epekto ng iyong pag-uugali sa kalsada. Kailangan mong maging mas magalang at mapagbigay-konsiderasyon sa iba.
Kailangan mong maging mas matiyaga, mapagpasensya at mapagparaya kung may mga aberya o pagkaantala sa daloy ng trapiko. Higit sa lahat, kailangan mong bigyan ng pinakamataas na impostansya ang pag-iingat sa iyong buhay at sa buhay ng iba.
Narito ang ilang bagay na maaari mong gawin upang mapabuti ang iyong pagmamaneho at mabawasan ang iyong kawalang pasensya sa kalsada:
- Magplano nang maaga.
Umalis nang maaga upang maiwasan ang pagmamadali at magpasobra ng oras in case na magkaroon ng heavy traffic o hindi inaasahang mga sitwasyon.
- Relaks.
Makinig sa relaxing music, huminga ng malalim, o mag-positive self-talk bago at habang nagmamaneho.
- Focus.
Panatilihin ang iyong mga mata sa kalsada at ang iyong mga kamay sa manibela. Iwasan ang multi-tasking gaya ng pagte-text, pagkain, o pagkalikot ng kung anu-ano habang nagmamaneho.
- Sundin ang speed limits.
May dahilan kung bakit itinakda ang mga speed limits. Ang pagpapaharurot ng sasakyan ay hindi nakakatipid ng oras, pinapalakas lang nito ang pagkonsumo ng gasolina at pagpapadami ng emisyon, ingay, at stress.
- Panatilihin ang ligtas na distansya sa ibang mga sasakyan.
Bakit gustong-gusto ng mga Pilipino ang gitgitan? Pero galit na galit naman pag nagasgasan? I-normalize natin ang pagpapanatili ng ligtas na clearance mula sa ibang mga sasakyan. Bibigyan ka nito ng mas maraming oras upang mag-react at maiwasan ang mga banggaan.
- Ipahiwatig nang tama ang iyong mga intensyon.
Gamitin ang mga turn signal, brake lights, at busina nang naaangkop upang magbigay-warning sa ibang mga motorista. Pinipigilan nito ang kalituhan at hidwaan sa kalsada.
- Magparaya.
Maging magalang at hayaan ang ibang mga motorista na mauna, magpalit ng lane, o lumiko kung ligtas at/o legal naman itong gagawin. Huwag harangan ang mga intersection o driveway.
- Sundin ang mga marka at signages pang-trapiko.
Nariyan sila upang ayusin ang daloy ng trapiko at tiyakin ang kaligtasan ng lahat. Huwag tumakbo sa red light o stop sign. Sundin ang iba pang mga palatandaan o signal na nasa kalsada.
- Matutong makisama.
Tanggapin na may mga bagay na hindi mo kayang kontrolin sa kalsada, gaya ng heavy traffic, road closures o construction, mga aksidente, o masamang panahon. Huwag ibunton ang galit sa kapwa mo motorista. Kung stressed ka, malamang stressed din sila. Sa halip, subukang mag-adjust at harapin ang mga ito nang mahinahon at nasa tamang katuwiran.
- Maging positibo.
Isipin ang pagmamaneho bilang isang pagkakataon para i-enjoy ang tanawin, at mas makilala ang iyong lokal na kakalsadahan. Kung ipit sa trapiko, pakinggan ang iyong paboritong kanta o istasyon ng radyo. Maganda rin kung may naka-save kang mga audiobooks na pwede mong pakinggan sa ganitong pagkakataon. Maaari mong magamit ang pagkakataong ito sa produktibong paraan.
Ang pagmamaneho nang walang pasensya at walang pagsasaalang-alang sa iba ay hindi sulit kung marami ang magdudusa dahil dito. Ito ay nakakapinsala sa iyong sarili at sa iba. Mas mabuting magmaneho nang ligtas, responsable, at may respeto. Gagawin nitong mas kaaya-aya, mapayapa, at produktibo ang iyong paglalakbay. Gagawin din nitong mas kaaya-ayang lugar ang kalsada para sa lahat.
Boom! That’s a write off!