Site icon The Pinoy Site

10 Tips Para sa Matagumpay na Job Interview

Maraming naghahanap ng trabaho ang nagsasawalang-bahala sa job interview. Feeling nila, ang job interview ay parang bumibili lang ng pandesal sa paborito nilang bakery o parang bumibili lang ng fish ball sa tabing kanto.

Ang pag-apply ng trabaho ay parang nanliligaw din. Bilang isang aplikante ng isang kumpanya, kailangan mong ipakita ang best possible impression na magagawa mo para sa iyong potential employer. Kailangan mong patunayan na ikaw ang best na candidate sa lahat ng mga aplikanteng gusto ring makamit ang trabahong hinahangad mo.

Photo by Tim Gouw on Unsplash

Pagkatapos salain ng mga kumpanya ang mga aplikanteng nagpadala ng kani-kaniyang mga Resume ay sasalain pa nila ito ng mas pino pa sa pamamagitan ng job interview. Dito, tinatawag ang mga napiling aplikante (base sa Resume) para kausapin sila at tanungin ng ilang mga importanteng bagay.

Dito kinakailangan ang lubusang paghahanda para magkaroon ng magandang resulta ang iyong interview. Gawin mong maayos ang iyong paghahanda at siguradong mapapansin ito ng iyong potential employer.

Regardless kung may pandemya o wala, makakatulong ang mga sumusunod na tips para magkaroon ka ng malaking bentahe sa iyong mga kasabayang aplikante.

Tip 1. Gumawa ng sariling pagsasaliksik

Photo by Andrew Neel on Unsplash

Pinaka-magaling na maaari mong magawa ay ang alamin mo ang ilang mga bagay tungkol sa kumpanyang iyong ina-aplayan ng trabaho. Ang iyong pananaliksik tungkol sa kumpanya ay maaaring makatulong para masagot mo ang mga posibleng tanong sa iyo. Kung may nalalaman ka tungkol sa mga katangian ng kanilang negosyo, magagawa mong sagutin ang mga tanong nila nang maayos, lalo na kung tungkol ito sa kanilang kumpanya. Sa pamamagitan nito, maipapakita mong interesado kang magtrabaho sa kanilang kumpanya. 

Tip 2. Kung hindi ito ang iyong 1st job interview, subukang i-recall ang resulta ng mga nakalipas na interview

Kung naging matagumpay ka man sa lahat ng iyong mga nakalipas na interview o hindi, makabubuting suriin mo ang mga ito para sa iyong susunod na interview. Ito ay para matututunan at maalala mo ang mga mahahalagang aral mula sa kanila. Kung sakaling nakagawa ka man ng ilang mga pagkakamali sa iyong nakalipas na mga interview, maaari mong tiyakin na hindi mo na ito uulitin.

Tip 3. I-review ang mga kwalipikasyon na kinakailangan ng kumpanya

Kailangan mong i-review nang mabuti ang mga kwalipikasyon na hinanahap ng kumpanyang iyong ina-aplyan. Sa ganitong paraan, magagawa mong ihambing ang mga iyon sa iyong kasalukuyang mga kaalaman, karanasan at mga kakayahan. Makakatulong din ito sa iyo para higit na maituon ang pansin ng nag-i-interview sa iyong partikular na mga kakayahan na kinakailangan sa trabahong ina-aplayan mo.

Tip 4. Magpagupit o magpa-ayos ng buhok

Photo by Adam Winger on Unsplash

Ang simpleng pagsasa-ayos ng iyong buhok ay nagbibigay ng impression sa sinumang nakakakita sa iyo na ikaw ay smart, fresh at malinis. Gayunpaman, ito ay mas magandang gawin sa loob ng 2 o 3 araw bago ang iyong itinakdang interview. Ito ay upang siguraduhin na ikaw ay hindi amoy salon o amoy chemical sa buhok. Bukod pa rito, kahit pa online ang interview, magbibigay din ito ng sapat na panahon sa iyo para humanap ng gupit / hair style na nababagay sa iyo hanggang sa dumating ang araw ng interview.

Tip 5. Siguraduhing dumating nang maaga para sa interview

Siguraduhing dumating nang mas maaga sa itinakdang oras ng iyong interview. Dumating nang maaga sa lugar kung saan gaganapin ang job interview upang maipakita sa iyong mga potential employer na interesado ka sa trabaho.

Kesyo face-to-face o online interview man yan, siguraduhing maging handa bago pa man ang itinakdang oras. Sa pamamagitan nito, nagpapakita ka ng magandang pag-uugali at kakayahan patungkol sa time management. Kung kasalukuyan kang nagtatrabaho, subukang gumamit ng leave o day-off upang matiyak na mayroon kang sapat na oras para maghanda at makarating sa lugar ng interview.

Tip 6. Gawin ang iyong karaniwang morning routine nang mas maaga

Photo by THE 5TH on Unsplash

Sa pamamagitan ng pagkain ng almusal sa umaga o paggawa ng iyong mga karaniwang gawain nang mas maaga kaysa dati, binibigyan mo ang iyong sarili ng extra oras sa paghahanda para sa iyong interview. Makakabuti ito upang hindi ka nagmamadali para sa iyong interview. Sa pamamagitan nito, masisigurado mong ikaw ay kalmado at nasa ayos ang lahat pagdating ng takdang oras.

Tip 7. Kumain nang hindi lumalampas sa karaniwang dami

Photo by Ke Vin on Unsplash

Makabubuti para sa iyong katawan ang kumain nang sapat bago ang iyong major job interview. Ito ay upang matiyak na may sapat na supply ng mga kinakailangang bitamina at sustansya ang iyong katawan upang maiwasan ang anumang uri ng stress. Subalit dapat mong iwasan kumain ng labis dahil ang over-eating ay maaaring lumikha ng gulo sa sistema ng iyong katawan.

Tip 8. Matulog nang maaga, hangga’t maaari

Ang pagtulog nang maaga ay magbibigay sa iyo ng sapat na pahinga para sa paparating na interview. Siguraduhin din na magsipilyo at maghugas ng iyong mukha bago matulog. Sa pamamagitan nito, masisiguro mo na makakatulog ka ng maayos at magkaroon ka ng sapat na enerhiya para sumabak sa importanteng araw ng job interview.

Tip 9. I-set up ang iyong (mga) alarm clock

Upang matiyak na magigising ka sa tamang oras sa araw ng iyong job interview, makabubuting i-set up ang iyong alarm para dito. Maaari mong i-set ang iyong alarm para gisingin ka nang dalawang beses o higit pa na may ilang minutong pagitan. Maaari ka ring gumamit ng higit sa isang alarm clock para siguraduhing masisimulan mo nang maaga ang iyong araw kung sakaling mai-off mo man ang isa ay siguradong gigisingin ka pa rin ng isa pang alarm clock.

Tip 10. Maligo (nang mabuti)

Photo by Lubomirkin on Unsplash

Ang pagligo ay maghahatid sa iyo ng refreshing feeling na kailangan mo sa araw ng iyong job interview. Magbibigay din ng tulong ito para magmukha kang presentable at malinis sa taong magbibigay ng interview. Gayundin, makakatulong ito para gisingin ang iyong diwa at ang bawat bahagi ng iyong katawan.

So, ayan. Sana ay may napulot kang kapaki-pakinabang sa mga tips na ito (kahit dalawa o tatlo man lang). Basta ‘wag kang panghinaan ng loob. Be brave, be bold, be you (nabasa ko lang na quote 😀 )

Related Articles:

Author: ResidentPatriot

Male, Engineer, Artist, Writer, tumatanggap din ng labada tuwing Sabado...

Exit mobile version