Narito ang mga salitang wala sa mga bokabularyo natin dati pero naging parte na ng pang-araw-araw nating pamumuhay simula nung taong 2020.

Pandemic Vocabulary Words
Asymptomatic – (pang-uri/adjective)
Yung may Covid19 ka pero labas ka ng labas kung saan-saan kasi wala ka namang sintomas; asymptopangit kapag pangit ka pero hindi mo alam
Ayuda – (pangngalan/noun)
Tulong pinansiyal na dapat sanang matanggap ng mga taong nangangailangan pero hindi rin natatanggap ng iba at pinagmumulan pa ng mga kaguluhan at paglaganap lalo ng virus dahil sa pagku-kumpol-kumpol ng mga tao; funds na ginagamit pangsugal o pang-rebond ng buhok (see Social Amelioration Program)
Basic Health Protocols – (pangngalan/noun)
Hugas kamay, facemask at social / physical distancing, mga paraan sa pag-iwas sa Covid19 na hinding-hindi dapat kinakalimutang gawin pero hindi pa rin ginagawa ng ilan
Community Pantry – (pangngalan/noun)
“Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan” ito ang motto/slogan ng mga community pantry; isang inisyatibo ng mga lokal na mamamayan sa kani-kaniyang pamayanan upang magbigay tulong sa mga nangangailangan; pinagkakamalan ding Communist Party
Contact Tracing – (pandiwa/verb)
Pagtatala o paghahanap sa mga taong maaaring mahawa o nahawa ng isang Covid19 infected person; iba-iba rin ang pamamaraan ng pagpapatupad nito
Corona Virus – (pangngalan/noun)
Pamilya ng mga virus na karaniwang matatagpuan sa mga hayop sa kalikasan
COVID-19 – (pangngalan/noun)
Opisyal na pangalan ng bagong Corona Virus 2019 Strain na nagmula sa Severe Acute Respiratory Syndrome Coronavirus 2 (SARS-CoV-2)
Curfew – (pangngalan/noun)
Mga oras na bawal ang tumambay sa labas ang tao lalo na yung mga walang importanteng ginagawa
Disinfect – (pandiwa/verb)
Pagpatay sa mga mikrobyo, bacteria at/o virus gamit ang mga espesyal na chemical
Distance Learning – (pangngalan/noun)
Paraan ng pag-aaral sa mga paaralan kung saan hindi na kailangang pumasok ng mga mag-aaral sa paaralan; maaaring online o modular system
Dutertard – (pang-uri/adjective)
Tawag sa ‘yo kapag ipinagtanggol mo ang administrasyon ni Duterte (see Yellowtard)
Essentials – (pang-uri/adjective)
Mga gawain at bagay na importante para mabuhay (pagkain, trabaho, ospital, etc.)
Facemask – (pangngalan/noun)
Pantakip sa bibig at ilong para maiwasan ang pagkalat ng virus sa hangin (minsan, idinidikit sa faceshield); gamit din sa bahay para mabawasan ang kain nang kain; mas may impact kapag bibig ni Pacquiao na nakatawa ang print
Faceshield – (pangngalan/noun)
Pantakip sa buong mukha bilang dagdag proteksyon sa pagkalat ng virus sa hangin (minsan, dinidikitan ng facemask)
Frontliner – (pangngalan/noun)
Tinatawag ding First Line of Defense, ito ang mga mangagawang kailangang patuloy na magtrabaho sa kabila ng pandemya upang alagaan ang mga may-sakit, magpatupad ng kaayusan sa lipunan at/o maipagpatuloy ang takbo ng ekonomiya ng bansa; maliit lamang ang kanilang suweldo pero mas malaki pa ang pakinabang sa kanila kaysa sa mga inutil na mga pinunong may malaking sahod at mataas na katungkulan
Herd Immunity – (pangngalan/noun)
Tinatawag ding community immunity, ito ang sitwasyon kung saan ang malaking bahagi ng populasyon ay immune o hindi na tinatalaban ng sakit at hindi na naikakalat ang sakit sa kani-kaniyang pamayanan o komunidad
IATF – (pangngalan/noun)
Acronym ng Inter-Agency Task Force, binubuo ng iba’t-ibang sektor ng gobyerno na naatasang magsagawa ng mga regulasyon sa pagkontrol ng pagkalat ng pandemya sa bansa (minsan, iba-iba ang sinasabi ng mga miyembro nito)
Intubate – (pandiwa/verb)
Paglalagay ng tubo sa itaas na bahagi ng katawan upang makahinga nang mas maluwag ang mga nahawa sa Covid19
Incubation period – (pangngalan/noun)
Panahon mula sa araw na nahawa hanggang sa paglabas ng mga unang sintomas ng sakit (sinasabing ang COVID-19 ay may incubation period na 10 hanggang 14 araw at paglipas nito ay humihina na ang virus)
Isolate – (pandiwa/verb)
Paghihiwalay sa isang taong may sakit o pinagsususpetsahang may sakit upang hindi makahawa ng iba (kung introvert ka, matagal mo nang gawain ito kahit wala kang sakit)
Ivermectin – (pangngalan/noun)
Isang kontrobersyal na gamot panlaban sa mga intestinal parasitic worms na sinasabi ng iba na mabisang pangontra sa COVID-19 (at least, malilinis ang bituka mo)
Lockdown – (pangngalan/noun)
Sitwasyon sa isang lugar o establisyimento kung saan ang lahat ng operasyon o paggalaw ay nakahinto o nililimitahan; pelikula ni Sylvester Stallone nuong 1989, ay hindi, Lockup pala yun
Lugaw – (pangngalan/noun)
Minsan essential, minsan hindi, depende sa kausap (kung food delivery o baranggay tanod)
OCTA Research Group – (pangngalan/noun)
“A polling, research and consulting firm” na nagbibigay ng forecast sa takbo ng pandemya at walang kinalaman sa University of the Philippines (https://www.octaresearch.com/)
Pandemic/Pandemya – (pangngalan/noun)
Pagkalat ng sakit sa buong bansa o sa buong mundo
PCR/Swab Test – (pandiwa/verb)
Ang polymerase chain reaction (PCR) test ay isinasagawa sa isang indibidwal upang malaman kung may presensya ng virus sa katawan sa pamamagitan ng pagkuha ng respiratory material galing sa loob ng ilong at paghalo ng chemical dito upang makita kung positive o negative ang isang tao sa virus (kung corrupt na government official ang mag-positive, ini-encourage itong manatiling positibo)
Quarantine – (pangngalan/noun)
Paraan ng pagkontrol sa mga komunidad at nagbibigay ng mga limitasyon sa pagkilos ng mga tao at establisyimento sa layuning bawasan ang pagkalat ng virus (mga halimbawa: ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ, BBQ, BBQ with Bilbola Extract, etc.)
Rapid/Antigen Test – (pangngalan/noun)
Isang mabilis na pamamaraan ng pag-test kung saan kinukuhanan ng kaunting dugo ang tao upang malaman kung nahawa siya sa sakit o hindi, subalit hindi nito natutukoy kung anong uri ng virus ang tumama sa taong iyon kaya’t kailangan pa rin ng confirmatory test kagaya ng PCR Test
Relief Goods – (pangngalan/noun)
Karaniwan ay mga pagkain o kasuotan na ipinamamahagi sa mga nasalanta ng kalamidad subalit naging popular din sa panahon ng mga lockdown; ginagamit na kasangkapan ng ilang pulitiko para mangampanya
Social Distancing – (pangngalan/noun)
Isa sa mga basic health protocols na para mas maintindihan ng lahat ay tinatawag ding Physical Distancing o paglayo sa ibang mga tao mula 1 hanggang 2 metro; pati sa mga mag-asawa at magkasama sa bahay ay ipinapagawa ito
Social Amelioration Program (SAP) – (pangngalan/noun)
Programa ng DSWD kung saan ay namimigay ito ng mga tulong pinansiyal sa mga taong naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemya; hindi lahat ng mga nangangailangan ay nakakatanggap nito at wala ring nakaka-alam kung bakit (see Ayuda)
TikTok – (pangngalan/noun)
Isang app na nilikha ng isang Chinese firm na sinasabing nagagamit para mangolekta ng personal information, photos at videos ng mga gumagamit nito pero, WHO CARES??? Dahil sa mga lockdown at kawalan ng libangan ay naging popular ang short video making app na ito at lumikha ng mga internet sensations at superstars
Tuob – (pangngalan/noun)
Isang ancient na pamamaraan para paluwagin ang paghinga ng mga taong barado ang ilong sa pamamagitan ng paglanghap ng vapors ng mainit na tubig; sinasabi ng ilan na nakakapagpagaling daw ng Covid19 (parang Ivermectin lang)
Vaccine – (pangngalan/noun)
Ayon sa mga eksperto, bukod sa basic health protocols, ang pinakamabisang paraan sa pagsugpo ng Covid19 ay ang pagbabakuna ng 80% ng populasyon ng isang bansa upang makamit ang herd immunity; sa ngayon, ang mga bakuna ay na-test lamang para sa short-term effectivity nito at hindi pa para sa pangmatagalang epekto sa katawan ng tao; wala pang makapagpapatunay kung may inilagay na micro-chip si Bill Gates o ang Illuminati sa mga bakunang ito upang kontrolin ang lahat ng tao sa daigdig
Ventilate – (pandiwa/verb)
Pagpapadaloy ng hangin sa mga saradong lugar upang hindi malanghap ng mga tao ang hanging nagtataglay ng masasamang elemento gaya ng virus o kabag ng tiyan
Ventilator – (pangngalan/noun)
Makinang pang-hospital na ginagamit sa mga taong nahihirapan huminga; umaabot ng P500 pataas ang renta nito sa isang araw; magandang investment sa panahon ng Covid
Work From Home – (pangngalan/noun)
Paboritong working system ng mga tamad na empleyado ng gobyerno o ilang mga pribadong kumpanya dahil kahit hindi magtrabaho ay kumpleto ang kanilang suweldo; dahil dito, walang problema kahit magdeklara nang magdeklara ng lockdown, the more quarantine, the better para sa kanila
Wuhan – (pangngalan/noun)
Lugar sa Tsina na pinaniniwalaang pinagmulan ng kauna-unahang kaso ng Covid19; maaaring makakain ng hilaw na paniki dito
Yellowtard – (pang-uri/adjective)
Tawag sa ‘yo kapag pinintasan mo ang administrasyon ni Duterte (see Dutertard)
Zoom – (pangngalan/noun)
Bagong online app na parang Skype, na parang FaceTime, na parang FB Messenger Video chat, na parang Webex, na pang video conference para sa mga non-sense at hindi importanteng mga meeting para lang may dahilan ang ilang mga empleyado na mag-mukhang busy at productive kunwari; nangongolekta rin ng mga personal information, photos at videos ng mga user nito pero, WHO CARES??? (see TikTok)
Pakilista na lang po sa comment kung may salitang nalimutan 🙂
Very funny. Shinare ko ito sa FB ko kasi sobrang sakto.
Napa ouch ako sa pagiging yellowtard 😀
ahaha maraming salamat sa pag-share. nakakalungkot na kapag nagpakita ka ng discontent sa mga government officials natin ngayon eh ita-tag ka na lang agad na yellowtard o komunista o terorista, ‘di ba pwede namang disgruntled citizen muna hehe
True ka dyan!
Or YELLOW!?! Haha. Bakit kailangang maging tard, right?
Nakakaaliw yung post because we’ve all heard of these terminologies dati pa… pero for some reason, ngayong pandemic eh, parang lahat nang ito gamit na gamit hehe.
Suddenly andami na nating alam 😀 😀 😀
hehe oo nga, pati mga technical na medical jargons, nakabisado na natin sa loob lang ng ilang buwan
True, doctor na lahat wala pang dalawang taon… samantalang it took me 17 seasons of Grey’s Anatomy to become a surgeon 😀 😀 😀
Baka may microchip na ako.
ahaha, yun lang daw mga vaccine na may donation ni bill gates ang may microchip 😀
waahahahha.
Natawa ako sa depenisyon ng lugaw.
oo, naging national issue pa kasi yan kung essential ba o hindi haha