Isang taon makalipas ang unang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ating bansa ay muling nagdeklara ng ECQ ang Pamahalaan sa NCR Plus Bubble (Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna) nuong Marso 27, 2021. Sakto sa Semana Santa.
Sa isang press briefing ng Malakanyang ay inanyayahan ng Presidential Speaker Sec. Harry Roque ang mga Plipino na magnilaynilay kung bakit ba pinayagan ng Poong Lumikha na maranasan natin ang Covid19.
Let’s take up the challenge at sabay-sabay tayong magnilaynilay.

Bakit natin nararanasan ang Covid19? Narito ang ilang mga posibleng dahilan.
1. Tinuturuan tayo ng disiplina
Bagama’t nakamamatay at madali kumalat ang Covid19 at ang mga variant nito ay maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng ilang simpleng mga disiplina gaya ng palagiang paghuhugas ng kamay, social / physical distancing at pagsusuot (nang maayos) ng facemask. Hindi kumportable kaninuman na sumunod sa mga basic health protocols na ito subalit ang mga disiplinang ito lamang ang pinakamabisang paraan para huwag kumalat ang virus kahit na mayroon nang mga vaccine.
2. Ipinapaunawa sa atin ang mga mahalaga sa buhay
Ano nga ba ang mahalaga sa buhay natin? Pananampalataya? Buhay at kalusugan? Salapi? Pamilya? Negosyo? Pamamasyal? Pag-aaliw? Sa makabago nating panahon, naging sobra tayong busy. Nagkaroon tayo ng napakaraming bagay na mga pinagkaka-abalahan at mga umaagaw ng ating atensyon. Pero mahalaga ba ang mga ito? May mga taong nag-iimbak ng karangyaan sa buhay. Subalit sa panahon ng lockdown, confinement o isolation dahil sa Covid, may silbi ba ang mga ito? Ano ang pinapahalagahan natin sa buhay? Dahil sa Covid19, maraming tao ang nadiskubre kung ano talaga ang mahalaga sa buhay nila.
3. Pinagpapahinga ang Inang Kalikasan
Magmula nang magpatupad ng mga lockdown sa maraming mga bansa, nabawasan ang paglalakbay at transportasyon ng mga tao sa himpapawid, sa dagat at sa lupa. Marami ang nabawas na CO2 sa hangin bunsod ng paghinto ng mga paggalaw na ito. Nabawasan din ang mga basura at pagkasira ng mga pook pasyalan. Ito ang matagal nang hinihintay na pahinga ng kalikasan mula sa mga tao na nangyari lamang dahil sa Covid19 pandemic.
4. Pinagpapahinga ang mga tao
Dahil sa limitadong pagkilos ng mga tao, nabawasan ang mga business trips, nabawasan ang mga meeting, nabawasan ang walang katapusang mga urgent prioritites, huminto ang produksyon, tumigil ang mga trabaho. Para sa mga hindi sanay magpahinga, ang pandemya at ang mga lockdowns na dulot nito ay nagbigay ng maraming oras sa maraming tao. Binalikan ng iba ang mga dati nilang kinagigiliwang gawin. Naghanap ang iba ng mga mapagkaka-abalahan na nagbigay-daan sa pagdiskubre ng ilang mga bagong bagay tungkol sa kanilang sarili at tungkol sa kanilang buhay. Ang iba ay nakapagsimula ng mga sarili nilang hanapbuhay at naging dahilan pa para huwag nang magbalik sa dati nilang pinagtatrabahuhan.
5. Itinuturo sa atin ang magpasalamat
Kapag normal ang sitwasyon ay madali lang sa atin na ipagwalang-bahala ang mga bagay na tinatanggap natin araw-araw. Subalit sa panahon ngayon, kung wala kang sakit, kung may trabaho kang pinagkakakitaan, kumpleto ang pamilya, kumakain nang sapat araw-araw, may tinitirhan, may nagagamit na kuryente at tubig, ay pinagpala ka na sa maraming bagay. Nakakahiya sa maraming tao na magreklamo ka pa sa kung ano ang iyong ulam, o matagal ka nang hindi nakakapasyal, o ulit-ulit lang ang palabas sa tv. Hindi lahat ng tao ay nakakakain nang sapat, hindi lahat ay may pinagkakakitaan at hindi lahat ay may kakayahang gumastos sa anumang luho sa buhay. Kaya dapat tayong magpasalamat sa kung ano ang meron tayo at kung kakayanin ay ibahagi ito sa ibang mga nangangailangan.
6. Pinapaglapit ang mga pamilya
Dahil sa mga lockdown ay nagkaroon ng mas mahabang panahon ang mga pamilya na magkasama-sama. Gayundin, dahil sa mga work from home arrangements at online / modular education system, hindi na kailangang umalis ng mga miyembro ng pamilya at gumugol ng maraming oras sa labas ng kanilang mga tahanan at umuwi ng pagod o aburido sa bahay. Nagkaroon ng mas maraming oras ngayon ang mga pamilya kasama ang isa’t-isa.
7. Ipinapakita ang mga kahinaan at katatagan ng mga Pamahalaan
May mga bansang tinamaan nang matindi at may mga bansa ding hindi masyadong naapektuhan ng Covid19. Subalit makikita natin na walang kinalaman ang pagiging 1st world (mayaman) o 3rd world (mahirap) sa kasalukuyang sitwasyon ng mga bansang sumasagupa sa Covid19. Nakita natin ang iba’t-ibang mga pamamaraan ng mga bansa at nakita rin natin kung naging epektibo ba o hindi ang mga hakbang na ito. Sumasalamin sa mga aksiyong ito ang kahandaan at katatagan ng bawat Pamahalaan sa mga pambansang suliranin na kinakaharap nila.
8. Isinisiwalat ang karakter ng mga lider at mga mamamayan
Dahil sa Covid19, lalong nakita natin ang problema ng diskriminasyon sa ating lipunan. Ang mga feeling privileged at entitled ay ipinamalas ulit sa ating lahat na sila ang dapat unahin at hindi sila saklaw ng anumang batas. Ipinakita muli sa atin na ang mga nasa itaas ng lipunan ay hindi mapaparusahan at umiiral lamang ang batas sa mga maliliit na tao sa lipunan. Patuloy dapat itong punahin, iwasang gawin at hindi dapat tanggapin sa ating lipunan.
9. Ipinapaalala sa atin na walang permanente sa buhay
Ipinaalala ng Covid19 na walang anumang permanente sa buhay natin. Ang ating kalusugan, ang ating trabaho, ang ating kalagayan sa buhay ay pawang mga pansamantala lamang at maaaring bawiin sa atin sa isang iglap lang. Kaya hindi dapat tayo magmayabang at maging hambog kahit na kanino dahil sa kung ano ang meron tayo ngayon.
10. Tinuturuan tayong tumawag sa Poong Lumikha
Sa panahong ayos ang lahat at walang problema, kumpleto sa pangangailangan, walang iniindang sakit at kasama ang mga mahal sa buhay ay madaling makalimot kung kanino nagmumula ang mga biyayang ito. Subalit sa panahon na mawala ang lahat ng mga ito, naaalala ng tao na tumawag at humingi ng tulong sa kanyang Lumikha dahil alam ng tao na Siya lamang ang tunay na laging nandiyan at Siya lamang ang permanente at hindi nawawala.
Alalahanin natin na sa karamihan ng mga suliranin at pagdurusang kinakaharap ng mga tao ay walang dapat sisihin kundi ang mga tao rin. Hindi natin dapat isisi ito sa mga hayop, sa kalikasan at lalo na sa ating Poong Lumikha.
Maging mas makabuluhan sana ang Semana Santa para sa atin ngayong taon lalo’t hindi pa rin tapos ang pandemya. Gunitain natin ang sakripisyo ng Panginoong HesuKristo para sa ating kaligtasan.
Narito ang ilang Bible verses mula sa Kawikaan 3:1-12
1 Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin,
lahat ng aking utos sa isipan mo’y itanim;
2 upang araw mo’y tumagal, humaba ang iyong buhay,
at maging masagana sa lahat ng kailangan.
3 Pananalig at katapata’y huwag mong tatalikuran,
ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan.
4 Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos,
at kikilalanin ka ng mga tao.
5 Kay YHWH ka magtiwala, buong puso at lubusan,
at huwag kang mananangan sa sariling karunungan.
6 Sa lahat ng iyong gawain Siya nga’y alalahanin,
upang ika’y patnubayan sa iyong mga tatahakin.
7 Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman;
igalang mo’t sundin si YHWH, at lumayo ka sa kasamaan.
8 Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag,
mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat.
9 Parangalan mo si YHWH sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan,
at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, Siya ay iyo ring handugan.
10 Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw,
sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan.
11 Aking anak, ang saway ni YHWH ay huwag mamaliitin,
at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil,
12 pagkat lahat ng mahal Niya’y itinatama ng daan,
tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang.
(Magandang Balita Biblia version)