Home » Para sa mga Sawa na sa Pag-aaral at sa Buhay Estudyante

Para sa mga Sawa na sa Pag-aaral at sa Buhay Estudyante

Paano kung ayaw mo nang mag-aral?

Paano kung sawa ka nang magbasa, sumagot, magklase, matuto, makinig at kung anu-ano pa, nang paulit-ulit, araw-araw, Lunes hanggang Linggo, sa loob ng ilan pang mga taon?

buhay estudyante
Photo by JESHOOTS.COM on Unsplash

Paano kung wala nang sense para sa ‘yo ang lahat ng ginagawa mo?
Paano kung wala ka nang nakikitang pinapatunguhan itong mga ginagawa mo?
Paano kung naiirita ka na sa mga pinag-aaralan mo?

Ano’ng magandang gawin kapag sawa ka na sa pag-aaral at sa buhay estudyante?

Siguro iisipin ng iba na tamad ka lang o iresponsable ka at walang pangarap sa buhay.
Siguro iisipin ng iba na wala kang pagpapahalaga sa mga paghihirap ng mga magulang mo para itaguyod ang iyong pag-aaral.
Siguro iisipin ng iba na wala kang patutunguhang maganda sa buhay.

Pero kahit na ano pa ang isipin ng iba, ang burnout sa pagiging estudyante at sa pag-aaral, in general, ay tunay at hindi unique sa iyo lamang.

Sa katunayan, iba’t-ibang mga pag-aaral, survey at research ang nagpapakita na maraming mga mag-aaral ang nakakaranas ng burnout sa pag-aaral dito sa atin sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. (nasa ibaba yung mga links)

May posibilidad pa rin na tamad ka lang talaga at walang pangarap at walang patutunguhan sa buhay.

Pero mas malamang na ikaw ay isang normal na tao lamang na napapagod sa isang bagay na paulit-ulit at parang walang katapusang ginagawa araw-araw sa loob ng mahabang panahon.

Ang iyong nararamdaman ay pangkaraniwan lamang at walang problema sa iyo.

Tinatawag itong:

  • Academic burnout
  • Student fatigue
  • School exhaustion
  • Study stress

Pero sa ating sariling wika, tinatawag natin itong pagsasawa at pagka-umay.

At nakakadagdag lamang sa burnout sa pag-aaral ang pressure mula sa iyong mga magulang, mga kaibigan, mga kamag-anak, mga guro, etc. Ano’ng gagawin mo kung sawang-sawa ka na mag-aral pero wala namang tumutulong sa ‘yo para ganahang mag-aral?

Sa kasawiang palad ay ang hinahanap mong makakatulong sa iyo ay ikaw, at ikaw lamang. Sa iyo lang din manggagaling ang gana ulit sa pag-aaral.

Madali lang ang solusyon kung ang iyong burnout ay gawa lamang ng pagod.

Matulog ka lang, kumain ng mga paborito mong pagkain, mag-hangout kasama ang mga kaibigan (with basic health protocols and social-distancing kung meron pang pandemic) at magiging fresh ka na ulit para sumabak ulit sa walang patumanggang pag-aaral. Mag-unwind, maghanap ng dibersyon, alisin muna ang isip sa pag-aaral.

Pero paano kung mas malalim ang dahilan kung bakit ayaw mo nang mag-aral? Paano kung walang-wala ka na talagang mahugot na gana? Paano kung wala ka nang lakas na magpatuloy?

Kung kaya mong huminto at hindi ka nanghihinayang, at hindi ka papatayin ng iyong mga magulang, ay subukan mong huminto sa pag-aaral at humanap agad ng ibang mapagkaka-abalahan. Huwag kang humilata lang sa inyong bahay at siguradong mapapatay ka talaga ng iyong mga magulang.

Kung hihinto kang mag-aral at may kalayaan kang gawin ito ay sikapin mong huwag umasa sa iyong mga magulang (o guardian) na susuporta sa iyong mga pangangailangan.

Pinag-aaral ka upang balang-araw ay hindi ka na umasa kahit kanino at makatayo ka na sa sarili mong mga paa.

Sikapin mong mabuhay na mag-isa sa abot ng iyong makakaya at hanapin mo para sa iyong sarili ang kabuluhan ng edukasyon habang nakahinto ka sa pag-aaral.

Sa eksperimentong ito, mapapatunayan mo kung kailangan ba talaga ang edukasyon sa buhay o hindi. Kung pagkatapos ng ilang panahon ay matagpuan mo ang kabuluhan ng pag-aaral, sana ay malakas ka pa o ang iyong mga magulang para tustusan ang iyong muling pag-aaral.

Pero malay mo, maging matagumpay ka sa buhay kahit na hindi ka makatapos sa pag-aaral. Ang edukasyon naman ay hindi nakukuha sa paaralan lamang. Pero isipin mo rin na kung mabigo ka man at magsisi sa iyong desisyon ay maaari kang magsimulang muli. Medyo marami ka nga lang na sinayang na oras at mga oportunidad na hindi mo na mababawi.

Kung natatakot ka namang huminto mag-aral, subukan mo pa rin na maghanap ng trabahong mapagkakakitaan kahit na part-time lang.

Sa paraang ito, mararanasan mo ang buhay ng nagtatrabaho. Makakasalamuha mo rin dito ang iba’t-ibang mga tao: mga kinumpleto ang edukasyon sa paaralan at yung mga hindi na nagpatuloy.

Sa paraang ito, mapagdi-desisyunan mo sa iyong sarili kung ano ang kabuluhan ng edukasyon sa iyong buhay lalo na pag andito ka sa Pilipinas naninirahan.

Ang point is, hindi mo dapat puwersahin ang sarili mo sa isang bagay na nagbibigay pagdurusa at pighati sa iyo. Importante ang pag-aaral pero kailangan mo itong maintindihan para sa iyong sarili. Kailangan mong makita nang personal ang kabuluhan at importansiya nito sa iyong sariling buhay.

Lahat tayo ay dumaan o dadaan sa pagsasawang mag-aral. Nagkakatalo lang tayo sa kung paano natin ito haharapin.

Sa kasamaang-palad, ang pangunahing layunin ng edukasyon sa Pilipinas ay hindi para madagdagan ang ating mga nalalaman. Ito ay para makapagpakita tayo ng credentials sa pag-asang maghahatid ito ng mas magandang mga oportunidad sa atin kumpara sa mga wala nito.

Pero sa huli, tayo pa rin ang magdi-desisyon para sa ating mga sarili kung paano at saan natin gagamitin ang mga edukasyong pinagdaanan natin. Maaaring sa mabuti at maaari ding sa hindi.

Magagawa mo ito at mairaraos mo ang iyong pag-aaral sa tulong ng nasa itaas. Mahahanap mo rin ang kabuluhan nito, huwag ka lang susuko.

Filipos 4:6-7 (Ang Salita ng Diyos – SND Version)
6 Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling. 7 At ang kapayapaang mula sa Diyos, na higit sa anumang pang-unawa, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Related Articles:

Leave a Reply

Discover more from The Pinoy Site

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading