Happy New Year!
Dati akong nanghuhula sa mga bangketa ng Quiapo. Subalit dahil sa Pandemic, isa-isang nawala ang aking mga parokyano dahil sa mga social distancing protocols na ipinatupad ng mga LGU. Ayaw naman nilang mag-Zoom o kaya mag-FB messenger para kumunsulta sa kanilang kapalaran. Dahil dito, nabawasan ang aking mga sideline (pero tumatanggap pa rin naman ako ng labada pag weekends).
Naisipan ko na dito na lang ilahad ang lahat ng aking mga premonitions para sa taong 2021. At baka sakaling ma-discover ako at maging celebrity psychic at ESP expert kahit na wala akong alam sa Feng Shui. Kaya without further ado, narito na ang aking fearless forecasts para sa taong 2021.
Mga Bagay na Maaaring Mangyari sa Taong 2021

ano ang mga mangyayari sa 2021?
1. Paghupa ng Coronavirus
Gawa ng alam na ng maraming bansa at ng maraming tao ang paraan ng pag-iwas sa Covid19 ay maaasahan natin na huhupa na ang pagkalat ng virus na ito na siyang nagpasikat sa napakaraming tiktokers. Bagamat nandyan ang threat ng mga mas nakakahawang variants ng virus (gaya ng UK variant) makaka-asa tayo na KUNG susundin lang ng mga tao (utang na loob, sumunod kayong lahat) ang mga basic health protocols (MASK, IWAS, HUGAS) ay mako-contain natin ang pagdami ng nakakahawang virus na ito.
Magandang balita rin ang sunud-sunod na paglabas ng mga vaccine mula sa iba’t-ibang mga kumpanyang nagde-develop nito. Naghahanda na ang iba’t-ibang bansa at mga pamahalaan ng kanilang maku-komisyon, este, maipamamahaging vaccine sa kanilang mga nasasakupan.
Kaunting indayog pa at baka makapag-Christmas Party na ulit tayo ngayong 2021.
2. Pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas
Bagong President ng US, pagbaba ng kaso ng Covid19 infections at unti-unting pagkatapos ng mga infrastructure projects sa ilalim ng Build! Build! Build! Program ng kasalukuyang administrasyon ay siguradong maghahatid ng ibayong interes ng mga foreigners na mamasyal, mag-invest o manirahan sa ating bansa na magpu-push pataas sa ating ekonomiya ngayong 2021. Bago pa nangyari ang pandemic ay nagkaroon na ng momentum ang ating bansa sa pag-angat ng ating ekonomiya.
Maibabalik natin ang momentum na ito kung maisasa-ayos pa nating mabuti ang sistema ng pangangalakal sa ating bansa para sa mga negosyanteng Pilipino at dayuhan. More business, more employment, more money, more spending, more robust, vigorous and other difficult English adjectives para sa ekonomiya ng ating bansa.
3. Pagkalat ng mga entitled Pinoy at Pinay Karens sa Pilipinas
Nararamdaman ko ang pagdami ng mga entitled “I have my rights!” advocates dito sa ating bansa. Gaya ng nangyayari sa Amerika, nakikita ko na dadami din ang mga hindi interesado sa kapakanan ng kapwa niya tao sa mga parking lot, sa restaurant, sa kalsada at maging sa simbahan. Magiging mas marami ang interesado sa kanyang pansariling kapakanan at kahit na maka-perhuwisyo siya sa ibang tao ay wala siyang pakialam.
Dahil dito, dadami ang violence at krimen dahil sa mga walang kwentang bagay sa mga pangkaraniwang lugar gaya ng sampalan sa bangketa, sabunutan sa grocery, suntukan sa CR at barilan sa mall.
Kaunting pagpapakumbaba lang naman ang katapat ng problemang ito.
4. Pagsisimula ng kampanya ng mga pulitiko
Dahil 2022 na next year, kelangan na magpa-pogi at magpa-ganda sa publiko ng mga pulitiko natin. Makikita na naman natin silang aktibong nagta-trabaho, lumalabas sa tv, may guest appearances, commercials sa tv, radyo, dyaryo, at social media. Malamang yung mga favorite nating social media influencers ay kunin ding endorcers ng mga pulitikong ito. Magsasasayaw-sayaw na naman sila para mang-akit ng mga tao.
Makikita na naman natin kung gaano sila kahirap nung mga bata pa sila, kung gaano sila kabuting mga tao, matulungin, mapagmahal, ulirang ama, asawa, etc. magtataka na lang tayo kung bakit sa kabaitan nila ay hindi pa sila kinukuha at kine-claim sa heaven hanggang ngayon.
5. Pagtaas ng mga kaso ng graft and corruption o katiwalian sa gobyerno
Kapag malapit na ang eleksyon, siyempre kelangan na rin ng pondo pang-kampanya kaya huwag tayong magugulat kung may mga alingasngas ng diversion of funds, suhulan, questionable projects, COA deficit reports, media exposés sa mga anomalyang nangyari, nangyayari at mangyayari sa ating pamahalaan. Kung may katiwalian kahit walang eleksiyon, mas lalong meron pag malapit na ang eleksiyon. Syempre, once a garapal, always a garapal. So, beware who you vote for.
6. Pinsalang gawa ng mga natural na kalamidad
Gaya ng mga nakalipas na taon, magugulat ang mga tao sa pinsalang hatid ng mga bagyong darating sa Pilipinas ngayong taon. Subalit gaya ng ilang daang libong taon na mga nakalipas na mga bagyo, hindi pa rin paghahandaan ng Pilipinas ang mga delubyo at sakunang ito dahil sa mga kadahilanang hanggang ngayon ay wala pa rin tayong oras na alamin. Pero marami siguro ang kumikita ng limpak na salapi sa mga sakunang ito kaya okay lang.
7. Kabi-kabilang pagtaas ng gastusin
Nahuhulaan ko na sa taong ito ay tataas ang presyo ng gasolina, kuryente, tubig, bigas, manok, baboy, gulay, renta ng bahay, pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, at magrereklamo ang maraming tao. At mababaon lalo ang maraming tao sa utang dahil hindi pa rin nila nababayaran yung mga dati nilang utang. Pero may pambili pa rin sila ng bagong celphone at kape sa paborito nilang coffee shop.
At iyan po ang aking fearless predictions this 2021.
Actually, kahit na sino ay kayang manghula ng mga maaaring mangyari. Hula lang naman eh. Lalo na kung taun-taon naman ay pareho lang ang mga nangyayari sa atin dahil ayaw nating magbago o wala lang talaga tayong pakialam.
Lahat tayo ay may kakayahang mag-desisyon kung magiging tama ba o mali ang landas na tatahakin natin at kung ano ang naghihintay sa ating pinatutunguhan. Hindi na natin kelangang manghula.
Pagpalain nawa tayong lahat ngayong 2021
Categories: Halu-halo
Leave a Reply