Site icon The Pinoy Site

Paano Makapunta sa Dubai: Via Agency vs. Visit Visa

May dalawang paraan para makarating at makapagtrabaho sa Dubai. Una ay mag-apply sa mga Agency sa Pinas at pangalawa naman ay mag-visit visa na lang papuntang Dubai at doon na maghanap ng trabaho.

Napakaraming Pinoy ang nagnanais makapag-abroad para guminhawa ang buhay. At marami sa kanila ay nagnanais na pumunta ng Dubai.

May dalawang paraan para makarating at makapagtrabaho sa Dubai. Una ay mag-apply sa mga Agency sa Pinas at pangalawa naman ay mag-visit visa na lang papuntang Dubai at doon na maghanap ng trabaho.

Maraming naniniwala na mas madali daw kung magvi-visit visa na lang kaysa kung dadaan ka pa ng agency dahil sobrang tagal daw ng hihintayin mo bago ka pa makaalis ng bansa at madami daw mga papeles na aasikasuhin at babayaran. Bukod diyan ay kailangan mo pang magbayad ng placement fee.

Pero mas madali nga  ba talaga kung magvi-visit visa ka na lang? Pagkumparahin natin.

Paano Makapunta sa Dubai: Via Agency vs. Visit Visa

ang maunlad na syudad ng dubai

Via Agency

Step 1. Application.

Magpapasa kayo ng application sa mga agencies. Minsan mayroon pa silang initial screening at kapag napili ka ay tatawagan ka nila for interview pag dumating na sa Pilipinas yung employer.

Step 2. Selection.

Darating ang employer galing sa Dubai para mag-interview at mamili ng mga i-hihire nila.

Step 3. Formalities.

Contract, Medical, PDOS, POEA, Immigration. Lahat iyan aasikasuhin na ng agency para sa iyo.

Step 4. Fees.

Madalas na gagastusin mo ay yung paglakad lakad ng papeles, pamasahe mga kung ano-anong fees at ang pinakamalaking babayaran mo ay yung placement fee na katumbas ng isang buong buwang sweldo mo.

Sabihin na nating ang sweldo mo sa pinirmahan mong kontrata ay halimbawa Php20,000. Isama na rin natin yung mga maliliit na gastos mo sa paglalakad ng mga papel at mga kung ano-anong fees. Ipagpalagay na nating umabot ang gastos mo sa Php 40,000. O kaya kung talagang napagastos ka, sabihin na nating Php 50,000.

Step 5. Tagal ng paghihintay.

Madalas ang paghihintay ay tatlong buwan lamang dahil sapat na panahon na iyon upang matapos ang mga papeles mo sa Pilipinas at sa Dubai. Minsan tumatagal ang paghihintay sa hanggang anim na buwan depende sa kumpanyang papasukan mo. Madalas kasi tulad ng mga restaurant o hotel na magbubukas pa lang (at isa ka sa napili para maging pioneer staff), naaantala ang pagbubukas dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari  sa konstruksyon o kaya mga permit nung establishment.

Pag natapos mo na ang lahat ng steps sa itaas, liipad ka na pa-Dubai na siguradong may trabahong dadatnan at bahay na matutuluyan.

downtown dubai

Via Visit Visa

Step1. Humanap ng makakapag-issue sa iyo ng visit visa at air ticket.

  1. Agency sa Pilipinas. Pero paano kung peke ito at pine-perahan ka lang?
  2. Kamag-anak sa Dubai. Makakahingi ka ng tulong sa mga kamag-anak mo sa Dubai para kuhanan ka ng mga papeles sa Consulate at matutulungan ka makakuha ng visa at ticket na babayaran mo na lang sa kanila kapag nagkatrabaho ka na.
  3. Kung wala kang kamag-anak pero may kakilala ka, pwede ka pa din makakuha ng visa kaso mas malaki ang tsansa mong makwestyon sa immigration. Kapag nakwestyon ka sa immigration sa araw ng paglipad mo dahil hindi kayo magkamag-anak ng sponsor mo, malaki ang tsansa na ma-offload ka.
    1. Kapag na off-load ka, ipapa-rebook niyo ang iyong ticket at susubok ka ulit.
    2. Kapag nakalusot ka sa immigration, uusad ka na sa Step 2.

Magkano nga ba ang one way ticket mula Pilipinas hanggang Dubai? Sabihin na nating Php20k – 30k++

Step 2. Pagdating mo ng Dubai, bago ka pa maghanap ng trabaho, kailangan mo munang makahanap ng tutuluyan.

  1. Kung may kamag-anak ka o kaibigan o kakilala at close kayo, pwede ka nilang patirahin ng libre hanggang makahanap ka ng trabaho at kaya mo nang magbayad ng upa. Kung hindi kayo close, utang muna ang bayad mo sa upa.
  2. Kung marami kang pera ay pwede kang mag-hotel.
  3. Kung kaunti lang ang baon mo, hindi ka pwedeng maging choosey. Magbe-bedspace ka. Kapag nag-bedspace ka, malamang anim hanggang walo kayong bedspacers sa loob ng isang kwarto. Ang halaga ng upa ay nasa 600 – 800 Dirhams kada buwan na pumapatak na Php 7k – 9k. At maari pang mas tumaas ang upa dahil sa napakabilis na pagtaas ng renta ng mga bahay sa Dubai.

Step 3. Gastusan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan. Pagkain. Pamasahe. Panglakwatsa pag nalulungkot at depressed dahil wala ka pang trabaho.

Step 4. I-renew ang visit visa. Ang validity ng visit visa ay isang buwan para sa short term at tatlong buwan para sa long term.

  1. Kapag kumuha ka ng short term visa na (AED 450 = Php 5,500++)
    1. Masyado maiksi ang isang buwan para makahanap ng maganda-gandang trabaho. Kapag nakahanap ka ay swerte ka.
    2. Kapag sa loob ng isang buwan ay hindi ka nakahanap ng trabaho at kailangan mong umexit, go to Step 5.
    3. Kapag malapit na mapaso ang visa mo at nalaman ito ng kumpanya habang iniinterview ka nila, babaratin ka nila dahil alam nilang kakagat ka.
  2. Kapag kumuha ka ng long term visa (AED 1600 = Php 19,600++), masyadong mabigat sa bulsa. Pero sa loob ng tatlong buwan, maari ka na ding makahanap ng trabaho.
    1. Kapag nakahanap ka ng trabaho sa loob ng tatlong buwan ay ok ka na.
    2. Kapag hindi ka pa din nakahanap ng trabaho sa loob ng tatlong buwan at kailangan mo na umexit, go to Step 5.
    3. Kapag may long term visa ka at sa unang buwan pa lang ay natanggap ka na sa trabaho ay suriin mo ang kumpanya dahil baka ginagamit ka lang. Sasabihin sa iyo na sayang naman ang binayad mo sa long term visa mo kaya gamitin niyo na muna at kapag mapapaso na ito ay saka na lang nila ikaw a-applyan ng working visa. MALING-MALI iyan. Kapag nakapagtrabaho ka na sa kanila na gamit ang iyong visa, maswerte ka kapag sinuwelduhan ka nila. Maaaring sabihin nila na training ka pa lang kaya walang sweldo o kaya hindi ka pa pwedeng swelduhan dahil hindi ka pa official staff dahil wala ka pang valid residence visa. Sasabihan ka nila na umexit para maapply nila ang work permit mo sa Dubai pero ang totoo ay hahayaan ka na nilang mabulok sa lugar na inexitan mo.

Step 5. Exit. Ano ba yung pag-exit na ito?

  1. Kapag napaso ang visa mo at kailangan ka ulit issue-han ng bagong visa, kailangan mo munang lumabas ng bansa saglit.
  2. Kapag nakahanap ka ng trabaho at papalitan na nila ng residence visa o work permit ang visit visa mo, may mga kumpanyang kakailanganin ang iyong pag-exit  at may mga kumpanya namang hindi na nangangailangan pang ikaw ay pa-exitin.
  3. Saan ka pwede umexit?
    1. Kish, Iran. Ang flight papuntang Kish ay nagkakahalagang 600-700 Dirhams = Php 7k – 8k. Tapos magtatagal ka pa doon ng mga ilang araw sa Kish kaya kailangan mo umupa ng kwarto sa mga hotel na nagkakahalaga ng 40 dirhams kada araw.
    2. Oman. Sasakay ka ng bus papuntang Oman nanagkakahalaga ng 250 Dirhams = Php 3k++ at mag-aantay ka ng 2 – 3 araw para ma-issue ang visa mo bago ka makabalik ulit ng Dubai.
    3. Kapag umabot ka sa pag-exit, ang susunod na ay Step 6.

Step 6. Habang nasa labas ka ng U.A.E. kailangan ulit mag-apply ng panibagong visa para makapasok ka ng Dubai. Kung tatlong buwang visa ang kukunin mo, panibagong 1600 dirhams na naman iyan.

Step  7.  Kapag nakabalik ka na sa Dubai matapos ang pag exit mo at pagbili ng bagong visa, wag mong kalimutan na tumatakbo din ang upa mo sa bahay kung nag-bedspace ka.

Dahil maraming Pinoy ang palaban, hindi sila umuuwi ng luhaan. Kapag nakabalik na ulit sila ng Dubai galing sa Kish o Oman, fighting! Apply na ulit. Ang masaklap lang minsan kapag baon na sila sa utang, ubos na ang baon at wala ng pera ang pamilya sa Pinas, napipilitan silang patusin na lang ang kahit anong trabahong dumating para lang may pumasok nang pera at hindi na madagdagan pa ang utang.

Maraming hindi nakukuha ang trabahong naaayon sa propesyon nila (hal. IT expert sa Pinas, pagdating sa Dubai ay Office Boy, o Teacher sa Pinas pagdating sa Dubai ay Waitress o Cashier, o Nurse sa Pinas tapos receptionist pagdating sa Dubai).

Marami sa ating mga kababayan ang ganito ang nagiging kalagayan kapag nagvi-visit visa (o minsan mas malala pa) kaya minsan, baon pa din sila sa utang kahit mag-iisang taon na silang nagtatrabaho.

Akala kasi ng lahat, ganun lang kadali ang pagvi-visit visa. Maraming sinuswerte na nakakakuha agad ng trabaho at marami rin ang hindi.

Kung hanggang ngayon ay nagbabasa ka pa din at nagnanais ka na makarating sa Dubai para magtrabaho, pag-isipan mo kung ano ang paraang  pipiliin mo. Agency o Visit Visa.

Note: Madalas at mabilis magbago ng batas ang Dubai pagdating sa mga visit visa (short/long term) kaya po kapag nabasa niyo ito, tingnan ang petsa ng pagkakalathala at ikumpara sa pangkasalukuyang batas ng Dubai.

Author: aysabaw

Hi there! My name is Aysa! I am currently based in the Maldives, a free diver, a frustrated artist and writer and a lover of palm trees and ocean breeze.

Exit mobile version