Pamaskong Panalangin 2013

nativity

Panginoon,

Marami pong salamat sa panibagong Pasko na aming sinasalubong ngayong taon. Marami pong salamat dahil sa kabila ng mga trahedyang naganap ay buhay pa rin ang marami sa amin at ligtas ang mga mahal sa buhay.

Marami pong salamat sa panibagong taon na darating at sa mga biyayang inilaan po Ninyo para sa amin. Sa kabila po ng aming mga pagkukulang, patuloy po Kayong tapat na nagbibigay ng biyaya sa amin. Hindi po kami karapat-dapat sa Inyong kabutihan.

Patawad po na sa kabila ng mga biyayang tinanggap namin ngayong taon ay hindi pa rin kami kuntento sa maraming bagay. Patawad din po na hindi namin maiwaksi ang lungkot, kaguluhan at galit sa aming mga puso dahil sa mga pangyayaring naganap ngayong taon.

Hindi po namin nauunawaan kung bakit nagaganap ang mga trahedya na kumikitil ng maraming buhay. Hindi rin po namin naiintindihan bakit patuloy po ang karahasan, kriminalidad at digmaan sa iba’t-ibang bahagi ng aming bansa.

Wala po kaming mahanap na paliwanag kung bakit kailangan na maraming buhay ang walang saysay na mawala, kung bakit maraming pamilya ang dapat na magdusa at bakit maraming musmos na bata ang nauulila.

Samantala, sa kabila po ng mga paghihinagpis na ito ay nakikita namin ang marangyang buhay ng aming mga pinuno. Mga lider na dapat sana ay nagpapatupad ng batas subalit sila pa ang unang-unang mga lumalabag dito. Sila ang mga naghahari-harian sa aming mga bayan. Sila ang mga umaastang diyus-diyosan.

Marami po sa aming mga namumuno ang hindi marunong mahiya, mga walang konsensya at mga gahaman.

Bakit po hindi sila ang Inyong pinaparusahan? Bakit po hindi Ninyo igawad ang Inyong paghuhusga sa mga taong ito na walang alam intindihin kundi ang mga sarili nila?

Bakit po kelangang ang mga mahihirap, ang mga walang-wala na sa buhay ang siyang lalong dapat na magdusa at dumanas ng lahat ng pait ng buhay? Ano po ang itinuturo Ninyo sa amin? Hindi po namin naiintindihan.

Patawad po sa aming mga kamalian. Marahil ay kami po ang gumawa nito sa aming mga sarili. Marahil nga po ay kami ang naghatid sa kasalukuyan naming kalagayan. Kaya nga po humihingi kami sa Inyo ng pang-unawa, ng dunong at talino.

Mabilis po kaming makalimot, madalas po kaming naliligaw, madali po kaming magkamali. Ibigay nawa po Ninyo ang Inyong gabay at patnubay na kailangan namin para ibangon ang buhay sa bansa namin. Para ituwid ang aming mga likong pamamaraan.

Ipinapangalandakan po namin na kami ay isang bansang Kristyano at ipinagmamalaki po namin sa mundo ang biyaya ng likas na yaman na ibinigay Ninyo sa amin. Subalit hungkag po ang lahat ng ito para sa marami sa amin. Sa mga katiwalian at karahasang namamayagpag sa aming bansa, dinudungisan lang po namin ang Inyong banal na Ngalan.

Marahil ay hindi pa po nakahandang maging malaya mula sa mga banyaga ang Pilipinas at marahil ay hindi po aaminin ng marami sa aming mga pinuno at mga kapwa Pilipino ang bagay na ito.

Subalit hindi po namin alam pamahalaan ang aming mga sarili, hindi po namin alam kung paano ipatupad ang aming mga batas, hindi po namin alam kung paano ayusin ang aming mga problema. Pinagpapasasaan lang po kami ng iba’t-ibang administrasyon.

Turuan nawa po Ninyo kami kung paano maging isang bansa. Turuan nawa po Ninyo kaming maging mga mamamayan. Turuan nawa po Ninyo kaming patakbuhin ang aming bayan. Turuan nawa po Ninyo kaming gawin ang aming mga responsibilidad.

Mahabag po Kayo sa amin. Kami po ay mga mangmang. Kami po ay mahihina. Kami po ay mga palalo at hangal. Ituro nawa po Ninyo sa amin ang dapat naming gawin.

Mahabag nawa po Kayo sa amin. Kami po ay nagsusumamo. Uulit-ulitin lang po namin ang aming mga pagkakamali hanggang sa mga susunod pang salinlahi. Maawa po kayo sa amin, Panginoon. Maawa po kayo sa amin.

Dinadakila po namin Kayo at linuluwalhati. Ibinabalik po namin sa Inyo ang lahat ng papuri.

Sa ngalan po ng Inyong bugtong na Anak, dinggin nawa Ninyo ang aming samo’t dalangin.

Siya nawa.



Categories: Halu-halo

Tags: , , , ,

2 replies

  1. have a happy and fruitful new year, RP… 🙂

  2. Napakagandang panalangin RP! Amen!

Leave a Reply

%d bloggers like this: