Site icon The Pinoy Site

Taxpayer Lang Ba Ang Dapat Bumoto?

Updated: December 11, 2020

Maganda ang argumento ng mga nagmumungkahi na yung mga taxpayers lang na mamamayan ng Pilipinas ang payagang bumoto tuwing eleksyon.

Pero parang maraming gagawing problema ito kesa solusyon.

photo source: philstar.com

Dapat sigurong linawin muna kung sino itong mga “taxpayers” na tinutukoy na dapat payagang bumoto.

Ito ba yung mga nagtatrabahong Pilipino na nagbabayad ng income tax?
Sila yung mga automatic na nakukuhaan ng buwis buwan-buwan sa kanilang sweldo.

Paano yung mga taxpayer na hindi automatic nakakaltasan ng buwis?

1. mga self-employed/negosyante
2. mga professionals (lawyers, doctors, accountants, engineers, etc)
3. mga blue collar job workers
4. mga freelancers o seasonal ang trabaho
5. mga OFW
6. at iba pa

Hindi ba sila dapat payagang bumoto hangga’t di sila nagbabayad ng buwis sa BIR? Nagbabayad din naman sila ng buwis sa ibang paraan (i.e., VAT, permits, registrations, etc.) .

Paano yung mga graduates na walang trabaho pero may pagmamahal sa bayan? Paano yung mga college students, housewife, kalolohan at kalolahan na walang mga trabaho? Hindi na ba sila pwede pumili ng lider na sa tingin nila ay makakatulong sa kalagayan ng Pilipinas?

Sabihin na nating yung mga disiplinado at walang palya sa pagbabayad ng buwis lang sa Pilipinas ang papayagang bumoto. Masisigurado ba ng Pamahalaan na hindi ibebenta ng mga ito ang boto nila?

photo source: cbcpnews.com

Mahirap i-regulate ang mga bumuboto sa kung sino ang magbebenta ng boto sa hindi. Ganunpaman, ina-assume ng ilan na ibebenta ng lahat ng mga non-taxpayers ang boto nila kaya dapat silang alisan ng karapatang bumoto.

Kung gagawing mas prangka ang usapan, ang gusto talaga nating bawalan bumoto ay yung mga nasa extreme poverty level na botante, ‘di ba?

Kasi sila ang pumipili ng maling kandidato.
Kasi sila ang hindi nakaka-alam ng edukadong paraan sa pagpili ng pinuno.
Kasi sila ang walang mga facebook at twitter accounts para malaman ang tamang pagpili ng iboboto.

Hindi ba’t ganun ang tingin natin sa kanila? Iyon ang tinutumbok ng mga mungkahing ito na “taxpayers” lang ang dapat bumoto, ‘di ba?

Paano natin madi-discourage, kung ganun, na bumoto ang mga kapus-palad at mahihirap na hindi “taxpayer” nating mga kababayan?

Eh ‘di ‘wag nating payagan magpa-rehistro sa Comelec yung mga tumatanggap ng dole-outs ng gobyerno.

photo source: dilg.gov.ph

Pero gusto ba talaga nating simulan ang pagbabawas ng karapatan sa mga kababayan nating mahirap? Nakahanda ba tayong lalong palawakin ang gap ng mga mayayaman at mahihirap?

Uunlad na ba ang Pilipinas kapag hindi na bumuboto ang mga salat sa yaman nating mga kababayan?

Dapat yata ay himukin natin na bumoto ang maraming Pilipino na ayaw magsiboto tuwing eleksyon.

Bakit hindi gawing madali, mabilis at walang aberya ang pagpapa-rehistro at pagboto sa Pilipinas?

Bakit hindi ipagbawal ng mga mambabatas ang religious endorsement para malayang pumili ang mga tao ng gusto nilang iboto?

Bakit hindi pagaanin ng gobyerno ang paraan para sa milyon-milyong mga OFW para makapagparehistro at bumoto?

Imbes na mag-isip tayo ng paraan kung paano mababawasan ang botante, dapat yata mag-isip tayo ng paraan para mas maraming mga Pilipino ang makaboto.

Hindi kayang bilhin at utuin ng kahit sinong pulitiko ang milyun-milyong matino at nag-iisip na mamamayang Pilipino mayaman man o mahirap.

Ano sa tingin n’yo? Please share hanggang umabot sa maraming potential voters 🙂

Related Articles:

Exit mobile version