Home » Karaniwang Hinaing ng mga OFW

Karaniwang Hinaing ng mga OFW

Batay sa mga nababasa sa internet, naririnig sa radyo, napapanood sa tv at batay sa personal na karanasan, napansin ko na may pagkakapare-pareho ang karaniwang hinaing ng mga OFW saang bansa man sila naroroon.

Narito ang ilan sa mga napansin kong karaniwang hinaing ng mga OFW at ang walang kamatayan kong unsolicited advice tungkol dito.

ofw remittance
para sa maraming ofw, sa pera nagsisimula at nagtatapos ang maraming problema…

1. Parati na lang nagkukulang ang perang ipinapadala sa Pilipinas

Sa ilang mga mahiwagang kadahilanan, parang mas mabilis pa sa pag-update ng FB status ni Anne Curtis ang ilang pamilya kung makaubos ng remittance na padala ng kaanak na OFW.

Advice sa OFW:
I-set kung magkano lang ang kayang ipadala sa isang buwan, be consistent at firm. Maliban lang kung may emergency. Pero kung lagi na lang may emergency, magduda ka na.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Magtipid po tayo, hindi naman po katumbas ng nanalo sa lotto ang pagkakaroon ng kaanak na OFW. Kung kelangan talagang dagdagan ang remittance, bigyan po natin ng detalyadong buwanang gastusin ang OFW para alam n’ya kung bakit kulang ang ipinapadala. Sa gayon, makakapag-adjust at mapaplano n’ya ang pupuntahan ng kanyang suweldo.

Huwag po ninyong itakwil at paratangang walang utang na loob ang inyong kaanak kung hindi n’ya kayang ibigay ang hinihingi ninyo.

2. Hindi naaalala ang OFW kung walang kailangan sa kanya

Minsan nakakaramdam ang OFW na mabuti pang huwag magpadala ng remittance sa pamilya. Kasi kapag hindi sila nagpadala, magigipit ang mga pinapadalhan at sisitahin ang OFW kung nagpadala na o hindi pa. ‘Dun pa lang naaalalang kumustahin ng kaanak sa Pilipinas ang OFW.

Kapag regular at walang palya ang padala, nate-take for granted ang OFW. Para bang nagiging automatic remitting machine ang mga OFW sa ilang mga tahanan.

Advice sa OFW:
Libangin ang sarili, enjoyin ang buhay OFW. Matuwa sa thought na ini-enjoy ng mga mahal sa buhay ang padalang remittance.

Mag-initiate na ikaw ang makipag-communicate, huwag mag-balat sibuyas. Sapat na ang 3 weeks na pagtatampo, malamang wala rin nakakapansin na nagtatampo ka pala. Mahalin ang sarili. Wag lang sobra.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Maawa naman po kayo, ang hirap-hirap mag-isa sa ibang bansa, ano ba naman po yung bigyan n’yo man lang ng hi o hello ang inyong kaanak na OFW kahit walang kailangan o okasyon. Libre lang po ang gamit ng Skype, FB, Gmail at Yahoo.

Baka matuwa pa s’ya sa pag-aalala ninyo eh maisipan n’yang dagdagan at dalasan ang remittance. Pero ‘wag po ‘yun ang gamitin n’yong dahilan sa pangungumusta.

3. Bumababa ang palit sa piso

Sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ng daigdig, maraming bansa ang sinasadyang pababain ang value ng kanilang currency. Dagdag pa dito ay ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas kaya nababawasan ang palit sa piso ng sweldo sa ibang bansa ng mga OFW.

Advice sa OFW:
Kung pwedeng hindi buwan-buwan magpadala, hintayin munang tumaas ang palit bago mag-remit ng pera.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Kung magagawan pa ng paraan na pagkasyahin ang perang meron, hintayin munang magtaas ng konti ang palitan sa piso bago manghingi ng padala mula sa kaanak na nasa ibang bansa.

4. Hindi makaipon

Nakarinig ka na ba ng mga OFW na mahigit na 10 years na sa ibang bansa at pag-uwi sa Pilipinas ay walang wala pa rin? Walang ipon, walang naipundar, walang pang-negosyo at marami pang utang? Totoong nangyayari ‘yun.

Advice sa OFW:
Magtipid, huwag waldas sa pera. May panahong sagana, may panahong taghirap.

Hindi masama i-enjoy ang sariling pinagpaguran pero huwag “ubus-ubos biyaya, bukas naka-nganga” system ang pairalin.

Magtabi muna ng pera bago gumastos, mag-open ng hiwalay na bank account kung saan ilalagak ang ipon. Kung pwedeng i-set na automatic kakaltasin sa sweldo ang savings at dadalhin sa isa pang bank account, mas maganda ‘yun.

Makakatulong din kung imo-monitor mo ang buwanang kita at gastos at ita-tabulate ito sa isang excel file o kahit anong format. Bantayan ang sarili.

Advice sa Pamilya ng OFW:
Gaya po ng nabanggit na, hindi katumbas ng nanalo sa lotto o sweepstakes ang pagkakaroon ng kaanak na OFW. Huwag po kayong huminto magtrabaho kung nasa kakayahan pa ninyo.

Tulungan din po ninyong makatipid at makaipon ng pera ang inyong kaanak na nasa abroad. Huwag po natin silang i-pressure sa mga luho na hindi nila kayang ibigay.

Huwag lang po sana puro pagkakagastusan at mahihingi ang ating isipin. Isaalang-alang din po ninyo ang kinabukasan ng OFW. Hindi po habambuhay na siya ay malusog at kayang magtrabaho.

Gusto din po nilang mag-retire at umuwi sa Pilipinas balang-araw. Huwag po ninyo silang alipinin sa pagiging OFW.

Note: Ang mga advice na isinulat dito ay personal kong mga ginagawa at napatunayan kong epektibo para sa akin.

25 thoughts on “Karaniwang Hinaing ng mga OFW

  1. thanks sa mga sharings and most especially sa advices dito..marami akong maisheshar sa mga ALS Learners ko sa lesson namin about OFWS-MGA PINOY SA IBAYONG DAGAT; ANG BAGONG BAYANI..sa lahat ng OFWs pinupuri ko kayo sa inyong kadakilaan..mabuhay kayong lahat lalo na ang bunso kong kapatid na nandyan sa Bahrain bilang dh…na nagsacrifce para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya na ang kapalit ay pangangaliwa ng aking bayaw..

  2. hi ako nga po pala si mariel Kapins, nagtatrabaho sa egypt sa carrot plantation. nakakaiyak po kase dahil pagdating ko sa bahay….

    Marami pong buhangin. </3 huhu

  3. Isa dn ako OFW more than 10 years na ako s abroad hanggang sa nakapag asawa na ako at may isa na rin ako anak. Itinakwil ako ng tatay ko dahil hindi ko nabigyan ng pera hiwalay cla ng nanay ko at may kapatid pa ako nagaaral wala supporta binibigay ang aking ama kaya ako ang sumusuporta s kanila. 200$ lng padala ko buwan buwan hnd daw kakasya yun ngunit yun lang ang kaya ko ibigay kung gusto nila mag trabaho kahit man lng magtinda gagawa sila ng paraan dahil ayoko sila sanayin at aasa n lang sila sa akin habang buhay may pamilya din ako dito na kailangan ko tustusan. Nakapag ipon ipon n din ako kahit papano at nakapag pundar n din sa pinas, ngunit hindi ko muna pinapaalam sa kanila na may ipon ako para hindi sila umaasa na madadagdagan ang aking padala.

  4. Nung ako naman nasa abroad, nagpapadala ako basta nakuha ko na yung sahod ko… Kapag nagka-aberya at di ako agad nakapagpadala sa usual dates eh nag-aalala pa ako na baka wala na silang panggastos at ayaw lang nilang magsabi dahil baka nga isipin kong yun lang ang pakinabang ko sa kanila… Salamat nalang at kahit di araw ng sahod eh nakareceive ako ng message galing sa misis ko kahit 1 or 2 lang… Kaya nililibang ko talaga sarili ko habang nasa malayo, iniisip ko nalang na maswerte ako dahil malayo ako sa stressful na pilipinas..XD

  5. Hi guys, hindi ako OFW pero may asawa akong forener… Dito ako sa Europa nakatira, may tatlo ang aming anak , halos 6 years na ako d2 sa Europa….wala parin asinsyo ang mga magulang ko sa pinas…..Samantalang buwan buwan ako nag papadala sa kanila…..ang kataasan na padala ko…35 tawsan….pero naghihirap parin ang magulang ko…nagtataka ako bakit ganun sila hindi manlang makaipon…..tapos pagkahulog ko ng pera, ang hirap na nilang kontakin…pag konti ang padala let say 10k kulang daw….kaya tinigil ko na ang pag suporta sa magulang ko ng 3 months…na galit na talaga ako…..ano po ba ang gagawin ko huhulugan ko po ba sila ng alawance nila o tuluyan ko ng itigil….sana po ma tulungan ninyo ako..

    1. hello, mam fe. salamat po sa pagbisita. karaniwan talagang hinaing yan ng mga pilipinong nasa ibang bansa na may sinusuportahan sa pilipinas.

      tungkol po sa pagpapadala ng pera, nasa inyo po ang desisyon kung itutuloy pa ito o hindi na. o kung babawasan ang ipinapadala o gagawin itong consistent.

      pero bilang isang anak na tumatanaw ng utang na loob sa kanyang mga magulang, lalo na kung hindi naman sila nagpabaya sa pag-provide sa kanilang mga anak…

      mainam po siguro na pagpasensyahan na lang ninyo ang inyong mga magulang at magbigay kayo ng fixed na amount ng allowance sa kanila (yung di masyadong mabigat sa inyo). i-assume nyo na po beforehand pa na wala silang iipunin o ititira sa perang ibibigay ninyo.

      maging istrikto na lang po kayo sa fixed amount na ibibigay ninyo. wag ninyong dagdagan kung hindi kailangan at gawin din ninyong fixed ang schedule. kahit manghingi ng dagdag, kahit manghingi ng wala sa schedule, magdahilan na lang kayo at tumanggi.

      gawa na lang po kayo ng sarili ninyong rules sa pagpapadala at hayaan na ninyo silang gamitin yung pera sa paraang gusto nila.

      sa huli, nasa inyong pagpapasya pa rin kung ano sa tingin ninyo ang magandang gawin.

  6. Sapul na sapul Kuya! Kung pwede lang sana isakay itong paskil mo sa random sending ng mga text scammer, mas marami ang maaabot ng impormasyon para mas maraming makaunawa kung paano ang hirap ng pangingibang bansa.

    Ngayon ko lang napagtanto, marami pala akong kilalang John Michael. Ahihi!

    1. naging OFW ka rin ba, diwa? o kasalukuyan kang OFW? pero mainam na rin na tayo ang inaasahan kesa tayo ang umaasa. wag lang to the point na kinakalimutang tao ang OFW na may limitasyon at hindi makinang naglalabas lang ng pera.

  7. Sangayon ako sa lahat ng mga sinabi mo rito. Akala kasi ng marami, bangko ang mga OFW. At marami sa mga kamag-anak nila ay John Michael – anJohn lang pag-Michael-angan.

  8. sobrang hirap ng pinagdaraanan talaga nila anu… mabuti na lang andito ako sa pinas at di pa kinailangan mangibang bansa para kumita ng mas malaki.. 🙂

  9. i feel for you. marami akong kamag-anak na OFW, and it’s true na sobrang underappreciated sila. at kapag wala nang silbi (e.g., hindi na nakakapagbigay ng pera), wala na ring puwang sa puso ng mga kamag-anak. to say it’s so sad is a gross understatement. it’s tragic to say the least.

    1. salamat sa pag-empathize, steno. nakakalungkot nga lalo na kapag excited makipagkumustahan ang isang OFW sa kanyang mga mahal sa buhay tapos eh puro lang tungkol sa pera napupunta ang usapan. di man lang muna kumustahin kung may sakit o wala eh bibihirahan na agad ng hingi ng pera.

      buti na lang dumadami yung mga palabas tungkol sa mga ofw at kahit konti eh nagiging aware ang mga kababayan natin sa lagay ng mga ofw sa ibang bansa.

      1. Oho I feel for all Ofw. Khit mhirap ngtitiyaga cla sa ibng bnsa. Sna maisip nga ng mga kamag anak sa Pilipinas na gumawa din ng paraan pra Hindi iaasA lhat sa OFW. Ako khit na may baby pinipilit pa ring mgpadala pero di Nila naapreciate ung sacrifices ng asawa ko na mgtrabaho. Kya hirap dami na kmi utang lalo png di mkabayad sa gnung sitwasyo

Leave a Reply

Discover more from The Pinoy Site

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading