Angeles City, Pampanga – Isusulong ng Kongreso ngayong taon ang pag-amyenda sa 1987 Constitution na siyang kasalukuyang umiiral sa bansa.
Ito ay kinumpirma mismo ni House Speaker Feliciano Belmonte, Jr. nang siya ay inambush interview ng ilang mga reporter nang mamataan siyang nagkakape sa Starbucks sa Marquee Mall, Angeles City.
Ayon sa panayam, pagkatapos ng malaking panalo ng mga kaalyado ng Pamahalaan sa nakalipas na halalan, may kumpiyansa ang Pangulo na mababawasan na ang mga hadlang sa pagsulong ng mga bagong batas na aayos sa burokrasya ng bansa na dahilan ng malawakang katiwalian sa hanay ng mga nasa gobyerno.
Isa sa mga panukala para sa gagawing pag-amyenda ng konstitusyon ay ang pagrepaso sa kasalukuyang mga sangay ng Pamahalaan.
Narito ang mga panukalang pagbabago na nais isulong ng Pangulo:
1. Lansagin ang Sangguniang Kabataan at Baranggay System
2. Tanggalin ang Partylist System
3. Pag-isahin ang Kongreso at Senado
4. Tanggalin ang Office of the Vice President
5. Alisin ang Korte Suprema
(Ang detalye sa mga pagbabagong ito ay matatagpuan sa Official Gazette website.)
Sa bagong ayos na ito ng Pamahalaan, inaasahan ng Pangulo na mapapabilis ang pagpapatupad ng mga panukalang batas na tumutugon sa mga pangangailangan ng bansa. Gayundin, naniniwala ang Pamahalaan na napakalaking halaga ng salapi ang matitipid sa pagbabawas ng mga sangay na ito ng Pamahalaan.
Ayon kay Belmonte, naniniwala ang Malacañang na ito ang pagbabagong kailangan ng bansa upang tunay na maramdaman ng mga mamamayan ang umuunlad na ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon pa sa House Speaker, marami sa Kongreso ang sumusuporta sa panukalang ito ng Pangulo at naniniwala siyang aani din ito ng suporta sa Senado.
Nang tanungin kung ano ang gagawin ng Kongreso sakaling kuwestiyonin ito ng Korte Suprema, sinabi ng House Speaker na, “Sasabihin ko sa kanila na maghanap-hanap na sila ng ibang trabaho”.
**************************************************************
Sa kasamaang palad, ang balitang ito ay kathang-isip at gawa-gawa lamang.