Site icon The Pinoy Site

Hindi Ako Boboto Ngayong 2013

Actually nung 1998 election pa ako last na bumoto. Hindi ko na na-update ang voter’s registration file ko mula nung naging OFW ako noong 2001 (baka may iba nang gumagamit sa voter’s identity ko ngayon).

So, mula 2001 hanggang 2010 elections ay hindi na ako bumoto pa ulit.
At hindi ako naging apektado. (Sa English, “I did not turn into affected.”)

Hindi na ako interesado bumoto mula noon.
Wala rin namang kwenta ang akala ko.
Nagrereklamo na lang ako ‘pag may mga iskandalo sa mga hinalal na pulitiko.

Kelan ko lang natanggap ang kahalagahan ng pagboto.

Oo nga naman. Pumapatay ng tao, magsisinungaling, manloloko, gagamit ng ninakaw na pera ang mga tiwaling pulitiko para makakuha ng boto.

In other words, masunog na ang kaluluwa nila sa impyerno, magkamit lang ng boto.

May kapangyarihan pa rin pala talaga ang boto ko…ang pinagsama-samang boto natin.

eksena nuong 2010 elections…(newsaroundus.com)

Na-inspire ako sa mga bumoto noong 2010 na matyagang pumila, tiniis ang init, naghintay sa kung anu-anong delays at problema sa mga voting precincts gawa ng bagong sistema ng pagboto.

Nagtyaga sila noong nagpaparehistro pa lang at matyaga rin silang bumoto sa araw ng halalan.

Bumoto sila.
Nag-ambag sila sa pagbabago.

Ako, hindi.
Nagmamatyag lang ako kung ano ang mairereklamo.

Kaya ngayong 2013 ay ginusto ko bumoto.

Pero hindi pala pwede.
Dahil hindi ako nagparehistro.

Overseas absentee voting ang tsansa naming mga OFW para makaboto.
Pero hindi ako nagparehistro.

Wala akong magandang excuse.

Patawad po…

Sa buong Japan ay dadalawang lugar lang ang pwedeng puntahan para makapagparehistro. Yung isa ay halos 140km mula sa kinaroroonan ko, yung isa naman ay halos 640km.

Hindi gaya ng bansang Amerika, walang Registration by Mail system ang Philippine embassy sa Japan. Ewan ko sa ibang bansa, pero kelangan personal kang magpunta sa embassy sa Japan para lakarin ang pagpaparehistro.

Kung nag-leave ako ng isang araw sa trabaho at gumastos ng humigit kumulang 3000 pesos para magpunta sa embassy, nakapagpa-rehistro sana ako.

Pero hindi ako nagparehistro.

Hindi rin nagpaparehistro tuwing mayroong eleksyon ang daan-daang libong mga OFW na malalayo ang kinaroroonan sa Philippine embassy.

Sayang na mga boto.
Sayang na mga pagkakataon para maghalal ng pinuno.
Sayang na mga ambag sa pagbabago ng ating pamahalaan.

Dahil ‘di ako boboto ngayong 2013, heto ang ilan pang mga hindi ko gagawin sa susunod na tatlong taon:

♦ Hindi ko tutuligsain sa social media ang mga mananalo sa national elections
(anyway, who naman me to make tuligsa-tuligsa them?)

♦ Hindi ko babatikusin ang mga bumoto sa mga hindi ko gustong pulitiko
(at least bumoto sila, eh ako? nganga!)

♦ Hinding hindi ko na palalagpasin ang pagpaparehistro para sa 2016 elections

Samantala, sa mga susunod na tatlong taon ay heto ang aking personal resolution para makagawa pa rin ng mabuti para sa ating Inang Philippines:

♦ Ipagpatuloy ang blog na ito at magpost ng mga akdang kapaki-pakinabang
♦ Gampanan ang mga responsibilidad ko bilang OFW (remittances, government fees, taxes, etc.)
♦ Siguraduhing makapagpa-rehistro sa susunod na eleksyon

Ganun.

Sa lahat ng mga nakapagparehistro, please bumoto po kayo at please vote wisely.

Sa ating pamahalaan, sana ay magawan n’yo ng paraan para mapabuti ang paraan ng pagpaparehistro at pagboto ng mga Pilipino na nasa ibang bansa.

Siya nawa.

Exit mobile version