Site icon The Pinoy Site

Kelangan Natin ng Kontrol

Gun control…kelangan natin ng gun control. Total gun ban man o mas pinaigting na gun control.

Meron akong bayaw na naholdap sa jeep. Tinutukan s’ya ng baril kaya hindi s’ya nakapalag. Buti na lang nakuhanan lang s’ya ng celphone at walang nangyaring masama sa kanya pero ilang araw s’yang nasa state of shock pagkatapos ng insidenteng iyon.

Sa loob ng jeep. Mantakin mo ‘yon. Sa loob ng jeep?
Eh wala namang mayamang sumasakay ng jeep ah.
Kahit sa halagang 150 pesos yata eh pwede na ikamatay kung hindi ito ibibigay.

Kung sanang kutsilyo ang gamit ng mga kawatan eh madali pa silang matatakbuhan o pwede rin silang labanan kung mabilis ka sa kung fu.

Pero kapag baril ang hawak nila, sila ang hari.

Hindi ko pa rin alam kung paanong nangyari na mas madali magkaroon ng baril sa ating bansa na marami ang nagsasabing mahirap sila, nagugutom at walang pinagkakakitaan.

Ang alam ko ay nangangailangan pa rin ng pera para makakuha ng baril at hindi naman libre sa set ang mga bala. So, bakit marami ang may hawak na baril?

Walang may baril sa aming pamilya at last akong nakahawak ng baril ay nuong batang bata pa ako nang ipahawak ng aming kapitbahay ang kanyang 0.38 yata yun na baril sa akin.

Mabuti na lang at hindi ko ipinutok sa ulo n’ya ‘yung baril sa pag-aakalang laruan lang ito. Ngayon ko lang naisip kung gaano ka-reckless ang ginawa n’yang iyon.

Kaya kung magkakaroon man ng total gun ban ay hindi apektado ang aking pamilya. Dahil wala nga kaming pag-aaring baril in the first place.  Mula’t mula pa ay delikado na kami sa mga taong may legal o illegal na pag-aaring baril.

At sa tingin ko ay marami din ang mga katulad namin na pamilyang uunahin pang bumili ng pagkain kesa bumili ng mga baril at mga bala nito.

dapat yata ang mga bahay sa pilipinas ay igaya sa mga bahay sa israel para walang tumagos na bala sa loob ng bahay (ginoogle na picture)

Marami ang tutol sa total gun ban lalo na yung nagkaroon na ng first hand encounter sa karahasan na laganap sa paligid natin.

Sinasabi ng ilan na hindi sagot ang total gun ban sa problema ng krimen. Na ang mga kriminal ay hahanap at hahanap pa rin ng ibang paraan para makapaghasik ng lagim, may baril man o wala.

Eh para saan pa yung total gun ban na ipinapatupad kapag election period?
Ano ba ang layunin ng patakarang ito? Hindi ba para pababain ang krimen?

Kung parati na lang walang silbi ang katwiran natin sa mga patakarang gustong ipatupad, mas mabuti kayang huwag na lang magpatupad ng kahit na anong batas ang ating pamahalaan?

Meron pang mga nagsasabi na kulang pa ang baril kaya nangyayari ang mga karahasang ito. Kung sakali bang bibigyan natin ang lahat ng mga tao ng access sa baril ay magiging ligtas na tayo at ang ating mga mahal sa buhay sa karahasan at pinsalang dulot ng mga baril?

Kaya kung matagumpay na maipapatupad ang gun ban sa election period, sana ipatupad na lang ito sa mas mahabang panahon. Mga 3 months before and after ng election. Bale 6 months na total gun ban sa buong Pilipinas every 3 years. O kaya, 1 entire year of total gun ban every election year.

Idagdag na rin yung total gun ban tuwing December at January.

Sa laganap na loose firearms, ang kaligtasan ng lahat ay hindi sigurado, law abiding citizen ka man, maimpluwensyang tao man, kahit na nga yung mga kawatan mismo.

Okay, everybody, repeat after me…

Walang saysay ang umasenso sa Pilipinas kung buhay natin ang kapalit nito
(Walang saysay ang umasenso sa Pilipinas kung buhay natin ang kapalit nito)

What’s fun sa Pilipinas kung lagi tayong may agam-agam sa ating kaligtasan
(What’s fun sa Pilipinas kung lagi tayong may agam-agam sa ating kaligtasan)

Walang kabuluhan ang humikayat ng mga dayuhang bumisita sa atin kung hindi na nga natin masiguro ang kaligtasan natin sa Pilipinas eh iisipin pa natin ang kanilang kaligtasan
(Ang haba naman…)

Recommended Blog Articles:

Author: ResidentPatriot

Male, Engineer, Artist, Writer, tumatanggap din ng labada tuwing Sabado...

Exit mobile version