Ano na lang ang buhay kung wala ang social media? Maraming Pilipino na ang natulungan at patuloy na tinutulungan ng bagong teknolohiyang ito:
- mga nalulungkot na OFW
- mga kabataang hindi masyadong outgoing
- mga taong gustong magtipid sa entertainment
- mga gustong makahanap ng sideline income
- mga naghahanap ng bagong impormasyon
- mga gustong magpasikat 😀
Hindi kapani-kapaniwala ang bilis ng paglaganap ng impluwensya ng social media sa buhay ng mga Pilipino. Pinagtitibay lang nito ang isang aspeto ng kultura natin, ang pagpapa-halaga natin sa pakikipag-ugnayan.
Pinatunayan na natin ito dati pa sa mga naging popular na paraan ng komunikasyon gaya ng pagte-text, pagbisita sa mga yahoo chat rooms, pakikipag-talastasan sa mga online forums at sa pagtambay sa friendster.
Ngayon ay laman tayo ng blogs, twitter, facebook at iba pang social networking sites. Basta isang website ang may komunikasyong maaaring gawin (kahit comment portion lang), malamang may Pilipinong dumadayo doon.
Kung kaya’t hindi nakakapagtaka na napakataas ng porsyento ng mga online na Pinoy sa social networks.
Mababa pa ang porsyentong ito kung tutuusin. Dahil ayon sa balita, 3 out of 10 na Pilipino pa lamang ang may agarang access sa internet. (Source: Internet Access of Filipinos)
Para sa akin, ang social media ay isang tulay na nagdudugtong sa aking nakaraan:
- sa mga taong nakapagbigay ng impluwensya sa akin
- sa mga lugar na nagbigay ng masasayang alaala
- mga karanasang nagturo ng bagong kaalaman
Ang social media din, para sa akin, ay tulay na nagdudugtong sa akin sa kasalukuyan:
- sa aking mga mahal sa buhay na hindi ko kasama
- mga kaibigang nasa malayong lugar
- mga pangyayari sa aking bayang kinamulatan at kasalukuyang kinaroroonan
- kamalayan sa mga nagaganap sa ibang panig ng daigdig
- pagbabahagi ng bagong ideya o kaisipan
At idinudugtong din ng social media ang kasalukuyan sa hinaharap sa pamamagitan ng:
- mga impormasyon tungkol sa makabagong teknolohiya
- mga balita tungkol sa mga pagbabagong makaka-impluwensya sa hinaharap
- mga matututunang kaalaman na makapagpapa-unlad sa aking kinabukasan
Pinalawak, pinadali, pinatipid ng social media ang paraan ng komunikasyon at pagbabahagi ng impormasyon. Isang mabuting bagay ito para sa ating mga gumagamit, subalit gaya ng kasabihan, “Ang lahat ng sobra ay masama.” (Tingnan ang drawing sa itaas.)
Ang social media ay may kaakibat na responsable at maingat na paggamit upang hindi mapinsala at huwag makapinsala.
Reference: Ano ang “Social Media“?
********************************************************************************
********************************************************************************
Ang post na ito ay ang aking blog entry para sa PEBA 2012 na may temang, “The Social Media and I: Bridging the Past, Present and Future”.