Home » Cybercrime Prevention Act of 2012 (Pinoy Version)

Cybercrime Prevention Act of 2012 (Pinoy Version)

Dahil nakakainis magbasa ng importanteng batas ng Pilipinas sa wikang banyaga, minarapat ko nang i-translate ang Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 10175 sa wikang Tagalog (na may halong English) para mas madali nating maintindihan.

Ito na ang pinakamahirap na torture na ipinataw ko sa aking sarili sa anim na buwan kong pagbo-blog (marami pa ang susunod) sa site na ito.

Narito ang unofficial Taglish version ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175)

Welcome ang anumang suhestyon o pagkokorek upang mapabuti ang salin na ito. Kahit hindi ako umaasa na may magbabasa ng translation na ito haha 😀

At least, kapag may nangailangan ng Taglish version ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175), meron nang magagamit kahit paano. Paki-scroll na lang hanggang sa ibaba ng page. Kinapalan ko ang tinta ng mga importanteng bahagi ng batas na ito.

Paunawa: Hindi ako professional translator at hindi rin ako abogado. Ito’y for public services lang (bakit may “lang”? wala lang).

Nandito ang orihinal at opisyal na bersyon ng Malakanyang: Cybercrime Prevention Act ng 2012 o RA 10175

cybercrime prevention
Photo by FLY:D on Unsplash

********************************************************************************
********************************************************************************

Republic Act No. 10175

S. No. 2796
H. No. 5808
 
Republika ng Pilipinas
Kongreso ng Pilipinas
Metro Manila
Ika-15 Kongreso
Ikalawang Regular na Sesyon
 
Nagsimula at ginanap sa Metro Manila nuong Lunes, ika-25 araw ng Hulyo 2011.
 

[Batas ng Republika Blg. 10175]

Isang batas na nagpapaliwanag sa CYBERCRIME, naglalaan para sa paghadlang, pagsisiyasat, pagpigil at ang pagpapataw ng parusa para doon at para sa iba pang mga layunin.
 
Ito ay pagsasabatas ng lupon ng Senado at House of Congress ng Pilipinas:
 
CHAPTER 1
MGA PAUNANG PAGTATAKDA
 
SECTION 1. Pamagat. – Ang Batas na ito ay kikilalanin bilang “Cybercrime Prevention Act ng 2012”.
 
Sec. 2. Pagpapahayag ng Patakaran. – Kinikilala ng bansa ang mahalagang papel ng industriya ng impormasyon at komunikasyon gaya ng content production, telekomunikasyon, pagbo-broadcast ng elektronikong kalakal, at pagproseso ng data, sa pangkalahatang pag-unlad ng lipunan at ekonomiya ng bansa.
 
Kinikilala din ng bansa ang kahalagahan ng pagbibigay ng isang paligid na kaaya-aya sa pagbuo, pagpapabilis, at makatwirang pagsasagawa at paggamit ng impormasyon at komunikasyong pang-teknolohiya (ICT) upang makakuha ng libre, madali, at maliwanag na paraan upang makipagpalitan at/o maghatid ng impormasyon.
 
At (kinikilala din) ang pangangailangan upang protektahan at ingatan ang (mga sumusunod): kabuuan ng mga computer, sistema ng mga computer at komunikasyon, network, at mga database, ang pagiging kompidensiyal, pagiging buo, at availability ng impormasyon at data na naka-imbak doon, mula sa lahat ng uri ng maling paggamit, pang-aabuso, at ilegal na pag-access, (ang proteksyon at pag-iingat ay gagawin) sa pamamagitan ng pagpaparusa, sa ilalim ng batas, ng gayong uri ng pag-uugali o mga gawi.
 
Dahil dito, ang bansa ay magpapatibay ng sapat na kapangyarihan upang epektibong pigilan at labanan ang mga katulad na pagkakasala sa pamamagitan ng pangangasiwa para sa kanilang pagkatuklas, pagsisiyasat, at pag-uusig sa parehong lokal at internasyonal na level, at sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kaayusan para sa mabilis at maaasahang internasyonal na pakikipagtulungan.
 
Sec. 3. Kahulugan ng mga Salita – Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang mga sumusunod ang kahulugan ng mga salita:
 
(a) Access ay tumutukoy sa tuntunin, pakikipag-komunikasyon, pag-iimbak ng data, pagkuha ng data, o kung hindi man ay ang paggamit ng anumang mga mapagkukunan ng isang computer system o network ng komunikasyon.
 
(b) Alterasyon ay tumutukoy sa pag-iiba o pagbabago, sa ayos o sangkap, ng isang umiiral na data sa computer o program.
 
(c) Komunikasyon ay tumutukoy sa pagpapadala ng impormasyon sa pamamagitan ng ICT media, kabilang ang mga boses, video at iba pang uri ng data.
 
(d) Computer ay tumutukoy sa isang electronic, magnetic, optical, electrochemical, o iba pang nagpo-proseso ng data o aparatong pang-komunikasyon, o pagpapangkat ng naturang aparato, may kakayahang magsagawa ng lohikal, aritmetikal, pagpapadaloy (routing), o kakayahang mag-imbak kabilang ang anumang pasilidad ng imbakan, aparato, pang-komunikasyong pasilidad o aparato na direktang nauugnay o gumagana alinsunod sa mga katulad na aparato.
 
Sumasaklaw sa anumang uri ng computer device kabilang ang mga aparatong may kakayahan sa pagpoproseso ng data tulad ng mga mobile phone, smart phone, computer network at iba pang mga gamit na nakakonekta sa internet.
 
(e) Computer data ay tumutukoy sa anumang representasyon ng katotohanan, impormasyon, o konsepto sa isang porma na angkop para sa pagproseso sa isang sistema ng computer na mayroong program na angkop upang pakilusin ang isang computer system at nagtataglay ng mga elektronikong dokumento at/o electronic data messages na naka-imbak sa mga lokal na computer system o online.
 
(f) Computer program ay tumutukoy sa isang hanay ng mga tuntuning isinasagawa ng computer upang makamit ang mga nilalayong resulta.
 
(g) Computer system ay tumutukoy sa anumang aparato o grupo ng mga konektado o magkakaugnay na mga aparato, kung saan ang isa o higit pa ay, alinsunod sa isang programa na gumagawa ng awtomatikong pagproseso ng data.
 
Ito ay sumasaklaw sa anumang uri ng aparato na may kakayahang magproseso ng data kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, mga computer at mga mobile phone.
 
Ang aparato na binubuo ng hardware at software ay maaaring magtaglay ng input, output at mga pang-imbak na parte na maaaring gumanang mag-isa o maging konektado sa isang network o iba pang katulad na mga aparato. Kasama rin dito ang mga aparato o media na pang-imbak ng computer data.
 
(h) “Walang karapatan” ay tumutukoy sa alinman sa mga ito: (i) ginawang bagay na wala o labis sa (sariling) karapatan; o (ii) isang gawa na hindi sakop ng mga itinatag na legal na depensa, pangangatwiran, court order, pagbibigay-katarungan, o makatuturang prinsipyo sa ilalim ng batas.
 
(i) Cyber ​​ay tumutukoy sa isang computer o isang computer network na elektronikong daluyan kung saan ang online na komunikasyon ay nagaganap.
 
(j) Kritikal na imprastraktura ay tumutukoy sa mga computer system, at/o network, pisikal man o virtual, at/o mga programa sa computer, computer data at/o data ng trapiko na mahalaga sa bansang ito na ang pagkabaldado o pagkasira o panghihimasok sa mga ganuong sistema at mga asset ay magpapahina sa seguridad, pambansa o pang-ekonomiyang seguridad, pambansa’t pampublikong kalusugan at kaligtasan, o anumang kumbinasyon ng mga iyon.
 
(k) Cybersecurity ay tumutukoy sa koleksyon ng mga kagamitan, mga patakaran, mga plano sa pamamahala ng panganib, mga pagkilos, pagsasanay, pinakamahusay na kasanayan, katiyakan at mga teknolohiya na maaaring magamit upang maprotektahan ang kapaligirang cyber at organisasyon, at ang mga asset ng gumagamit.
 
(l) Database ay tumutukoy sa isang representasyon ng impormasyon, kaalaman, katotohanan, konsepto, o mga tagubilin na ihahanda, ipo-proseso o iimbakin o kaya ay inihanda na, pinroseso o inimbak sa pormal na pamamaraan at nilalayong gamitin sa isang sistema ng computer.
 
(m) Pagharang ay tumutukoy sa pakikinig, pag-record, pagmamanman o pagmamatyag ng nilalaman ng mga komunikasyon, kasama dito ang pagkuha ng nilalaman ng data: maaaring direkta, sa pamamagitan ng pag-access at paggamit ng isang sistema ng computer; o hindi direkta, sa pamamagitan ng paggamit ng electronic na paniniktik o kumonekta ng palihim sa aparato, habang ang komunikasyon ay nagaganap.
 
(n) Service provider ay tumutukoy sa:
 
(1) Anumang pampubliko o pribadong institusyon na nagbibigay sa mga gumagamit ng mga serbisyo nito ng kakayahan upang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang computer system; at
 
(2) Anumang iba pa na nagpo-proseso o nag-iimbak ng computer data sa ngalan ng katulad na serbisyong pang-komunikasyon o ng mga gumagamit ng naturang serbisyo.
 
(o) Impormasyon ng Subscriber ay tumutukoy sa anumang impormasyon na nasa anyo (form) ng isang computer data o anumang iba pang anyo na hawak ng isang service provider na may kaugnayan sa mga subscriber ng serbisyo nito, iba pa ito sa traffic o content data, kung saan ang pagkakakilanlan ay maitatalaga:
 
(1) Ang uri ng serbisyong pang-komunikasyon, ang mga teknikal na probisyong isinagawa at ang panahon ng serbisyo;
 
(2) Ang pagkakakilanlan ng subscriber, postal o heyograpikong address, telepono at iba pang mga numerong pang-kontak, anumang itinalagang network address, impormasyon sa paniningil at pagbabayad, na maaaring magamit batay sa kasunduan ng serbisyo; at
 
(3) Anumang iba pang magagamit na impormasyon sa lugar ng instalasyon ng kagamitang pang-komunikasyon, batay sa kasunduan ng serbisyo.
 
(p) Traffic data o non-content data ay tumutukoy sa anumang computer data bukod sa nilalaman ng komunikasyon kabilang ang, ngunit hindi limitado sa, pinagmulan ng komunikasyon, destinasyon nito, ruta, oras, petsa, laki, tagal, o uri ng nakapailalim na serbisyo.
 
CHAPTER 2
MGA GAWAING MAAARING PARUSAHAN
 
Sec. 4. Mga Pagkakasala na Cybercrime. – Ang mga sumusunod na gawain ay bahagi ng mga pagkakasala na cybercrime at maaaring parusahan sa ilalim ng Batas na ito:
 
(A) Mga pagkakasala laban sa confidentiality, integrity at availability ng mga computer data at mga system:
 
(1) Ilegal na Access. – Ang pag-access sa kabuuan o anumang parte ng isang sistema ng computer nang walang karapatan.
 
(2) Ilegal na Pagsagap. – Ang pagsagap na ginawa sa pamamagitan ng mga teknikal na pamamaraan nang walang karapatan sa anumang di-pampublikong transmission ng computer data papunta sa, magmula sa, o sa loob mismo ng isang computer system kabilang na ang mga electromagnetic na pagpapadala mula sa isang computer system na nagdadala ng katulad na computer data.
 
(3) Panghihimasok ng Data.– Ang intensyonal o walang ingat na pagbabago, pagsira, pagbura o pagpinsala ng computer data, elektronikong dokumento, o electronic na mensahe, nang walang karapatan, kabilang na dito ang pagpapasimula o pagpapadala ng mga virus.
 
(4) Panghihimasok sa System. – Ang intensyonal na alterasyon o walang ingat na paghadlang o panghihimasok sa paggana ng isang computer o network ng mga computer sa pamamagitan ng paglalagay, pagpapadala, pagsira, pagbura, pagpinsala, pagbabago o paghadlang ng computer data o program, elektronikong dokumento, o electronikong mensahe nang walang karapatan o kapangyarihan, kabilang na dito ang pagpapanimula o pagpapadala ng mga virus.
 
(5) Maling Paraan ng Paggamit ng mga Device.
 
(i) Ang paggamit, produksyon, pagbenta, pagkuha, pamamahagi, pag-angkat, o kung hindi man ay paggawa ng paraan upang magamit nang walang karapatan ang:
 
(aa) Isang aparato (device), kasama ang isang computer program na dinisenyo o inangkop para sa pangunahing layunin na gumawa ng anumang pagkakasala na nasa ilalim ng Batas na ito; o
 
(bb) Isang computer password, access code, o katulad na data na may kakayahang pasukin ang kabuuan o anumang bahagi ng isang computer system na may layuning magamit ito para gumawa ng anumang pagkakasala na nasa ilalim ng Batas na ito.
 
(ii) Ang pagkakaroon ng bagay na tinutukoy sa paragraph 5(i)(aa) o (bb) sa itaas na may layuning gamitin ang mga nabanggit na device para gumawa ng anumang pagkakasala sa ilalim ng seksyong ito.
 
(6) Cyber-squatting. – Ang pagkuha ng isang pangalan ng domain sa internet na may masamang intensyon para kumita, manlinlang, manira ng reputasyon, at ipagkait sa iba ang kakayahang iparehistro iyon, kung ang pangalan ng domain name ay:
 
(i) Katulad, magkahawig, o nakakalito sa pagkakatulad sa isang umiiral na trademark na nakarehistro sa angkop na ahensiya ng pamahalaan sa oras ng pagpaparehistro ng domain name;
 
(ii) Kamukha o hawig sa anumang paraan sa pangalan ng isang tao na iba kaysa sa taong nagpaparehistro, sa kaso ng isang personal na pangalan; at
 
(iii) Kinuha ng walang karapatan o may nakapaloob na interes para sa pag-aaring intelektwal.
 
(B) Mga pagkakasalang may kaugnayan sa computer:
 
(1) Computer na may Kaugnayan sa Pamemeke.
 
(i) Ang paglalagay, alterasyon, o pagbura ng anumang computer data na walang karapatan na nagreresulta sa pagiging inauthentic (hindi totoo) ng data, kasama ang layuning maisa-alang-alang o magkaroon ng pagkilos na legal na tila ang nasabing data ay authentic (tunay) kahit na ang data ay nababasa at naiintindihan man o hindi; o
 
(ii) Ang sadyang paggamit ng computer data na produkto ng computer na nauugnay sa pamemeke gaya ng tinutukoy dito, para sa layunin ng pagpapatuloy sa panlilinlang o hindi tapat na disenyo.
 
(2) Computer na may Kaugnayan sa Panlilinlang. – Ang walang karapatang paglalagay, alterasyon, o pagbura ng computer data o program, o panghihimasok sa paggana ng isang sistema ng computer, na nagiging sanhi ng pagkapinsala sa layuning makapanlinlang: Sa kundisyon na, kapag wala pang pinsalang nalilikha, ang maipapataw na kaparusahan ay isang (1) degree na mas mababa.
 
(3) Computer na may Kaugnayan sa Pagnanakaw ng Pagkakakilanlan. – Ang intensyonal na pagkuha, paggamit, maling paggamit, paglilipat, pag-aari, alterasyon o pagbura ng impormasyon ng pagkakakilanlan na pag-aari ng iba, maaaring natural o juridical, nang walang karapatan: Sa kundisyon na, kapag wala pang pinsalang nalilikha, ang maipapataw na kaparusahan ay isang (1) degree na mas mababa
 
(C) Mga Pagkakasalang may Kaugnayan sa Nilalaman:
 
(1) Cybersex. – Ang sinasadyang pakikipag-ugnayan, pagpapanatili, kontrol, o pagpapatakbo, direkta o hindi direktahan, ng anumang mahalay na pagpapamalas ng maseselang bahagi ng katawan o sekswal na gawain, sa tulong ng isang computer system, bilang pabor o kunsiderasyon.
 
(2) Pornograpiya ng Bata. – Ang labag sa batas o mga ipinagbabawal gawin na tinutukoy at maaaring parusahan ng Republic Act No. 9775 o ng Anti-Child Pornography Act ng 2009, na ginawa sa pamamagitan ng isang computer system: Sa kundisyon na, ang parusa na ipapataw ay isang (1) degree na mas mataas kaysa sa itinakda ng Republic Act No. 9775.
 
(3) Hindi Hinihinging Komunikasyong Pangkomersyo. – Ang pagpapadala ng komersyal na electronikong komunikasyon gamit ang computer system na layunin ang mag-patalastas, magbenta, o mag-alok ng mga ibinebentang produkto at serbisyo ay ipinagbabawal maliban kung:
 
(i) May paunang positibong pahintulot mula sa tatanggap; o
 
(ii) Ang pangunahing layunin ng komunikasyon ay para sa mga serbisyo at/o administratibong mga anunsyo mula sa nagpadala papunta sa mga gumagamit, subscriber o customer nito; o
 
(iii) Ang mga sumusunod na kondisyon ay umiiral:
 
(aa) Ang komersyal na elektronikong komunikasyon ay nagtataglay ng isang simple, wasto, at maaasahang paraan para sa tumatanggap upang tanggihan ang mga karagdagang komersyal na elektronikong mensahe (opt-out) mula sa pinagmumulan;
 
(bb) Ang komersyal na elektronikong komunikasyon ay hindi sadyang itinatago ang pinagmulan ng elektronikong mensahe; at
 
(cc) Ang komersyal na elektronikong komunikasyon ay hindi sadyang nagsasama ng mga mapanlinlang na impormasyon sa anumang bahagi ng mensahe upang hikayatin ang mga tatanggap na basahin ang mensahe.
 
(4) Libelo. – Ang labag sa batas o mga ipinagbabawal na akto ng libelo ayon sa isinasaad ng Artikulo 355 ng Revised Penal Code, na sinusugan, na ginawa sa pamamagitan ng isang computer system o anumang iba pang mga katulad na paraan na maaaring maimbento sa hinaharap.
 
Sec. 5. Iba pang mga pagkakasala. – Ang mga sumusunod na gawain ay itinuturing ding isang pagkakasala:
 
(A) Pagtulong o Pag-udyok sa Paggawa ng Cybercrime. – Sinumang tao na sinasadya ang pag-udyok o pagtulong sa paggawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Batas na ito ay papapanagutin.
 
(B) Pagtatangkang Gumawa ng Cybercrime. – Ang sinumang tao na sinasadyang subukang gumawa ng anumang ng pagkakasala na isinasaad sa Batas na ito ay papapanagutin.
 
Sec. 6. Ang lahat ng mga krimen na tinukoy at pinaparusahan ng Revised Penal Code, na inamyendahan, at mga espesyal na batas, kung ginawa ng, sa pamamagitan ng at ginamitan ng impormasyon at komunikasyong pangteknolohiya ay sakop ng mga may kaugnayang probisyon ng Batas na ito: Sa kundisyon na, ang parusang ipapataw ay isang (1) degree na mas mataas kaysa itinakda ng Revised Penal Code, na inamyendahan, at mga espesyal na batas, ayon sa sitwasyon.
 
Sec. 7. Pananagutan sa ilalim ng iba pang mga Batas. – Ang pag-uusig sa ilalim ng Batas na ito ay walang gagawing pagkiling sa anumang pananagutan sa alinmang probisyon ng Revised Penal Code, na inamyendahan, o mga espesyal na batas.
 
CHAPTER 3
MGA KAPARUSAHAN
 
Sec. 8. Mga Parusa – Sinumang tao na napatunayang gumawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Seksyon 4(a) at 4(b) ng Batas na ito ay parurusahan ng pagkabilanggo ng prision mayor, o papagbabayarin ng hindi bababa sa dalawang daang libong piso (PhP 200,000.00) hanggang sa maximum na halaga na katapat ng pinsalang ginawa, o pagpataw ng parehong kaparusahan (pagkakulong at pagbabayad).
 
Sinumang tao na mapatunayang gumawa ng anumang pagkakasala sa ilalim ng Seksyon 4(a)(5) ay parurusahan ng pagkabilanggo ng prision mayor, o papagbabayarin ng hindi hihigit sa limang daang libong piso (PhP 500,000.00), o pareho (pagkakulong at pagbabayad).
 
Kung ang pagkakasalang ginawa na nasa Seksyon 4(a) ay nakatuon sa kritikal na imprastraktura, ang parusa ng reclusion temporal, o pagbabayad ng hindi bababa sa limang daang libong piso (PhP 500,000.00) hanggang sa maximum na halaga na katumbas na pinsalang ginawa, o pareho (pagkakulong at pagbabayad), ay ipapataw.
 
Sinumang tao na mapatunayang gumawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Seksyon 4(c)(1) ng Batas na ito ay parurusahan ng pagkabilanggo ng prision mayor, o papagbabayarin ng hindi bababa sa dalawang daang libong piso (PhP 200,000.00) ngunit hindi lalagpas sa isang milyong piso (PhP l,000,000.00), o pareho (pagkakulong at pagbabayad).
 
Ang sinumang mapatunayang gumawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Seksyon 4(c)(2) ng Batas na ito ay papatawan ng mga kaparusahang isinasaad sa Republic Act No. 9775 o ang “Anti-Child Pornography Act ng 2009”: Sa kundisyon na, ang parusang ipapataw ay isang (1) degree na mas mataas kaysa inilaan para sa Republic Act No. 9775, kung ang pagkakasala ay isinagawa sa pamamagitan ng isang computer system.
 
Sinumang tao na mapatunayang gumawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Seksyon 4(c)(3) ay parurusahan ng pagkabilanggo ng arresto mayor, o papagbabayarin ng hindi bababa sa limampung libong piso (PhP 50,000.00) ngunit hindi lalagpas ng dalawang daan at limampung libong piso (PhP 250,000.00), o pareho (pagkakulong at pagbabayad).
 
Sinumang tao na mapatunayang gumawa ng anumang pagkakasala na isinasaad sa Seksyon 5 ay parurusahan ng pagkabilanggo na isang (1) degree na mas mababa kaysa sa ipinapayong kaparusahan sa pagkakasala, o pagbabayad ng hindi bababa sa isang daang libong piso (PhP l00,000.00) ngunit hindi lalagpas sa limang daang libong piso (PhP 500,000.00), o pareho (pagkakulong at pagbabayad).
 
Sec. 9. Pananagutang Pang-Korporasyon – Kapag ang anumang mga pagkakasalang nakasaad dito ay sinadyang gawin alang-alang sa o para sa benepisyo ng isang juridical person (korporasyon o lupon ng mga tao), sa pamamagitan ng isang partikular na tao na kumikilos mag-isa o bilang bahagi ng isang pangkat ng juridical person, na nasa posisyon ng pamumuno sa loob, batay sa:
 
(a)     kapangyarihan ng representasyon ng juridical person, sa kundisyon na ang ginawang pagkakasala ay saklaw ng kapangyarihang ito;
 
(b)     kapangyarihan na gumawa ng mga desisyon sa ngalan ng juridical person, sa kundisyon na ang ginawang pagkakasala ay saklaw ng kapangyarihang ito; o
 
(c)     kapangyarihan na magsagawa ng kontrol sa loob ng juridical person,
 
Ang juridical person (korporasyon o lupon ng mga tao) ay mananagot sa pamamagitan ng pagbabayad ng mula sa hindi bababa sa doble ng multa na itinatakda sa Seksyon 7 hanggang sa maximum na sampung milyong piso (PhP 10, 000,000.00).
 
Kung ang ginawang pagkakasala na alinman sa mga isinaad dito ay nagawa dahil sa kakulangan ng pangangasiwa o kontrol ng isang partikular na taong tinukoy at inilarawan sa naunang talata, para sa kapakinabangan ng juridical person (korporasyon) sa pamamagitan ng isang partikular na taong kumikilos sa ilalim ng kapangyarihan ng juridical person na ito, ang juridical person ay mananagot at papagbabayarin ng hindi bababa sa doble ng multang ipinapataw ng Seksyon 7 hanggang sa maximum na limang milyong piso (PhP 5,000,000.00).
 
Ang pananagutan na ipapataw sa legal person (korporasyon) ay walang pagkiling sa pananagutang kriminal ng mismong tao na nagkasala.
 
CHAPTER 4
PAGPAPATUPAD AT IMPLEMENTASYON
 
Sec. 10. Mga Taga-pagpatupad ng Batas. – Ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police (PNP) ay magiging responsable para sa mahusay at mabisang pagpapatupad ng batas ng mga probisyon ng Batas na ito.
 
Ang NBI at ang PNP ay magtatalaga ng cybercrime unit o center na tatauhan ng mga espesyal na imbestigador upang eksklusibong asikasuhin ang mga kasong nauugnay sa mga paglabag ng Batas na ito.
 
Sec. 11. Tungkulin ng mga Taga-pagpapatupad ng Batas. – Tiyakin na ang teknikal na katangian ng cybercrime at paghadlang dito ay binibigyan ng atensyon at isinasaalang-alang ang mga pamamaraan para sa internasyonal na pakikipagtulungan.
 
Ang mga taga-pagpatupad ng batas partikular ang computer o technical crime division, o mga yunit na responsable sa pagsisiyasat ng mga cybercrime ay kinakailangang magsumite ng napapanahon at regular na mga ulat kabilang ang mga pre-operation, post-operation at mga resulta ng pagsisiyasat at iba pang mga katulad na dokumento na maaaring kailanganin ng Department of Justice (DOJ) para sa pagrepaso at pagmamanman.
 
Sec. 12. Real-Time na Pangongolekta ng Traffic Data. – Ang mga awtoridad na nagpapatupad ng Batas, na may wastong dahilan, ay pinapahintulutang mangolekta o mag-record sa pamamagitan ng teknikal o elektronikong mga kaparaanan, ng traffic data, habang kasalukuyan itong nangyayari, na nauugnay sa mga tinukoy na komunikasyong ipinadala sa pamamagitan ng computer system.
 
Ang traffic data ay tumutukoy lamang sa kung saan ang komunikasyon ay nagmula, destinasyon nito, ruta, oras, petsa, laki, tagal, o uri ng nakapailalim na serbisyo, ngunit hindi sa nilalaman, o pagkakakilanlan.
 
Nangangailangan ng isang warrant mula sa korte ang lahat ng iba pang mga data na kokolektahin o kukumpiskahin o isisiwalat.
 
Ang mga service provider ay inaatasang makipagtulungan sa mga awtoridad sa koleksyon o pagre-record ng mga impormasyong isinaad sa itaas.
 
Ang warrant ng korte na kinakailangan sa ilalim ng seksyong ito ay ibibigay o ipagkakaloob lamang alinsunod sa nakasulat na kahilingan at ang pagsisiyasat sa ilalim ng panunumpa o paninindigan ng aplikante at ng mga saksi na maaaring iprisinta (ng aplikante) at ang pagpapakita ng mga sumusunod:
 
(1)     na mayroong mga makatwirang dahilan upang paniwalaan na ang anuman sa mga krimeng nakatala sa itaas ay ginawa, ginagawa, o gagawin pa lang;
 
(2)     na may makatwirang dahilan upang paniwalaan na ang katibayang makukuha ay mahalaga para mahatulan ang sinumang tao para sa ikalulutas o para sa pagpigil ng mga naturang krimen; at
 
(3)     na wala ng iba pang paraan para agarang makuha ang katulad na ebidensya.
 
Sec. 13. Pagpapanatili ng Computer Data. – Ang kabuuan ng traffic data at impormasyon ng subscriber na may kaugnayan sa mga serbisyong pang-komunikasyon na ibinibigay ng isang service provider ay pananatiliin ng hindi bababa sa anim (6) na buwan mula sa petsa ng transaksyon. Ang nilalaman na data ay pananatiliin din ng anim (6) na buwan mula sa petsa ng pagtanggap ng utos mula sa mga tagapagpatupad ng batas na nangangailangan ng pagpe-preserve nito.
 
Maaaring mag-utos ang mga awtoridad ng ​​isang beses na extension ng anim (6) pa uling buwan: Sa kundisyon na, ang computer data na pinreserve, ipinadala o inimbak ng isang service provider ay ginamit bilang ebidensiya sa isang kaso.
 
Ang simpleng pagsumite ng service provider ng transmittal document sa Opisina ng Tagausig ay itinuring na isang abiso upang i-preserve ang computer data hanggang sa matapos ang kaso.
 
Ang mga service provider na inutusang mag-preserve ng computer data ay gagawing lihim ang kautusang ito at pagsunod dito.
 
Sec. 14. Pagsisiwalat ng Computer Data. – Pagkatapos makakuha ng warrant mula sa korte, ang mga awtoridad ay maglalabas ng kautusan na aatas sa sinumang tao o service provider upang ibunyag o isumite ang subscriber information, traffic data o kaugnay na data na nasa pag-aari o kontrol ng inatasang tao o service provider sa loob ng pitumpu’t-dalawang (72) oras mula sa pagtanggap ng kautusan na alinsunod sa isang reklamong opisyal na nakuha at itinalaga para sa pagsisiyasat at ang pagsisiwalat ay kinakailangan at may kaugnayan sa layunin ng pagsisiyasat.
 
Sec. 15. Paghahanap, Pagkumpiska at Pagsusuri ng Computer Data – Kung saan ang utos ng paghahanap at pagkumpiska ay maayos na ibinigay, ang mga alagad ng batas magkakaroon ng mga sumusunod na kapangyarihan at tungkulin.
 
Magsagawa ng pagharang ayon sa pagpapa-kahulugan ng Batas na ito, sa loob ng panahon na itinalaga ng utos at:
 
(a) Kunin ang isang computer system o isang imbakan ng computer data;
 
(b) Gumawa at itabi ang mga kopya ng mga nakuhang computer data;
 
(c) Panatiliin ang kabuuan ng naka-imbak na computer data;
 
(d) Magsagawa ng forensic na pagsusuri o pagsisiyasat ng pinag-imbikan ng computer data; at
 
(e) Gawing hindi naa-access o alisin ang mga computer data sa in-access na computer o network ng computer at mga komunikasyon.
 
Alinsunod dito, ang mga awtoridad ay maaaring utusan ang sinumang tao, na may kaalaman sa paggana ng computer system at sa mga hakbang upang maprotektahan at mapanatili ang computer data sa loob, para magbigay, ayon sa pagiging angkop nito, ng mga kinakailangang impormasyon upang maisagawa ang paghahanap, pagkumpiska at pagsisiyasat.
 
Ang mga awtoridad ay maaaring humiling ng pagpapahaba ng oras upang makumpleto ang pagsusuri ng pinag-imbakan ng computer data at ang pagsasauli nito pagkatapos, subalit sa anumang kundisyon ay hindi dapat ito humigit sa tatlumpung (30) araw mula sa petsa ng pag-apruba ng hukuman.
 
Sec. 16. Kustodiya ng Computer Data. – Sa loob ng apat-na-pung (48) oras pagkatapos ng panahong itinakda, ang lahat ng mga computer data, kabilang ang nilalaman at traffic data na sinuri sa ilalim ng isang wastong warrant, ay idi-deposito sa hukuman na nasa loob ng isang selyadong pakete at sasamahan ng isang affidavit ng mga awtoridad na nagsasaad ng mga petsa at oras na sakop ng pagsusuri sa, at ang mga awtoridad na maaaring umaccess sa idineposito, bukod sa iba pang mga kaugnay na data.
 
Ang mga awtoridad ay magpapatunay din na walang mga duplicate o kopya ng kabuuan o anumang bahagi nuon ang ginawa, o kung may ginawa man, na ang lahat ng naturang mga duplicate o kopya ay kasama sa package na idineposito sa hukuman.
 
Ang package na idineposito ay hindi dapat buksan, o pakinggan ang mga recording, o gamitin na ebidensya, o isiwalat ang mga nilalaman, maliban kung may pag-uutos ng hukuman, na hindi rin naman pagbibigyan kung walang panukala, na may angkop na pagtawag ng pansin at pagkakataon na iparinig sa tao o mga tao na may-ari ng pag-uusap o komunikasyon na naka-record.
 
Sec. 17. Pagwasak ng Computer Data. – Sa pagtatapos ng panahong itinakda ng Seksyon 13 at 15, ang mga service provider at mga awtoridad, ayon sa sitwasyon, ay agaran at ganap na wawasakin ang computer data na pinagtuunan ng pagpapanatili at pagsisiyasat.
 
Sec. 18. Panuntunan sa Hindi Pagtanggap. – Anumang ebidensyang kinuha nang walang wastong warrant o lumalagpas sa sariling kapangyarihan ay hindi tatanggapin sa anumang paglilitis sa anumang hukuman o husgado.
 
Sec. 19. Pagbabawal o Pagharang ng Access sa Computer Data. – Kapag ang isang computer data ay prima facie (obvious na obvious na may ginawang kasalanan) at natagpuang lumabag sa mga probisyon ng Batas na ito, ang DOJ ay maglalabas ng isang pag-uutos upang ipagbawal o harangin ang pag-access sa naturang computer data.
 
Sec. 20. Hindi Pagsunod. – Ang pagkabigong sumunod sa mga probisyon ng Kabanata IV, partikular na ang mga pag-uutos ng mga awtoridad ay parurusahan bilang paglabag sa Presidential Decree Blg. 1829 na may kasamang pagkabilanggo ng prision correctional sa itinakda nitong maximum na tagal ng panahon o papapagbayarin ng isang daang libong piso (Php 100,000.00) o pareho (pagkakulong at pagbabayad), para sa bawat pag-uutos ng mga awtoridad na hindi sinunod.
 
CHAPTER 5
MAY KAPANGYARIHAN
 
Sec. 21. Kapangyarihan – Ang Regional Trial Court ay may kapangyarihan sa anumang paglabag ng mga probisyon ng Batas na ito. Kabilang dito ang anumang paglabag na ginawa ng isang Pilipino saan mang lugar niya ito isinagawa.
 
Ang hurisdiksyon ay ipapataw kung ang alinman sa mga elemento (ng pagkakasala) ay isinagawa sa loob ng Pilipinas, o ginamitan ng anumang computer system na ang kabuuan o bahagi nito ay matatagpuan sa bansa, o kapag ang isinagawang pagkakasala ay lumikha ng anumang pinsala sa isang tao o juridical person (kalipunan ng mga tao) na nasa Pilipinas sa oras ng pagkakasala.
 
Magkakaroon ng mga nakatalagang espesyal na hukuman para sa cybercrime na tatauhan ng mga espesyal na sinanay na mga hukom upang pangasiwaan ang mga kaso ng cybercrime.
 
CHAPTER 6
INTERNATIONAL NA PAKIKIPAGTULUNGAN
 
Sec. 22. Pangkalahatang Prinsipyo na may Kaugnayan sa Internasyonal na Kooperasyon – Lahat ng may kaugnayang internasyonal na instrumento sa internasyonal na kooperasyon hinggil sa mga usaping kriminal, mga sinang-ayunang kasunduan batay sa pantay o magkatumbas na batas, at mga lokal na batas, sa pinakamalawak na posibleng sakop para sa layuning magsiyasat o maglitis ng mga kriminal na pagkakasalang nauugnay sa mga computer system at data, o para sa koleksyon ng mga katibayan sa electronikong anyo ng isang kriminal na pagkakasala ay bibigyan ng buong puwersa at bisa.
 
CHAPTER 7
MGA ANGKOP NA AWTORIDAD
 
Sec. 23. Department of Justice (DOJ) – Sa pamamagitan nito, lilikha ng Office of Cybercrime sa loob ng DOJ na itinatalaga bilang sentro ng kapangyarihan para sa lahat ng mga bagay na nauugnay sa internasyonal na pagtutulungan at ekstradisyon (pagpapabalik para sumuko).
 
Sec. 24. Pagsisiyasat ng Cybercrime at Coordinating Center. – Sa pamamagitan nito ay lilikhain, sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa pagkakaroon ng bisa ng Batas na ito, ang isang pang-ahensiyang lupon na kikilalanin bilang Cybercrime Investigation at Coordinating Center (CICC), sa ilalim ng administratibong pangangasiwa ng Opisina ng Pangulo, para sa koordinasyon ng mga patakaran sa loob ng mga may kaugnayang ahensya at para sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng pambansang palano para sa cybersecurity.
 
Sec. 25. Komposisyon – Ang CICC ay pangungunahan ng Executive Director ng Opisina ng Impormasyon at Komunikasyong Pang-teknolohiya sa ilalim ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (ICTO-DOST) bilang Chairperson kasama ang Direktor ng NBI bilang Vice Chairperson; ang Chief ng PNP; pinuno ng DOJ Office of Cybercrime; at isang (1) kinatawan mula sa pribadong sektor at akademya, bilang mga miyembro.
 
Ang CICC ay pangangasiwaan ng isang kalihim mula sa napiling mga tauhan at kinatawan na nagmula sa iba’t-ibang mga kalahok na ahensya.
 
Sec. 26. Mga Kapangyarihan at Tungkulin. – Ang CICC ay magkakaroon ng mga sumusunod na mga kapangyarihan at tungkulin:
 
(a) Ang magbalangkas ng isang pambansang plano para sa cybersecurity at palawigin ang agarang tulong para sa pagpigil ng real-time na paggawa ng pagkakasala ng cybercrime sa pamamagitan ng isang computer emergency response team (CERT);
 
(b) Ang pakikipag-ugnayan para sa paghahanda ng naaangkop at epektibong mga hakbang upang pigilan at sugpuin ang mga gawain ng cybercrime ayon sa isinasaad sa Batas na ito;
 
(c) Ang subaybayan ang mga kaso ng cybercrime na tinatalakay ng mga alagad ng batas at mga ahensyang taga-usig;
 
(d) Ang mangasiwa ng internasyonal na pakikipagtulungan sa intelehensya, pagsisiyasat, pagsasanay at pagbuo ng kakayahan na may kaugnayan sa pagpigil, pagsupil at pag-uusig ng cybercrime;
 
(e) Ang pagsasa-ayos ng suporta at paglahok ng business sector, lokal na pamahalaan at non-government organizations sa mga programa at iba pang kaugnay na proyekto para sa pagpigil ng cybercrime;
 
(f) Ang pag-rekumenda ng pagpapatupad ng mga naaangkop na batas, mga pagpapahayag, mga panukalang batas at mga patakaran;
 
(g) Ang pagtawag sa anumang ahensiya ng pamahalaan upang maglaan ng tulong para sa katuparan ng mga mandato at tungkulin ng CICC; at
 
(h) Ang pagsasagawa ng lahat ng iba pang mga bagay na may kinalaman sa pagpigil at pagsupil ng cybercrime, kasama ang pagbuo ng kakayahan at mga katulad na trabaho at tungkulin na maaaring kailanganin para sa tamang pagpapatupad ng Batas na ito.
 
CHAPTER 8
MGA HULING PAGTATAKDA
 
Sec. 27. Paglalaan. – Ang halagang limampung milyong piso (PhP 50,000,000.00) ay gugugulin taun-taon para ipatupad ang Batas na ito.
 
Sec. 28. Pagpapatupad ng mga Panuntunan at Regulasyon. – Ang ICTO-DOST, ang DOJ at ang Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG) ay sama-samang babalangkas ng mga kinakailangang patakaran at regulasyon sa loob ng siyamnapung (90) araw mula sa pag-apruba ng Batas na ito, para sa epektibong pagpapatupad nito.
 
Sec. 29. Probisyon Tungkol sa Paghihiwalay – Kung alinman sa mga probisyon ng Batas na ito ay mapawalang-bisa, ang iba pang mga probisyon na hindi apektado ay mananatili sa buong puwersa at bisa.
 
Sec. 30. Probisyon Tungkol sa Pagpapawalang-bisa. – Lahat ng mga batas, kautusan o mga panuntunan na hindi sumasang-ayon sa Batas na ito ay pinawawalan ng bisa o babaguhin. Ang Seksyon 33(a) ng Republic Act No. 8792 o ang “Electronic Commerce Act” ay babaguhin ng naaayon (sa RA 10175).
 
Sec. 31. Pagsasabisa. – Ang Batas na ito ay epektibo labinlimang (15) araw matapos makumpleto ang pagpapahayag sa Official Gazzette o ng hindi bababa sa dalawang (2) pahayagan na may pampublikong sirkulasyon.
 
Inaprubahan,
 
(Lumagda) FELICIANO BELMONTE JR.
Tagapagsalita ng House of Representatives
 
(Lumagda) JUAN PONCE ENRILE
Pangulo ng Senado
 
Ang Batas na ito kung saan pinagsanib ang Senate Bill No. 2796 at House Bill No. 5808 ay ipinasa ng House of Representatives nuong Hunyo 4, 2012 at ng Senado nuong Hunyo 5, 2012.
 
(Lumagda) MARILYN B. BARUA-YAP
Punong Kalihim
House of Representatives
 
(Lumagda) EMMA LIRIO-REYES
Kalihim ng Senado
 
 
Inaprubahan: 12 Set 2012
 
(Lumagda) BENIGNO S. AQUINO III
Pangulo ng Pilipinas
 

********************************************************************************
********************************************************************************

Makulit na Paunawa: Ito ay isang unofficial translation na nilikha para makatulong unawain ang nilalaman ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) dahil mahalaga ito sa ating mga mahilig magtambay sa Internet.

Ang translation na ito ay hindi maaaring gamitin sa anumang legal proceedings. Wala itong silbi sa anumang korte ng ating umiinog na daigdig. Mabuti na ang malinaw 🙂

Again, ang official version ng ating batas ay matatagpuan dito: Link

Ang pagsasaling ito ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) ay ginamitan ng:

1. Google Translate
2. English – Tagalog Dictionary 33rd Edition
ni Leo James English
Nilimbag ng Cacho Hermanos, Inc.
ISBN 971-08-1073-1(SB)
3. Thesaurus.com
4. at ng sarili kong utak 😀

Mga Permiso

Ang kabuuan o bahagi ng translation na ito ay malayang magagamit bilang reference at/o gabay sa pag-intindi ng Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175). Maaari itong i-rekumenda, i-share o i-post sa ibang website basta’t bibigyan ng credit ang blog site na ito.

Maraming salamat.

Pwede na ‘ko matulog…

41 thoughts on “Cybercrime Prevention Act of 2012 (Pinoy Version)

  1. Sir/Ma’am my nag comment po sa post na kinomentan ko po at ako pa yung tinutukoy nya at sinabe nya sa comment “Mag ingat daw po ako at isasali niya po ang pamilya ko” like he is threating me. anong kaso po yan Cybercrime po dba ? at ilang tao po makukulong o penalty niya po ? Please po reply kasi ngayun papo ito nangyare at mamayang umaga papo ako magrerepot sa POLICE.

  2. Gud morning…tnong q LNG point…..for example po ngscreen shot kA s facebook at pinost mo ung taong un at cnbing how babae ka rumesto ka s nkaatanda at wag bastosin ang nanay Quh… Mtatawag n po bng cyber crime ang pagpost n ganyan…eh senior citizen n ung matandang HND nya nrespito s hrap ng mraming tao

      1. hello po..ask ko lng po kung meron ba tlga mga nkukulong sa cyber bullying?meron kc aq frnd na my affair ang kaso ung anak ng frnd q ang pinagdidiskitahan ng mga kagalit ng mama nya kawawa nman ung bata sobrang depress na…

  3. hi pwede ba mag tanong kenakailangan q po.,anu ba ang pinagkaiba ng Cyber Crime Law ng Philippines sa U.S Cyber Crime Law? please answer sa assignment q.

  4. hello, resident patriot… ang sipag mo naman at ang bait mag-share nito. ang tyaga mo, kapatid… salamat for this. 🙂

    may munti sana akong correction, nawa ay marapatin – the Philippine Congress is composed of the Senate (Upper House) and the House of Representatives (Lower House). ‘yon po lamang… teynks and happy weekend, regards… 😉

      1. natatawa ako pero nagamit ko po ang pinaghirapan nyu na kakatawa ung mga intro mo ehh haha hind ka umuasa na may mag babasa salamat po

  5. Salamat sa translation.. tyak maiintidihan ko na ng slight (ikaw nagsabi na “mabuti na maliwanag”) kahit papano ang cybercrime law! tyaga mo ha! 🙂 Keep posting.

    You’re a Liebster Blog Awardee

    1. hello mary grace, salamat sa pagbisita at pag-iwan ng comment 🙂 marami na website na nagbibigay ng summary ng batas na ito kaya hindi na ako gumawa ng ganun.

      naka-bold font yung mga importanteng points ng batas kaya kahit scan mo lang yung translated version, makukuha mo na yung gist ng batas na ito.

    1. haha salamat DonQ 😀 1 week ko ito tinranslate pero hindi tuluy-tuloy dahil nagta-trabaho ako. torture sa sarili hehe pero feeling ko may na-accomplish naman akong matinong bagay sa pagta-tyaga 😀

  6. ahahahaha, “torture” ba ika mo, hahahahahahaha. di ko pa nababasa pero akin itong bibistayan sa pagkakataong ang ating kaibigang panahon at orasan ay umayon. hahahahaha.

      1. mukhang itong entry mo muli ang makakasama sa aking regular na re-blog para sa buwan ng oktubre 2012 (isang beses sa isang buwan lamang ang plano kong re-blog mula sa piling mahahalaga at magagandang blog).

  7. ^_^ I noticed that too. We often dine at one Filipino resto here in the US, and you know they have tv sets tuned in to a Filipino channel, a noontime tv show over there. I asked my Mom why the hosts spoke that way, one half English, one half tagalog. So, anyway, that’s what she told me. When we immigrated here to the US ( I was 6 ), Mom brought this book The Miseducation of Filipinos ( a very thin book ) . I think Filipinos should read that.

  8. I’m not sure ordinary Tagalog speaking Filipinos will understand a law written in Tagalog more than the one written in English. My mother said that UP, her alma mater, started teaching Math in tagalog, but quickly abandoned it. Students taking Math in tagalog promptly flunked, almost 100 %.

    1. hi renx, i could understand why those students flunked their tagalized math subject. i finished engineering and i couldn’t imagine how math could ever be taught in pure tagalog. although in other countries like japan, all subjects are in their native language, it’s just not possible in the philippines especially in today’s generation. i admire UP for having that idea in the first place.

      however, taglish would be a better approach. in my university, none of the subjects were in pure english either (except for english literature and english technical writing).

      in that same thought, i did this taglish version of the RA 10175. currently, there is no Filipino version. i am not sure if the government is planning to do one. i thought of doing it in pure tagalog first but, like you said, it was very difficult to understand, probably more difficult than the official version.

      so i took liberty in doing away with many repetitive, unimportant words that only cause clutter and retained some of the english words that are more understandable than its tagalog counterpart. but it’s for reference purposes only and i don’t think everyone’s going to read the translated version anyway haha

      i just think it’s only proper for philippine laws to be in Filipino also, especially very important ones like this.

      1. I understand that Philippine laws need to be translated in Tagalog. I’m just echoing my parents ‘ complaints about the state of the spoken English in the Philippines. They say one who cannot speak one sentence in straight English, should just say it in straight Tagalog, which is beautiful when spoken right.

Leave a Reply

Discover more from The Pinoy Site

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading