Isang bagay na ipinagpapasalamat ko sa aking pagiging Pilipino ay ang aking pagiging mahilig sa pagtawa at pagpapatawa. Gusto kong nagbabasa ng nakakatawa, nanonood ng nakakatawa at makinig ng nakakatawa.
Naaalala ko pa, mga dalawumpu’t pitong libong taon na ang nakakalipas, nung ako’y bata pa at wala pang masyadong iniintindi sa buhay (kundi ang paano lalansihin ang aking nanay para makapanood ako ng marathon ng saturday morning cartoons na hindi inaabala ng kung anu-anong utos), napakahilig ko na sa mga pinoy jokes.
Gustung-gusto kong pinapanood ang mga comedy sitcom sa tv. Gustung-gusto ko binabasa ang pinoy jokes corner ng mga babasahin. Inaabangan ko ang joke time portion ng mga variety show at programa sa radyo. Gustung-gusto ko rin makipagpalitan ng mga nakakatawang jokes sa aking mga kalaro, kamag-aral at kamag-anak.
Kung may mga nag-iipon ng tansan at goma nuong kabataan ko, ako naman ay nag-iipon ng mga nakakatawang jokes na maipagyayabang ko sa iba. Kargado lagi ako nuon ng mga bago at kakaibang jokes.
Maraming Pilipino ang mahilig sa katatawanan, makikita natin ito sa lahat ng porma ng media, mapa-radyo, dyaryo, magasin, komiks, libro, pelikula, telebisyon at ngayon ay sa internet.
Maraming pinoy jokes ang public domain, ibig sabihin, available for public consumption. Pinag-pasa-pasahan na ang mga jokes nang hindi binibigyan ng credit ang orihinal na nakaisip. Sa maraming pagkakataon, nagkaroon na rin ito ng iba’t ibang bersyon subalit walang magke-claim ng copyright. Pero may bagong joke book akong nakita na nagke-claim na kanila ang jokes na inilathala nila kahit na obvious namang matagal na panahon ng alam ng madla yung ilang mga jokes na nasa libro nila.
Ang pagiging masayahin at mahilig tumawa ng Pilipino marahil ay isa sa mga dahilan ng pagiging mababa ng suicide rate sa ating bansa sa kabila ng maraming problema ng ating lipunan. Makikita pa natin minsan na kahit nasunugan na ng bahay at lahat ng ari-arian eh nagagawa pa nung naperwisyo na ngumiti pag na-interview sa tv.
Ang pagtawa ay nakakabawas ng stress, nakakagaan ng kalooban at nakakapagpalusog sa ating puso. Kaya mga kababayan, hala sige, tawa lang! Pero ‘wag yung pang-kontrabida na tawa ha?
Narito ang ilang mga jokes. Ang drawings ay akin subalit ang jokes ay merong original at meron ding mga gasgas na. Kung may alam ka ring jokes, pa-share naman 🙂 Paki-click na lang din ang drawing para lumaki at mabasa ng mas maayos ang nakasulat.