Site icon The Pinoy Site

Ang Iyong Karapatan sa Iyong Akda (Part 3/3)

Bilang pagtatapos ng seryeng ito, (last part na ‘to, pramis) ililista ko na lang ang nakalap kong impormasyon kung paano malalaman kung nadekwat ng walang paalam ang ating katha at kung ano ang magagawa natin tungkol dito.

Paano Malalaman Kung Merong Nangopya

Sa kasamaang palad, hindi ganun kadali malaman kung ang akda mo ay ginamit ng iba para pagkakitaan o ipagmayabang sa iba. Kadalasan, magkakataon lang na matagpuan mo ang mga ito o may ibang tao ang magsasabi sa ‘yo.

Ilang paraan (actually dalawa lang ang inilista ko sa ibaba) na maaaring makatulong para hanapin sa internet kung kinopya ang iyong akda ay ang mga sumusunod:

1. Hanapin ang iyong akda gamit ang mga search engine

Google at Bing lang ang alam kong mga search engine na may pinakamalawak at updated na coverage sa internet. Maging ang ibang search engine ay umaasa sa dalawang ito. Kung may alam ka pang iba, paki-suggest na lang sa comment portion (ang Yahoo at Bing ay iisa na lang).

Madali lang maghanap ng iyong akda gamit ang mga search engine na ito. Ang kailangan mo lang gawin ay mag-copy paste ng parte ng iyong akda (excerpt) at ipagalugad kina manong Google at Bing kung may ibang website ang naglalaman ng kinopy paste mo. Sa paraang ito, matutunton mo kung saang lupalop ng internet kinaladkad ang iyong akda na walang paalam.

Narito ang halimbawa ng paghahanap sa Google:

Isa lang ang resultang lumitaw. Ibig sabihin, walang ibang gumamit ng mga katagang hinanap ko kundi ang aking blogsite. Walang ibang website na gumamit.

Gagalugarin nina manong Google at Bing ang buong kalawakan (ng internet) para maghanap kung merong talipandas na nangopya’t nagpaskil ng iyong akda sa kanilang sariling websayt.

Subalit kung may 300 akda ka na nais kumpirmahin kung may nangopya sa kahit isa lang sa mga ito, aba eh good luck sa iyo at ipagchi-cheer na lang kita ng bonggang bonggang bongbong.

Maganda lang gawin ang bagay na iyon kapag bagot na bagot ka at walang wala na talagang alam na ibang magawa sa buhay.

Hindi rin maiti-timbre nina Google at Bing kung ang ipinapahanap mo ay isang larawan o kung ang artikulo ay kinopy paste sa isang pahayagan o sinulat ng isang staff para gamitin ng kanyang boss para sa isang privilege speech.

Sa ganitong mga kaso, maghintay ka na lang na matyambahang mapanood, mabasa o marinig ito mula sa ibang source.

2. Hanapin ang mga akda gamit ang Copyscape

Maganda ang serbisyong ito ng Copyscape sapagkat ita-type mo lang ang pangalan ng iyong websayt sa kanyang search box at ipapaalam n’ya sa iyo kung saan-saang website makikita ang iyong mga akda.

Narito ang hitsura ng page ng copyscape:

I-type lang sa search box ang iyong URL at hahanapin ng Copyscape kung may kapareho ang mga akda mo sa ibang website.

Hindi mo na kailangang isa-isahin hanapin ang bawat post mo dahil gagawin na iyon ng Copyscape para sa iyo.

Ang problema nga lang eh hindi s’ya gagawa ng kumpletong paghananap ng walang bayad. Hindi lang ako sigurado kung kasing updated ng Google o Bing ang database ng Copyscape dahil kung hindi, balewala din.

Ano ang mga Pwedeng Gawin Kapag May Nangopya

1. Kontakin ang may-ari ng blog/website at sabihing i-link sa ‘yo ang iyong akda
2. Kontakin ang service provider ng may-ari ng website at isumbong ang plagiarism
3. Itimbre sa mga search engine ang site na nangopya para maalis ito sa kanilang listahan
4. Batikusin sa sariling website yung nangopya at humingi ng public apology
5. Umupa ng hacker para itumba yung websayt na nangopya

Kung ang nangopya ay wala sa internet, at inilabas ang iyong gawa sa pamamagitan ng mass media (radyo, tv, dyaryo) o ginawa na palang libro ng kung sinong ponsyo pilato, maghanap ka na ng abugado at mag-claim ng milyon-milyong danyos.

Balatuhan mo na lang kaming mga kababayan mong bloggers pagkatapos (kahit ice cream lang pwede na).

Sa huli, responsibilidad din nating mga blogger na maging tapat at responsable sa lahat ng pagkakataon (okay sige, sa maraming pagkakataon na lang). Huwag nating kalimutan magbigay ng karampatang pagkilala at pagpapahalaga sa akda ng kapwa natin may-akda sa abot ng ating makakaya. Sabi nga ni manay Miriam, “You should always eytreebyut!”

Kahit hindi isang krimen, ang pangongopya ay hindi pinapaburan ninuman sa anumang larangan.

Pahabol:

Ang lahat ng mga pinagsusulat ko dito sa seryeng ito ay batay sa pagkakaintindi ko sa mga nakasulat na batas (English na, nakaka-antok pa!). Kung may mali man sa aking interpretasyon, paki-tawag na lang po sa aking pansin 🙂 At paki-share na lang kung may nalalaman kang mas mabuting paraan para maprotektahan ang ating akda mula sa pangongopya.

Author: ResidentPatriot

Male, Engineer, Artist, Writer, tumatanggap din ng labada tuwing Sabado...

Exit mobile version