Home » KABA ABA BATA BATAAN, KABATAAN

KABA ABA BATA BATAAN, KABATAAN

Himayin natin ang KABATAAN

KABA- Kinakabahan ka ba sa iyong pagtanda’y wala kang nagawa?

ABA- Aba ba ang turing mo sa sarili dahil hindi ka nangarap ng mas matayog?

BATA- Nananariwa pa ba ang pangarap na nananalaytay sa iyong mga ugat para sa bayan, sa sarili, sa kapuwa, sa kapaligiran, pati na rin ang tiwala sa Maykapal?

BATAAN- Ano ang iiwan mong kasaysayan na tila BATAAN sa tapang, tikas at paninindigan?

Ilang dekada mo na bang naririnig o nababasa ang tanyag na katagang Ang Kabataan ang pag-asa ng ating bayan”? Patay na po ang nagsabi niyan, subalit ilang milyong beses na marahil itong naisulat o sinambit ng mga Pilipino- may pangalan o pangkaraniwang mamamayan man. Tumatalab ba? Hanggang saan ang hasi ng katagang ito na pinauso ni Gat. Jose Rizal? ‘Yong tindi ng paniniwala kaya ni Rizal noong araw ay kasing tindi ng paniniwala ng mga naniniwala sa kasabihang ito sa kasalukuyan?

Hindi ba’t ang dating kabataan noon ay siya namang matanda ngayon, ang iba nga’y nagkamatay na. Napatunayan nga ba ni Gat. Jose Rizal ang kaniyang paniniwala kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang kalagayan natin bilang mga tao?

Naniniwala ka ba sa sarili mo na ang kabataan ang pag-asa ng bayan gaya ng paniniwala ni Gat. Jose Rizal?

kabataan pag-asa ng bayan

Kung nasaang estado man ngayon ang bansang Pilipinas, ito ay ang pinagsama-samang lakas ng mga dating kabataan noon at kabataan ngayon. Kung ano mang kamalayan ang namamayani sa atin ngayon ay bunga ng pagkabigo at tagumpay na pangarap ng mga pag-asa ng bayan. Tayong mga KABATAAN. Tila nga buo ang paniniwala ni Rizal kung magkagayon.

Dumaan tayo sa pagkabata, paglalaro, pakikipagkaibigan at pangangarap. Sumibol ba sa murang isip mo ang pagmamahal sa bayan noon pa man? Itinuro ba ng mga magulang na dating kabataan din ang pagpapahalaga sa ating sarili, sa kapuwa at sa bayan? Malamang, opo ang sagot natin. Subalit habang tayo’y gumagaod papalaot sa hamon ng buhay, sumusuong tayo sa bumabahang suliranin, sa nagpuputukan at mainit na pakikipagbuno sa buhay- nag-iiba ang direksiyon pagkaminsan, nababahiran ng dumi ang puti nating pangarap. Ang mga suliraning ito ay dulot ng mga sakuna, ng mga agresibong desisyon ng ilan na hindi natin kayang pigilan at tayo din mismo ang pumipili ng sariling agos, mabuti man o masama. Kung sa pakiramdam natin ay papagawi sa hindi magandang gawi, papaano pa tayo manghihimok sa kabataan na magpasibol ng pag-asa?

Kailan ba dapat magsimulang pasibulin ang pag-asa?

Simple lamang naman ang pangarap ng isang magulang sa kaniyang anak, kaibigan. Ito, hindi ba’t tadtad tayo sa pangaral “ Anak, huwag mo na kaming tularan ng tatay mo, magsikap ka, ayaw naming maranasan mo ang naranasan namin noon”, may kasamang pagtulo ng luha at uhog pa yan, para mas madrama. Totoo? Tama po.

Ibig sabihin, ayaw na nilang tayo’y walang marating sa buhay. Tayo ang bubuo sa kanilang naunsyaming pangarap. Kaligayahan nila ‘yon, maniwala ka.

Subalit paano naman po kapag ang magulang ang pasaway? Paano ako bubuo ng aking pag-asa?

Alam mo, totoo ‘yan, pero mabibilang lamang ang mga magulang na ganiyan sa Pilipinas, ating unawain na sila’y naging kabataan din na may magulang na nagkulang din na ngayon nga ay nagkaroon na ng anak na magpapasaway din. Mapuputol ba ang ganitong kalakaran? Oo naman po…kung ayaw mong maging pasaway, mag-iisip ka ng ikabubuti mo…malay mo ikaw ang pag-asa ng iyong mga magulang para sila’y makabawi. Sa pamilyang Pilipino umuusbong ang masarap na pag-asa ng Pilipinas. Hindi nagmimintis ‘yan. Kahit saan mo ilagay ang isang Pilipinong nakinig sa pangaral at wasto ang gabay ng pamilya, ay tiyak na siya’y pasulong.

Hanggang kailan ba dapat maging kabataan?

Hangga’t hindi mo natutupad ang inaasahang pag-asa sa ‘yo.

Maaaring katawang pisikal lamang ang nanghihina pero ang maiiwan mong kasaysayan mabuti man o masama ay mananatiling bata. Mag-iiba ng anyo, ng lugar, ng pangyayari o porma, pero ‘yan ay bakas ng iyong bakas. Maaaring ang iyong itinanim na mabuting punla ay aanihin ng iba, ipapamahagi naman sa iba din. ‘Yon ang bunga ng iyong nakaraan at pag-asa. Hindi ba’t naiwang bata ang iyong bakas?

mga musmos na bata

Huwag kang maniniwala sa sinasabi ng isip mo na wala kang magagawa, hindi mo lamang alam pero meron… meron… meron. Akala mo lamang wala… wala… wala. (Ulit-ulitin hanggang sa maiyak ka)

Seryoso, hindi natin kailangang sukatin ang kakayahan mo bilang kabataan. Bawing bawi ka na, may tubo pa kapag may naakay ka ding kapuwa mo na humakbang sa mabuting gawi. O maipakita mong kaya mo pang bumangon sa pagkakalugmok. Sumige ka lamang, sa paraang alam mo, huwag mong isara ang pinto sa pagkakatuto at pagtuklas, buksan mo din ang bintana upang pumasok ang hangin ng pagmamahal sa iyong kapuwa, sa sarili at sa bayan.

Huwag ka ring maniwala na kapag matatanda na, sila na ang nakakaalam ng lahat, mayroon ding sila pa ang tinuturuan ng mga bata. Bigayan lamang. Huwag mo ding pamalagiin sa tuktok mo na ang mga matatanda’y walang karapatang magkamali. Totoo, mas marami silang karanasan, mas marami silang pwedeng ibahagi, nasa sa iyo na iyan kung iyong susundin.

Kagaya ko halimbawa, kabataan ako. Kabataan sa mga pangarap, kabataan sa mga karanasan, batang-bata pa kumpara sa iba, ang dami ko pang dapat matutunan. Madaming beses pa akong nagkakamali sa isip, sa salita at sa gawa pero umaasa ako sa sarili ko na ako’y may patutunguhan, ayaw kong maging “poker face” ang aking kinabukasan. Kailanma’y hindi ako magiging kasing dalisay ng ilan, huwag na nating pangarapin pa ito, pangarapin nating ‘wag na tayong makadagdag pa sa suliranin ng iba. Sumisibol na nga ba ang pag-asa?

pangarap ng kabataan

Ngayon buuin ulit natin ang KABA- ABA- BATA- BATAAN

KABATAAN, matibay na haligi ng pag-asa.

12 thoughts on “KABA ABA BATA BATAAN, KABATAAN

  1. Ang Bagong Sibol…
    (Tugon-tula sa KABATAAN, heto na po ^_^)

    Ang mga bagong sibol ay di dapat diktahan,
    Sa murang gulang, hayaang mabukulan,
    Hayaang madapa, hayaang masugatan,
    Upang sa pagtayo, may bagong matutunan…

    Paano nga ba sila nagiging kapakipakinabang?
    Simulan natin sa pagpapalaki ng magulang,
    Ang unang paaralan ay ang loob ng tahanan,
    Sila ba ay nagagabayan, napapangaralan?

    Tama na igalang ang kanilang mga pananaw,
    Lalo na kung kanilang kaisipan sa inyo’y halaw,
    Pangarap nina Ama at Inang di natupad,
    Huwag iaasa, may sarili silang mga lakad…

    Sa bawat pagharap sa hamon ng murang buhay,
    Tatag at paniniwalang nabubuo, naisasabuhay,
    Lumalabas ng kusa ang kanilang tunay na kulay,
    Saka lang makikita kung makakapamuno ng husay…

    Kabataang Filipino, pag-asa ng bayang naghihingalo,
    Kabataan, handa ka bang magbigay ng iyong serbisyo?
    Handa ka bang gumuhit ng bagong larawan ng bayan?
    Ng di sumasabog nag tinta, di napupunit ang kapapelan?

    Maraming pagdadaanan ang isang bagong sibol,
    Hindi magiging madali, baguhin ang isang kuhol,
    Natutuwa sa sulok, bukana’y natatakpan ng usok,
    Kailangang piliting lumabas, mula sa silid na nabubulok…

    Ano ba ang nais ng mga katandaan mula sa mga kabataan?
    Ang maging sila ang mga ito at sundan mga yapak sa hagdan?
    Mundong inyong kinagisnan ay iba sa mundong kinamulatan,
    Ibang sanhi ng suliranin, iba din ang nararapat na katugunan…

    Gabayan silang manimdim mula sa aral ng kahapon,
    ‘Wag mangiming magtanong, sa mga pantas ng lumang panahon,
    Pagsamahin ang katalinuhang sa karanasa’y may pinaghuhugutan,
    At ang mga resulta ng pananaliksik ng makabagong kaisipan….

    1. Ang galeng naman neto, chilled. Maraming maraming salamat. Ipinost mo din sana ito sa blog mo para ma-like ko at mabasa ng mas marami.

      Maraming salamat sa mga payo sa kabataan at mga magulang na binitiwan mo sa iyong tula. Para sa ating lahat ang mensahe ng tulang ito.

  2. Kahapon nang mabasa ko ito, nakapagtipa na ng komento, mahaba, kasi gusto ko ung tema… at dahil medyo nilalagnat, mali ang pindot, hindi post comment kundi ctrl+A, ctrl+V…. ayun mali, nawala at di ma-undo…. sad ako kasi pag unang bugso, talagang malaman, wari ko lang…. 🙁

    Anyway, susubukan ko uli ngayon, pag nagkamali uli, susunugin ko na ang laptop ko! 🙂

    Una, ang ganda ng iyong pag guhit…kung sa pag-awit, ito ay swabeng-swabe… pramis 🙂
    Nakakatuwang may mga taong biniyayaan ng ganyang galing….

    Pangalawa, heto na ang tugon puna sa KABATAAN, sana matapos ko at ma i-post ng maayos…

    KA – ikaw o ako , sino sa atin ang kikilos?
    BA – “bata” – bagong sibol may dalang bagong pag-asa, “ba” – sa wikang filipino, kalimitan ginagamit sa hulihan ng salita upang humingi ng pag-sang-ayon
    TA – tayo – nag-iisa ay mahina, kapag nagbuklod, mga halimaw ay maihuhulog sa gulod…
    AN – “anyare?” – tanong ng karamihan, mula pag gising hanggang pagtulog…

    KABA – pag-aalala, agam agam sa kahihinatnan ng kinabukasan
    BATAAN – bayan na tinatakan ng magiting na nakaraan (positibo); buntot o utusan, paborito o SIPSIP (Socially Insecured Person Seeking Instant Popularity – negatibo)
    TAAN – “saan?”, nabulol na, tulad ng di natin maaninag minsan ang liko likong daan

    (Part 1 ito…post ko muna hihihi)

Leave a Reply

Discover more from The Pinoy Site

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading