Ako ay Laking Lungsod ng Angeles, Pampanga

Lokasyon ng Angeles sa Pampanga (wikipedia)

Sinasabi ng iba na ang aming lalawigan ang pinakamalayong i-byahe sa buong Pilipinas dahil ang itlog na dala mo mula sa iyong bayan ay magiging “ebun” pagdating sa amin. Ang kapampangan kasi ng itlog ay “ebun” na katunog ng “ibon”. Ang korni ano? Hindi ko inimbento ‘yan ha?

Ang lungsod ng Angeles ay matatagpuan humigit kumulang 90 kilometro hilaga ng Maynila.

Naging kilala dati ang aking lungsod bilang bagsakan ng mga PX goods, kuta ng mga sundalong Amerkano at pugad ng mga panggabing bahay aliwan.

Malaki na ang ipinagbago ng aking lungsod mula ng pumutok ang bulkang Pinatubo at tuluyang lisanin ng mga sundalong Amerkano ang kanilang base militar sa aming bayan. Dahil sa pangyayaring ito, natagpuan ng aming bayan ang mga bagong oportunidad para sa ibang uri ng hanapbuhay na hindi umaasa sa mga banyagang sundalo.

Ang aking lungsod ngayon ay mas marami ng maihahandog sa mga nais bumisita rito. Dayuhan man o kababayan ay pawang matatagpuan ang mga bagong karanasan na maihahandog ng aming bayan.

Nayong Pilipino Clark

Ilang mga sikat na pasyalang maaaring puntahan sa aming bayan ay matatagpuan sa loob ng Clark (ang dating base militar ng Amerika sa Pampanga) gaya ng: Nayong Pilipino, sanktuwaryo ng mga ibon, paligsahan ng mga makukulay na lobo (hot air balloon) na ginaganap taun-taon, ang mga resort, palaruan ng golf, piknikan, at kung mahilig ka sa sugal, meron ding Casino na matatagpuan sa loob ng Clark. Siyempre, meron ding mga mapapasyalan na wala sa loob ng Clark.

Matatagpuan sa aming bayan ang ilang mga sinaunang gusali na itinayo nuong panahon pa ng mga Kastila. Isa sa mga ito ay ang Mansyon ng mga Pamintuan kung saan nagsilbi itong Palasyo ng Pangulong Aguinaldo nang gawing sentro ng Pamahalaan ang lungsod ng Angeles nuong Mayo hanggang Hulyo 1899.

Lumang Mansyon ng mga Pamintuan (wikipedia)

Ang iba pang mga matatandang gusali ay ang Bale Herencia (ginawa: 1860), Camalig (ginawa:  1840), Bale Matua (ginawa: 1824) at ang isa mga pinakamatandang simbahang Katoliko sa Pilipinas, ang Simbahan ng Santo Rosario na ginawa mula nuong 1877 hanggang 1896.

Meron din kaming museo, ang Museo ng Angeles kung saan makikita ang mga lumang larawan, mga dayorama na naglalahad ng sinaunang buhay sa Pampanga at iba pang mga pagpapamalas (exhibit) tungkol sa kasaysayan ng Angeles.

Sisig – ang pinakamasarap na naimbentong luto sa kasaysayan ng tao (manila.com.hk)

Hindi tinaguriang Kapital ng Pagluluto sa Pilipinas ang aming lalawigan ng walang dahilan. Kaya nga maraming matatagpuang masasarap na kainan sa aming lungsod.

Gusto mo ba ng inihaw, pagkaing dagat o katutubong lutong Pilipino at Kapampangan? O ‘di naman kaya ay mga pagkaing Intsik, Koreyano, Mongolyan, Hapon, Amerkano, Italyano at iba pang putaheng banyaga? Kahit ano pa ang trip mong pagkain (basta totoong “pagkain” ha?), malamang meron kami n’yan.

Ang lungsod ng Angeles ay may sukat na 60.27 kilometrong parisukat. Halos 1/10 lang ito ng sukat ng buong Kamaynilaan. Bagamat maliit ito, matatagpuan sa aking bayan ang napakaraming mall gaya ng: Jenra Mall, Saver’s Mall, Nepo Mall, Marquee Mall, Robinson’s Mall at SM Clark. Hindi pa kasama dito ang mga duty free shop na matatagpuan sa loob ng dating base militar.

Hinding hindi mauubusan ng mabibilhan ang sinumang mamimili na dadayo sa amin.

Mga nagpipinetensya tuwing Mahal na Araw
(virtualtourist.com)

Makikita din sa aming bayan at sa kalakhan ng Pampanga yaong mga nagpapahirap sa kanilang mga sarili tuwing sumasapit ang Mahal na Araw. Kung tawagin sila ay mga nagpipinetensya.

Matagal na silang inaabisuhang ihinto ang tradisyong ito dahil sa mga masasamang epekto na maaaring idulot nito sa kanilang kalusugan. Subalit nakakatulong sila ng malaki sa turismo ng aming bayan at lalawigan kung kaya’t hindi ipinagbabawal ng batas ang tradisyong ito (parang sigarilyo, hanggang paalala lang).

Madalas dayuin ‘di lang ng mga karatig-bayan kundi pati ng mga dayuhan mula sa ibang bansa ang taunang pagpapahirap sa sarili na ito, ngunit sana nga ay mahinto na ang tradisyong ito balang araw dahil nagiging idolo sila ng ilang mga kabataan.

Marami pa ring mga dayuhan ang naglipana sa aming lungsod. Makikita sila sa palengke, sa mga kalsada, sa mga mall at kahit sa loob ng dyip. Hindi lang mga Amerkano ang dumadayo sa aming bayan ngayon kundi iba pang mga retiradong dayuhan na nais makapamuhay ng marangya sa kakaunting pensyon na tinatanggap nila mula sa pamahalaan ng bansang kanilang pinanggalingan.

Halimbawa ng isang Koreyano (ygfamily.com)

Dumami na rin ang mga Koreyanong naninirahan sa aming bayan. May mga ilan na panandalian lamang ang pananatili at meron din namang mga pangmatagalan.

Sa dami ng mga Koreyano ay nakagawa na sila ng sarili nilang komunidad sa aming bayan. Nakapagtayo na sila ng mga pamilihan, kainan, paaralan at pook sambahan sa napakaliit naming bayan. Marami sa mga kabataang Koreyano sa amin ay mga estudyanteng nag-aaral ng Inggles.

Malaki lalo ang potensyal ng aming bayan na umunlad ngayong maraming magagandang plano ang niluluto ng pamahalaan para sa Paliparan ng Diosdado Macapagal na nasa loob ng Clark.

Daan papuntang Clark

Ang pagpapabuti sa Paliparan ng Diosdado Macapagal ay maghahatid ng ibayong interes sa komersyo sa aming bayan na maghahatid ng bagong mga oportunidad sa negosyo at lilikha ng mga bagong trabaho na mag-aangat naman sa kaledad ng buhay ng mga mamamayan sa aming bayan. Plano pa lang lahat ‘yan subalit marami ang naghahangad na ang mga ito ay matupad.

may epal ang dating…

Hindi ko maikakaila na mayroon pa ring mga hindi kanais-nais na bagay sa aming bayan. May nangyayari ding krimen sa aming lungsod. Mayroon din kaming mga matatamaan ng anti-Epal bill kung sakaling maaprubahan ito sa Kongreso at sa Senado.

Mayroon din kaming mga pulubi, walang matirhan (homeless), iskwater, magagalitin na mga motorista, masungit na mga tindera, mabagal na daloy ng trapiko at iba pang maaaring magbigay ng hindi magandang karanasan sa iyong pagbisita sa aming bayan.

Ipinapaunawa ko lang na gaya ng pag-iingat na ginagawa mo sa iyong sariling bayan, gayon din dapat ang gawin mo ‘pag bumisita ka sa aming lungsod.

Natatawag minsang mayayabang at maiingay ang ilang mga kapampangan dahil meron talagang ilan na mukhang mayabang at maingay. Subalit huwag mo sana silang husgahan agad (biglang naging “sila”, ano?). Dahilan lamang ito sa kanilang pagiging likas na masiyahin at pagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili. Kung maka-engkwentro ka ng mga ganito, mahinahon mo lamang silang lapitan at tanungin habang nakangiti, “Mga Kapampangan kayo, ano?” (‘yun eh kung naghahanap ka lang naman ng away).

Halimbawa ng sikat na Kapampangan (onepocket.org)

Hindi rin kami nagpapahuli sa mga sikat kagaya nina Lea Salonga, Apl d Ap, Efren Bata Reyes, Donita Rose at Baron Geisler (sikat pa ba si Baron?). Marami pang ibang mga sikat na Angelenyo subalit tinatamad na akong mag-saliksik ng iba pa.

Napag-uusapan na din lang ang mga sikat na Kapampangan, mayroon lang akong gustong linawin na isang bagay. Si dating Pangulong Arroyo ay kongreswoman ng ika-2 distrito ng Pampanga. Hindi s’ya taga-Angeles at hindi bumoto ang mga taga-Angeles sa pagka-Kongreswoman ni Arroyo dahil magkaiba ang kinabibilangang distrito ng mga Angelenyo at ni Ginang Arroyo. Walang kinalaman ang mga mamamayan ng lungsod Angeles sa pagkaka-upong muli ng dating Pangulo sa kapangyarihan, okay? Pahingi ng plangganang may tubig at gusto kong maghugas ng kamay.

Malapit lang ang Angeles sa mga lalawigang may dagat at iba pang pook pasyalan kagaya ng Bundok Arayat, mga dagat ng Zambales at Pangasinan, Baguio, Olongapo, Maynila at ang bulkang Pinatubo.

Nang sumabog ang bulkan (wikipedia)

Isang ‘di ‘ko makakalimutang karanasan sa aking buhay sa Angeles ay ang pagputok ng bulkang Pinatubo. Pininsala nito ang napakaraming buhay, bahay, ari-arian at lupain. Subalit tinuruan ako nito kung paano lumaban para mabuhay (survival). Kung paanong mabuhay sa isang kalagayan na walang mabibiling pagkain, walang agarang maiinom na tubig at walang kuryenteng magagamit.

Anumang kahirapang dinanas ko sa buhay ay hindi maihahanlintulad sa karanasan ng aking pamilya habang sumasabog ang bulkan at pagkatapos nitong sumabog.

Paligid ng Nepo Mall: isa sa mga mataong lugar ng Angeles

Napakarami pang pagpapabuti ang magagawa sa aming bayan at hinahangad ko na balang araw ay makilala ito sa buong Pilipinas at maging sa buong daigdig hindi dahil sa mga bahay aliwan at sugalan kundi sa mga nakaka-aliw na karanasang naghihintay sa lahat ng miyembro ng pamilya (bata at matanda) na nais bumisita o manirahan dito.

Ito ang aking lungsod, ito ang tahanan ng aking mga magulang at ng aking mag-ina. Dito ako ipinanganak, dito ako nagtapos ng pag-aaral, dito ako nakahanap ng trabaho at malamang ay dito na rin ako sasapitin ng katandaan.

Habang isinusulat ko ito ay unti-unti kong napaniwala ang aking sarili na ang lungsod ng Angeles na marahil ang pinakamagandang lungsod na maaaring tirhan ng sinumang nilalang sa buong kalawakan (ipinapa-alala ko lang, hindi kami mayabang, may kumpiyansa lang).

*******************************************************************************

Ang sanaysay na ito ay buong kapal ng pagmumukha ko sanang ilalahok sa ika-apat na patimpalak ng Saranggola Blog Awards ngayong 2012. Subalit napakaraming personal na tanong pala ang dapat sagutin para makasali sa patimpalak na ito kaya’t kumambyo ako paatras. SBA Application Form

Sayang naman ang napakaraming araw (7) kong ginugol para dito kaya ipinost ko na din kahit na hindi ko na isinali sa contest :)

Maraming salamat sa mga nagbasa.

About these ads


Categories: Halu-halo

Tags: , , , , , , ,

52 replies

  1. Na miss ko tuloy ang angeles, lalu na Didi’s pizza at Dinuguan sa Nepo palengke.
    Nice post : )

  2. Sayang! Kung nilahok mo yan, edi sana pala may magpapasyal sa akin sa Angeles nung pumunta ako last month.

  3. Ganda naman po ng lugar nyo. :)
    Gusto ko pong puntahan dyan ang Mt. Pinatubo, mahabang lakarin, parang masaya( magaganda din kasi ang nakita kong kuha ng larawan ng mga pumunta doon), iyon naman ay kung kakayaning taluntalunin ng froggy ‘yon =}. hot air balloon gustong gusto ko iyon, kahit panoorin ko lang sa paglipad, masaya na…. ;) (baka di pasakayin ang over weight kaya di na ipagpipilitan hehhe)..
    …ay wala kaming car. Sana di sobrang hirap mamasahe pag-iikot sa lugar nyo.
    (medyo nangarap mg-ikot sa lugar nyo at tikman na din ang SISIG!)
    Hallo po….^_^

    .

  4. Ang Ganda ng lalawigan mo! :)

  5. napahinto ako sa larawan ng sisig.. ehehehehe.. napakaganda ng pampanga!!

    • hello pot, haha mahilig ka rin ba sa sisig? kahit isang linggo ko itong ulam hindi ko ito susukuan haha

      makapasyal ka sana sa pampanga balang araw. pangarap kong magkaroon ng mala-akihabara na area sa amin, mas masaya nun sigurado hehe hindi yung mga maid ang tinutukoy ko ha, yung mga electronics :D

  6. why oh why?? Sayang di mo nilahok sa SBA .. :(

    Gaya nga ng sabi ni lipadlaya . nirerespeto namin ang desisyon mo.

    • hello bagotilyo, salamat sa pagbisita at pag-iwan ng comment. paranoid lang talaga ako pagdating sa pagbibigay ng personal na detalye lalo na kung hindi ko alam kung para saan ito hehe

      marami kaming pinatay mo sa inggit sa pagkikita ninyo ni boss eros hehe

  7. sir,, kamusta? marami rin akong kaibigang taga pampanga, masasarap silang magluto..
    noong huli kong bakasyon, pumunta kami sa subic.. nag-enjoy naman, at balak uli naming bumalik sa pampanga para makita pa yung ibang magagandang lugar diyan…
    nga pala, oo nga noong una, medyo nag-alangan din ako sumali dahil sa dami ng tanong, tapos, bawat taon, ibang rules. pero heto ako ngayon, loyalista ng SBA simula ng SBA 1. iba rin kasi experience… at alam ko, hindi naman nila pinapublish yung personal details mo… tanungin mo na lang si bernard…. hehehe
    magaling kang magsulat, iba rin yung atake sa bawat post mo, malay mo, tulad ko, mahahasa pa tayong lalo ng Saranggola..
    anu’t anuman, nirerespeto ko yung desisyon mo… at magbago man o hindi ang pasya mo, patuloy akong bibisita dito para magbasa at matuwa sa sinusulat at dinodrowing mo.. salamat sir…

    • s-si lipadlaya ka nga ba? isang karangalan sa akin ang pag-ukulan mo ng pansin, may mga nabasa na ako sa mga sinulat mo, lalo na yung sa KM entry mo.

      maraming salamat sa mga iniwan mong magagandang salita, wala sanang istir hehe naka-schedule na rin ang pagba-back-read ko ng mga sulat mo para makapulot ako ng mga techniques :)

      sana magkaroon ako ng pagkakataong makadaupang palad ka sa susunod na makapasyal ka sa pampanga.

      oo nga, medyo nanghihinayang din ako sa hindi pagsali sa SBA, matagal-tagal ko din itong inabangan, at nung dumating na eh di pala ako sasali haha

      hindi kasi ipinaliwanag kung para saan ang mga detalyeng hinihingi ni ser umali, bagamat hindi naman siguro nya ibebenta ang mga impormasyon ng mga kalahok, nag-iwan sana sya ng disclaimer o kaya paunawa kung para saan yung mga picture at personal bio-data na hinihingi ng contest. hindi ako makakapag-comply sa requirement kaya di na ako sumali, paranoid lang hehe :D

  8. Tambay ako ng Pampanga, nag Two months training ako dun sa Clark… Sarap mag jogging sa oval at masaya magduty free. Tapos night out sa angeles.. Meron kami pinupuntahan dyan, Club Bossa… Its quite a nice place jampacked lagi…

    • hello binky, salamat sa muling pagbisita :)

      sa mga pang-mayaman na spots ka pala nagta-tambay hehe hanggang sa gilid-gilid at harap lang ako ng gate ng mga mamahaling club at resort eh :D

      • Ngek, pang mayaman ba iyong mga lugar na iyon? Libre kasi kaya di ko alam… Haha mayaman sa kaibigan siguro sila ang taga libre eh… :)

        Ang isang gustong gusto ko gawin (pangarap na lang ata) dyan sa pampanga, ung pinatubo trecking… Sana magawa ko next year ..

        • hi binky, mabuti ka pa, mayaman sa kaibigan na nanlilibre, pakilala mo naman ako sa kanila hehe :D

          ako man ay may pangarap na maka-akyat at makapag-swimming sa crater ng pinatubo, magagawa mo iyan next year, tamang pagpa-plano at pagba-budget lang ang kailangan at matutupad iyan…yayain mo mga kaibigan mo, tapos banggitin mo na din ako ehehe (kapal muks)

          • hahaha pwede!! kaya lang ung mga rich friends ko puro mga nakapunta na dun.. :( batanes na next venture nila.. :( ang isa sa mga pinapangarap ko pa ding puntahan.. :( ano ba ito puro pangarap na lang?? hay!

            pagbubudget ba ika mo? hmmmm, magkano na nga ang kailangan para sa maayos na pamumuhay?

  9. hindi ko pa natry galugarin ang pampanga ….

  10. Hindi mo nabanggit maraming magagaling na manunulat diyan sa Pampanga. Kabilang ka na. Sayang. Napaka-informative at totoo. Mapasyalang nga ang Pampanga. Sa inyo ako tutuloy. Lol

  11. haha, natuwa ako sa maganda, magaan yet very informative mong post about your city, kapatid. nagustuhan ko ang puns… i have several Kapampangan friends – good-looking, mahilig sa food and good times, haha. nakita ko ang Angeles when the base was still run by the Americans and pagkaalis nila. natuwa ako noon sa route and rules ng traffic sa Clark. ayon… hello! regards ;)

    • salamat sa pagbabasa at pag-iwan ng comment, san :) napuntahan mo na pala ang bagong clark, actually walang natutuwa dun sa rules ng traffic sa clark eh, magulo kasi. ang dali magkamali, para s’yang trap sa mga baguhang driver :D

      at ay naku, good looking talaga ang mga kapampangan, sinabi mo pa hehe

      • you’re welcome, nakakatuwa at informative usually ang ‘yong posts… oo, wala yata akong kakilalang Kapampangang di good-looking, haha. about the traffic, a few years back pa ang tinutukoy ko, hindi itong recent… hala pa, kasama you sa good-looking? baka nagge-generalize ako hastily, di kaya? hehe… have a good weekend! ;)

        • ah matagal na ba nung last ka napasyal sa angeles? mas marami na mapapasyalan sa clark ngayon pero andun nga lang yung pasaway na traffic rule.

          para namang hinahamon mo akong i-post yung pic ko dito para lang mapatunayang hindi ka nagkamali sa impression na good looking ang mga kapampangan eh, ayan na, ipo-post ko na…joke hehe happy weekend din :D

  12. goodluck muna sa iyo :)
    at salamat sa mga impormasyong nakuha ko about sa angeles pampanga. at hnd ko din naisip na malaki nga pala talaga ang pampanga. ang balita masusungit daw mga kapampangan? pero batid kong mgaganda at gwapo mga kapampangan :-D

    • hello kayedee, salamat sa like at comment, hindi ko na isasali ito sa contest, hindi ko kasi maibigay yung mga personal info na hinihingi sa akin eh, natatakot ako ma-discover ng regal films (tama ba?) para sa bagong sequel ng shake rattle and roll.

      hmmm, ngayon ko lang narinig yung tungkol sa impression na masungit, ang alam ko lang maingay at mayabang, masungit na din pala haha friendly ang mga kapampangan.

      hindi ka nagkakamali sa sinabi mong magaganda at gwapo ang mga kapampangan, parang gusto ko na nga tuloy i-post yung pic ko dito para patunayan sa lahat na totoo ang sinasabi mo eh :D

  13. I think when I go back to the Philippines, I’ll check out Pampanga. I was in manila for 7 weeks in 2010, but the farthest I went to was Bagio and Taal. There was so much to do in manila, alone. But I’ll try to go farther. 90 km. is just 50 miles. Not really far, isn’t it? My mother wanted to go to that place where they sell Christmas lanterns. We should have found the time to visit. Well, next time.

    • Hi renx, thank you for stopping by and leaving a message :) From Manila, Pampanga is just about 2 to 3 hours drive (including traffic jam). Yes, you’ll find lots of lanterns in Pampanga. We have the lantern festival going on there every year too. I do hope you get a chance to visit my hometown some time :D

Mag-iwan ng mensahe

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 2,953 other followers

%d bloggers like this: